CHERRY
Bago ko pa man sagutin ang tawag ni George...boyfriend ko. My live-in partner for five years, ay sumikip na ang dibdib ko. Hindi na maganda ang kutob ko. Alam ko, may ipapagawa na naman siya at wala akong karapatang tumanggi.
Gabi na, kararating ko lang mula sa medical mission, at ang gusto ko lang sana ay makapahinga. Pero maski 'yon ay parang wala akong karapatang gawin.
“Pumunta ka rito ngayon din.” Malamig ang boses niya, matigas.
“Pagod ako, George. Kakauwi ko lang—”
“Wala akong pakialam. Pupunta ka. I’ll send you the address.”
At pinutol na niya ang tawag.
Pag-vibrate ng phone, lumabas agad ang location. Hotel sa Makati. Mapait akong napangiti. Tumayo ako at hindi na nag-reply—sanay na akong sumunod.
Wala naman kasi akong choice. Magagalit siya kapag hindi ako sumunod. At ayaw kong bigyan siya ng dahilan na itaboy ako—pagbabantaan na hiwalayan.
Tatlong taon na mula no’ng magbago ang lahat sa amin. Heto, kumakapit pa rin ako sa pangako namin sa isa’t-isa na habambuhay kaming magsasama.
Umaasa ako na balang araw ay huhupa din ang pagliliwaliw niya—manumbalik ang pagmamahal niya, at maging masaya kaming muli.
Pagdating ko sa hotel, mas humigpit pa ang tension sa dibdib ko. Para akong pinipiga habang binabaybay ang hallway. Mabigat ang hakbang. Hindi ko rin halos maitaas ang ulo nang makarating sa kwarto. Tumigil ako sa tapat ng pintuan. Huminga ako ng malalim. Pumikit... at kumatok.
Bumukas agad ang pinto.
“What took you so long?!” Galit ang salubong niya. Walang pag-aalala. Walang bakas ng hiya sa mukha.
Hinila niya ako papasok. Halos pakaladkad, diretsong dinala sa kama.
Napatigil ako. Nanlamig ang buong katawan ko. Habang nakatitig sa babae—magulo ang buhok, kalat ang kolorete sa mukha, namumutla, hawak ang puson, at namimilipit sa sakit.
Alam ko na ito ang posibleng madatnan ko. Pero iba pala kapag nasaksihan mo mismo. Mas ramdam ang sakit. Para akong pinunit sa gitna. Parang hinuhugot ang puso ko palabas sa aking dibdib. Umiinit na ang mga mata ko, pero pinipigil pa rin ang lumuha.
“Check on her,” utos ni George sabay tulak sa akin palapit sa babae.
Namudmod ako, pero hindi ko magawang magreklamo, hindi ko magawang magalit. Nanghihina akong umupo. Napatingala kay George. Hindi naman sadyang mapahikbi ako. Umigting ang panga at nanlilisik ang mga mata niya. ‘Yong tingin niya, parang ako na naman ang sinisisi, parang ako na naman ang may kasalanan.
“George…”
“Don’t look at me like that!” Suminghal siya. Tumilamsik ang laway sa mukha ko. Ang salitang gusto kong sabihin, nilunok ko na lang na parang laway.
Nakita ko ang pagdulas ng awa sa mukha niya—parang na konsensya. Pero saglit lang. Nawala din agad. Napayuko ako, mabilis na pinunasan ang luha bago pa siya muling magsalita.
“Ah, George… ang sakit!” Daing ng babae habang hawak ang puson.
Tumututol ang buong pagkatao ko na tulungan siya. Pero doktor ako. May sinumpaan akong tungkulin. Kahit ang mga taong sumira’t nanakit sa akin, tutulungan ko pa rin.
Huminga ako nang malalim. Muling pinahid ang luha. Hinarap siya at marahang inalis ang kumot. Walang saplot ang babae. At si George? Nakatayo lang sa tabi. Walang kurap. Hindi man lang nahiya. Parang sanay nang makita ang kabuuan ng babae.
Hinawakan ko ang tiyan ng babae. Wala akong nakapang abnormalidad. Kaya pulso naman ang sunod kong sinuri.
At muntik na naman akong bumigay.
Buntis siya.
“Kumusta ang baby ko?”
Magsasalita na sana ako, pero hindi natuloy. Nagulat ako sa tanong ng babae. Aware sila.
Muntik na akong mapasigaw—pero napako ako sa titig ng babae. Mayabang. Parang sinasabi ng mga mata niya na siya na ang panalo. Sa kanya na si George.
Napalingon ako kay George. Umaasa akong mag-explain siya. Humingi ng patawad. Hihiling na patawarin ko siya. Pero wala. Hindi siya nagsasalita.
Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang himasin ang buhok niya. Nakakunot ang noo. Alalang-alala.
“Tinatanong ka! Sagutin mo!”
“Alam mong buntis siya, pero ginalaw mo—”
Naputol ang salita ko sa sampal niya. Malakas. Tumagilid ang mukha ko. Nalasahan ko ang dugo sa labi ko. Sunod-sunod na namang pumatak ang luha ko.
Dinuro niya ako. Maya maya ay kumuyom ang kamay. “Hindi kita pinatawag para sermunan kami! Gawin mo ang trabaho mo!”
Tumango ako. Pinunasan ang luha. Kumalma kahit nanginginig pa ang buong katawan ko.
“Maselan ang unang tatlong buwan,” mahina kong sambit. “Iwasan ang nakakapagod na aktibidad. Dalhin siya sa OB para makasigurado sa kondisyon ng baby.”
“Eh ‘yung pananakit ng puson?”
“Warm compress.” Walang gana kong sagot.
Tumayo na ako. Hindi ko na kayang tumagal pa.
Pero bago ko pa man maabot ang pinto, hinawakan niya ang braso ko. Mahigpit. Nakakakilabot ang galit sa mga mata niya.
“George, nasasaktan ako!”
Pilit kong inalis ang hawak niya. Pero lalo lang humigpit.
“Nagawa ko na ang dapat kong gawin. Hayaan mo na akong umalis...”
“Sinabi ko bang pwede ka nang umalis?” Nanlilisik ang mga mata niyang unti-unting inilapit ang mukha sa akin.
“Ano pa ba ang gusto mo? Hayaan mo na ako…”
“Gusto mong umalis? Umalis ka na rin sa buhay ko!”
Parang umikot ang mundo ko. Tumigil ang hininga ko. Maski ang luha ko ay parang umatras.
Hinawakan niya ang pisngi ko. Mahigpit. Halos bumaon ang mga daliri niyang malamig—kasing lamig ng mga titig niya sa akin.
“George…”
“George,” singit ng babae, pa-sweet, nang-aakit. Lumingon agad si George, at pinakawalan ang mukha ko.
Lumapit siya sa babae. Nakaupo na ito sa gilid ng kama. Agad niya itong inalalayan. Lumuhod pa sa harapan at hinaplos ang puson nito. “Hindi na ba masakit?” tanong niya. Ngumiti ang babae.
Ako? Nakatayo lang. Parang nakatirik na posteng anumang oras ay mabubuwal na.
Ang bawat salita, bawat haplos, parang lasong dahan-dahang pumapatay sa puso ko. Gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw. Gusto kong magtanong, pero ni ungol... hindi ko magawa. Hindi ko kaya…
Tahimik akong tumalikod. Kinagat ang labi, pinigilan ang paghikbi. Lumabas ako ng kwarto.
Pero pagtapak ko sa labas, tuluyan akong nawalan ng lakas. Muntik matumba. Kumapit ako sa door handle.
“George, sundan mo na ang girlfriend mo,” narinig kong sabi ng babae.
“Bakit ko ‘yon susundan? Nag-iinarte lang ‘yon. Mamaya pag-uwi ko, hihingi ‘yon ng tawad. Tanga-tanga kaya n’on, uto-uto pa.”
Nanginig ang kamay ko. Napabitiw ako sa door handle na kinakapitan ko. Parang mapupugto na ang hininga ko.
“Mahal na mahal ako ng babaing ‘yon. Hindi ‘yon mabubuhay nang wala ako.”
Mapait akong ngumiti.
Tama siya. Mahal ko siya. Buong-buo. Kaya paulit-ulit niya akong sinasaktan. Kasi alam niyang hindi ako bibitaw kahit ilang ulit niya akong ipagtabuyan.
Pinahid ko ang luha. At kahit nanginginig pa ang tuhod ko, pinilit kong humakbang—palayo sa kwartong iyon, palayo sa lalaking hindi na ako minamahal.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Uuwi pa ba ako sa tahanang puro lungkot at sakit lang ang dulot sa akin, o magsisimula na akong lumakad papunta sa direksyong hindi siya kasama at wala ring katiyakan…