Chapter 1

1915 Words
Mabilis ang ginawa kong paglingon sa aking bandang kanan nang makarinig ako ng kaluskos banda doon sa nakakumpol na mga berdeng damo. Maingat akong nagmatyag, tila lawing nagmamasid. At hindi nga ako nagkamali! Isang ngiti ang gumuhit sa aking labi, nang makita ang matabang baboy ramo na ngumangasab ng mga damo. Kung tutuusin, kaya na ng isang buong linggong kainan naming dalawa ni Malik ang katabaan at kalakihan nito. Kakaunti na lang at mauubos na ang aming naimbak na pagkain. Ako'y nangangamba, baka wala na kaming mapagkunan lalo na't nalalapit na ang taglamig sa kaharian. At isa pa, ayokong magutom lalo na't mahirap mangaso sa panahong taglamig. Pangangaso ang aming pinagkukuhanan ng kabuhayan ng matalik kong kaibigang si Malik. Ito ang bumubuhay sa amin mula pa noon. Hindi ko masasabing mahusay kami sa larangang ito, ngunit kailangan naming mabuhay sapagkat wala kaming pinag-aralan. Mabuti na lang, namulat ako sa mundo na pangangaso rin ang ginawang kabuhayan ng aking ama, kaya natuto rin ako sa gawaing ito. Hindi man magaling, kahit papaano ay may naiiuwi pa rin kaming dalawa ni Malik sa aming munting barong barong na nakatayo sa kapatagan ng bayan ng Ekron. Ang Ekron ay matatagpuan sa pinakadulo at pinakaliblib na lupain ng kahariang Windsor. Ayaw naming manirahan ni Malik sa magulong buhay ng sentro sa kaharian. Ang kagubatang ito ng Ekron ang siyang aming naging sandalan ni Malik upang mapunan ang kumakalam naming sikmura. Mahirap ang mabuhay sa kahariang ito. Kung isinilang kang mahirap, mamamatay kang mahirap. Higit sa lahat, tanging mga maharlika at mga dugong bughaw lang ang may kakayahang mamuhay sa karangyaan. Sila lang ang may karapatang makapag-aral, sa takot na baka magkamuwang kaming mamayan at maghimagsik laban sa mga ito. Kaya, heto kaming mga mamayan ng kahariang Windsor kapwa mga mangmang, tanging pagbasa at pagkwenta lang ang alam dahil mahigpit na ipinatupad ng palasyo na sapat ng marunong kaming magbilang at bumasa upang maunawaan ang alituntunin at kautusan ng kaharian. Kaya, kaming mga mahihirap at nasa laylayan ng bansang ito, ni katiting na pag asa na makaangat sa lipunan ay wala na. Mukhang suswertehen ako ngayon.Maingat ang aking ginawang pagkilos upang hindi makalikha ng ano mang ingay upang hindi maagaw ang atensiyon ng hayop na ngayo'y nakatalikod at wala pa ring tigil sa pagkain ng pinong damo. Iniangat ko ang aking dalang pana. Dahan dahang hinila ko ang lubid nito na nakakonekta sa aking matulis na palaso habang mariing itinutok ito sa nakatalikod na hayop. Seryoso kong inestema ang layo ng baboy mula sa aking kinaroroonan habang ang aking kaliwang kamay naman ay mahigpit na nakakapit sa aking pana. Bumilang ako ng tatlo sa aking isipan at inihanda ang sarili sa gagawing pag-atake, ngunit bago pa man makatatlong bilang, bigla na lang sumulpot mula sa aking likuran si Malik. Hindi pa lumipas ang dalawang segundo, bigla ko na lang narinig ang impit na atungal niya na ngayo'y nakalambitin patiwarik habang ang kanyang kaliwang paa ay kinakapitan ng mga malalagong baging na ginawa naming patibong sa panghuhuli ng baboy ramo. Dahil sa katangahan niyang iyon, kaya wala sa timing na naasinta ko ang hayop ng hindi natatamaan. Tumakbo ang baboy ramo at hindi ko na nasilayan pa. "Anak ka ng pating naman, oo!" Nayayamot kong bulyaw sa kanya na ngayo'y pilit pa rin na kumakawala sa baging na nakalambitin sa kanya. "Ang lampa mo talaga kahit kailan, Malik!" "Eh, pasensiya ka na, Pyrus." Nahihirapang saad nito kapagkuway nahihiyang ngumiti sa akin. "Naapakan ko yung patibong natin." "Mag-iingat ka kasi!" asik ko sa kanya. Dahil sa inis, padabog kong hinugot ang aking balisong na nakakabit sa aking bewang. Bigla kong pinutol ang baging na nakapulupot sa kanyang paa dahilan para pabulosok siyang mahulog sa lupa. Narinig ko ang pag-aray ng lalaki pagkalapag niya sa mabatong binagsakan niya. "Ang sama mo talaga sa akin!" nakangusong saad niya, animoy nagtatampo. "Wala ka talagang pagmamahal sa akin, Pyrus!" Nakita ko siyang nahihirapang tumayo at paika ikang inalis ang mga baging na nakakapit sa kanyang mga paa. Awtomatikong napataas ang isang sulok ng aking labi dahil sa kanyang tinuran. "Aba'y huwag kang magdrama sa akin ng ganyan, Malik! Eh, kasalanan mo rin naman kasi. Ang lampa lampa mo at tatanga tanga pa! Eh, di ba ikaw naman ang naglagay ng patibong na iyon?! Kung di ka ba naman aanga anga, eh hindi mo sana naapakan iyon!" Yan si Malik. Kahit mas lamang ang edad niya sa akin ng isang taon, para akong mas matanda kung umasta kaysa sa kanya. Isip bata yan at lampa pa! Si Malik ang naging sandalan ko noong panahong nawala sa akin si inang nang ipinasunog ng prinsipe ang bayan ng Ekron upang gawing tambakan ng basura. Kapwa kami ulilang lubos. Namatay ang kanyang ina noong ipinanganak siya, samantalang isang kawal naman ang kanyang ama na nasawi rin sa digmaan noong limang buwan pa lamang siyang dinadala sa sinapupunan ng kanyang ina. Matalik na magkaibigan ang aking inang at ang mama niya kaya, noong namatay ang kanyang ina, walang pag-alinlangang kinupkop si Malik ng aking ina at inalagaan hanggang sa maisilang ako. Ang aking ama ay nasawi rin nang minsang nahuli ito ng mga kawal ng kaharian na nangaso sa kagubatan ng Ekron. Dahil sa pag aakalang isang rebelde ang aking ama, walang awa nila itong kinaladkad sa sentro ng kaharian at doon, pinugutan ng ulo kasama pa ng ibang nadakip na mga rebelde sa harap ng mga mamamayan ng Windsor. Ginawa nila iyon bilang babala, kung ano ang maaring sasapitin ng sino mang magtangkang magrebelde sa palasyo. Kaya wala ng sino mang sumalungat sa palasyo magbuhat ang pangyayaring iyon. Pitong taong gulang ako, habang walo naman si Malik nang mamatay si inang. Masakit man sa aming dalawa ni Malik ang pangyayari, wala na kaming nagawa kundi umayon na lang sa takbo ng aming mga buhay. Poot at galit man ang aming nararadaman ngunit kami ay naging bulag at pipi, hinayaan na lamang magngitngit ang aming mga damdamin sa mga paghihirap na sinapit dahil sa kademonyohan ng mga namumuno sa Windsor, sapagkat sa mga mamayan na kagaya namin ni Malik na isang alikabok lang, naisin man naming humiling ng hustisya, talagang walang saysay iyon. Tila isang malaking katatawanan lang kung sasalungat kami sa palasyo sapagkat kami ay tila walang buhay na mga manika na sunod-sunuran wari bang naghihintay lang kung kailan kami lilisan sa mundong ito. Kasabay kong lumaki si Malik. Datapwat, hindi lingid sa aking kaalaman na hindi kami nagmula sa iisang laman ngunit hindi ito hadlang upang hindi ko siya ituring bilang isang tunay na kapatid at kaibigan. Ramdam ko ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Sabay naming hinarap ang bawat hirap ng buhay. Magkasangga kami sa hirap at ginhawa, hanggang sa kasalukuyang ito. Hindi ko alam kung kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa kung mawala siya sa tabi ko. Siya ang naging sandalan ko sa lahat gayong nariyan siya palagi para sa akin. Ni minsan, hindi niya naisip na iwanan ako at tumalikod sa akin sa gitna ng kahirapan ng aming mga buhay. Tuwing nakikita ko siyang ngumingiti, tila ba ay nakikita ko rin ang pag-asa upang manatiling mabuhay sa mundo sa kabila ng lahat ng kahirapan at pait na sinapit namin mula sa kamay ng kahariang ito. Mahal ko si Malik hindi lang bilang isang kapatid o kaibigan kundi mas higit pa. Isang sekreto na tinatago ko sa kanya hanggang ngayon. Alam kong isang malaking pagkakamali ang mahulog sa kanya dahil kapatid ko siya kahit pa sabihing hindi iisa ang laman na aming pinagmulan. At iyan nga ang masakit...ang mahalin niya rin ako hindi sa paraang gusto ko, kundi bilang isang kapatid lang. Sino nga bang hindi mahuhulog sa kanya? Hindi lingid sa aking kaalaman, maraming kababaihan ang nahuhumaling sa pisikal niyang anyo sa kapatagan ng Ekron. Gwapo si Malik, isang matipuno at makisig na binata. Matangos ang kanyang ilong at may kalakihan ang kanyang bilugang asul na mga mata, makapal ang kanyang kilay na bumabagay sa hugis parihaba niyang mukha. Maputi ang kanyang balat at may mapula at manipis na mga labi. Ngunit ang pinakagusto ko sa lahat ay ang kulay blonde niyang buhok na animoy pinaghalong puti at dilaw na siya namang bagay na bagay sa kanya. Bukod doon sa magandang anyo niya, ang isa sa pinakagusto ko sa kanya ay ang kabutihan ng kanyang puso. Kaya nga siguro, tila maraming mga binibini sa kapatagan ang nahuhumaling sa kanya. Ang ilan sa kanila ay lantaran ang ginawang pagpapahayag ng paghanga at pagkagusto sa kanya na malugod naman niyang tinatanggihan. Minsan, sinabihan ko siya na mag-asawa na gayong nasa hustong edad naman na siya ngunit tanging pag-iling lamang ang isinagot niya sa akin. Bukod umano sa hindi pa siya handa, ayaw din daw niyang mahati ang kanyang atensiyon sa pagbabantay sa akin. Makita lang daw niya akong nasa maayos na kalagayan, okay na sa kanya kahit hindi na siya mag aasawa pa sapagkat sapat na daw ako sa kanya. Kesyo daw nangako siya sa ibabaw ng puntod ng aking ina na kahit anong mangyari, aalagan at po-protektahan niya ako. Ramdam ko ang pag-iingat at pagmamahal sa akin ni Malik kaya gagawin ko rin ang lahat para sa kanya. Hangga't kasama ko siya at nararamdamang mahal niya ako, sapat na iyon, kahit ang pagmamahal na pinapadama niya sa akin ay bilang isang kapatid lang. "Ano ba yan! Kapagod na kaya ang maglakad!" Dinig kong maktol niya sa aking likuran. Pauwi na kami at kasalukuyang naglalakad pababa sa matarik na burol palayo sa bungad ng kagubatan ng Ekron. Kanina pa siya ganyan, kesyo daw malayo na ang aming nalakad at gusto raw muna niyang magpahinga dahil 'di na raw niya kayang maglakad pa. 'Yan, ganyan siya. Kanina ko pa kasi 'yan hindi kinikibo matapos siyang mabitag sa sarili niyang katangahan doon sa gitna ng gubat. Alam ko naman na paraan lamang ni Malik ito upang kibuin ko siya. "Edi, lumipad ka!" pabalang kong saad ng hindi siya nililingon. "Aray! Wala ka talagang pakialam sa damdamin ko! Pyrus naman... sinaktan mo na nga ako kanina noong pinutol mo 'yung baging at nahulog ako nang di mo sinalo! Eh, sasaktan mo rin pati ang puso ko?! Yung totoo, sadista ka ba Pyrus?!" "Kung hindi ka lang naman siguro tanga, edi may kakainin sana tayo sa taglamig!" Nayayamot kong saad at ibinaling sa kanya ang naiinis ko pa ring mga tingin. "Matatamaan ko yun eh! Kaya lang umepal ka naman bigla. Ano na lang kakainin natin sa susunod na mga linggo?" Mas lalong lumukot ang kanyang pagmumukha habang ang kanyang nguso, animoy masasabitan ng batya. "Eh, mas mahalaga pa ba iyong kakainin natin kaysa sa akin? Matitiis mo akong hindi kibuin ng matagal? Grabe ka naman!" Akala niya siguro, madadala niya ulit ako sa paglalambing niyang 'yan. "Gago ka ba? Taglamig na sa susunod na mga linggo. Ano nalang kakaiinin natin? Ayun na yun eh, naging bato pa!" "Eh, yan lang pala ang problema mo eh!" Kumawala ang pilyong ngisi niya sa kanyang labi. "Teka lang.., manood ka. Ako ang bahala sa iyo." Pagkatapos, hinubad niya ang kanyang lumang damit dahilan para tumambad sa akin ang matipunong katawan ng lalaki. Awtomatikong napataas ang aking kilay sa kahangalan niya. Ano na namang kagaguhan ito? Ilang sandali pa, umigting ang panga ko nang sinimulan niyang pagalawin pataas at pababa ang dalawang nakaumbok na dibdib niya habang ang kanyang mga mata'y mariing nakatitig sa akin. Hindi nawawala ang pilyong ngiting aso niya, dahilan para mas lalo akong mainis. Napakaisip bata talaga! "Masarap ako, ako nalang ang kakainin mo!" Naipairap na lang ako. Bakit ako nagkaroon ng kapatid na siraulo? Napailing ako sa pagkaisip bata ng lalaking ito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD