“Kanino mo nalaman?" Tanong ng binata. Baka alam nito kung saan tumitigil sa ngayon si Kristina. Isang lingo na mula ng dumating ito ngunit wala siyang anumang balita mula dito.
"Sinabi lang ng isang tauhan ko mula sa bilangguan. May isang preso siyang dinalaw at kasalukuyang pinipiyansahan.
Kapwa napahugot ng malalim na hininga ang dalawa sa narinig na iyon.
"Kasalukuyan siyang nakatuloy ngayon sa barangay Valle Verde na katabi lang ng hacienda nyo, Don Alfonso.
Maagang nagpaalam sa pagtitipong iyon ang Don. Nagprisinta ang binata na ihatid na ito. Nagtaka ang Don sa ibang daan na tinatahak nito.
"Hindi naman siguro masama kung sulyapan man lang natin siya." Wika ng binata. May sama ng loob din siya sa Don sapagkat nagawa nitong tiisin ang anak sa loob ng limang taon na di man inalam kung anong buhay ang tinahak nito.
Ilang tanong lang mula sa mga tao at natunton na nila ang kinaroroonan ng babaeng dayo sa lugar na iyon. Maliit lang ang barangay kaya't kilala ng bawat isa kung sino man ang bagong salta sa lugar na iyon.
Isang maliit na kubo na may munting terrace sa harap ang kinahantungan nila.
Kapwa malakas ang kabog sa mga dibdib ng dalawang lalaking panginoon kung ituring sa kani-kanilang hacienda.
Natanaw nila ang isang matangkad na babae na nakaupo na may hawak na itak at nagpuputol ng kahoy. Sa tabi nito ay salansan ng mga kahoy na panggatong na sadyang ibinibilad sa araw upang matuyo.
Kapagkuwa'y may isang kapitbahay na dumungaw sa tarangkahan at tila tinawag ito.
Tumayo naman ang dalaga at lumapit sa gate dahilang upang makita ng nasa sasakyan ang kabuuan ng dalagang limang taon na nawalay sa paningin ng mga ito.
Nanuyo ang lalamunan ng ama sa nakitang transpormasyon ng anak. Ilang pulgada ang itinangkad nito ngunit nawala na ang kainosentehan sa maganda pa ring mukha nito.
Bumalik ang dalawa sa salansan ng mga kahoy at pinasan ng isang lalaki ang isang bundle ng kahoy na panggatong at inabutan nito ng pera ang dalaga.
Nangilid ang luha ng Don sa nakita.
Ang kanyang anak na dating prinsesa ay nagbebenta na lang ng kahoy ngayon. Ano pang buhay ang hinarap nito sa loob ng limang taon?
Ilang sandali lang ay may paparating nang isang kotse na medyo may kalumaan na. Sa kabilang panig ng kalsada ito pumarada.
Saglit na natigilan si Kristina pagkakita sa mga dumating. Halos sabay sabay bumukas ang apat na pinto ng kotse at sabay ding nagbabaan ang apat na sakay nito. Palinga linga ang dalawa sa mga ito sa buong paligid habang papalapit sa dalaga.
Nagpaalam na ang kausap ng dalaga at hinarap naman nito ang mga bagong dating.
"Wala sa usapang susunod kayo dito." Walang emosyong bungad ng dalaga sa mga dumating.
"Nais lamang naming makita ang bago mong alaga." Makahulugang wika nito.
Pinapasok ng dalaga ang mga bisita sa loob ng kubo nito.
Kapwa naman walang kibo ang binata at ang Don sa nasaksihan. Ang mga dumating na bisita ng dalaga ay mga mukhang hindi pahuhuli ng buhay.
Napagdesisyunan nilang lisanin na ang lugar na iyon.
"Sigurado ka bang alam niya kung nasaan ang impormasyong hinahanap mo?" Tanong ni Mike.
"Ako na lang ang nakakaalam nun, tawagan ko na lang kayo kung gipit na talaga ako. Pasensiya na pero hindi kayo pwedeng tumigil dito sa bahay na ito."
"Walang problema, Kristina. Pansamantala dun muna kami sa dulong bayan para anumang oras may back up ka.
"Hoooh!! Masarap ang simoy ng hangin sa labas." Wika ni Angelito pagkalabas pa lang nito ng gate ng kulungan na iyon.
Kasunod nito si Kristina na walang kibo at tinitimbang ang kilos ng lalaki.
"Anong balak mo ngayon? Wala ka bang nais dalawin?" Tanong nito sa lalaki.
"Wala sa ngayon, alam mo naman siguro ang pagkakakilanlan ko."
Natahimik ang dalaga sa tinuran nito.
Isa itong dating hamak na kargador sa pier mula pa sa malayong isla ng Batanes.
Tanging ang kapatid lang nito ang nakakaalam ng buhay nito sa siyudad. Ang nanay nito ay ilang taon nang naghihintay sa pagbabalik ng nawalay na anak at walang ideya kung saan na ito napadpad.
Angelito Apostol ang ibinigay nitong pangalan sa mga pulis mula ng mahuli ito ngunit sadyang itinago nito ang tunay na pangalan bilang proteksyon sa mga maaring humabol dito.
Niyaya ng dalaga ang kalalaya pa lamang na si Arturo na tunay nitong pangalan sa isang mamahaling restawran sa bayang iyon.
Sandamakmak na pagkain ang inorder nito. Naintindihan niya iyon dahil sa ilang taong inilagi nito sa kulungan ni hindi ito nakatikim ng mga ganoong pagkain.
Tahimik lang na umiinom ng softdrink si Kristina habang tahimik na inoobserbahan ang kumakain nang lalaki. Planado na ang lahat at impormasyon na lang mula rito ang kailangan niya. Ngunit ayon kay Brando, kailangan muna niyang kuhanin ang loob nito bago ito makipagcooperate sa kanya.
"Langya' naman pare. Wala namang bastusan! Medyo tumaas na ang boses ng isang lalaki malapit sa mesa nila na may kasamang babae.
Binabastos ng kabilang mesa ang babaing kasama nito. Hindi na nakatiis at kinuha ng lalaki ang isang silya at inihampas ito sa mukha ng lalaking nambabastos, dahilang upang magtayuan ang mga kasama nito at gumanti sa huli.
Nagkagulo na ang mga tao at mabilis na lumabas ang iba upang makaligtas sa kaguluhan sa loob.
Napatigil na din si Arturo sa pagkain.
"Dessert gusto mo?" Kalmado lang na tanong ni Kristina at di pansin ang nagsusuntukan sa harap nila.
"Mamaya na, hindi pa tapos ang main course." Wika ng napapangiting si Arturo at ipinagpatuloy nito ang pagkain. Napahanga sa kakampantehan ng kasama sa kabila ng komosyon sa loob.
Nakarating na ang mga pulis ay kumakain pa rin ang dalawa na tila walang pakialam sa gulong nangyayari.
"Apostol! Mukhang ansarap ng pagkain natin, ah!" Wika ng isang pulis na lumapit sa mesa ng dalawa.
"Oo, boss! Namiss lang ang pagkain sa labas." Nakangising sagot nito.
"Kumusta, Miss Salvador?" Baling naman nito sa dalaga.
"Mabuti." Maikling tugon nito. Medyo nainis sa pagbanggit sa kanyang pangalan palatandaang kilala siya nito. Pamilyar sa kanya ang mukha nito. Kasa-kasama dati ito ni SPO4 Canlas at malamang ay natandaan siya nito dati.
"Magkakilala pala kayo?" Tanong nito.
"Ah oho, mamang pulis. Tini-treat ko lang ang kaibigan ko sa unang araw niya sa labas."
"May kotse ka pala." Wika ni Arturo sa dalaga.
"Hiram lang ito sa kaibigan ko."
"Racer si Brando, ibig sabihin ganun ka din."
Napangisi ang dalaga sa narinig. Ilang beses niyang natalo ang kaibigang si Brando sa ilang illegal racing na sinalihan nila.
"Sample, gusto mo?" Napangiti nang wika ng dalaga.
Unti-unting bumilis ang takbo ng kanilang sasakyan hanggang sa halos lumipad na sila habang binabagtas ang kahabaan ng San Bartolome.
Isa isang in-over-take-an ang mga sasakyan, hanggang iliko ng dalaga ang sasakyan sa isang short cut ngunit putol ang tulay. Ngunit lalong binilisan nito ang patakbo at lumipad ang kotse patawid sa kabilang bahagi ng putol na tulay.
Napasigaw si Arturo paglapat ng gulong ng kotse sa lupa.
"Sheeet!!! P******na!!!" Sigaw nito.
Napahagalpak na lang ng tawa ang dalaga sa naging reaksyon nito.
"Don't worry, you'll always be safe with me." Assurance nito sa lalaki."
Napatingin sila sa ilang kabataang pumalakpak sa gawing ibaba ng ilog na nakasaksi sa lumipad na sasakyan.
"Okay, okay! Pero please abisuhan mo muna ako nang hindi ako nasosorpresa." Wika na ng napanatag ng si Arturo.
"Ilang buwan din kitang hinanap, Arturo. Swerte lang ako at naunahan ko ang iba pang humahanap sayo."
"Paano mo nga pala ako natunton gayung pinalitan ko ang pangalan ko?" Tanong nito sa dalaga.
"Sabihin na nating medyo nakatisod lang ng konting impormasyon." Sagot naman ng huli.
Kasalukuyan nilang binabagtas ang daan papuntang palengke upang mamili ng mga kailangan ni Arturo nang may isang sasakyan ang biglang huminto sa kanilang gilid.
Alertong hinila ng dalaga ang kamay ni Arturo at mabilis na iginiya patakbo palayo sa mga sakay niyon.
Hindi niya papayagang makuha ng sindikato ang ilang buwan niyang pinagpagurang hanapin para sa kanyang mahalagang misyon.
"Arturo, alam na nila kung nasaan ka ngayon. Kailangan mong mag-ingat."
Mapait na napangiti ang lalaki.
"Ano bang ipinagkaiba mo sa kanila? Iisa lang ang habol ninyo, di ba?"
"Medyo sinuwerte ka lang at sa akin ka napunta kung hindi ay nakabitin ka na ng patiwarik at sumusuka ka na ng dugo oras na makuha ka nila."
"May ginintuang puso ka pala." Painsultong wika nito sa dalaga.
"Wag na tayong magpaligoy ligoy pa, Turo. Ibigay mo ang kailangan ko at ibibigay ko ang kailangan mo. Fair play ika nga." Alok ng dalaga.
"Tiwala naman ako sa salita mo, ngunit kailangan ko ng proteksyon."
"Wala kang magiging problema. Mas malawak ang koneksyon namin sa itaas. May kaibigan ako sa NBI, ituro mo lang at konting ebidensya at presto! Sila naman ang hihimas ng rehas."
"Ok... Anong impormasyon ang kelangan mo?"
"Kailangan kong pasukin ang teritoryo ni Black widow. Ikaw lang ang posibleng may koneksyon sa kanya."
Natahimik ang lalaki sa narinig mula sa dalaga. Ang binanggit nito ay alias ng isang lider ng kidnap for ransom gang na daan daang milyon na ang nakolekta mula sa biktima nitong mga kilalang tao. Ang pagkakakilanlan nito ay isang puzzle sa mga tao.
"Malabo yan, bata." Napapailing iling na wika nito.
"Wala akong pakialam kung kasinlabo ng tubig ng imburnal sa estero. Wala kang ibang gagawin kundi ibigay ang impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan niya."
"Bata ka pa, Kristina. Ang binabalak mong pasukin ay ang paglilibingan mo." Payo nito.
"Ilang beses na akong nakipagpatintero kay kamatayan at lagi ko siyang nalulusutan, hindi naman siguro masama kung kahit isang beses eh hindi ko na sya malusutan."
"Una una lang 'yan, Arturo. Sa bandang huli, magkikita kita din tayo."
"Hahaha saan sa palagay mo ang kapupuntahan ko?"
"Malamang sa impyerno, kaya magkumpisal ka na habang maaga."
Napabuntunghininga ang lalaki.
"Yung mga humarang sa atin kanina. Mga galamay sila ni Black widow." Seryoso nang wika nito.
Napahumindig ang dalaga sa narinig. Drugs ang alam niyang huling kinasangkutan nito sa kilala niyang sindikatong matagal ng huma hunting dito.
Suma total, maaaring nakaharap na niya ang isa sa mga galamay ni Black widow. Nabuhayan siya ng loob sa naisip na iyon.
"Pangalan at lugar lang ang kailangan ko, Arturo." Seryoso ng wika ng dalaga.
Hinipan ng lalaki ang seryosong mukha ng dalaga.
"Kelangan mong magpahangin, bata. Namumutla na ang iyong mukha." Wika nito sabay tayo at nauna ng sumakay sa kotseng nakaparada.
Hello, Kristina! How are you???
Napakunot-noo ang dalaga sa matinis na boses na narinig na umistorbo sa seryosong pakikipag-usap niya sa kanyang mobile phone.
"Its me, Nikki. Remember?"
Lumiwanag ang mukha niya pagkakita sa mukha nito. Parang kahapon lang at parang bumalik uli siya sa pagkabata.
"Nikki, ikaw na ba yan? Lalo kang pumuti." Anang dalaga.
"Oh, well. Paano ba naman bihirang masikatan ng araw sa States ang lola mo."
At lalong umaliwalas ang mukha nito ng may tila naalala.
"Guess what... I'm getting married next week. Tamang tama umuwi ka na."
Tahimik na ngumiti lang ang dalaga sa narinig.
Umuwi? Hindi siguro. Bagay na hinding hindi na mangyayari sa kanilang mag-ama.
"Ah so... Invited ba ako?"
"Of course!! Ihahabol kita sa listahan ko ng bridesmaid. Magaling ang tailor ko, in one day magagawa ang gown mo."
"Ha? Biglaan naman yan."
"Okay lang yun, Kris. You're my long lost friend kaya nang sabihin ni Uncle na bumalik ka na hinanap talaga kita."
"Nagtatampo nga kami ni Dina sayo, ni hindi ka man lang nakipagcommunicate sa amin for all those years." Seryoso nang wika nito.
"Well, hindi biro ang buhay sa siyudad. Masyadong maraming nangyari, busy." Malabong alibi nito.
"Okay, let's forget about it. Ang mahalaga, nagbalik ka na dito sa San Bartolome."
Lihim na napangiwi ang dalaga sa tinuran ng kaibigan. Hindi siya bumalik ng bayang iyon hindi sa kung anu pa man. Mabilis pa sa alas kwatrong aalis siya oras na makuha niya ang impormasyong nais niya.
"Kris, baka gusto mo naman kaming papasukin sa kubo mo. Kasama ko pala si Uncle nasa loob ng car."
Napalingon ang dalaga sa sasakyan sa gilid ng kalsada. Iyon mismo ang sasakyang sumusunod sa kanya nung araw na bumalik siya sa bayang iyon.
"Sige, halika."
Sumenyas naman ang kaibigan niya sa tinted na sasakyan upang ayain papasok sa bahay niya.
Bumukas ang pintuan mula sa driver seat at bumaba si Ricardo.
Sumikdo ang puso niya pagkakita dito. Ni hindi nagbago ang hitsura nito mula ng huli niyang makita.
Nagpauna na siyang pumasok sa kabahayan. Sumunod naman ang magtiyo papasok sa sala.
"Maupo muna kayo at kukuha lang ako ng maiinom ninyo."
"Hindi na, Kris. Nag breakfast na kami kanina sa bahay. Inagahan lang namin dahil baka hindi ka uli namin maabutan." Wika ng kaibigan.
"Galing na kami dito kahapon pero sabi ng kapitbahay mo lagi ka nga daw umaalis." Sabat ni Ricardo.
Napatingin dito ang dalaga.
"Kumusta ka na, Kristina?" Titig na titig ito sa dalaga. Nasilip niya ang maraming katanungan sa mga mata nito.
"Mabuti naman."
Inilibot ng binata ang mata sa loob ng kabahayang iyon. Sadyang salat sa lahat ng bagay. Ang kahoy na upuan nila ay tila bibigay na anumang oras.
"Hindi ka ba maghe-Hello man lang sa Papa mo? Matagal ka na niyang hinihintay." Muling tanong ng binata.
Mapait na napangiti ang dalaga sa narinig.
"Hindi na kailangan. Wala na ang Kristinang anak niya." Makahulugang wika ng huli.
"Ano ka ba, Girl. I'm sure magkakaayos pa kau ng Papa mo."
"Kumusta naman naging buhay mo sa Manila?" Seryoso pa ring tanong ng binata.
"Ok lang. Sandali ha, question and answer portion ba ito? Hahaha." Paiwas na tanong ng dalaga.
"Hindi naman, girl. Antagal mo kasi nawala, andami namin na-miss sa ilang stage ng life mo. San ka nag-graduate at san ka nagwowork?"
"Hindi ako naka-graduate, hanggang second year lang naabot ko."
Sabay napakunot-noo ang dalawang kaharap sa narinig.
"What! Second year??? Why? What happen?"
Natawa na lang siya sa naging reaksyon ng huli.
"Ano ba kayo? Para namang anlaki ng ginawa kong pagkakamali."
"Hey, girl. Of course naman, dapat kahit ano mangyari nag-graduate ka."
"Nagkasakit kasi si Mama, then kinailangan kong magwork full time para matustusan yung hospital bill nya."
Nakuyom ang palad at napailing iling na lang si Ricardo sa narinig mula sa dalaga. Gusto niya itong sumbatan kung bakit sa dami ng nangyari sa ilang taon, ni isa sa kanila ay hindi nito nilapitan upang humingi ng tulong.
"All those years, ni hindi mo man lang ba naisip na umuwi dito? Andito kami at ang Papa mo." Sumbat tanong ni Ricardo.
"Itinakwil na niya ako. At kinalimutan ko na din ang tungkol sa kaniya." Wika ng dalaga sabay tayo at dumungaw sa bukas na bintana. Pinipigilang tumulo ang luhang akala niya'y naubos na sa isanlibo't isang dusang tinamo sa ilang taong lumipas. Ilang alaala ang nag-flashback sa kanyang isipan.
Sa pagpikit ay nakita niya ang ina na nanghihina sa hospital bed at kinailangan niya itong iwan upang gawin ang 'trabaho' na utos mula sa amo ni Brando kapalit ng malaking halaga pambayad sa bill nito.
Matagal na katahimikan ang namagitan sa tatlo sa sala sa loob ng bahay na iyon.
"Okay, girl pahinga ka na lang muna. Kita ko naman same size tayo, ako na lang ang proxy mo sa tailor."
Napangiti si Kristina sa kaibigan. Ni hindi nagbago ang ugali nito.
"Okay, so sisipot na lang ako the night before your wedding." Magaan nang wika nito.
"Sige, girl. Magpapaalam na kami ni Uncle. See you na lang."
Ngunit si Ricardo ay tila hindi pa naka move on sa ilang sandaling lumipas. Seryoso pa rin itong parang natalo sa sakla. Walang kibo itong tumayo at malungkot na nagpaalam kay Kristina.
"Basta kung kailangan mo ng tulong, nandito lang kami." Kinulong ng palad nito ang mukha ng dalaga. Hindi na nakapagpigil at mahigpit na niyakap ang huli. Ilang taon siyang nalunod sa pangungulila sa dalaga at ang mayakap ito ay sapat ng kabayaran doon.
Napakaganda ng kaniyang kaibigan sa suot nitong wedding gown. Kusang gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi ng maalala ang high school life nila nito. Naroon din ang ilang kaklase nila na di na niya matandaan ang mga pangalan. Pagkuwa'y may isang babaeng bigla na lang yumakap sa kanya.
"Kristina.." Maluha luha si Dina sa pagkakayapos sa kanya.
"Dina?? Ohhh kumusta?" Masaya siya at nakita niya ang dating bestfriend.
"Oh, girl. Bad ka talaga. Ni hindi mo ako tinawagan man lang. I felt worthless as your bestfriend."
Isang pilit na ngiti lang ang naging tugon niya dito.
"Pasensya ka na, Dina. Kinailangan kong limutin ang lahat para mawala ang sakit." Malungkot niyang pahayag dito.
"Girls!! Get ready for the march. Parating na ang bride!" Matinis na pang aagaw pansin sa kanila ng baklang wedding planner.
"Ok, girl.. Mamaya na lang ulit tayo mag usap." Wika ng kaibigan.
Humiwalay siya sa kaibigan at naramdaman ang pag vibrate ng phone niya na nakaipit sa stocking sa gawing hita. Dali-dali siyang lumabas sa gilid ng simbahan upang sagutin ang tawag.
"Hello, Arturo?"
Namutla ang dalaga sa narinig mula sa kabilang linya.
"Huwag kang lalabas! Basta huwag kang lalabas ng bahay. Tatawagan ko si Mike ora mismo!"
Mabilis na pinutol ng dalaga ang linya at mabilis din na nagdial upang tawagan ang kanyang mga back up na nasa dulong bayan.
"Shit.. Bakit ngayon pang nasa kasal ako?"
"Hello Mike? Si Sting ito. Puntahan mo si Arturo ora mismo. May mga armado sa labas ng bahay. Huwag mong hahayaang makuha siya. Susunod ako pagkatapos ng seremonya ng kasal."
May ilan pang instruction na ibinigay ang dalaga at pinatay na ang linya.
Huminga ng malalim at tila balewalang bumalik sa loob ng simbahan.
Si Ricardo ay kanina pa nakamanman sa kilos ni Kristina. Nakita niyang labis ang pag-aalala sa mukha nito pagkatanggap sa tawag sa telepono. Medyo natawa lang ang binata ng ililis nito ang lampas tuhod na silk na dress at iipit nito ang phone sa stocking sa hita.
Napakaganda ng bridesmaid ng kanyang pamangkin. Ang 3 inches high heels nito ay bumagay sa silk dress na humahapit sa makurbang katawan nito. Ang buhok nito ay hinayaan lang na nakalugay na tinatangay ng hangin.
Alumpihit ang dalaga habang idinaraos ang seremonya ng kasal ng kaibigan. Hustong nag kiss ang bride and groom ay mabilis ng tumalilis ang dalaga patungo sa naghihintay na sasakyan sa labas. Diretso siya sa driver seat at siya na mismo ang mabilis na nagpaharurot paalis sa lugar na iyon.
"Andun na ba sila Mike?" Tanong nito sa kasama.
"Oo, Sting. Nakapwesto na sila kung sakali mang may kumilos papasok sa bahay na kinaroroonan ni Arturo."
Lalong binilisan ng dalaga ang patakbo ng sasakyan at ilang minuto lang ay inihinto nito ang kotse ilang bahay ang pagitan mula sa kubo ni Arturo.
Kinuha niya ang telepono ang dinayal ang numero.
"Arturo, nandito na ako sa labas."
"Kristina, alam na ni Black Widow ang kinalalagyan ko. Anumang oras mula ngayon, mamamatay na ako."
"Yun ang akala mo, ulol ka! Hindi ko papayagang mangyari yun." At pinatay na nito ang linya.
Nakakapa na niya ang ilang buwan niyang hinahanap na may kaugnayan kay Black Widow. Hindi lang si Arturo kundi ang mga lalaking nakapaligid sa kubong iyon. Hindi niya mapapalagpas pa ang ganito kailap na pagkakataon.
Suot pa rin ang heels at lumakad papalapit ang dalaga sa nakahintong sasakyan ng mga armadong lalaki.
Alerto naman ang mga ito sa paparating.
Itinutok nito ang baril sa dalaga at ito ang pagkakamali nito dahil si Mike na sniper na kanina pa nakpwesto ang tinarget mismo ang ulo nito.
Lalong binilisan ng dalaga ang paglapit sa sasakyan at inililis ang skirt upang kunin ang baril sa kanang hita. Tatlo na ang bumulagta gawa ng sniper bago pa man makalapit ang dalaga.
Diretso ang dalaga sa tapat ng driver seat habang nakatutok ang baril dito.
"Baba!!!" Siya na mismo ang nagbukas ng pinto ng kotse habang nakatutok pa rin ang baril sa lalaki sa loob niyon.
"Huwag ka nang manlaban pa kung ayaw mong matulad sa mga kasama mo.. Baba!!"
Takot na bumaba ang lalaki na siyang tanging buhay na lang, lalong bumadha ang takot sa mukha nito ng makita ang mga nakabulagta ng mga kasama nito.
Lumabas na rin si Mike mula sa pinagkukublihan nito at dalawa pang kasama nito sa kabilang panig ng kubo.
Mabilis na binuhat ng mga ito ang apat na patay sa kalsada at ipinasok sa sasakyan ng mga ito.
"Jericho, ikaw na magmaneho ng sasakyan nila palabas ng San Bartolome, abandonahin mo dalawang bayan mula dito."
"Oo, Sting." At mabilis ng kumilos si Jericho. Ora mismo ay pinaandar nito ang sasakyan.
"Mike, isama mo na 'to sa dulong bayan, susunod ako pagkatapos ng reception ng kasal. Siguraduhin mong hindi makakatakas." Utos dito ng dalaga.
"Paano si Arturo?" Tanong nito.
"Umalis na kayo, mahalaga ang bawat minuto. Ako na ang bahala sa kanya." Sabay talikod ng dalaga papunta sa loob ng kubo.
Mabilis namang kumilos ang tatlo at sumakay na sa nakakubling sasakyan ng mga ito bitbit ang nakagapos nang bihag. Nadatnan ng dalaga si Arturo na nakaupo sa kahoy sa silya sa loob ng kubo. Tila hapo ito at galing sa napakalayong paglalakbay.
"Kumain ka na ba?" Tila walang nangyaring tanong ng dalaga.
Napatingin lang si Arturo sa dalaga at napahugot ng malalim na hininga sabay iling na napangiti na rin. Naisip na ibang klase talaga ang babaing ito.
"Nakita mo naman siguro ang nangyari sa labas, Arturo." Mukhang may ibubuga naman ang lalaking nabingwit namin."
"Si Rex yun, bataan din ni Black widow." Sagot nito.
"Alam ko." Mabilis na sagot ng dalaga.
"Arturo, isang tanong isang sagot lang. Sino si Black widow."
Natahimik ang lalaki sa tanong na iyon.
"Pasasaan ba't malalaman ko rin naman mamaya sa Rex na yun. Ngayon, ito na ang huling beses na uulitin ko ang tanong at pagkatapos, kanya kanya na tayo. Aalis na kami nila Mike sa bayang ito at bahala ka na sa buhay mo."
"Okay, sasabihin ko na lahat ng nalalaman ko." Sabay abot sa dalaga ng maliit na black notebook mula sa bag nito.
"Girl, saan ka ba nagpunta? Salubong sa kanya ng bride habang bumubungad siya sa beach resort na pinagdarausan ng reception."
"Sorry, Nikki. Naligaw ako papunta dito." Alibi niya.
"Ohh, hihihi antagal mo kasi nawala girl. Nakalimutan mo na mga way dito sa San Bartolome."
"Well, kanina pa di mapakali sa simbahan si Uncle at bigla ka na lang nawala."
Pilit na ngiti lang ang naisagot niya sa kaibigan.
Mabilis na lumapit si Ricardo kay Kristina pagkakita dito.
"Where have you been, lady?" Seryosong tanong nito sabay hawak sa braso niyang may gasgas gawa ng pagsabit ng baging na pinanggapos nila kay Rex kanina.
"Sumabit kanina sa simbahan." Sabay bawi sa braso mula sa pagkakahawak nito."
"Dun ka na sa table namin." Sabay hawak sa bewang niya at iginiya papunta sa mesa nito.
Natigilan ang dalaga at naroon at nakaupo ang kanyang Papa at asawa nito at sa kaliwa nito ay ang ninong niya na isa nang retiradong general. Ipinaghila siya ng silya ng binata.
"Kumusta, hija?" Nakangiting bati ng kanyang ninong.
"Mabuti po, ninong." Pormal na sagot ng dalaga.
"Napakapormal naman nitong inaanak ko kumpadre. Dati lang eh lagi akong hinoholdap nito, hahaha."
Ni hindi ngumiti man lang ang dalaga o tumingin sa mga kaharap. Mahirap makalimot sa mga nangyari at walang ideya ang mga kaharap kung ano ang pinagdaanan niya sa nakaraang mga taon.
"Excuse me, ladies and gents." Sabay tayo at nilisan ang mesang iyon.
Minabuti ng dalaga na sa labas na lang muna ng reception manatili. Bahagyang lumuwag ang dibdib niya sa pagdampi ng mabining hanging dagat sa pisngi niya at nagpalipad sa nakalugay niyang buhok.
Ilang malalim na buntung-hininga ang pinawalan at tila nanumbalik ang lakas ng humugis na sa kanyang pagkatao sa ilang taong nakaraan.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at dinama ang kapayapaang hatid ng hanging dagat na yumayakap sa kanyang balat.
"Kumpadre, nais ko nga palang ipakilala sayo ang kasamahan kong isa ring heneral na ayaw pang magretiro."
Isang ngiti ang iginawad ni Don Alfonso sa kaibigan ng kumpadre, sabay abot ng kamay dito.
"At ito naman si Ricardo, ang may ari ng pinakamalaking hacienda sa buong rehiyon."
Isang ngiti na may iling ang isinukli ng binata sa tinuran ng butihing heneral.
Ngunit wala siyang tiwala sa ipinakikilala nito. Ang kaharap nila ngayon ay kilala bilang isang berdugong heneral.
Ilang beses na niyang napanood sa mga balita ang pagbatikos ng ilang grupo ng human rights dahil sa pagkadawit ng pangalan nito sa pagkasalvage ng ilang kriminal sa bansa.
Mahigpit na pakikipagkamay at pagbati ang naging sagot nito.
"General Macario Fernando, ang inyong lingkod." Ang wika nito sabay ngiti na lalong nagpatingkad sa tikas sa kabila ng edad nito.
Masaya itong kausap at sadyang nalibang ang mga nasa mesang iyon kahit na ang santambak ng bodyguards nito ay agaw pansin sa pagtitipong iyon.
Pagkuwa'y lumapit ang isang bodyguard nito at may ibinulong sa heneral at bumahid ang pagkaseryoso sa mukha nito. Marahan nitong hinimas ang manipis na balbas sa baba at sumilay ang isang ngisi sa mga labi.
Bumalik na sa loob ang dalaga pagkatapos payapain ang sarili. Namili na lang ng table na medyo malayo sa mesa ng ama.
Isang senyas ang ibinigay ng bodyguard ng heneral at pumako ang mga mata nito sa naglalakad na si Kristina.
Hindi napigilang sumilay ang mga ngiti sa labi nito pagkakita sa naglalakad na dalaga.
"Well, well, well.. Look at her. She looks like a flower but she will sting like a bee."
Napatingin ang lahat sa tinutukoy nito. At biglang nagseryoso ang lahat sa mesang iyon.
"Do you know her? I am her godfather." Seryosong tanong ng retiradong heneral.
"A godfather?!!!" Di makapaniwalang tanong nito.
"And she’s my daughter." Seryoso pa sa seryosong sambit ng Don na lalong nagpalaglag sa panga ng nagugulumihanang heneral.
"Do you know her?" Ulit na tanong ng ninong ng dalaga.
"Well, not exactly. It's just that... Ahm I know some of her friends.
"And Don Alfonso, is she really your daughter? As I have known, she is a Tondo girl and ...." At tila may naalala itong hindi dapat sabihin at hindi na lang itinuloy sabay tingin sa kumakain ng dalaga sa kabilang panig.
"Wait." Sabay tayo ng heneral at diretsong lumakad papalapit sa dalaga. Awtomatikong bumuntot dito ang dalawa sa mga bodyguards nito.
Walang anumang umupo ito sa bakanteng upuan sa mesang iyon na ikinabigla ng dalaga.
"Are you on a mission right now, Sting?" Diretsong tanong ng heneral sabay ngiti sa kaharap.
Napataas ang kilay ng dalaga matapos maka-recover sa pagkagulat sa biglang paglitaw ng berdugong kaharap.
"Well, yes. But I am taking my break." Isang nakakalokong ngiti ang sumilay sa mga labi ng dalaga.
Nakuha ni Macario ang ibig sabihin ng dalaga. Ang pagdalo nito sa kasiyahang iyon ay hindi parte ng misyon nito.
"Parami ng parami ang bodyguards mo, ha?" Pasaring ng dalaga.
"Sting, the price for my head is getting high."
"I know, but take extra care these coming days. We might need your help."
"Big fish?" Interesadong tanong nito. Tila nabuhay ang dugo pagkarinig sa tinuran ng dalaga.
Humiwa muna ng steak ang dalaga at mahinhin na isinubo iyon sa bibig bago sumagot sa kaharap.
"A shark." Seryoso at tuwid na tumitig ito sa kaharap.
"We are not suppose to talk about these things here. By the way, I met your Dad.”Sabay tingin nito sa kabilang mesa na lahat ng nakaupo doon ay pawang nakatingin sa kanila.
"Hindi ko maintindihan kung bakit ang isang heredera ay lumaki sa squatter's area." Tanong nito.
"It's a long story." May inis nang wika ng dalaga.
"Then tell me, your explanation is required to trace your real identity." May pagbabanta na sa boses ng heneral.
"I am Kristina, anak sa labas ni Alfonso Salvador. A prodigal daughter... Satisfied? If you have any doubt then ask my ninong. He can tell you everything."
Nanahimik na si Macario dahil ang kaharap na dalaga ay namumula na at nakakuyom na ang mga kamay nito at anumang oras ay tila susunggaban na siya. Bagay na nagpaalerto sa bodyguards nito.
Tumayo na ito at walang paalam na iniwan ang dalaga at bumalik sa mesa na alam niyang kanina pa nanonood sa pag uusap nila.
"Sorry to disturb her. She hates to be disturbed." Aniya at itinuloy ang naiwang pagkain.
"Attention, girls!!! Please be ready for the flower!" Matinis na boses ng baklang wedding planner na umagaw sa pansin ng mga bisita.
"Girl, dali dun tayo sa harap!" Sabay hila ng kaibigang si Dina kay Kristina papunta sa malapit sa kinaroroonan ng bridal na maghahagis ng flower sa mga naghihintay na bridesmaid.
"1, 2, 3!" Sabay hagis nito sa mga babaeng nag-uunahang makasalo sa bulaklak
Saktong napunta ang bulaklak sa gawi ni Kristina at tumama pa ito sa mismong ulo nito. Walang nagawa kundi saluhin iyon at mabilis lamang na ipinasa sa kaibigang si Dina. Masaya naman ang kaibigan sa nangyari at humahalakhak na nagyakap ang magkaibigan.
Cheers!!! Nakiinom na rin ang dalaga dahil hindi nakatanggi sa mga alok ng mga dating kaibigan. Sinamantala na lang niyang humiwalay sa grupo habang nagkakasiyahan ang mga ito.
Walang anu-ano ay may biglang umakay sa kanya at iginiya sa kabilang grupo.
Hawak pa rin ni General Fernando ang kamay ng dalaga at inagaw ang pansin ng mga naroon.
Napabuntunghininga na lang ang dalaga.
"Kristina, what a small world! Your ninong is just a good friend of mine. Kung alam ko lang sana eh 'di nakabonding man lang tayo these past few years." Masiglang wika ni Macario.
Ngiti lang ang isinagot ng dalaga. Medyo nakatulong ang isang basong alak upang kumalma sya sa oras na iyon.
"Don't worry kumpadre, we all have our time para diyan." Wika ng kanyang ninong sabay akbay sa inaanak.
Tahimik lang na nanonood ang kaniyang ama kasama ang asawa nito na kanina pa walang kibo. Si Ricardo naman ay nagmamasid lang sa mga nag-uusap.
Niyayang umupo ni Ricardo sa malaking mesa ang grupo. Napagitnaan ito ni Don Alfonso at General Macario