SA sobrang pagnanais ni Camille na kalimutan ang lalaki ay nagpalit ito ng numero at itinapon ang mga bagay na may kinalaman at maaring magpaalala sa kanya kay Ivan. Ngunit hindi natahimik si Ivan at sinadya siyang puntahan nang hindi na siya makontak.
Sandaling nagkulong muna si Camille sa kanyang maliit na opisina at umiyak. Kanina lang ay pinagtabuyan niya si Ivan nang magtangka itong magpaliwanag sa kanya. Sa sobrang sakit ng kanyang kalooban ay hindi pa siya handang makinig sa ipaliliwanag ng lalaki. Isa pa, mukhang wala naman itong ipaliliwanag pa dahil malinaw na ang lahat sa kanya. Baka maniwala lang siya sa kung anong kasinungalingan pa na sasabihin nito.
“Tapos na ang palabas, ‘di pa ba tayo aalis?” anang isang babae sa passenger seat ng puting kotse na nakaparada ‘di kalayuan sa Camille’s Coffee Shop. Saksi ang mga ito sa pagtataboy na ginawa ni Camille kay Ivan kanina palabas ng shop.
Binalingan nito ng katabi at ngumiti, ngiting tagumpay na may halong pagkainis.
“I’ll make sure na hindi na siya babalikan ni Ivan. ‘Wag siyang mag-alala iimbitahin ko naman siya sa kasal namin. And this is the last time na pupuntahan ni Ivan ang babaeng ‘yan. I swear!” tumawa ito ng malakas.
“At ano naman ang gagawin mo, Cassandra?”
“Just wait and see my friend.” Sabay nagtawanan ang dalawa pagkuwa’y pinaharurot na ang sasakyan.
ISANG araw, bigla na lang nakaramdam ng pagsama nang pakiramdam si Camille. Kinutuban siya na baka nagbunga ang nangyari sa kanila ni Ivan. Hindi nga siya nagkamali nang mag-pregnancy test, positive na buntis siya. Napaluha siya sa saya dahil magkaka-baby na siya pero lubos na nagdurusa ang kanyang kalooban dahil naisip niyang wala itong kagigisnang ama. Tanging si Grace pa lang ang pinagsabihan niya ng kanyang problema. Natatakot kasi siyang malaman ito ng kanyang mga magulang. Matapang, disciplinarian at mahilig sumabak sa gulo ang kanyang daddy lalo na kapag alam nitong agrabyado ito, bagay na iniiwasan niyang mangyari.
Hindi ito takot kahit sino pa ang makabangga at ayaw niya na maging sanhi ng kaguluhan ang sitwasyong namagitan sa kanila ni Ivan. Isa pa, may sakit din sa puso ang kanyang mommy.
“Ma’am, hindi naman po sa nakikialam ako, pero ‘di ba dapat naman talaga malaman ni Ivan na buntis ka? Isa pa, kailangan ng bata ang financial support, kahit iyon man lang.”
“Kaya kong palakihin ang bata na wala ang financial support ni Ivan.” Sinusubukan niya maging matapang pero sa loob niya ay durog na durog na siya.
“Ma’am, hindi ba parang pinagkakait niyo sa bata ang karapatan niyang makilala ang kanyang tunay na ama?” Agad siyang natigilan. Tama si Grace may karapatan nga ang kanyang anak. Ang kapal din naman ng mukha ng Cassandra na iyon at binigyan pa talaga siya ng imbitasyon sa kasal para pasakitan siya.
“Tingnan ko lang kung ano ang magiging reaksyon ni Ivan at ng pamilya nito kapag nalamang buntis ako.”ngitngit niya kasabay ng pagpunit ng invitation card.
Pinahid niya ang luha na lumandas sa kanyang pisngi. Ngayon ay mas naging matapang ang kanyang anyo. Ipaglalaban niya ang karapatan ng kanyang anak.
Buo na ang desisyon ni Camille na harapin si Ivan tutulan niya ang kasal nito alang-alang sa baby niya.
NASA bungad na siya sa pintuan ng simbahan. Agaw pansin ang napakagandang aile na napuno ng naggagandahang mga puting rosas. Kasalukuyang nagsasalita ang pari at pagkatapos ay nagpalitan ang dalawa ng kani-kanilang wedding vows. Nag-umpisang pumatak ang kanyang mga luha at tahimik na nakatayo lamang sa dulo ng mga upuan. Lalong nadurog ang kanyang puso nang i-anunsyo ng pari na ang mga ito ay mag-asawa na. Pinapanood niyang magkaharap na ngayon sina Ivan at Cassandra na naka-sideview naman sa karamihan. Ngiting-ngiti ang lalaki na tila punong-puno ng pagmamahal habang nakatitig sa babaeng kaharap. Kasabay ng pagtaas ng nakatabing na belo sa mukha nito at masuyong hinalikan ang bride.
Gusto niyang sumigaw ng malakas, gusto niyang ipaglaban si Ivan. Pero may laban pa ba siya? Gayong halata namang iniwan na talaga siya ni Ivan at pinili nito ang bestfriend? Ano pa ba ang kanyang laban? Ipapahiya lang niya ang kanyang sarili.
“I’m so sorry, baby, hindi ko pala kaya. Sorry kung hindi kita kayang ipaglaban sa daddy mo…” patakbo siyang lumabas ng simbahan.
Hindi niya alintana ang pagbuhos ng malakas na ulan kasabay ng pagbuhos ng kanyang mga luha. Mabuti iyon dahil walang makakikita ng kanyang pagluha bukod sa langit. Hiniling niya na sana ay panaginip lang ang lahat. Patuloy siya sa paglalakad na tila walang direksiyon kung saan papunta. Bigla siyang napahawak sa kanyang puson nang makaramdam ng kirot.
“Baby, okay lang si mommy…’wag kang bibitiw kaya natin ‘to, ako ang bahala...” Wala pa ring patid ang pag-agos ng kanyang mga luha. Natakot siya dahil nakita niyang may mainit na pulang likido na umagos sa kanyang mga hita. Bigla siyang nataranta.
“Hindi, hindi ako papayag na mawala ka, baby…tulong! Tulungan niyo ako!” malakas na sigaw niya habang patuloy sa paglalakad.
MABILIS ang paggalaw ng winshield wiper dahil sa lakas ng ulan. Halos hindi makita ni Izaiah ang daan. Nilinga niya ang kapatid sa katabing upuan at ngingiti-ngiti ito.
“Is there’s anything funny?” pansin niya.
“Nah! I just remembered, Dad was so desperate to find a woman for you. Bakit nga ba hindi mo na lang pakasalan ang Arabella na ‘yon? Matagal nang wala si Ate Amber, she can understand you,” anang si Julius. Palagi kasi siyang nirereto ng daddy niya sa anak ng kumpadre nito. Kanina lang ay iyon ang topic nilang mag-anak bago umalis ng bahay.
“Ikaw na lang kaya magpakasal sa kanya, tutal ikaw naman ang nakaisip,” tugon niya.
“No! No! No! She’s not my type. Isa pa marami nang naghahabol sa’kin, I can’t manage anymore. Teka, wala na bang ibibilis ‘yang pagda-drive mo, Kuya? Umuulan na, baka ma-late na ako sa flight ko,” reklamo nito.
“Easy ka lang maaga pa naman. Masyado kang excited d’yan. Eh, ano naman kung hindi ka matuloy sa States. I can give you a better job here. Ayaw mo lang kasi ako tulungan sa kompanya.”
Umiling si Julius, “I’m not interested, Kuya, alam mo namang iba ang hilig ko. Wala akong background sa architecture.” Si Julius ay isang sikat na artist sa States. Nag-e-enjoy ito sa ganoong klaseng buhay. Balak na nga rin nitong mag-settle down doon. Hindi naman niya ito mapigil dahil alam niyang iyon talaga ang pangarap ng kanyang kapatid.
“Kuya, look out!” malakas na sigaw ni Julius. Agad namang nakapagpreno si Izaiah na halos sumubsob na ang kanyang mukha sa manibela.
Parang tumigil ang paghinga niya nang makita ang babaeng nakabulagta sa harapan.
“Oh, my God! Did I hit her?! Hindi naman ‘di ba?” namumutlang tanong niya.
“What the—“ sambit ni Julius.
Agad na lumabas ang magkapatid sa sasakyan kahit umuulan at tiningnan ang babaeng nakahandusay sa harap ng kanyang kotse.
Napasinghap si Izaiah nang makilala kung sino ang babaeng nakahandusay.
“Oh, No! Camille?!” Agad niya itong nilapitan.
“Do you know her?!” tarantang tanong ni Julius.
“Open the door!” Hindi pinansin ni Izaiah ang nagtatanong na si Julius.
“You don’t have to do that, just wait for the ambulance!”
“Alam kong hindi ko siya nabangga, nakapag-preno ako!”
“But there’s a blood, Kuya!”
Dali-dali niya itong pinangko at isinakay sa kotse na hindi pinakinggan ang kapatid. Si Julius na ang nag-drive habang siya naman ay hawak-hawak si Camille na nakaunan sa kanyang mga hita.
“Come on, wake-up, Camille, please! Bilisan mo, Julius!”
“That’s what I’m doing!” Pilit na lumulusot ito sa mga sasakyan at panay ang busina nito.
Kanina lang ay nagrereklamo ang kapatid sa mabagal niyang pagpapatakbo. Ngayon naman ay siya naman ang nagrereklamo sa mabagal na pagpapatakbo nito na hindi naman puwedeng paliparin at baka mahuli sila.
Sinugod nila si Camille sa pinakamalapit na hospital. Samantalang si Julius ay napilitan na lamang mag-taxi papuntang airport. Biglang napatayo si Izaiah nang lumabas ang doktor mula sa emergency room.
“Doc, kumusta ang pasyente?”
“Don’t worry, Mister, ligtas na po ang asawa niyo.” Namilog ang kanyang mga mata at tumingin sa kanyang gilid at sa likuran kong may ibang kausap ang doktor bukod sa kanya. Pero siya lang naman ang nakatayo roon.
“I’m sorry?” pag-klaro nitong naningkit pa ang mga mata.
“Sabi ko ligtas na ang asawa mo at ang baby. Nahimatay lang siya.”
Natigilan siya’t napangiti na lang ng alangan sa kaharap.
“Ah, Doc, hindi ko siya asawa. But you said, buntis siya?”
Natawa na lang ang doktor at humingi ng paumanhin dahil napagkamalan siyang asawa ni Camille.
Agad na tinawagan niya ang kanyang sekretarya na puntahan ang coffee shop at ipaalam kay Grace na nasa hospital ang kanilang amo. Umaasa siyang kahit papaano ay may contact si Grace sa pamilya ni Camille.
Nang magising si Camille ay nasa hospital na siya. Agad siyang napahawak sa kanyang impis na tiyan. Napatingin siya sa lalaking nakabantay lang sa kanya. Bago dumilim ang kanyang paningin kanina ay naalala niya ang papalapit na sasakyan sa kanya.
“Kumusta na pakiramdam mo? Ayos ka na ba?” Nakatingin lang s’ya sa mukha ni Izaiah.
“Izaiah?”
“Mabuti’t nagising ka na.”
“Y-yong baby ko? Okay ba siya?” bakas ang takot sa kanyang mukha. Kanina lang ay nakaramdam siya ng matinding sakit ng kanyang puson.
“Don’t worry, your baby is safe now. I’m so sorry. Natakot ako, muntik na kitang masagasaan kanina. Handa akong harapin ang asawa mo, I can explain to him. Hindi ko talaga sinasadya.” Bakas sa mga mata nito ang pag-aalala.
Nakahinga nang maluwag si Camille at nagpasalamat na walang nangyaring masama sa kanyang baby. Iniisip pala ng lalaki na may asawa siya. Kung hindi sana ikinasal si Ivan ay proud siyang sabihin na magiging asawa niya ito. Muling uminit ang kanyang mga mata. ‘Tska naman ang pagpasok ng doktor sa silid na nakangiti sa kanila.
“Gising kana pala, I advise not to stress yourself too much makasasama sa baby mo medyo maselan kasi ang pagbubuntis mo. But don’t worry, bibigyan na lang kita ng mga vitamins para mas malakas ang kapit ni baby, okay?”
“Ano’ng sinabi mo, Dok?! Buntis ang anak ko?!” anang daddy niya na kapapasok lang ng silid. Kasunod nito ang kanyang mommy at si Grace. Nagitla siya’t hindi alam ang kanyang gagawin. Ito na ang isa sa mga kinatatakutan niya, ang malaman ng mga ito ang katotohanan. Hindi niya ito napaghandaan. Narinig nito ang sinabi ng doktor na nagdadalantao siya.
“Camille, totoo ba?!” matapang ang anyo ng kanyang daddy na nakatingin sa kanya at sunod na bumaling kay Izaiah.
“At ikaw, binuntis mo ang anak ko nang wala man lang pasabi? Loko ka, ah! Ni hindi mo na kami ni-respeto na mga magulang niya!” agad na hinablot nito ang kuwelyo ni Izaiah.
“Dad! Teka lang, magpapaliwanag po ako!” napahawak siyang muli sa kanyang tiyan dahil tila kumirot ito.
“Let me explain, Sir,” ani Izaiah. Mukhang napasabak pa siya ngayon sa gulo.
“Excuse me,” pumagitna na ang doktor, “daanin niyo po sa maayos na usapan. Huwag po ninyo bibigyan ng stress ang anak n’yo. Alalahanin n’yong muntik na siyang makunan.”
Agad na binitiwan nito ang kuwelyo ni Izaiah at galit na bumaling sa umiiyak na si Camille.
“Ipaliwanag mo ang lahat ng ‘to, Camille!” ma-awtoridad na sabi ng ama.