2
paglulubid
Matatalim ang kidlat at dumadagundong ang kulog noong kalagitnaan ng gabi kaya’t nawalan na naman ng kuryente. Gusto ko pa naman sanang magsulat. Lumabas ako sa kusina at nagpunta sa aking
sulatan. Kinuha ko ang aking notebook at nagsimulang magsulat sa dilim.
Itinala ko ang mga gunita, araw-araw na pangyayari, iniisip—sa porma ng tula.
Kahit paano, basta tula. Ang tula para sa aki’y iyong may natatandaan akong linya. Hindi naman sa itinuturing kong makata ang sarili. Upang madali ko lamang maalala ang aking itinala kaya
ako tumutula. At mula sa tula, babalangkasin ko ang kuwento.
At paano ako naglulubid ng salita?
Para lamang nagluluto—Hinahalo-halo ang sangkap, pinipiris ang hinanakit—Inihuhulog ang nakatatawa pagsubo ng dusa—Sinasangkutsa ang sigla para kumatas, nakatagong
pait—Pagkulo ng galit, inaawatan ang gatong—Hinahayaang lumambot sa hinay-hinay na apoy—Hinuhugasan muna ng romansa nang laswa’y ’wag sumama—Tunggalia’y
hinahango ’pagdaka (malulusak ’pag nababad)—Binubudburan ng katatawanan para drama’y gumaan—Inihahain nang mainit—Pinaiikutan ng siste, umaasang lasa’y
mag-iiwan ng palaisipan.
Karaniwang nagsusulat ako sa kalaliman ng tulog ng aking mga kasambahay. Maaga akong natutulog at nagigisisng ako sa kalampag ng mga kaserola, kaluskos ng mga dagang naghahalungkat ng makakain.
Kinakalkal ng mga ito ang basurahan, itinutumba ang mga bote at garapon, binubuklat ang mga libro at diyaryo. Hinahamon ako.
Biglang sumindi ang ilaw. Ang panganay! Kipkip niya ang kaniyang mga libro at inilatag ang mga iyon sa mesang kainan. Nagtuturo siya ng malikhaing pagsusulat at isa rin siyang manunulat.
Kumukuha siya ngayon ng masters. Nagulat siya nang matanaw niya ako na nagsusulat sa dilim. Natawa siya.
“Ano’ng ginagawa niyo riyan? Ba’t di kayo mag-ilaw? ”
“Namamana ako sa dilim,” sabi ko para patawanin siya at tumawa nga siya.
Parang ang panaho’y lumigaw-tingin panay kindat at buladas, walang ibinugang ulan.
May kuryente na, kaya’t binuksan ko ang computer at dinugtungan ang sinusulat kong nobela. Ano kaya’t ipabasa ko sa panganay ang mga sinulat ko? Kinuha ko ang nasulat kong dalawang
kuwento. Inabot ko sa kaniya.
“May nasulat akong mga kuwento.”
Gulat na gulat siya.
“Nagsusulat kayo? Kelan pa?”
Hindi ako umimik. Binasa niya nang tahimik ang mga kuwento. Pahapyaw ang pagbasa niya. Pagkaraa’y nakangiting tumingin siya sa akin. Iyon bang ngiti ng ina nang ipakita ng kaniyang anak
ang unang naiguhit nito.
“Maganda. Ipapa-publish natin.”
Isinama niya ang mga kuwento sa kaniyang mga librong nakalatag sa mesa. Ano kaya’t ibigay ko na rin ang aking mga tula nang malathala rin ang mga iyon.
“May nasulat din akong mga tula.”
“Mga! Natutulog pa ba kayo?”
Binuklat-buklat niya ang maraming pahinang papel na tula. Muli, pahapyaw niyang binasa. Pagkatapos, isinama rin ang mga iyon sa kaniyang mga libro.
“Pangit?”
“Hindi naman tula’ng sinulat niyo. Hindi basta’t pinagrhyme niyo, tula na. May ilang maganda. Aayusin ko.”
“Ako na lang. Sabihin mo lang kung paano.”
“Mama! Kaya ako narito para gawin ang thesis ko. Mas makulit pa pala kayo sa apo n’yong si Amado.”
Hindi ako nagpilit. Itinuloy ko ang sinusulat kong nobela. Niyapos niya ako.
“Nami-miss mo ba si Papa kaya ka nagsusulat?”
Paiwas ang sagot ko. “May sinusulat akong nobela. Dalawa.”
Natawa siya. “Pinagsasabay ninyo?”
Ipinakita ko sa kaniya ang isang notebook kung saan ko isinulat ang borador ng unang nobela at ang naka-computer na pangalawang nobela.
Binuklat niya ang mga ito. Pahapyaw na binasa.
“Hm, mukhang maganda. Babasahin ko mamaya.”
“Puwede talagang ma-publish ang kuwento ko?”
“Oo naman. At parehong mukhang interesting.”
Hinihintay ko ang iba pa niyang sasabihin pero nagsulat na siya habang nakabukas ang binabasa niyang libro na parang wala ako sa harap niya.
Pumasok na lang ako sa kuwarto. Ayokong magsulat nang may ibang tao at gayon din siguro ang panganay. Agad akong nakatulog. Paggising ko kinabukasan, naroon na sa aming bahay si Felicing. Siya
ang aming katulong na nagpupunta sa amin ng dalawang beses isang lingo. Naisipan kong biruin siya.
“Nagdedeklara ako ng giyera sa mga daga mula sa araw na ito.”
Nailagay niya ang kamay sa bibig. Sinaway ako.
“Naku! Sisirain ang mga damit n’yo!”
Natawa ako. Ganap na siyang natakot ng daga. Mabait, ang tawag niya sa daga. Naglaro si Mabait, sabi niya nang makitang butas ang kaniyang T-shirt. Tinikman ni Mabait—
nang nginatngat ng daga ang tinapay.
Pero ako, hindi ako pasisindak sa daga. Matira ang matibay.
Gayunman, nang ibigay sa akin ng pangalawa ang lason sa daga—ayaw ko iyong gamitin. “Kakalat ang lason. Babaho. Gusto ko, kusang umalis ang mga daga sa ’ting bahay. Papatayin
ko ang ilan: para iparating sa kanilang seryoso akong palayasin sila. At huwag na silang makabalik-balik pa.”
Nagtawanan ang aking mga kaharap.
Natawa rin ang panganay nang mabasa ang listahan ng aking ipinabibili sa groseri. Bitag para sa malalaking daga, fly paper para sa mga bubuwit, paing tinapay (“iyong nakapaglalaway
ang amoy,” bilin ko pa). Idinaan niya sa amin ang mga ipinabili ko noong hapon at umuwi na sa kanila. Baka daw hinahanap na siya ng kaniyang anak.
“Uunahin kong patayin ang malalaki. Kapag ubos na’ng malalaki, isusunod ko ang maliliit. ’Di puwedeng sabay. ’Pag dumikit ang maliit na daga sa fly paper,
ililigtas ito ng malaking daga. Hindi rin mata-trap ang malaking daga—ipakukuha nito sa maliit na daga ang pain. Kayang lumusot ng maliit na daga sa siwang ng trap.”
Hagalpakan ng tawa ang aking mga anak. Nangantiyaw ang bunsong lalaki.
“Si Mama, akala’y matalino ang daga.”
“Tulad ng sinabi ng isang matalino—huwag maliitin ang kalaban mo.”
Mapupuksa ko ang mga daga sapagkat masusi kong pinag-aralan ang kanilang gawi. Sa kanilang gawi, sila’y mahuhuli.
Pagdating ng gabi, una kong ginamit ang bitag na sinalaki ng kahon ng sapatos na yari sa sala-salang makapal na alambre. Ipinain ko ang pandesal na isinawsaw ko muna sa tsokolate. Pagkaraan,
inilagay ko ang bitag sa tabi ng basurahan dahil doon gumagawi ang mga daga.
Nahiga na ako. Nakiramdam. Nang marinig ko ang lagitik ng pagsara ng bitag, bumalikwas ako. Pagdating sa kusina, naroon na ang dalawang bunso. Tuwang-tuwa. Malaki ang nahuling daga. Naramdaman
agad ng daga na ito’y nasilo. Pasuling-suling ito, humahanap ng malulusutan. Nagtawanan kami.
“Lunurin na n’yo. Baka makapag-communicate pa sa iba,” utos ko.
Iminulagat ng bunsong lalaki ang mga mata na parang isang retarded at inilapit nang pagkalapit-lapit ang mukha sa akin. Ito ang paraan niya ng pagkokomiko.
“Mahipan ka ng hangin,” natatawang saway ko.
Dinampot niyang patayo ang bitag.
“Kinain pa rin niya ang tinapay. Napakatanga!”
“Bayaan mo na, last supper na niya iyan,” anang bunsong babae.
Inilubog ng bunsong lalaki ang bitag sa mataas na timbang puno ng tubig. Pagkaraan ng ilang minuto, matigas na ang daga. Kahit gabi’y humukay siya ng paglilibingan ng daga.
Hinugasan kong mabuti ang bitag para walang maiwang bakas na doo’y may nahuling daga. Muli akong nagpain ng tinapay na isinawsaw ko muli sa tsokolate. Pinayuhan ko ang dalawang bunso na
matulog na.
“Sige, tulog na kayo. Aabangan ko, baka may mahuli pa.”
Hindi naman sila natulog. Alas nuwebe pa lamang daw. Para sa kanila, bata pa ang gabi. Nanood sila sa telebisyon. Sinilip ko ang pinanonood nila. Pelikulang Ingles na katatawanan. Hindi ko
maintindihan, pero tawanan sila nang tawanan.
Lumayo ako. Mayayamot lang sila sa akin dahil magtatanong lang ako nang magtatanong kung ano ang sinabi ng bawat nagsalita. Naging alingawngaw sa akin ang banyagang salita.
Nang minsang gumawa ako ng sulat sa Ingles, nangapa ako sa tugmang salita. Tinanong ko pa ang bunsong babae sa tamang banghay. At mas lalong naging mahirap sa aking magsalita ng Ingles.
Tina-Tagalog ko ang kausap na umi-Ingles. Gayong dati akong marunong umingles gawa ng pagiging executive ko sa mga pinasukang kompanya noong araw.
Pero habang nalilimutan ko ang Ingles, isa-isang nagbabalik sa akin ang mga salita sa katutubong wika. Naging madali sa akin ngayon ang dumampot ng akmang salita.
Noong bagu-bago akong nagsusulat, kay hirap apuhapin ng salita sa katutubong wika. Lagi akong nanghihiram sa Ingles. Ang ginawa ko’y lubusan kong itinigil ang pagbabasa ng Ingles, kahit na
diyaryo na nasusulat sa Ingles. Itinigil ko rin ang panonood ng palabas sa Ingles. Hindi sa galit ako sa Ingles—gusto ko nga sana na magaling ako sa Ingles—gusto ko lamang masanay akong
ihayag ang damdamin sa Filipino. Gusto kong maging dalisay ang aking wika.
Madalas ko noong tawagan ang mga kamag-anak na matatanda para tanungin kung ano ang tawag sa ganoo’t ganito. Natutuwa ako at alam pa rin nila ang salitang angkop sa aking tinutukoy. At kay
ganda ng tunog!
Kapag may bigla akong naisip o narinig na salitang di na gaanong ginagamit, tumatakbo ako sa aking notebook at inililista iyon na para akong may napulot na hiyas. Pinananabikan kong makipag-usap
sa mga karaniwang tao: tindero, karpintero, drayber, labandera, nakakasakay sa dyip—upang marinig lamang ang kanilang mga salita. At ilang sadsaran lang—haspe’t gisok ng
narra’y sakdal ningning na kumindat.
Ginamit ko rin ang Filipinong banghay ng mga banyagang salitang pumasok na sa katutubong wika. Noong una, nangingilo ako at naninibago sa mga Tinagalog na Ingles na salita. Pero minsan, ibinigay
sa akin ng aming karpintero ang kailangang bilhin sa ipinakukumpuni ko sa kaniya. Nagulat ako sa mga banghay niya: gater, sa halip na gutter; playwud, sa plywood; silant, sa
sealant; at bras, sa brush. At pati si Felicing, nang minsang kuwentahin niya ang mga gastos niya sa pagpapadala ko ng prutas sa aking tiyahin. Inilista niya: traysikel; apol, grep.
Hindi na ba niya alam ang mansanas at ubas? Napagtanto ko na kung gusto kong basahin ako ng masa, sundin ko ang kung ano ang banghay, siyang bigkas. Gayunman, hindi ko ito sinunod nang lubusan.
Hindi naman ang mga hindi nagbabasa at hindi nagsipag-aral ang dapat magtakda ng wika. Kung may Filipinong katumbas na salita, akin iyong ipagugunita.
Talisuyo ako ng katutubong wika, kaya ako tumutula.
“Kay ganda ng ating wika,” salubong ko sa panganay nang dumaan siya sa aming bahay makaraan ang dalawang araw. “Kaya nitong ilarawan ang pinakapinong damdamin. At kay ganda ng
tunog. Tingnan mo itong sinulat kong tula.”
Kinuha niya ang tula. Pagkabasa’y natawa siya nang malakas.
“Bakit naman pansit-pansitan ang pamagat n’yo?”
“Di ba magandang paglalarawan ng mga sinusulat ko?”
Nang hindi siya sumagot, tinanong ko siya: “Pangit ba?”
Inayos niya ang mga libro at isinukbit ang bag.
“Di akina, ire-rewrite ko.”
“Si Mama. Babasahin ko muna uli.”
“Di basahin mo na ngayon. Ano ba naman ’yan? Para isang page lang.”
“Mama, may iba akong ginagawa. Para namang wala na ’kong gagawin kundi magbasa ng mga sinulat n’yo.”
Nanghinawa na agad ang aking panganay. Pinagbigyan lang niya ako noong pahapyaw niyang binasa ang aking mga sinulat at sabihing malalathala ang mga iyon. Masyado kong sineryoso ang sarili. Ibang
tao ang dapat sumeryoso sa akin.
Pumunta ako sa lababo at hinugasan ang mga pinggan doon.
Niyakap ako ng panganay.
“Ma, marami lang kasi ’kong problema. Nate-tense na ’ko. Okay naman ang tula mo. Nagandahan nga ako. Nagugulat nga ako sa ’yo. Pero gusto kong ulitin mo pa. E,
scratch paper ’tong ’binigay mo sa ’kin. Ang gulo-gulo. I-type mo uli, saka mo ipabasa sa ’kin, okay?”
“Siyanga pala,” sabi niya nang paalis na. “Ibinigay ko na ang mga kuwento mo. Pati iyong napili kong tula. Ilalabas daw nila.”
Gulat na gulat ako. Hindi ako makapaniwalang malalathala ang mga pinagsusulat ko. Nang makaalis na ang panganay, naisip kong sa pagsusulat—siya ang ina at ako ang anak. Siya ang aking
mahigpit na guro. Ayaw niyang nagsasabmit ako ng maruming gawa.
Binalikan ko ang tula at siyang-siya ako sa kinalabasan nito.
Nasisiyahan akong pinaraan na parang pamaypay ang nakalahad kong dalawang palad sa mga letra ng keyboard. Dinama ko ang mga letra. Nasa aking mga kamay ang kapangyarihang pagsamasamahin
ang mga letra upang ang mga ito’y gumalaw at magkatinig. Hindi ko namalayan ang paglapit ng aking bunsong lalaki.
“Ano ang inyong ginagawa?”
“Nagsasalamangka.”
“Ano kaya ’yon?”
“Salamangka, na sa inyo’y madyik. Pero mas gusto kong gamitin ang salamangka, dahil mas maganda ang tunog at mas angkop sa aking tinutukoy.”
Malamang, hindi niya narinig ang aking sinabi. Kung narinig man, pagtatawanan lamang niya ako. Nonsense sa mga bata, ang sinasabi ng matandang nagsasalita ng nakabaon na sa limot na
salita.
Ano ang aking magagawa? Habang hinahasa ko ang katutubong wika: nagtitilamsikan ang malalalim na salita na hindi ko matanggihang hindi gamitin dahil sa maganda ang tunog at mas malinaw na
inilalarawan ang gusto kong tukuyin. Lihang bato itong pipino’t kikinis sa narrang pinusyaw ng mga pantas.
Makaraan ang isang lingo, dumating ang pangalawa na masayang-masaya. Inabot niya sa akin ang isang magasin.
“Nariyan kayo! Officemate ko ang nagsabing may kuwento kayo diyan.”
Binuklat ko ang magasin. Naroon ang aking kuwento! Tuwang-tuwa ako. Kung ilan beses kong binasa ito. Tinawagan ko ang panganay sa kaniyang opisina.
“Lumabas ang kuwento ko!”
Nangako siyang dadaan sa aming bahay bago umuwi. Maalinsangan, kaya’t sa labas ng bahay ko siya hinintay. Walang kahangin-hangin. Hindi halos gumagalaw ang mga dahon. Bakit hindi na
nasundan ang unang ulan ng Mayo? Kidlat lang nang kidlat at kulog nang kulog nang hindi naman umuulan.
Pagdating ng panganay ay agad niyang isinalubong sa akin ang magagandang balita. “Nabasa ng mga co-teachers ko ang kuwento niyo. Nagulat sila sa inyo. Lalabas din ang tula niyo sa
Diliman Review. Saka iyong isa ninyong kuwento, isasama sa anthology.”
Naupo ako sa harap ng computer nang umuwi na ang panganay. Ang pagkalathala ng aking kuwento ang hudyat ng aking pagiging manunulat. Susulat pa ako.
Mula noon, parati nang may lumalabas akong kuwento o tula sa isang lingguhang magasin. Isinama rin ang aking dalawang kuwento sa isang aklat ng katipunan ng mga kuwento.
Nagamot ako ng aking pagsusulat. Nakatagpo ako ng katuparan—kahit na malay ko ba kung pangit o maganda ang aking sinusulat. Sabi ng aking panganay ay maganda kaya nga nalalathala. Bagamat
ipinangako kong hindi ko aalamin ang sinasabi ng tao tungkol sa aking sinulat, sabik akong marinig ang reaksiyon ng mambabasa.
Kapag nagpupunta ako sa grocery sa loob ng kampus, may nakikita akong mga kakilala. Binabati ako. Nabasa nila umano ang aking sinulat at iyo’y maganda. Hindi ako kumbinsidong nagsasabi
sila ng totoo. Kaibigan sila ng aking yumaong kabiyak at baka wala lang silang masabi. Sa nasasalubong na kakilala, ngingiti ka, at kung anu-anong wala sa loob ang lumalabas sa bibig mo.
Iba ang mabasa ako ng hindi ko kakilala. Wala iyong paunang hatol, walang kiling, walang pakundangan. Gusto kong marinig ang mga puna. Gusto kong matututo. Wala nang panahon para mag-aral pa
ako. Tanging sa mga puna lang ako matututo.
Kahit sinabi ng aking panganay na pahingahan ko ang sinusulat kong nobela, malakas ang tuksong balikan ko iyon. Nirepaso ko na naman. Nahihiya man ako, muling ipinabasa ko iyon sa kaniya. May
mga mali pa rin daw. Ilang beses ko pang nirepaso. Ayaw na niyang basahin—namememorya na raw niya sa kababasa niya. Ulitin ko pa raw at kung naayos ko na, saka ko na lang ipabasa sa
kaniya.
Sino pa kaya ang masisilo kong mambabasa?
Ilang beses ko pa uling nirepaso. Sa tuwing rirepasuhin ko’y pinari-ringbind ko. Kay laki na ng aking nagasta. Sa palagay ko, naaayos ko ang nobela. Pero paano ko malalamang gumanda
na ang nobela, kung wala namang nakababasa nito? Kailangang manilo ako ng mambabasa.
Gusto kong marinig ang puna. Handa akong mapahiya dahil iniisip kong hindi naman ako talagang manunulat. Ito ang sinabi ko sa aking panganay.
“Baka naman kapag binanatan ka, mawalan ka ng ganang magsulat.”
“Hindi. Handa akong mainsulto. Hindi naman ako ang pinipintasan kundi ang sinulat ko. Di susulat lang ako uli.”
“Sabi mo lang ’yan. Nakarinig ka sana ng mga banat nila sa workshop.”
“Subukan akong insultuhin. Kung ako ang nagbasa ng mga binasa nila, nag-aral ng pinag-aralan nila, at nagsulat ng kasintagal ng pagsusulat nila—hindi tulad lang ng sinulat nila ang
susulatin ko.”
“’Ta mo, ’ta mo, ang yabang mo na,” sumbat ng panganay na natatawa.
Napahiya ako. Naisip kong mapipikon nga siguro ako kapag binanatan ang aking likha. Gaganti rin siguro ako ng insulto. Bakit ganoon?
Dahil ba sa sumanib ang hibla ng aking laman at patak ng aking dugo sa aking sinulat? Matuto sa mga pintas ang dapat maging patakaran. Madali itong sabihin ngunit mahirap gawin. Kailangan lang
namang ihanda ko ang sarili na mapintasan para di ako mabigla. Kung magustuhan ng mambabasa ang aking sinulat, salamat. Kung ’di naman, okay lang. Hindi ko naman hinangad na matawag na
dakilang manunulat.
Kailangan lamang akong mabasa—hindi ko kailangan ang papuri—at hindi ko dapat ipagdamdam ang mga puna. Hindi ako ang pinupuri o pinupuna kundi ang partikular na sinulat ko. Di
sumulat lang akong muli, at muli at muli. Dapat lamang asahang may magagawa akong pangit at may magagawa akong maganda. Hindi ko kayang gumawa ng panay maganda. Maski Diyos, walang gayong
kakayahan.
Lumagitik ang bitag ng daga. May nahuli uling malaking daga. Pumipito pa ito—nakikipagtalastasan. Kailangang lunurin ko na ito bago ito makapagbabala sa mga kalahi. Sa kaaabang ko sa daga,
sa magdamag na iyon, nayari ko tuloy ang kuwentong nakasalang.