Kunot-noo at hindi maidilat ni Anastasia ang kanyang mga mata habang namimilipit dahil sa sakit ng ulo. Hindi naman kasi siya sanay uminom ng napakarami. Sadyang nadala lang siya ng kasiyahan niya kagabi. Umupo siya at pilit na idinilat ang mga mata. Inilibot niya ang paningin sa malawak na kwarto at siniguradong nasa sariling kwarto niya siya. Nang masigurado kung nasaan siya ay bumaba siya mula sa kama at susuray-suray na pumunta sa banyo para maghilamos, magsipilyo at ayusin ang sarili.
Mayroon na si Anastasia ng halos lahat ng bagay na hahangarin ng isang tao. Malaking mansyon, mamahaling mga sasakyan, naggagandahang mga damit at sapatos, koleksyon ng mamahaling bag at pabango, pera. alahas at oras na maaari niyang gamitin sa kung ano mang gustuhin niya. Bukod sa marangyang buhay ay pinagkalooban din ng kaakit-akit na kagandahan si Anastasia. Katamtaman ang katawan niya sa tangkad na 5’6” at kapansin-pansin ang mahahaba niyang mga pilik mata at asul na mga mata. Dagsa ang manliligaw ng 21-anyos na dalaga pero kahit isa ay walang pinalad na makatanggap ng matamis niyang oo. Sikat ang ama ni Anastasia sa buong bansa at dahil doon ay madalas ding kuning modelo ang dalaga.
Mahilig magbasa ng aklat at mga nobela si Anastasia. Dito niya ibinubuhos ang oras kapag sawa na siya sa mga normal niyang ginagawa. Ito lang ang gawaing hindi niya pinagsasawaan. Mahilig si Anastasia sa mga action at adventure. Dahil doon siya nakakaramdam ng excitement. Ang bagay na sa tingin niya ay kulang sa buhay niya at naisasabuhay lang niya sa tuwing nagbabasa.
Maaliwalas na ang mukha ng dalaga paglabas ng banyo. Pero naintriga siya ng malalakas at tila tumatakbong mga yabag mula sa labas. Wala kasing gumagawa ng ganoon sa mansyon nila. Lumakas ang mga yabag kaya naman minabuti na niyang tignan ang nangyayari. Pero bago pa niya mabuksan ang pinto ay bumungad na sa kanya ang ama. Pawis na pawis, gulo ang damit at bitbit ang isang malaking maleta.
“Dad, what’s happening?” gulat na tanong ni Anastasia nang makita ang hitsura ng ama.
“Kailangan nating umalis,” tanging sagot ni Don Harold sa anak sabay pasok sa kwarto. Mabilis niyang binuksan ang cabinet ni Anastasia at inilabas ang mga damit ng dalaga.
“Ano bang nangyayari? Bakit mo ginanyan ang mga damit ko?! Bakit kayo nagkakagulo?” naiirita at sunod-sunod na tanong ni Anastasia.
“Nasa panganib tayo.”
“Nasa panganib? Why? What happened? Ipaliwanag n’yo po kasi ng maayos!” muling bulyaw ni Anastasia.
“Basta! We need to get out of here!”
“Hindi ako sasama kung hindi mo muna ipapaliwanag ang nangyayari!”
Tumigil si Don Harold sa ginagawa at tumingin kay Anastasia. Nangingilid na ang mga luha ng dalaga. Hindi kasi normal sa bahay nila na nagkakagulo ng ganito. At hindi normal na nakikita niya ang ama na natataranta at natatakot.
Kilala si Don Harold De Vera bilang isang matapang ngunit matulunging abogado. Ginagamit niya ang yaman ng pamilya niya para tulungan ang mga mahihirap na naaapi at hindi nabibigyan ng hustisya. Marami nang nangumbinsi sa kanya na tumakbo sa politika pero hindi siya naging interesado rito. Sinasagasaan niya maging ang malalaking mga tao at opisyal. At dahil doon ay naging madalas at marami ang natatanggap niyang mga death threats. Hanggang sa ma-inomina siya na maging direktor ng bagong sangay ng Department of Justice. Ang BIAC o Bureau of Investigation Against Corruption. Magmula noon ay mas lumala ang mga pagtatangka sa buhay niya at maging sa buhay ng anak niya.
“Don’t tell me it’s because of that position?” tanong ni Anastasia.
“Yes,” napayuko si Don Harold. “I accepted the offer. Sorry, anak.”
“Dad…”
“Alam ko,” sabat ni Don Harold bago pa makapagsalita ang anak. “Kung buhay lang ang mommy mo ngayon, siguradong papatayin niya akod dahil sa nangyayaring ito.
“Nope,” maikling sagot ni Anastasia. “Kung buhay siya, magiging proud siya sa’yo. You’re still the same. Doing your best para sa iba.”
Natigilan si Don Harold sa sinabing iyon ng anak. Hindi niya inasahan ang naging reaksyon nito. Dahan-dahan siyang lumapit kay Anastasia at ini-upo ito sa upuan sa ibaba ng kama. Pagkatapos ay dinukot niya mula sa bulsa ang isang itim na flash drive at ipinakita ito sa anak.
“Ito ang ebidensyang magbabago sa bansang ito, Ana,” sabi ni Don Harold habang nakatingin sa nasa kamay. “Nandito ang lahat ng pangalan at bank accounts ng mga corrupt officials ng bansang ito. If we’ll be able to expose this, napakalaki ng magbabago. Ito ang pag-asa ng bansa natin!”
“Paano mo ito nakuha, dad?”
“This is all my hardwork, anak. At hindi ko sasayangin ito. Lalo na at dito nakasasalalay ang lahat,” sagot ni Don Harold sabay abot ng flash drive sa anak. “At gusto kong ikaw ang mag-ingat nito. Ikaw lang ang mapagkakatiwalaan ko.”
Nakadama ng kaba si Anastasia. Alam niyang iyon ang isa sa mga hinahabol ng mga nagtatangka sa buhay ng kanyang ama. Nag-aalangan siyang kunin ang flash drive, pero alam niyang siya lang ang tanging makakapagtago noon. Matapos kunin ni Anastasia ang flash drive ay inilabas ni Don Harold ang isa pang flash drive na kamukhang-kamuha ng una niyang inilabas. Ipinaliwanag ng ama sa kanya na ang hawak niya ay kopya lamang ng dokumento. At kung ano mang mangyari sa isa sa kanila ay hindi mabubura ang mga ebidensya. At sigurado siyang hindi iisipin ng mga humahabol sa kanila na ibibigay niya kay Anastasia ang ebidensya.
Sunod na inilabas ni Don Harold ay ang isang cellphone. Iniabot niya ito sa anak at ipinakita ang pin ng cellphone. Mayroon lang isang numerong naka-save sa cellphone at mahigpit na ibinilin ni Don Harold kay Anastasia na tawagan ang numerong ‘yon sa oras ng pangagailangan.
“Kaninong numero ‘to?” tanong ni Anastasia.
“Numero ‘yan ng isang matalik na kaibigan. Hindi ka tatanggihan ng kung sino mang may hawak ng numerong iyan.”
“Dad, do you have any ideas kung sino ang gumagawa nito? Alam na ba ito ni Uncle Edgar?”
“I don’t have any ideas. Oo, alam na ito ni Edgar. Siya pa nga ang nagbigay ng ruta na dadaanan natin sa pagtakas. We will go to the airport at itatakas kita papunta sa Switzerland. Doon ka muna sa bahay nila mommy mo. Ang totoo, hinihintay na tayo ni Jonas sa airport.”
“At ikaw?”
“I’ll stay here. I have a fight here. Anak, you know me. I will finish this no matter what.”
Napakamot ng ulo at napakumos ng mukha si Anastasia sa inis sa ama. Tila bumalik din ang sakit ng ulo na nararamdaman niya kanina. Isa ito sa mga ugaling ayaw niya kay Don Harold. Nag-aalala siya para sa kaligtasan ng ama pero alam din niyang wala siyang magagawa para pigilan ito.
“Dad…” pero bago pa maituloy ni Anastasia ang sasabihin ay biglang tumunog ang cellphone ni Don Harold.
“Sandali lang.” sabi ni Don Harold sabay sagot ng cellphone. “Hello?”
“Don Harold,” tila pamilyar kay Don Harold ang boses. At napansin ni Anastasia na biglang namutla ang ama kaya sinenyasan niya ito na ilagay sa loud speaker ang cellphone.
“Don Harold, bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon. Bawiin mo ang oo mo para sa posisyon. Gawin mo ‘yan at walang masasaktan.” sabi ng lalaking nasa kabilang linya. Malaki ang boses nito at tila pilit na binago.
“Hindi mo ako matatakot. Kung para sa ikabubuti ng lahat, gagawin ko ang lahat para ituloy ito! At sa oras na mamatay ako! Kayong mga kurakot lang ang sisisihin ng mga tao!”
Malakas na tawa ang isinagot ng nasa kabilang linya. “Sa dami namin, sa tingin mo malalaman ba ng taong bayan kung sino? Itigil mo na ang kahibangan mo. Sige, ganito na lang. Isang oras. Pagkatapos ng isang oras at hindi pa rin nagbabago ang isip mo, sasabog ‘yang mansyon mo.”
“Duwag! Magpakita ka kung matapang ka talaga!”
Isang malakas na halakhak muli ang isinagot ng lalaki. “Duwag talaga ako. Kaya hindi mo ako makikita! Isang oras na lang Don Harold. Mag-isip ka. Mag-isip ka.”
Matapos noon ay namatay ang linya. Nagkagulo sa ibaba dahil biglang nagsingawan ang mga LPG tank sa kusina. Maging ang mga gas pipe ay biglang nabutas at sumingaw. Umalingasaw ang amoy ng gas sa buong mansyon. Mabilis na bumaba si Anastasia para tignan ang stiwaston at paglabas pa lang ng kwarto ay amoy na amoy na ang gas.
“Magsipaghanda kayo! Isang oras na lang at sasabog ang mansyon na ‘to! Get ready to leave!” sigaw niya lahat ng mga tauhan nila tapos ay bumalik sa kwarto para mag-impake.
Natatakot at nag-aalala. Pero hindi maipaliwanag ni Anastasia ang kaunting pagkasabik na nararamdaman. Ito na ang simula ng pagbabago ng buhay niya. Ito na ang hinahanap niyang anghang sa buhay niyang paulit-ulit na lang ang nangyayari. Isang oras na lang at siguradong magbabago na ang lahat!