Chapter 10

1179 Words
Kaya’s POV Alas singko pa lang ng madaling araw ay gising na ako. Ganoon ako kapag maaga ring natutulog. Akala ko magigising ako na katabi ko sa kama si Kohen, pero naalala ko na naka-lock nga pala ang pinto ng kuwartong tinulugan ko kagabi, tapos hinarang ko pa sa pinto ang mini table dito. Nang sa ganoon, hindi niya talaga ako mapasok o matabihan sa pagtulog. Nakakainis kasi ang ginawa niya kay Kellan kaya sinadya kong huwag siyang papasukin dito sa kuwarto na tinulugan ko. First time kong makakita ng ganoong pangyayari kaya parang natakot na talaga ako ng husto kay Kohen. Iyong itsura niya kahapon habang nakatingin kay Kellan, parang gusto na niya talaga itong patayin. Nakakatakot talaga. Sakto naman na pagbangon ko ngayong umaga ay kinakatok na ng mga staff dito ang pinto ng silid na kinaroroonan ko. Tinanggal ko na ang nakaharang na lamesa at saka ko binuksan ang pinto. “Good morning po, Madam Kaya,” bati ng dalawang staff na may dala-dalang mga food, “ipapasok po ba namin sa loob ang pagkain o sa dining area na po kayo kakain?” tanong ng isa sa kanila na may dala-dalang tray. Naamoy ko agad ang mga masasarap na pagkain na dala nila. Nagutom ako bigla. “Sa dining area na lang. Susunod na lang ako doon. Maghihilamos lang ako ng mukha,” sagot ko sa kanila. Tumango sila at saka na rin umalis. Tumuloy na rin ako sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Pagkatapos pumunta na rin ako sa dining area para mag-almusal. Simula nang mapadpad ako sa buhay ni Kohen, aminado ako na napakasarap ng mga pagkaing nakakain ko dito. Malayong-malayo ito sa mga pagkaing natitikman ko nung nasa bahay pa lang kami. Sa tingin ko nga ay parang nadadagdagan na ang timbang. Sa sarap kasi ng mga pagkaing hinahain sa akin, hindi ko talaga ito mahihindian o matatanggihan. Kaya talagang tataba ako dito. Nasa kalagitnaan ako nang pagkain ko nang biglang dumating si Serena. “Madam Kaya, bilisan mo na ang pag-aalmusal dahil magsisimula na tayo sa training mo ngayon,” sabi niya. Oo nga pala, nabanggit niya sa akin ‘yung kahapon. Tumango na lang ako at pagkatapos ay umalis na rin siya para hayaan muna akong makakain ng maayos. Alas otso ng umaga nang lumabas ako ng villa. Bagong ligo na ako at suot-suot ko na rin ang damit na pinasusuot sa akin ni Serena kanina. Sandong itim at jogging pants, tapos naka-white rubber shoes din ako. Inaya niya ako sa may dagat. Pagdating doon ay nag-umpisa na agad kami. “Sige, magpapawis muna tayo,” sabi niya. Sa buhangin ay pinatakbo niya ako ng halos isang oras. Kayang-kaya ko naman iyon dahil sanay akong magtatakbo sa amin kapag ganitong oras, lalo na kapag pupunta ako sa bayan. Tumakbo ako dito sa gilid ng dagat nang walang hintuan. Saktong-sakto, nang mabawasan manlang ako ng taba dahil sa mga masasarap na kinakain ko dito. “Oh, magtubig ka muna,” sabi niya matapos akong magtatakbo. Tinanggap ko naman ang tubig at saka ininom. Inabutan na rin niya ako ng towel para ipamunas sa mga pawis ko. Halos maligo na kasi ako sa sarili kong pawis. Sa totoo lang, masarap talaga sa pakiramdam ang magpapawis, tapos sa umaga pa. Kapag ganito, feeling ko ang healthy-healthy ko. “By the way, where is Kohen? Why didn’t I even see him this morning at the villa?” tanong ko sa kaniya matapos akong uminom ng tubig. “He left early this morning. May aasikasuhin siya sa Manila kaya iniwan ka muna niya sa akin para i-training ka,” sagot niya habang nakaupo siya sa camping chair. Nakadikwatro pa siya doon at fresh na fresh pa ang itsura. Isa talaga siya sa magandang babae na tauhan ni Kohen. Isa rin siya sa mga tao dito na magaang ang loob ko kasi alam kong mabait siya at mapagkakatiwalaan. “Para saan ba kasi ang training na ito, Selena? Pagtatrabahuhin ba ako ni Kohen?” tanong ko na rin sa kaniya. Hindi niya kasi ako nasagot kagabi nung itanong ko sa kaniya iyon. Tumayo siya at saka lumapit sa akin. Hinawakan niya ang braso ko at saka niya ako tinutukan ng espada niya. “You can use this training against Kohen’s enemies who intend to harm or abduct you. Kalat na sa mga kalaban o kaaway ni Kohen na kasal na siya kaya iisipin nila na ikaw ang magiging kahinaan ni Kohen, kaya gusto ng asawa mo na maging handa ka sakaling may mangyari mang masama sa iyo. Kapag nag-training ka at natutunan mo kung paano makipaglaban o kung paano ipagtanggol ang sarili mo, wala ka nang magiging problema,” paliwanag niya kaya bigla akong natakot. Hindi lang pala ako nakakulong sa mga kamay ni Kohen, naging delikado pa ngayon ang buhay ko. Lalo akong nainis sa kaniya nang malaman ko ito. Pero mainam na rin siguro ito. Para sa kaligtasan ko, sige, magte-training ako. Sunod niya akong tinuruan kung paano makipaglaban. Kung paano maipagtatanggol ang sarili ko. Nandito kami ngayon sa training house na kung saan ay kanina ko pa sinusuntok itong punching bag na matigas. Masakit sa kamay, oo, pero hanggang hindi daw nagiging maganda ang pagsuntok ko, hindi ako patitigilin ni Serena. Kainis nga e, bigla siyang naging masungit. Hindi daw ako makakatikim ng tubig o pahinga hanggang hindi ko natututunang sumuntok ng solid sa punching bag. Kaya nung huli, kahit na pagod na pagod na ako, binuhos ko na ang lahat. Pinakita ko sa kaniya na malakas na akong sumuntok. Kapag pala kasi galit at inis ka na, doon ka mas lalong lumalakas. Nakita ko sa mga suntok ko nung huli ang mga baon kong kamao sa punching bag. Ang galing, ganoon lang pala dapat ang gawin, magalit at mainis para lumakas ang puwersa ng kamay ko. “Good, ganiyan nga, Madam Kaya. Ganiyan ang magandang pagsuntok, solid at malakas. Ngayon, natutunan mo rin. Na dapat kapag susuntok ka, buhos mo lahat ng lakas mo, the more na galit na galit ka, the more na magiging malakas ang pagsuntok mo sa kalaban mo,” sabi niya saka niya ako sinalo nang makita niyang halos maliyo na ako sa pagod. Binigyan niya tuloy ako ng tatlong oras na pahinga. Tamang-tama, lunch na rin kaya bumalik na muna ako sa villa para mamahinga. Pumunta agad ako sa kama ko at saka nahiga dahil sa pagod na inabot ko sa training na iyon. Kapag ganitong nakatunganga lang ako, mas boring na boring ako. Nakakabanas talaga ang Kohen na ‘yan kasi bawal akong mag-cellphone. Napangiti ako nang maisip ko na puwede ko ring magamit sa kanila itong pinagte-training ko ngayon. Na kapag gumaling na ako sa pakikipaglaban, magagamit ko ito laban sa kanila para na rin matakasan ko na ang Kohen na ito. Bakit kaya hindi nila naisip na puwede ko ring magamit ito sa kanila? Ang tanga ni Kohen sa part na iyon. Humanda siya, sa oras na maging magaling ako sa pakikipaglaban, isa siya sa hahamunin ko ng away para makatakas na sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD