Gabriel
"Yvette, kailangan ba talagang 'yan ang suotin ko? Pwede naman na naka-jeans na lang ako hindi ba?" nakakunot ang noo na tanong niya habang pinagmamasdan ang damit na naka-hanger sa may salamin.
Nilagay niya ang hintuturong daliri sa baba niya at hindi niya napigilin ang mapailing habang pinagmamasdan ang damit. Isang red backless dress na hindi man lang umabot sa tuhod niya ang haba. Maganda naman ang dress at wala siyang comment doon kaso ang naiisip niya ay parang hindi appropriate or baka over dress naman siya sa pupuntahan nila.
"Ano ka ba Gab, 'wag ka ngang NEGA as if naman na first time mo na magsuot ng ganyan at saka paano po ma-impress ang kuya ni Raffy kung hindi mo ipapakita 'yang killer legs mo." nakangiting sabi nito habang hinahagod ang hita nito at napailing na lang siya.
Maganda si Yvette 'yon nga lang ay kinulang lang ito sa height pero marami ang nagkakagusto dito. Naiingit nga siya dahil super confident nito sa sarili na minsan ay wala siya. Sa kanilang lima ay ito ang pinakakwela at walang pakialam sa sasabihin ng iba.
"Okay fine pero pagkatapos kong suotin 'yan ay ibabalik ko na rin sa 'yo ha. Ang dami mo ng damit na nabigay sa akin hindi ko na nga alam kung saan ilalagay ang iba." sabi niya rito habang pinaplantsa nito ang buhok niya.
"Hay naku, huwag mo nang ibalik 'yan mas marami pa nga 'yong sa akin na hindi ko na masuot at nasa kabinet lang. Kung maka-drama ka nang ganyan ay para kang others baka gusto mo kulutin ko 'yang kilay mo eh. Sinasabi ko naman kasi kay Mommy na huwag na akong padalhan ng mga damit pero ang kulit-kulit." sabi nito at bigla siyang napatingin dito.
"Alam ba ni Tita na sa akin napupunta ang mga damit na pinapadala niya?" nag-aalalang tanong niya dito at pinihit nito ang mukha niya paharap ulit sa salamin.
"Don't worry dear, knowing naman ni mudrakels kaya keri lang. Natutuwa pa nga siya dahil hindi nasasayang 'yong mga pinapadala niya." nakangiting sagot nito.
Pagkatapos nitong ayusin ang buhok niya ay nagsimula na silang mag-make up. Siya ang nag-apply ng make-up sa mukha nito at ito naman ang sa kanya. Maya-maya lang ay tumawag na si Anne at sinabi na papunta na ang mga ito sa Restaurant kaya nagbihis na silang dalawa.
"Naku! Marami na naman paiiyakin at sasaktan na lalaki itong si Gab." pang-aasar ni Bobby nang magkaharap-harap na silang apat sa tapat ng Restaurant.
Halos kararating lang nila ni Yvette nang mapansin nila ang sasakyan nina Bobby na naka-park sa may hindi kalayuan. Pagbaba nila ni Yvette sa sasakyan ay agad namin nakita ni Anne. Kumaway ito sa kanila at ganoon din ang ginawa nila.
"Hello Bobby, kung ang mga paiiyakin at sasaktan ko naman na mga lalaki ay 'yong hindi worthy okay lang kasi they deserve it." nakangiti niyang sagot pagkatapos makipag-beso sa dalawa at tumawa lang si Anne.
"Sa panahon ngayon hindi lang mga lalaki ang may karapatang manakit dahil hindi na pabebe ang mga babae ngayon." nakataas ang isang kilay na dagdag niya.
"If I know Gab, bitter ka lang talaga dahil sa nangyari sa inyo ni —" sabi ni Yvette na nahinto dahil tinakpan niya ang bibig nito.
"Kung ang mga salita na lumalabas sa bibig mo Yvette ay nagiging ginto siguradong mayaman na tayo ngayon dahil walang preno ang bunganga mo." sabi niya rito habang pinanlalakihan ito ng mata.
"Guys tama na 'yan kailangan na tayo ni Raffy sa loob at saka nandoon na rin si Mark kanina pa. Remember guys we're doing this for them so Lights, Camera and Action." sabi ni Anne habang papasok na sila sa Resto bar.
Pagpasok nilang apat ay halos lahat ng tao ay napatingin sa kanila dahil sa ma-eksenang entrance ni Yvette. Sinalubong agad sila ni Raffy, nilapitan siya nito at hinalikan sa pisngi. Hindi na niya kailangan na magtanong dahil alam niyang simula na ng munting palabas nila. Binulungan siya ni Raffy kaya agad niyang pinulupot ang braso sa bewang nito habang naka-akbay naman ito sa kanya.
"Relax lang bakla masyado kang tense." bulong niya kay Raffy nang mapansin na kinakabahan ito.
Naglakad na sila papunta sa isang mahabang table na naka-reserve para sa kanila. Habang papalapit ay napansin niya si Mark at may katabi itong lalaki na halatang kapatid ni Raffy dahil kahawig nito. Huminga muna siya ng malalim, pasimpleng inayos ang sarili saka ngumiti. Pinakilala muna ni Raffy ang mga kasama nila at pagkatapos ay hinawakan nito ang kamay niya para siya naman ang ipakilala nito.
"Kuya Lester, this is my beautiful girlfriend Gabriel Ynez Gamboa. Gabriel this is my brother Lester Cristobal." pagpapakilala ni Raffy sa kapatid nito at nakangiting nagkamayan sila.
Sa picture pa lang niya ito nakita noon at matagal na itong hindi naka-uwi ng Pilipinas. Usually, si Raffy ang bumisita sa mga kamag-anak nito na nasa ibang bansa. Nagkataon na sabay si Raffy at Yvette na nagbakasyon sa Dubai last year kaya nakilala ni Yvette ang kapatid ni Raffy. Kung titingnang mabuti ay mukha nga na istrikto ang kapatid ni Raffy tulad ng sabi ni Mark at base sa nakikita niya ay mukhang mahihirapan nga sila.
"Nice to finally meet you Ms. Gamboa you look more beautiful in person. At first, I didn't believe my brother when he told me about you but now I can say that my brother have a good taste after all." sabi nito pagkatapos siyang tingnan mula ulo hanggang paa sabay akbay nito kay Raffy.
"Thank you and nice to meet you too." nakangiting tugon niya rito kahit pa nga halos hindi na siya makahinga.
"Raffy, alagaan mo itong girlfriend mo dahil nakikita kong mabait naman siya at bagay na bagay kayong dalawa. I bet Mom and Dad will be glad to meet her soon. By the way I already read the reports you sent me last week and I was really impressed with the flow of the business. Now, there are no longer doubts in my mind that you will run this business very well." seryosong sabi nito at lahat sila bukod dito ang pasimpleng napangiti na sign of relief.
"Gusto ko pa sana na mag-stay for a while para naman mas makilala si Gabriel at makasama rin kita but something came up. Sorry, but I need to flight back to Dubai tomorrow but don't worry marami pa namang pagkakataon." sabi nito.
"Nice to meet you all." paalam nito sa kanila at natigilan sila.
"Talk to you later." paalam nito kay Raffy saka ito tinapik sa balikat bago ito umalis.
Lahat sila ay naiwang tulala nang umalis na ito, wala ni isa man lang sa kanila ang makapagsalita at nagkatinginan lang sila pagkalipas ng ilang sandaling katahimikan. Hindi talaga siya makapaniwala sa nangyari dahil ibang iba kasi ang inaasahan niya. Kakatapos lang nila makilala ang kuya ni Raffy at pagkalipas lang ng ilang oras ay nagpaalam na ito sa kanila.
"Ganoon lang 'yon?! Mega rehearse pa tayong lahat para sa mga susunod na mangyayari pero ganoon lang pala kasimple." litong sabi ni Anne at sabay-sabay silang nagtawanan pagkalipas ng ilang sandali.
"I think we need to celebrate!" sigaw ni Mark.
Nagkatawanan lang silang lahat at umorder na ng iinumin para mag-celebrate. Hindi pa nangangalahati ang iniinom nila nang naging upbeat na ang pinapatugtog ng DJ. Nag-umpisa na silang sumayaw sa kanilang mga pwesto at walang pakialam sa iba.
(Playing - BANG BANG BANG by Jessie J, Ariana Grande at Nicki Minaj)
"OMG! I love this song let's dance!" sigaw ni Yvette sabay higit sa kanya papunta sa dance floor at sumunod naman ang iba pa nilang kaibigan.
Yvette must really love the song kasi super sayaw ito kaya nahawa na rin silang lima sa pag-indak nito. At katulad dati ay may mga lalaking gumagawa ng paraan para makalapit at makasayaw sila na pinaka ayaw nila sa lahat. Nagkatinginan sila nina Mark, Raffy at Yvette at alam na nila ang gagawin. Lumapit si Raffy sa kanya at si Mark naman kay Yvette nag-umpisa na silang sumayaw as partner. Iyong mga galawan nila na pang-couple kaya medyo sexy sa paningin ng iba na sinadya talaga nila. Nag-eenjoy silang apat sa ginagawa nila at unti-unting lumalayo na ang mga lalaking nakapaligid sa kanila. Nagkatawanan na lang silang apat samantalang si Anne naman ay naiiling na nakangiti sa kanila.
"Punta lang ako C.R." sigaw niya sa tatlo at nag-umpisa ng maglakad papunta sa C.R.
Sa dami ng tao sa dancefloor ay kailangan pa niyang makipagsiksikan para lang maka-alis doon. Bago pa siya makarating malapit sa may entrance ng C.R ay may tumulak sa kanya mula sa likuran dahilan para ma-out of balance siya. Alam na niya ang kasunod na mangyayari kaya mariing pinikit na lang niya ang mga mata at hihintayin na lang niya na lumapat ang katawan niya sa sahig.
"Miss, are you alright?" may bumulong sa kanya at bigla siyang nalito.
Minulat niya ang mga mata para malaman kung ano ang sumunod na nangyari sa kanya. Nagtaka siya nang hindi ang sahig kung hindi ang gwapong mukha ng lalaki ang bumungad sa kanya. Nakapulupot ang braso nito sa bewang niya kaya halos ilang pulgada lang ang pagitan ng mukha nila. Naramdaman niya na nangitin ang pisngi niya nang magtama ang mata nila at biglang nanindig ang balahibo niya. Nakagat niya ang ibabang labi nang makita ang pag-galaw ng adam's apple nito at naglakbay naman ang tingin nito papunta sa labi niya. Nang ma-realize niya kung ano ang nagyayari ay tumayo agad siya ng tuwid at inayos ang damit. Ngumiti ito sa kanya at hindi niya nagustuhan 'yon dahil sa palagay niya ay may ibang ibig sabihin ang ngiti nito.
"Thank you." sabi niya sabay talikod nang akmang magsasalita ito.
Hindi na niya hinintay ang tugon nito dahil gusto na niyang makaalis sa lugar na 'yon. Pagdating sa banyo ay napahawak siya sa dibdib niya dahil hindi pa rin humuhupa ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Buti na lang at mag-isa lang siya doon sa loob ng C.R. Tiningnan niya ang sarili sa salamin at napapikit nang maalala ang mukha ng binata na naka-encounter niya kanina. Ilang beses siyang umiling para alisin ang imahe nito sa isip niya.
"I think I need more drinks." natatawang sabi niya habang nakatingin sa salamin.