Kinabukasan. Araw ng Sabado.
Nakabantay at kumakatok sina Joyce at ang kanyang anak na si Jeremy sa labas ng kuwarto ng kanilang bunso na si Jeff. Alas onse na kasi ng umaga at hindi pa lumalabas ito.
“Oh nay. Kamusta na? Wala ba talagang kibo si Jeff?” tanong ni Jeremy sa ina na kumakatok pa din sa pintuan ng anak.
“Wala pa din eh” sabay katok pa sa pintuan “Jeff? Anak? Anong oras na. Lumabas ka na diyan at kumain ka na”
Pero wala pa din natanggap na sagot si Joyce mula sa loob ng silid. “Ako na nga, ‘nay” boluntaryo ni Jeremy “Susubukan ko na ako ang kakausap sa kanya” sabay katok muli sa pintuan ng bunso “Bunso…?? Hindi ba kayo magkikita ni Riley ngayon? Sige na… lumabas ka na diyan at magbihis na. Anong oras na”
“Naku… tigilan niyo na nga yan” dugtong naman ng isa pang kapatid ni Jeff na si Joshua na kakalabas lang mula sa banyo at katatapos lang maligo “Nag-iinarte lang yang bakla na yan eh. Siguro nagpapansin kaya ayaw lumabas”
“Pwede ba kuya, tumahimik ka” sabat naman ni Jeremy sa kanya “Siyempre, nasaktan ang bunso natin dahil ang buong akala niya na patay na si tatay dahil hindi natin sinabi ang totoo” pagtanggol niya sa kanyang kapatid “Hindi natin masisisi si Jeff kung nagkaganyan siya dahil may kasalanan din tayo”
“Huh!” tanging sambit ni Joshua “Bakit nagkaganyan siya? Ang arte naman. E magpasalamat pa nga siya na hindi natin sinabi ang buong katotohanan sa kanya eh”
“Bakit naman?”
“Kasi hindi siya maglaladlad ng ganyan ngayon kung nalaman niya na buhay pala ang tatay natin. Siguro nagpapanggap pa rin siya na tunay na lalake kung alam niya na buhay ang tatay natin”
“Ang sakit mo naman magsalita kuya. Parang hindi mo kapatid ang iniinsulto mo ah”
“Wala akong kapatid na bakla, Jeremy. Ang Jeffrey na kapatid ko noon, ay patay na”
Uminit ang tenga ni Jeremy sa kanyang narinig at sinugod si Joshua. Sasapakin na sana niya ito pero pinigilan sila ng kanilang ina “Ano ba ang ginagawa niyong dalawa?! Bakit parati kayong nag-aaway ha?!”
“E eto kasi ang magaling mong anak nay eh” turo ni Joshua sa kapatid “Pinagtatanggol niya ang bakla niyang kapatid!!”
“Kumpara naman sa’yo na sinusumpa mo si Jeff nang dahil sa kasarian niya!”
“Ang ingay niyo..! Pwede ba Joshua, magbihis ka at pumasok ka na trabaho” utos ni Joyce sa panganay na anak “Diba may gagawin ka pa sa opisina mo? Ano pa ang hinihintay mo?”
“Oo na. Ito na. Bibihis na po…” sagot naman ni Josuha at kaagad namang pumasok sa kanyang kuwarto.
Tumingin naman si Joyce sa isa pa niyang anak na si Jeremy. “…at ikaw…”
“Oh bakit? Ano na naman ba ang kasalanan ko nay?”
“Bakit mo pa pinatulan ang kuya mo? E ganyan talaga siya”
“Sumusubra na kasi si kuya eh. Naaawa na ako sa bunso ko tapos iniinsulto niya pa” sambit naman ni Jeremy “Nasasaktan na nga sa nalaman niya tapos ginaganyan pa ni kuya”
“Hay naku, Jeremy. Mawawala din ang sama ng loob ng kapatid mo” paninigurado ni Joyce sa anak “Bigyan muna natin siya ng oras para makapag-isip-isip”
“Sige po, ‘nay. Alis na ako. Magduduty na po ako”
“Hindi ka ba kakain, ‘nak?”
“Hindi na po. Doon na lang po ako sa dining ng ospital kakain”
“Sige anak. Ingat ka”
Samantala sa loob ng silid ay walang pakialam si Jeff sa mga sigawan nila sa labas dahil tila wala siya sa kanyang sarili. Nakahiga lamang siya sa kanyang kama, tulalang nakatingin sa kisame habang tumutulo ang luha. Hindi pa rin niya kasi akalain na buhay pa pala ang tatay at nagsinunggaling sa kanya ang pamilya na pinagkakatiwalaan niya sa loob ng labing-walong taon.
Labing-walong taon. Mga taon sa buhay niya na walang tatay na gumagabay at nagmamahal sa kanya.
Mag a-ala sais na nga gabi nang lumabas si Jeff sa kwarto na namamaga ang mga mata. Pumunta siya sa kusina para hanapin ang nanay pero walang tao doon. Nag desisyon na lang na magluto ng ulam para kainindahil gutom na gutom na din ito. Kumuha siya ng kanin sa kaldero, umupo at kumain sa hapagkainan.
Uminom siya ng maraming tubig kasi nabulunan ito sa sobrang dami niyang kinain. Nang pagkababa ng baso na halos ubos na ang laman nitong tubig, nakita niya na merong pumasok sa kanilang bahay. Tumayo si Jeff at nagtungo ito sa living room para tignan kung sino ang taong pumasok. Sa pagdating niya, isang pamilyar na tao ang kanyang nakita. Ang tao na kailangan niya sa mga panahon na nanghihina at kailangan ng karamay. Ito ay walang iba kundi si Riley.
Kakatayo lang din ni Riley sakanyang inu-upuan dahil nakita niya na paparating si Jeff sa kanya. Nakatingin siya sa kay Jeff, na namamaga ang mga mata. Nakangiti ito at naka-unat ang dalawang brasona para mag-alok ng mainit na yakap. Kaagad din tinanggap ni Jeff ang alok at niyakap niya ito ng mahigpit at muling umiyak ng malakas.
“ssshhhhh…tama na ang iyak babe… pati ako naiiyak na eh” habang magkayakapan pa din sila. Hinawakan ni Riley ang magkabilang pisngi ni Jeff at tinignan ito sa mata. “Nandito lang ako para sa’yo ha, I don’t know what to say and what to do para maging okay ka… basta tandaan mo lang palagi na mahaaal na mahal na mahal na mahal kita…” at hinalikan niya sa noo at niyakap niya uli si Jeff ng mahigpit.
***
Naghanda si Joyce ng hapunan pagka-uwi nila mula sa grocery kasama ang anak niyang babae na si Jenny. Habang nagluluto si Joyce sa kusina, lumapit sa kanya ang nobyo ng anak.
“Tita?...” sabi niya
“oh…bakit anak?”
“Magpapaalam sana po ako sa inyo na lalabas kami bukas ni Jeff” paalam niya sa nanay ni Jeff “Tutal, Linggo naman po bukas, gusto ko po sana siyang ipasyal para mabawasan at malimutan niya ng konti ang nangyari kagabi” napangiti lang si Joyce na tila maiiyak sa pag-paalam niya. Hinawakan ng nanay ng dalawang kamay niya ang mga kamay ni Riley.
“Sige anak…walang problema” habang pinipisil ni Joyce ang mga kamay ni Riley at tumingin silang dalawa kay Jeff na nanonood ng TV “Alam mo… maswerte si Jeffsa’yo, kasi nandiyan ka sa tabi niya sa oras ng pangangailangan niya… na kailangan niya ng isang pagmamahal…at pag-intindi..” pinunasan niya ang kanyang luha gamit ang damit niya. “Hindi talaga nagkamali ang anak ko sa pagpili sa’yo…”
“Mahal na mahal kopo ang anak niyo, tita” sagot ni Riley “nangako ako sa kanya na hindi ko siya iiwan…lalung-lalo na ngayon na kailangan niya ako”
“Alam ko…” at hinalikan ni Joyce sa kanyang noo “Oo nga pala, nanay na lang ang itawag mo sa akin… wag na tita ha” tugon ni Joyce
“Sige tita…ayy!..nanay pala..” sabi nya at tumawa na lang sila para mabawasan lang ang drama sa bahay habang nanonood pa din si Jeff sa sala.
Araw ng Linggo.
“Uy Babe” kibo niya kay Jeff at napatingin ito sa kanya na mukhang blanko “Nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko??... kanina pa ako nagsasalita dito eh”
“Sorry babe.. may iniisip lang”
“Ang tatay mo naman ba ang iniisip mo?” panghuhula ni Riley “diba sabi ko sa’yo na tama na yan?... pinasyal nga kita dito sa mall para makalimutan mo ‘yan kahit konti lang”
“Sorry ulit babe, hindi na mauulit”
“Wag kang humingi ng sorry sa akin, wala kang kasalanan… naiintindihan ko..” Tumahimik si Jeff at ngumiti lang ito sa kanya.
“Ano ba nga ulit yong kwinekwento mo sa akin kanina?” paalala ni Jeff
“Yun nga… I’m planning kasi na mag-a-out-of-town sana tayo sa 4th monthsary natin” kuwento ni Riley “Siguro sa Guimaras. Mag-a-island-hopping tayo. Gusto mo ba yun, babe?”
“Ha? Bakit?”
“Hmm. Para maiba naman. Nakakasawa kasi parati na lang tayo sa mall nagdedate eh”
“Nakakasawa…? So, ibig sabihin. Nasasawa ka na sa akin? Ganun ba yun?”
“Uy… hindi naman sa ganun, babe” sabay hawak niya sa kamay ni Jeff na naiinis na “Gusto ko lang kasi ng new adventures na kasama ka”
“New adventure ba ‘kamo??” balik ni Jeff “Bakit di mo subukan tumalon sa bangin para ma-experience mo ang adventure na sinasabi mo”
“Babe naman… Hinihingi ko lang naman ang opinyon mo eh. Bakit ang sungit mo?”
“Well. Ayoko… Okay??”
“Hmmp. Sungit naman ng babe ko oh”
“Sino ba naman ang hindi magagalit sa mga walang kakwentang bagay na sinasabi mo…”
“Aray… ang sakit naman”
Biglang napaisip si Jeff sa kanyang mga sinabi. Ilang minuto din ang pagtahimik ni Jeff. Napagtanto niya kasi na mali ang pang-aaway niya kay Riley dahil siya lang naman ang tanging tao na nakakaintidi sa kanyang pinagdadaanan. “Babe, sorry”
“Sorry saan, babe?”
“Sa sinabi at sa inasal ko sa’yo bago lang”
“No babe. It’s okay. Naiintindihan kita. Alam ko naman na may problema ka ngayon eh” sagot ni Riley sa kanya “Siguro wrong timing lang ako”
“Basta babe. Sorry talaga”
“Ang sabi ko, huwag kang mag-sorry. Wala kang kasalanan, okay?” at tumango naman si Jeff bilang sagot “Sige na, ubusin mo na ang kinakain mo at para mahatid na kita sa inyo”
Pagkatapos nila kumain ay umuwi agad sila. Habang sumasakay sila ng jeep ay napaisip si Jeff sa nangyari nung Biyernes ng gabi. At napagtanto niya na walang kasalanan ang kanyang nanay at ang mga kapatid dahil naiintindihan niya na din ang ginawa nila.
Naka-uwi sila ng bahay ng bandang alas-siyete na ng gabi. Sa pagpasok nila, nakita niya ang nanay na nanonood ng TV. Tumabi naman si Jeff sa ina pero wala itong imik sa kanyang pag-upo.
“Kamusta ka na, anak?” bati ni Joyce sa anak. “Okay ka na ba?” tumango naman ito bilang sagot sa tanong. Inunat naman ni Joyce ang kanyang kanang braso at ipanatong ito sa likuran ng anak. “Alam ko na hindi ka pa okay, Jeff. Pero bigyan mo ng pagkakataon ang ama mo na makabawi sa’yo, anak. Kasalanan ko din eh”
Tumingin naman si Jeff sa ina na parang nag-alala sa kanyang sinabi “Wala kang kasalanan, ‘nay. Kasalanan ng taong yon, dahil hindi ka niya ipinaglaban sa kanyang pamilya. Nay naman, huwag ka naman ganyan. Ang martir mo, nay”
“Mas mabuti na lang na maging martir ako, kung para naman sa inyo” sambit ni Joyce
“My God, nay! Nasa 21st century na tayo oh” biglang pagtaas ng boses ni Jeff “ Maging matapang ka at dapat ipaglaban mo ang sa inyo, hindi na uso yan.”
“Anong gusto mong gawin ko, Jeff? Lumaban ako?” sagot niya sa anak “Kahit anong gawin ko, tapos na yon. Wala na akong magagawa kundi tanggapin na lang lahat ng ginawa ng tatay mo”
Yumuko na lamang si Jeff sa sinabi ng nanay “Gusto ko lang naman na ipakita mo sa kanya na kaya natin ang buhay natin ngayon na kahit wala siya nanay”
Hinimas ni Joyce ang likuran ni Jeff ng paulit-ulit. “Naiintindihan kita, anak. Pero kailangan mo din ng ama na gagabay sa’yo”
“Pero ayaw ko nga, nanay. Hindi ko siya kailangan”
“Kailangan mo siya… Maniwala ka” sambit ni Joyce “Kaya patawarin mo na ang tatay mo”
“Ikaw ba, nay? Pinatawad mo na ba siya?”
“Oo. Pinatawad ko na siya sa kabila ng ginawa niya noon sa akin. Masakit sa una pero okay na ako ngayon, anak” sambit ni Joyce sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ni Jeff at pinisil ito “Kaya ikaw din, Jeff. Patawarin mo na ang tatay mo”
Natahimik lang si Jeff sa sinabi ng nanay subalit napaisip siya na tama ang nanay, tatay niya pa din ang tao na kinaiinisan niya “Sige nanay, susubukan ko na patawarin siya”
“May tiwala ako sa’yo na gagawin mo ‘yon, Jeff…” hinalikan ni Joyce ang anak sa pisngi “I love you anak”
“I love you din, ‘nay”
Pagkatapos ng kanilang usapan na mag-ina ay kaagad nagbihis si Jeff at naghanda na silang matulog ni Riley sa kama. Magkatabi ang dalawa sa pagtulog. Hindi muna pumasok si Riley sa trabaho kasi babantayan niya si Jeff.
***
Nagising si Jeff mula sa pagtulog, natagpuan niya ang kanyang sarili na nakayakap at habang nakatungtong ang kanyang ulo sa dibdib ni Riley. Kinusot niya ang kanyang mata at tumingin kaagad sa kayakap.
“Good morning, babe” bati ni Riley sa kanya.
“Good morning din babe” ganti ni Jeff “Kanina ka pa ba gising?”
“Hindi naman. Kagigising ko lang din. Bumangon na tayo. May pasok ka pa eh”
“Mamaya na lang muna babe” sambit ni Jeff “Niyayakap pa nga kita eh” sabay paghigpit ng kanyang yakap kay Riley.
“Oh sige” ganti na yakap ni Riley sa kanya “Alam ko naman na naglalambing ka eh”
“Oo naman. Minsan lang kaya tayo magkatabi matulog noh”
“Ayaw mo bang gawin natin parati ‘to?”
“What do you mean?”
“Ang ibig kong sabihin, ayaw mo bang magpakasal tayo at titira sa iisang bahay?” tanong niya kay Jeff “Na magkasama tayo hanggang sa pagtanda natin. Tapos kasama natin ang mga anak natin.”
“Wow. Kung makasabi ka nang ‘anak’, parang may matres ako babe ah” biro ni Jeff sa kanya.
“E bakit hindi? Subukan kaya natin ng paulit-ulit. Baka makabuo. Hehe”
“Ikaw talaga babe. Palabiro ka din eh”
“Pero seryoso ako, babe. Ayaw mo ba?”
“Hmmm. Gusto naman, siyempre. Pero…”
“Pero ano…?”
“Diba hindi pa dito legal ang same-s*x marriage sa atin?”
“Hmmmm. Hindi”
“E paano tayo magpapakasal?”
“Sino ba may sabisa’yo na dito tayo magpapakasal sa Pilipinas?”
“Ha? So it means, sa ibang bansa tayo magpapakasal?”
“Yup. Tumpak” pagkumpirma ni Riley “…at yung magiging baby natin, gagawin natin din yan sa ibang bansa, gamit ang technology nila doon”
“Ganon? Ang mahal kaya niyan, babe”
“Hmmm. Oo. Mahal. Pero diba, kung may pangarap ka, walang imposible? Ikaw ang pangarap ko, babe… at ang magiging pamilya natin” sabay hawak ni Riley ng kamay ni Jeff at hinalikan ito “Mag-iipon ako para sa’yo”
Ngumiti na lang si Jeff sa mga sinabi ni Riley sa kanya. Talagang sigurado na sila sa isa’t-isa na sila na habambuhay.
Itutuloy…