REYNAN
“Tara na nga, hinihintay na tayo ng may-ari ng bahay.”
Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon na tumanggi. Itinayo ko siya at giniya palabas ng coffee shop. At gaya no’ng una naming pagkikita, nagpaubaya pa rin siya.
“Susi mo…” sabi ko nang marating namin ang kotse.
Sandali siyang tumitig sa kamay kong nakalahad, at walang salitang binigay sa akin ang susi. Dala ko rin ang kotse ko, pero mas gusto ko nga siyang ipag-drive.
Pinagbuksan ko siya ng pinto, at tutulungan sana na ikabit ang seatbelt niya, pero mabilis na niya itong ikinabit.
Nagkibit-balikat na lang ako, at agad na pumunta sa driver’s seat. Medyo mabilis ang pagpapatakbo ko. Alas dyes nga kasi ang usapan namin ng may-ari ng bahay, kaya lang dahil sa gulong nangyari, na-antala kami.
“Teka, Reynan…” Palingon-lingon siya. “Daan ‘to papunta sa bahay mo.” Sinamaan niya ako ng tingin, pero nginitian ko lang siya.
“Kalma… ‘di naman kita dadalhin sa bahay. ‘Wag kang assuming…”
Hindi na siya nagsalita, pero ang talim naman ng tingin sa akin. Humalukipkip pa. Kung titingnan siya ngayon, ang sungit-sungit niya. Parang babaing walang kinatatakutan, pero mahina pala ang loob.
“Nandito na tayo,” sabi ko, at nauna nang bumaba. Pinagbuksan ko siya ng pinto.
Hindi siya kaagad bumaba, iginala niya muna ang paningin sa paligid, at saka tinitigan ako. “ ‘Yan na ba ang sinasabi mong bahay?” Turo niya ang bungalow house. Medyo luma na, pero maganda pa naman. Malawak at maayos din ang front yard na dumagdag sa ganda ng bahay.
Tumango-tango ako. “Iyan na nga po, dok.” Nginitian ko na naman siya, at saka pinindot ang door bell. “Halika na dok,” hinila ko siya. Ayaw pa kasi lumapit.
“Reynan, hindi ba mahal ang bahay na ‘to? Baka hindi kaya ng budget ko. Apertment lang sana ang gusto ko.”
“Aatras ka? Ayan na ang may-ari, oh,” nguso ko ang paparating na babae. Nakangiti itong pinagbuksan kami ng gate—si Anna.
Nagpalipat-lipat naman ang tingin ni Cherry sa amin. “Bahay mo ‘to?” tanong niya.
Tumango si Anna. Nginitian siya at iginiya papasok ng bahay. “Bahay ‘to ng mga magulang ko. Bumalik na sila sa probinsya kaya ako na lang mag-isa ang nakatira rito. Ang lungkot mag-isa, dok. So, nag-decide ako na maghanap ng tenant.”
Lumingon sa akin si Cherry nang makapasok kami. Seninyasan ko naman siya na makinig at sumama kay Anna.
Isa-isa nilang pinasok ang dalawang kwarto, habang ako naupo lang sa sofa at pinagmamasdan sila. Masaya naman ako sa nakikita ko, mukhang masaya si Dok Cherry. Napapagiti pa nga habang sumusunod kay Anna sa kusina.
Maya maya ay binalikan na nila ako. “Nagustuhan mo ba?” tanong ko nang makaupo sila.
Tumango siya, pero nahihiya namang tumingin kay Anna. “Magkano ba?” tanong niya.
“Dok, ayos na ako sa limang libo kada buwan. Kasama na ang tubig at kuryente. Hindi naman kasi pera ang habol ko, makakasama po ang gusto ko,” sagot naman ni Anna, pero nagnakaw naman ng sulyap sa akin.
Nakamot ko naman ang leeg ko. Napansin kasi ni Cherry ang tingin ni Anna sa akin. Tumalbog tuloy ang puso ko. Baka mag-isip na naman ng iba, magbago ang isip ,at ayaw na tumira rito.
“Go ka na, dok! Wala ka nang mahahanap na ganito kamurang bahay,” udyok ko.
Ang totoo, dito ko siya dinala kasi, malapit lang sa bahay ko. Agad ko siyang mapupuntahan kapag kailangan niya ng tulong. At saka, kasama niya rin si Anna na mag-re-report sa akin sa kung ano na ang ganap sa kanyang buhay kapag hindi kami magkasama.
Maya maya ay ngumiti siya at nakipagkamay kay Anna.
“Ayos!” bulalas ko. “Kukunin ko na ang luggage mo.” Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Dali-dali na akong lumabas. Ginarahe ko na rin ang kotse niya, at nakangiting binitbit ang luggage niya sa loob.
“Anna, okay lang ba na ngayon na ako lumipat.”
“Oo naman, dok!”
Naabutan kong usapan nila. “Saang kwarto ka, dok?” tanong ko nang sabay silang mapalingon sa akin.
“Mas gusto ko ‘yan. Gusto ko ‘yong nakikita ko ang view sa labas. Hindi ako na bo-bored.” Turo niya ang kwarto na kaharap ang kalsada.
“Ipapasok ko na itong luggage mo do’n,” sabi ko, pero napapakamot naman ako sa ulo. Masyado kasi akong excited. Masyado akong natutuwa. Mabuti na lang nag-e-enjoy na silang mag-usap, hindi na niya masyadong napapansin ang kinikilos ko.
Nang makapasok ako, nilagay ko ang luggage malapit sa kama, at binuksan ko ang mga kurtina. Lumanghap pa ako ng sariwang hangin at nagtipa ng mensahe sa phone ko.
“Reynan…” mahinahong tawag sa akin ni Cherry.
Ibinulsa ko muna ang phone at nakangiting hinarap siya. “Dok, may kailangan ka?” Bahagya akong lumapit sa kanya, pero lumihis siya at pumunta sa kama.
“Wala. Gusto ko lang sabihin na umalis si Anna. May mahalaga raw siyang lakad,” sagot niya at bubuhatin sana ang kanyang luggage.
Mabilis akong lumapit, at binawi iyon sa kamay niya. “Ako na, ang bigat-bigat nito,” sabi ko, sabay lapat niyon sa kama.
“Salamat, Reynan…pwede ka nang umalis. Masyado na kitang naabala.”
“Hindi ka abala, dok…” naibulalas ko.
Titig naman ang sagot niya, at umiling-iling pa. Ang linaw ng ekspresyon niya, hindi siya naniniwala sa sinasabi ko.
“Willing nga akong tulungan ka, ipagtanggol ka, samahan ka, at pakasalan ka—”
“Reynan—”
Nakagat ko ang labi ko. Tinaas ko ang mga kamay ko. “Tatahimik na po…”
“Sige na lumabas ka na. Kung gusto pang hintayin si Anna, sa sala mo na lang siya hintayin,” taboy niya sa akin. “Baka mag-isip pa ‘yon ng masama kapag naabutan tayong magkasama sa kwarto.” Tinulak pa ako papunta sa pinto.
“Ano naman kung abutan niya tayo…”
“Reynan, hindi ako bata na hindi maintindihan na may something sa inyo. Ayokong magalit siya, okay?”
Hindi ko napigil ang tawa ko. “Tingin mo may something sa amin?”
“ ‘Wag mo na e-deny, puro pa nga kayo nakawan ng tingin.”
Sinuksok ko ang isang kamay sa bulsa ko at sumandal sa hamba ng pinto. “Talagang hindi ko e-de-deny, kasi wala naman akong dapat e-deny. Walang something sa amin ni Anna, sa’yo lang ako gustong magkaroon ng something…” Kinagat ko ang dulo ng aking dila at nginitian siya.
Tinaasan na naman kasi ako ng kilay. “Gusto mong magkaroon ng something sa akin?”
Lumapad ang ngiti ko, tumango-tango, at napatayo pa ako ng maayos. Sa tuwa ko, lumapit din ako sa kaniya. “Payag ka nang magka-something tayo?” Nakagat ko ang ibabang labi ko.
Nginitian niya ako ng matamis, inipit niya rin ang ilang hibla ng buhok sa kanyang tainga. Parang inaakit ako.
Damn! Puso ko, nagwawala na. Isang hakbang na lang ang pagitan namin. “Dok…” pabulong at pinahangin kong sabi. “Bigay mo na ‘yong something…”
“Ito, something!” inis niyang sabi, sabay angat ng kamay.
Mabilis akong kumilos, hindi ko hinayaang lumapat ang palad niya sa noo ko na siyang pinupuntariya niya, sinalo ko, kasabay ng malakas ngunit maingat na paghila sa kanya papalapit sa akin. Napapitlag siya nang bumangga ang kanyang katawan sa dibdib ko, ngunit hindi siya nakapalag nang ipulupot ko ang aking kamay sa kanyang baywang.
Damang-dama ko ang mabilis niyang paghinga, hindi rin maipagkakaila ang hiya sa nanlalaking mga mata. Bumaba ang tingin ko sa nakaawang niyang labi. Napalunok ako. Dahan-dahang kong inilapit ang aking mukha sa kanya.
“Dok, ito na ba ‘yong something na gusto ko?” bulong ko, bahagyang inianggulo ang mukha ko para makita ang ekspresyon niya.