BLAKE
Kinamot ko ang aking ulo dahil may narinig akong putukan sa harapan ng hideout.
“Umabot pa talaga sa ganito.” Bulong ko sa aking sarili.
Sinulyapan ko ang aking relo at nakita kong pasado alas-diyes na ng umaga. Tinapik-tapik ng aking hintuturo ang manibela dahil naiinip na ako sa kahihintay. Sigawan dito, tilian doon—parang normal na sa aking pandinig ang mga ito sa dami na ng operasyong aking naranasan.
“Hm-hm, so nakapasok na ang team ko… Hm-hm, safe na ang mga victims… Hm-hm, nadakip na ang mga tauhan…”
Kausap ko sa sarili ko habang inaalisa ko ang mga nangyayari sa loob ng hideout base sa mga naririnig kong mga boses.
“Any moment now…” Dagdag ko at nakatingin ako sa malaking manhole.
Hinayaan ko ang aking team na i-infiltrate ang hideout. May tiwala ako sa aking Staff Sargeant na si Alfred dahil batikan na ito sa aming ginagawa. Pumwesto ako malapit sa manhole upang abangan ang big boss. Dahil Sedan ang palagi kong dalang sasakyan ay nagpapanggap akong taxi driver. Nilalagyan namin ng fake taxi roof sign ang aking kotse sa tuwing may operasyon kaming ganito.
Sumagi tuloy ang babaeng naka-pulang dress sa aking isipan. Napangisi ako sa aking nagawa kanina at hindi ako makapaniwalang napapayag ko siyang sumakay kahit wala namang top light na ‘taxi’ ang aking sasakyan. Pero mas lalo akong natawa sa aking sarili dahil para akong bata na hindi nakapagsalita ng maayos nang ako ay kanyang kausapin.
Naputol lang ang aking pagmumuni-muni nang makita kong umangat ang takip ng manhole. Sinuot ko kaagad ang aking cap at shades. Nang makita ko na si Sapron na lumabas ang ulo sa manhole ay mabilis kong ibinaba ang salamin ng aking kotse. Inabangan ko ang kanyang pagtakas at matulin kong pinaandar ang aking sasakyan para masabayan ko ang kanyang pagtakbo.
“Taxi???” Sigaw ko.
Napalingon si Sapron sa akin. Pawisan ito at natataranta kung saan tutungo. Mabilis akong bumaba sa sasakyan at binuksan ko ang pinto sa passenger seat. Sa sobrang kalituhan nito ay napasunod ko siya sa aking gusto. Pumasok ito sa aking kotse at kaagad kong ni-lock ang mga pinto.
“Saan tayo, Sir?” Tanong ko sa kanya.
“Basta ilayo mo ako sa p*tanginang lugar na ito! Dali!!!” Sigaw niya sa akin.
Pinagmasdan ko siya sa rearview mirror. Minulagatan niya ako at muling sinigawan.
“Bingi ka ba???” Sabi nito at tinutukan ako ng baril sa sentido.
Ngumisi ako at yumuko. Tinanggal ko ang aking shades na suot at bigla ko siyang sinuntok sa mukha. Nawalan ito ng malay at mabilis ko siyang pinosasan sa kamay. Kinuha ko ang radyo sa tabi ko at kinausap ko ang aking mga kasama.
“Are you done, ladies? Sleeping beauty is here.” Sambit ko, sabay sipsip sa kapeng tinake-out ko sa McDo.
---
LARA
Inabot sa akin ni Sir Allan ang kanyang panyo. Tumulo ang kaunting dugo sa aking labi dahil sa lakas ng sampal ng ina ng aking kliyente sa akin kanina. Kinuha ko ang panyo sa kanyang kamay at matipid na ngiti ang aking tinugon. Pagkatapos ay sinulyapan ko si Mrs. Wong sa kanyang tabi at hinahabol pa rin niya ang kanyang paghinga sa panggigigil nito sa akin. Kung wala lang kami ngayon sa sasakyan ng mga pulis ay sinabunutan na ulit ako nito.
Bago kami makababa sa police station ay inayos ko muna ang aking buhok. Alam kong ako ang pag-iisipang may kasalanan nito pero kahit papaano ay ayokong magmukhang kawawa. Inayos ko ang nayuping puff sleeves ko at pinunasan ko ang bumakas na kalmot ng ina ni Sir Allan sa aking leeg. Lumunok na lamang ako at inihanda ang aking sarili.
---
“Siya! Siya Sir ang may kasalanan! Kung hindi niya nilandi ang anak ko ay hindi kami aabot sa ganito! Isa pa, siya ang unang sumabunot sa akin! Gumanti lang ako! Haliparot ka!!!” Pasunggab na sigaw ni Mrs. Wong sa akin.
Sinubukan na naman niya akong sabunutan at hindi ako kumilos sa aking kinauupuan. Inawat siyang muli ng kanyang anak at ilang mga pulis na naroroon. Huminga ako ng malalim. Alam kong nakikiusyoso na ang lahat sa amin dahil sa ingay ng aking kaharap. Sinikmura ko lahat ng panlalait at pagtawag sa akin ng ‘malandi’ ni Mrs. Wong. Nanatili akong nakayuko kahit na masasakit na ang kanyang mga binibitawang mga salita.
Hindi ako puwedeng umangal dahil gaya ng sabi ko sa sarili ko kanina, para ito sa kapakanan ng aking pamilya.
“Idedemanda kita! Walang hiya ka! Pera lang ang habol mo sa anak ko! Ang kapal ng mukha—”
Lumuhod ako sa kanyang harapan. Nilamukot ko ang aking mga kamao dahil gusto kong maluha sa awa ko sa aking sarili.
“Paumanhin po, Mrs. Wong. Inaako ko po ang kasalanan. Huwag po kayong magalit sa inyong anak. Mabuting tao po si Allan at—”
“You, son of a b***h!!!” Sigaw ni Mrs. Wong at sinubukan niya akong tadyakan.
“ENOUUUGH!!!” Sigaw ni Sir Allan at itinulak niya ang kanyang ina.
Pagulat na napaupo si Mrs. Wong sa silya. Tumingala ako at nakita kong pulang-pula na sa galit ang kanyang anak. Kinamot niya ng marahas ang kanyang ulo dahil sa kanyang pagkainis.
“Ma!!! Tama na!!! Kung hindi mo pa ititigil ‘yang kabaliwan mo ay wala ka nang makikitang anak bukas! Sawang-sawa na ako sa pangdidikta mo! Kung ayaw mong ipamana ang negosyo sa akin, fine! Kung hindi mo ako bibigyan ng pera, fine! Wala akong pakialam! Ikakama ko ang babaeng gusto ko, papakasalan ko ang babaeng gusto kong maging asawa, at lalayas ako sa pamamahay mo!”
Natameme kaming lahat sa istasyon.
In fairness, Manong Chinese got balls!
---
Kuhang-kuha ng coke na binili ko ang saya ko. Sinimot ko ang tamis nito at talaga namang napapangiti ako kahit na bugbog-sarado ako kay Mrs. Wong kanina.
Habang nagpapahinga ako sa parke sa labas ng istasyon ay nakita ko si Sir Allan na patakbong lumalapit sa akin. Kinawayan ko siya at ako ay tumayo. Pagdating niya sa aking harapan ay yumuko ito ng sobrang baba. Nagulat naman ako sa kanyang ginawa.
“I am so sorry for what has happened, Miss! Sobrang sorry talaga! Ako na ang humihingi ng pasensya sayo!” Naluluhang sambit ni Sir Allan sa akin.
Napahawak ako sa aking dibdib sa pagkahabag. Inabot ko ang kanyang mga balikat upang itayo siya ng maayos.
“Okay lang ‘yun, Sir Allan, ano ka ba! Kasama po iyon sa usapan natin diba?” Nakangiti kong sagot sa kanya.
Napangiti ko si Sir Allan at pinunasan niya ang luha sa kanyang pisngi. Pagkatapos ay bumunot ito ng sobre sa likod ng kanyang pantalon at iniabot niya ito sa akin.
“Miss, ginawa ko nang P30,000.00. Sobrang salamat talaga sa malaking tulong—”
Itinulak ko ang sobre sa kanya.
“Naku, Sir! Sobrang laki po! Bawasan mo. Twenty-kiyaw lang ang kasunduan natin—”
Kinuha ni Sir Allan ang aking mga kamay at ibinalot niya ang mga daliri ko sa sobre.
“Utang ko sayo ang kalayaan ko, Miss. Walang katumbas na pera ang tulong na ginawa mo sa akin. Pumayag na si Mama na makasal kami ng aking kasintahan. Tatanawin ko itong malaking utang na loob.”
Ngumiti ako at napasinghot na para akong maluluha sa kanyang minutawi. Napakalaking tulong ng halagang ito sa akin at natutuwa akong nakatulong din ako sa kanya.
“Walang anuman po, Sir Allan. Basta ipangako mo sa akin na mamahalin mo ang future wife mo at hindi ka madadala sa tukso, ha?” Biro ko sa kanya.
Napakamot ito sa kanyang ulo at nahiya.
“Oo, Miss. Sorry talaga kanina. Hindi na mauulit iyon. Mahal ko ang aking wife-to-be.”
“Good! So, I guess… our transaction is complete?” Nakangiti kong wika at inabot ko ang palad ko sa kanya.
Nakipag-handshake ito sa akin at pinisil niyang muli ang aking kamay bilang pasasalamat.
“Thank you, Miss. Hindi ko man alam ang totoong pangalan mo, pero kapag nakita kita sa daan, kakawayan talaga kita.”
“See you around then. Happy wedding.” Sambit ko bilang huling pamamaalam sa kanya.
Pareho kaming natawa sa aking sinabi.
---
BLAKE
Inunat ko ang aking mga kamay dahil napagod ako sa kaka-encode ng report pagkatapos ng aming operasyon. Tinanggal ko ang aking suot na pang-itaas sapagkat naiirita ako sa pagkahapit ng aking t-shirt. Lalabas na sana ako at kukuha ng mainit na tubig sa kusina nang may marinig kaming sigawan sa kabilang parte ng istasyon. Nagkatinginan kaming lahat ng mga tauhan ko at sabay-sabay kaming tumakbo sa pintuan para makiusyoso.
Nakita ko ang isang babae na naka-pulang dress at nakayukong nakaupo sa sumisigaw na matandang babae. Lumapit pa ako ng kaunti sa salamin ng aming pintuan para mamukhaan ko ito.
Biglang nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto ko kung sino siya—siya ang babaeng maganda na isinakay ko kanina!
Hinablot ko ang doorknob para lumabas sa aming opisina ngunit hinila ako sa baywang ni Alfred.
“Oh, oh! Saan ka pupunta? Mag-damit ka nga!” Wika nito.
Napatingin ako sa aking sarili. Tumakbo ako pabalik ng puwesto ko at sinuot ko ang aking damit. Pagkatapos ay muli kong binuksan ang pinto ngunit pinigilan ulit ako ng aking matalik na kaibigan. Minulagatan ko siya at napaurong ito. Lumabas ako sa aming opisina at lumapit ng kaunti sa kanila para marinig ko ang usapan.
Nakita ko kung paano awayin ng matandang babae ang babaeng maganda. Narinig ko ang lahat ng kanilang usapan at nanlambot ang katawan ko sa aking nalaman.
“…So she has a boyfriend…” Malungkot na bulong ko sa aking sarili.