Matapos ang hindi mabilang na pagtatangkang kausapin si Sam at ang paulit-ulit na sakit ng pag-iwas nito, napagtanto ni Eli na hindi lang siya basta nawalan ng isang tao sa buhay niya—nawalan siya ng tiwala, ng pagkakataon, at ng bahagi ng sarili niyang hindi niya alam kung paano mababawi.
Ngunit hindi siya susuko.
Alam niyang may mali. Alam niyang may isang bagay na hindi tama sa nangyari. At kung may isang bagay na natutunan niya mula kay Sam, iyon ay ang huwag tumanggap ng isang bagay bilang katotohanan nang hindi ito inaalam ng buo.
Kaya nagsimula siyang magtanong.
Una niyang nilapitan ang photographer ng campus—ang laging nasa likod ng camera sa bawat event, ang may access sa halos lahat ng larawang lumalabas sa social media ng eskuwelahan.
"Tol, nakita ko ‘tong picture na ‘to. Alam mo ba kung sino ang naglabas nito?" inabot niya ang kanyang phone, ipinakita ang larawan niyang kasama si Tiff—ang litratong naging dahilan ng lahat.
Napakamot ang photographer. "Parang familiar ‘yan, ah. Wait lang." Binuksan nito ang gallery ng kanyang camera at may hinanap.
Ilang segundo lang ang lumipas nang makita niya ang orihinal na kuha—isang larawan na malayo sa pinakalat na bersyon.
Sa orihinal na litrato, hindi malapit si Tiff kay Eli. Nasa isang sulok ito, bahagyang tumatawa habang may sinasabi sa kanya. Walang malisyang makikita sa larawan.
Napakuyom ng kamao si Eli. Alam na niya.
"Pare, may nag-edit nito," seryosong sabi ng photographer. "At alam ko kung sino ang unang nag-request sa’kin na kuhanan ‘tong picture na ‘to."
Halos hindi makahinga si Eli sa narinig.
Alam na niya kung sino.
At wala na siyang dahilan para palampasin ito.
"You did this, didn’t you? You set us up!"
Nabigla si Tiff nang harangin siya ni Eli sa harap ng mga cheerleaders. Sanay ito sa atensyon, ngunit hindi sa ganitong klaseng pagkakorner.
"Eli, ano bang sinasabi mo?" pa-inosenteng sagot nito, pilit na ngumiti.
"Alam kong ikaw ang may pakana ng pekeng larawan na ‘yon," mariing sagot niya. "Alam kong ikaw ang nagplano ng lahat para lang magkagulo kami ni Sam."
Natahimik ang buong paligid. Ang mga kaibigan ni Tiff ay nagkatinginan, tila nag-aalangan kung dapat pa ba nilang ipagtanggol ito.
"Tsk," bahagyang napairap si Tiff. "So ano ngayon kung ako nga?" Napabuntong-hininga siya, kunwari’y naiinis. "Eli, wake up. I did you a favor! Alam mo namang hindi kayo bagay ni Sam. You and I? We make sense. Siya? She's just... nothing."
Sa narinig, mas lalong nag-init ang ulo ni Eli.
"Hindi mo pwedeng sabihin ‘yan kay Sam," aniya, puno ng galit ang boses. "Hindi mo siya pwedeng basta itapon na parang wala siyang halaga."
Tumingin si Tiff sa kanya, halatang nainis sa pagtanggi nito. "Ano bang meron sa kanya, Eli? What does she have that I don't?"
Hindi na siya nagdalawang-isip pa sa sagot. "She’s real. Hindi siya tulad mo na puro panloloko at pagpapanggap lang ang alam."
At sa unang pagkakataon, wala nang naisagot si Tiff.
Kinabukasan, kumalat ang buong katotohanan. Hindi na kailangang magsalita ni Eli nang marami—mismong ang photographer at ilang estudyanteng nakasaksi sa ginawa ni Tiff ang nagsiwalat ng lahat.
At sa unang pagkakataon, si Tiff ang napahiya.
Nawalan siya ng tiwala ng mga kaibigan, ng respeto ng buong campus. At higit sa lahat, hindi na siya kailanman tiningnan ni Eli sa parehong paraan.
Ngunit para kay Eli, hindi pa ito tapos.
Dahil may isang taong kailangan niyang harapin.
Nahanap niya si Sam sa library, tahimik na nakaupo, tila walang ideya sa nangyayari sa paligid. Ngunit nang makita siya nito, bumakas sa mukha ng dalaga ang alinlangan.
"Sam," mahina niyang tawag.
Tiningnan siya nito, ngunit hindi nagsalita.
Alam niyang hindi magiging madali ito.
"Alam ko na kung sino ang may pakana ng lahat," panimula niya.
"Si Tiff ang nagmanipula sa lahat. Siya ang nagplano ng edited na larawan, siya ang nagpakalat ng kasinungalingan."
Nanatiling tahimik si Sam, tila iniisip kung dapat ba siyang maniwala.
Huminga nang malalim si Eli. "Hindi ako nagsinungaling sa'yo, Sam. Hindi kita niloko. Simula pa lang, ikaw lang ang gusto ko."
Napatungo si Sam, mariing pumikit. "Ang hirap, Eli," mahinang sagot nito. "Ang hirap paniwalaan kung kailan naging totoo ang lahat. Lalo na't nagsimula tayo sa isang kasinungalingan."
Hindi siya nag-atubili sa sagot. "Naging totoo ang lahat nang makasama kita, Sam. Naging totoo ‘to nang magsimula akong masaktan tuwing iniiwasan mo ako. Naging totoo ‘to nang maramdaman kong hindi ko kayang mawala ka."
Hindi niya alam kung sapat na ang kanyang mga salita para bumawi. Ngunit may isang bagay siyang tiyak—hindi niya kayang hindi subukan.
Tumingin si Sam sa kanya, at sa unang pagkakataon, hindi niya nakita ang galit sa mga mata nito—kundi isang bagay na mas malalim.
Pagsisisi.
At pagkalito.
At siguro, isang munting pag-asa.
"Sam," mahina niyang sabi. "Ayokong matapos tayo ng ganito."
Napakagat-labi si Sam, tila nag-aalangan. Ngunit hindi niya naalis ang tingin sa kanya.
At sa sandaling iyon, alam ni Eli—hindi pa tapos ang lahat.