Chapter 10: The Real Deal

1018 Words
Sa paglipas ng mga araw matapos ang ginawang pagtatapat ni Eli sa isang pampublikong paghingi ng tawad, patuloy niyang pinatunayan kay Sam na seryoso siya. Hindi lang ito sa pamamagitan ng kanyang mga salita, kundi sa mga maliit na bagay na kanyang ginagawa—ang pagbabalik ng tiwala na minsan niyang nawala. Alam niyang hindi ito madaling proseso. Kahit pa nalantad na ang mga kasinungalingang ginawa ni Tiff, kahit pa napatunayan niyang walang ibang babae sa buhay niya kundi si Sam, nananatili pa rin ang mga sugat ng nakaraan. Ngunit hindi siya sumuko. Isang araw, iniwan niyang muli ang paboritong libro ni Sam sa kanyang upuan sa library, may nakadikit na maliit na sulat: "Alam kong mahirap akong paniwalaan noon. Pero gusto kong malaman mo na kailanman, hindi ako magsasawang subukan ulit."  Hindi ito inaasahan ni Sam, ngunit hindi niya rin mapigilan ang ngiti sa kanyang mga labi. Hindi pa man niya kayang sabihin nang direkta, alam niyang unti-unti nang lumalambot ang puso niya para kay Eli. ___ Sa isang gabing hindi niya inaasahan, nakita niyang muli si Eli sa basketball court—ang lugar kung saan unang nagsimula ang kakaibang koneksyon sa pagitan nila. Tahimik itong nakaupo sa bleachers, nagbabato ng bola sa ere, saka ito muling sinasalo. May bumabagabag dito, at kahit hindi niya tanungin, alam niyang siya ang dahilan. Sa unang pagkakataon, siya mismo ang lumapit. “Hindi mo ba kayang maglaro nang hindi nag-iisip ng malalim?” pabirong tanong niya. Nagtaas ng tingin si Eli, at saglit na natigilan nang makita siya. Napangiti ito, ngunit may halong lungkot. “Wala ka namang idea kung gaano kita nami-miss, ‘di ba?” Alam ni Sam kung ano ang ibig sabihin nito. Alam niyang hindi lang ito tungkol sa pisikal na presensya niya, kundi ang buong koneksyon na minsang nagbuklod sa kanila. Nag-inhale siya nang malalim, saka dahan-dahang naupo sa tabi ni Eli. “Eli,” nagsimula siya, marahang tumingin dito. “Hindi ko alam kung kailan nangyari… pero isang araw, nagising na lang ako at naisip na hindi ko na kayang isipin ang buhay na wala ka.” Hindi niya alam kung paano ito masasabi sa perpektong paraan, ngunit ang alam niya lang ay iyon ang katotohanan. Napatingin si Eli sa kanya, para bang iniisip kung tama ba ang narinig nito. At doon, sa isang saglit, nakita niya ang pag-asa sa mga mata nito. “Sam…” Hinawakan niya ang kamay nito. “Tayo,” bulong niya. “Kung gusto mo pa rin.” Napangiti si Eli—hindi lang basta ngiti, kundi isang ngiting puno ng kaligayahan. “Gustong-gusto ko.” At doon nagsimula ang kanilang tunay na kwento. _____ Ngunit hindi pa rin natatapos ang laban ni Eli. Dahil alam niyang may isang bagay pang kailangang harapin—ang kanyang pamilya. Mula pa noon, planado na ang buhay niya. At kasama sa planong iyon ang isang arranged marriage—isang kasunduang matagal nang itinakda ng kanyang mga magulang, isang bagay na kailanman ay hindi niya kinonsiderang parte ng kanyang hinaharap. Pero noon, wala siyang lakas ng loob na lumaban. Ngayon, may dahilan na siya para ipaglaban ang sarili niyang kapalaran. _____ Hindi madali ang pagharap ni Eli sa kanyang mga magulang. Nang umuwi siya isang gabi upang makipag-usap, agad siyang sinalubong ng malamig na tingin ng kanyang ama at ang may pag-aalalang tingin ng kanyang ina. “Ano na namang pinaplano mo, Eli?” tanong ng kanyang ama, halatang wala sa mood para sa drama. Huminga ng malalim si Eli. “Gusto ko lang sabihin na hindi ko itutuloy ang kasunduang kasal.” Nagtagis ang bagang ng kanyang ama. “Ano?” “Hindi ko itutuloy ang kasal,” inulit ni Eli, mas matatag ang boses. “Mahal ko si Sam, at siya lang ang gusto kong makasama.” Napailing ang kanyang ama. “Eli, ilang beses na naming sinabi sa’yo—ang kasal na ito ay para sa ikabubuti ng lahat. Hindi ito tungkol sa nararamdaman mo.” “Pero para sa akin, ito lang ang mahalaga.” Napatingin si Eli sa kanyang ina, na tahimik lang na nakikinig. “Mom, hindi ba dapat ang mahalaga ay kung ano ang nagpapasaya sa akin?” tanong niya, puno ng pagmamakaawa sa kanyang boses. “Kailanman hindi ako naging masaya sa buhay na sinusubukan ninyong ipilit sa akin. Pero kay Sam… doon ko lang naramdaman na kaya kong maging totoo.” Tahimik. Hanggang sa sa wakas, nagsalita ang kanyang ina. “Bakit si Sam?” tanong nito, malumanay. “Ano ang mayroon siya na wala ang iba?” Ngumiti si Eli. “Siya lang ang nagpaunawa sa akin kung ano ang tunay na pagmamahal.” Matagal bago sumagot ang kanyang ina, ngunit nang ginawa niya ito, malambot na ang kanyang tinig. “Kailanman hindi ko gustong maging malungkot ka, Eli,” aniya. “Kung si Sam ang nagpapasaya sa’yo… siguro ay oras na para itigil namin ng ama mo ang pagpipilit.” Muling bumuntong-hininga ang kanyang ama, ngunit sa huli, tumango ito. “Siguraduhin mo lang na tama ang desisyon mo.” Sa unang pagkakataon, nakaramdam ng tunay na kalayaan si Eli. ____ Sa huling bahagi ng kanilang kwento, natagpuan nina Sam at Eli ang kanilang mga sarili sa library. Sa parehong lugar kung saan nagsimula ang lahat. Ngunit ngayong pagkakataon, walang kasunduan. Walang pagpapanggap. Si Eli ay tahimik na nagbabasa ng libro, habang si Sam ay nakasandal sa kanyang balikat, abala sa pagsulat ng kanyang notes. Walang kailangang sabihin, dahil sapat na ang presensya ng isa’t isa upang mapunan ang katahimikan. “Sam,” bulong ni Eli, inilapit ang labi sa kanyang noo upang bigyan ito ng banayad na halik. “Hmm?” sagot ni Sam, hindi inaalis ang tingin sa kanyang sulat. “Salamat.” Napangiti siya. “Para saan?” “Sa pagbibigay sa akin ng pangalawang pagkakataon.” Tumingin si Sam kay Eli, at sa sandaling iyon, hindi niya maitatangging totoo ito. Minsan nang naging isang kasinungalingan ang kanilang relasyon, pero ngayon, wala nang halong pag-aalinlangan. Tunay na. Totoo na. At higit sa lahat, ito na ang kanilang totoong simula.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD