Hindi na alam ni Sab kung paano siya nakalabas sa faculty room at nakabalik sa classroom. Sobrang bigat ng loob niya nang mga sandaling ‘yon. Gustong-gusto niyang sumigaw sa galit pero hindi niya magawa, sa takot na baka mas lalo pa siyang madiin. Halos wala siyang tulog magdamag sa pagre-review para lang makakuha ng mataas na puntos sa exam, tapos ganoon pa ang nangyari. Tahimik siyang naupo at dumukdok sa desk pero napaangat ang ulo niya nang marinig niya si Zach na nagagawa pang makipagtawanan sa mga kaibigang sina Paul at Jake. Nabuhay ang galit sa dibdib niya. Hindi niya napigilan ang sarili at nasugod niya ito.
“Ano ba’ng problema mo, ha? Noong una, ‘yung trabaho ko ang pinerwisyo mo. Tapos ngayon pati scholarship ko? Ni hindi pa nga ako nakakatapos magbayad sa mga binasag ng kaaway mo. Tapos eto ka na naman? Ano ba ang ginawa ko sa’yo, ha? Bakit mo ko ginaganito?” nangingilid ang luhang sabi niya.
Naningkit ang mga mata ni Zach. Tumayo ito atsaka lumapit sa kanya. “Dahan-dahan ka sa pagbibintang mo. Wala akong alam sa sinasabi mo.”
Napailing si Sab. “Sino’ng niloko mo? Ikaw lang ang pwedeng gumawa noon sa akin,” sighal niya sa binata.
Ngumiti si Zach. “ Puro ka bintang! May pruweba ka ba?” Muli itong humakbang papalapit sa kanya atsaka yumuko“Alam mo? Wala na sa lugar ‘yang tapang mo, eh. Kilalanin mo kasi ‘yung kakalabanin mo,” anito sabay pisil sa baba niya.
Tinapik niya nang mariin ang kamay ni Zach. “So, inamin mo rin? Ikaw nga ang gumawa?” gigil na inilapit niya pa ang mukha sa binata.
Gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi ni Zach. “ Eh, ano ngayon kung ako?” sabi nito na bahagya pang yumuko papalapit sa mukha niya.
“Bwisit ka! Ang sama-sama mo!”
Pinagbabayo niya ang dibdib ni Zach pero agad naman nitong nahuli ang mga kamay niya. Pinaliit nito ang mga mata atsaka dumukwang sa kanya. “If I were you, magda-drop na lang ako.”
Mas lalo pang nanggigil si Sab. “Demonyo ka talaga! Ano ba’ng atraso ko sa’yo, ha?” Akmang sasapakin niya si Zach pero muli nitong nasangga ang kamay niya.
“Kapag hindi ka tumigil, hahalikan kita,” banta nito.
Umugong ang kantyaw ng mga kaklase nila kaya agad na iwinaksi niya ang kamay ni Zach. Napangiti si Zach habang nakatingin sa kanya. Namula ang pisngi ng dalaga sa pagkapahiya. Patakbong hinablot niya ang bag niya sa upuan atsaka siya lumabas ng classroom. Naiwan si Zach na noo’y nakangiti pa habang nakatanaw sa kanya.
Matalim ang tinging ipinukol nina Ana at Lucas kay Zach bago sila sumunod kay Sab.
“Sab, ano’ng sabi ni Ma’am?” ani Ana habang bumubuntot sa kanya kasunod ni Lucas.
Tumigil siya sa paglalakad atsaka humarap sa dalawa. “Tanggal na ako sa scholar,” malungkot niyang sagot.
Nagsalubong ang kilay ni Ana. “What? Agad-agad? Wala man lang imbestigasyon?”
Umiling siya atsaka umagapay sa paglalakad sa dalawa.
“Grabe, naman. Napaka-unfair naman noon sa’yo, Sab. Gusto mo umapila tayo kay Dean?” ani Lucas na bakas sa mukha ang pag-aalala. Gaya ni Anna, nakasuot din ito ng makapal na eye glasses.
“Sabi naman ni Ma’am, mag-iinvestigate sila. May chance pa naman daw mabalik ang scholarship ko.”
“So, ano? Aasa ka na lang sa sinabi ni Ma’am? Wala man lang ba tayong gagawin? Maghihintay ka na lang ba?” ani Ana.
Tumango si Sab. “Malinis ang kunsensiya ko. Kampante ako, kahit mag-imbestiga pa sila.”
“Pero Sab, paano ang tuition fee mo? Sabi mo wala kang income ngayon dahil kinakaltas lahat ng sahod mo sa karinderya?” ani Lucas.
Napabuga siya ng hangin. “Maghahanap na lang ako ng iba pang part-time job. Marami pa naman siguro riyan. Sige, mauna na ako sa inyo.” Nagpatiuna nang maglakad si Sab at naiwan ang dalawa na malungkot na nakatanaw sa kanya.
“Kumusta ang maganda kong Mami-La at guwapong- gwapo kong Dadi-Lo?” bungad niya sabay halik sa pisngi ng dalawang matanda. Nakagawian na niya na tuwing araw ng biyernes ay umuuwi siya sa probinsiya para bisitahin ang lolo at lola niya na nakagawian na niyang tawaging Dadi-Lo at Mami-La.
“Ikaw talagang bata ka. Parang napakalapit ng Maynila, ah. Bakit nag-abala ka pang dumalaw sa amin ng Dadi-Lo mo?” ani Lola Mameng.
Natawa ang lolo niya. “Asus, kunwari pa ‘yang Mami-La mo. Kanina pa nga ako kinukulit niyan na tawagan ka.”
Agad namang umigkas ang kamay ni Lola Mameng patapik sa braso ni Lolo Ben. Ang totoo, hindi talaga nito kayang hindi nakikita ang apo. Kaya pilit na kinakaya ni Sab na umuwi sa tuwing walang pasok sa eskwela.
“Mami-La, ano ‘to? Naggagawa ka na naman ng kakanin? Hindi ba binawalan na kitang maggawa niyan?” ani Sab nang mapansin ang mga dahon ng saging at niyog na nakalapag sa mahabang mesa na gawa sa kawayan.
“Ano ka ba naman, Apo. Malakas na malakas na ako. Kayang-kaya ko na ulit maghalo ng kalamay,” nakangiting sabi ng matanda. Tumayo ito at lumapit sa mesa atsaka pinagpatong-patong ang mga dahon ng saging.
“Kumusta ka naman sa Maynila? Hindi ka ba nahihirapan?” anito.
Biglang nawala ang ngiti sa labi ni Sab. Paano nga ba niya ipapaalam sa Mami-La niya ang sitwasyon niya ngayon, na kailangan niyang maghanap nang pagkakakitaan para makapagtuloy siya sa pag-aaral sa Maynila. Nasisiguro niyang pauuwiin na siya nito kapag nalaman nito ang nangyari sa kanya.
“Oh, Ba’t hindi ka na nakakibo riyan? May problema ba sa pag-aaral mo?” anang matanda na noo’y naupo na sa tabi niya.
Kunwa’y ngumiti siya atsaka yumakap sa matanda. “Okay lang po ako ro’n, Mami-La. Huwag niyo po akong alalahanin.”
Napangiti si Lola Mameng habang tinatapik ang likod niya.
“Oh, tikman mo itong halayang ube ng Mami-La mo. Iyan ang best seller niya ngayon,” ani Lolo Ben sabay lapag ng nakaliyanerang ube sa mesa.
Bumitaw sa pagkakayakap si Sab sa lola niya atsaka humarap sa mesa.
“Abah, may best seller pa kayong nalalamang dalawa ngayon, ah. Ibig sabihin, simula nang lumuwas ako sa Maynila bumalik agad kayo sa pagtitinda? Pasaway talaga kayo ni Mami-La,” natatawang sabi niya habang hinihila papalapit sa kanya ang liyanera ng ube.
Nagtinginan ang dalawang matanda sabay tawa. “Hayaan mo na kame ng Dadi-Lo mo. Para naman kahit papaano mapadalhan ka namin ng allowance mo,” ani Lola Mameng. Tumayo na ito atsaka naglakad papunta sa kusina. Pagbalik nito may dala na itong isang basong gatas ng baka na paborito niyang inumin.
Natawa agad siya nang makita ang hawak ng lola niya. Kunwari pa itong nagulat sa pag-uwi niya, pero nagawa pa nitong i-order siya ng gatas kay Mang Ambo, ang nag-rarasyon sa kanya noon ng gatas ng baka.
“Akala ko pa naman na-surprise kayo sa pagdating ko. Mukhang expected niyo naman pala ni Dadi-Lo,” aniya habang inaabot ang baso ng gatas.
“Eh, alam naman naming hindi mo kame kayang tiisin ng Dadi-Lo mo,” nangingiting sabi ni Lola Mameng.
Nang araw na ‘yon, sinamahan niya sa paglalako ng kalamay ang lolo at lola niya gamit ang tribike. Siya ang nagpipidal habang nakasakay ang dalawang matanda.
“Dadi-Lo, Mami-La, kaway-kaway kayo,” natatawang sabi niya.
“Loko kang bata ka! Pinaglaruan mo na naman kami ng Dadi-Lo mo,” ani Lola Mameng sabay tapik sa braso niya.
Napangiti lang siya. Nagpatuloy siya sa pagpadyak hanggang sa masalubong nila ang isang ka-barangay nila.
“Aleng Ope, bili naman kayong meryenda! Masarap po ‘yan,” alok niya.
“Naku, tamang-tama ‘yan. Papunta nga ako sa panaderya ngayon para bumili ng pangmeryenda sa mga naggagawa sa bahay ko,” anito.
Agad namang itinabi ni Sab ang bike para makapamili ang ale.
“Pabili nga ako. ‘Yung masarap, ha?”anito.
“Naku! para niyo namang sinabi na papakyawin niyo ang lahat ng paninda namin,” biro ni Sab.
“Abah, kung talagang masarap, bakit hindi?” nakangiting sagot ng ale.
“Siyempre masarap po ‘yan. Gawa ‘yan ng dalawang lovers kaya matamis ‘yan,” aniya sabay kumpas ng kamay paturo sa dalawang matanda.
Dahil sa kadaldalan at pambobola niya, pina-drive ni Aling Ope sa kanya ang tribike papunta sa ginagawang bahay nito na nasa ‘di kalayuan lang. Parang piyesta na pinagkalumpunan sila ng mga kapitbahay nito. Nanalo pala ito sa lotto kaya nagpagawa ng malaking bahay. Pinakyaw ni Aleng Ope ang lahat ng paninda nila. Pati ang mga kapitbahay ay inilibre nito. At ang maganda pa roon, sa kanila na ito kukuha ng pangmeryenda ng mga manggagawa araw-araw. Bago sila umalis, inambunan din sila ni Aling Ope nang kaunting balato para dagdag puhunan daw ng dalawang matanda. Tuwang-tuwang umuwi ang tatlo. Nang mga sandaling ‘yon, panandaliang nalimutan ni Sab ang problema niya sa Maynila.
Bago siya bumalik ng Maynila, tinulungan muna niyang mamili ng mga ingredients sa pagluluto ang dalawang matanda. Bumili na sila nang marami na sasapat sa pang isang linggong pagluluto. Ayaw niya kasing magpabalik-balik ang mga ito sa palengke nang hindi siya kasama. Mahirap na kasi, baka doon pa sumpungin ng hilo ang dalawang matanda.