Chapter 6

1202 Words
Malayo pa lang ay dinig na dinig na ni Kimberly ang pagtatalo na naman ng kaniyang Tatay Kanor at Kuya Bong. Siguradong pinipilit na naman ng kapatid niya ang ama nila na maglabas ng pera. Napabuntong-hininga ang dalaga. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang umalis sa mundong ito na hindi naiiwan ng malaking halaga ang kaniyang pamilya. Napakasugarol ni Kuya Bong. Nagwawala ito kapag hindi nabibigyan ng pera. Lalong-lalo na kapag lasing. At natatakot siyang baka kung ano ang magawa nito kay Tatay Kanor. "Ang sabihin mo, wala kang silbing matanda ka!" bulyaw ng kapatid sa ama nila, kasabay ng malakas na pagkalabog. Hindi na nakatiis si Kimberly at malalaki ang mga hakbang na inawat ang dalawa. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang tumilapon sa harapan ni Tatay Kanor ang kanin. Parang kinurot ang puso ni Kimberly habang pinagmamasdan ang ama. Kung tutuusin bata pa ito sa edad na sesenta para makulong sa wheel chair. Pero dahil nalumpo ito nang minsang madaganan ng malaking paleta sa dating pinagtatrabahuan kaya ito nagkaganon. Si Tatay Kanor na ang nag-alaga sa kanila ni Kuya Bong, na mas matanda sa kaniya ng apat na taon, simula n'ong mamatay ang kanilang ina at dalawang kapatid. Dahil wala naman silang mapapala sa pagiging iresponsable ng kuya niya kaya si Kimberly ang umako lahat ng responsibilidad ng kanilang pamilya. Na hindi niya alam kung bakit bukod tanging naiiba ang pag-uugali sa kanilang lahat. "Dapat sa'yo mama-" "Kuya!" saway niya sa kapatid. "Wala ka na ba talagang natitirang paggalang kay Itay?" "Huwag kang sumabat dito, ha! Kung ayaw mong mapaaga ang pagkawala mo." Sinubukan itong sawayin ni Tatay Kanor pero pinigilan ni Kimberly ang ama. "Pahinging pera!" Pagalit naglahad ng palad sa harapan niya ang kapatid, na animo'y nanghihingi ng sariling pera. Makahulugan siyang tinapunan ng tingin ni Tatay Kanor na nagsasabing huwag niya itong bigyan. Ngunit kapag ginawa nua iyon ay siguradong masasaktan lamang sila parehas. Wala itong ginusto na hindi nakukuha. Basta pagdating sa pera ay tila nagiging halimaw ang kapatid niya. Saka hindi rin naman pinagdadamutan ni Kimberly ang kuya niya. 'Di ba nga kasama ito sa dahilan kung bakit nagbenta siya ng sarili? Pero hindi sa ganitong paraan. Gusto niyang ibigay ang pera kay Kuya Bong para sa kinabukasan nito at hindi sa pagsusugal. "Ano ba? Bakit ang tagal?" pang-aapura ng kapatid. Nang hindi makatiis ay hinablot nito ang hawak niyang pitaka at kinuha lahat ng laman non. Mabuti na lamang at iyon pa ang perang kasama sa starting fee na nakuha niya sa Pleasure Club bago sila "isinalang" noon sa Game Room. Itinago kasi muna ni Kimberly sa bangko ang isang milyong ibinayad sa kaniya ni Sam Walker. Ang lalaking hanggang ngayon ay hindi maalis-alis sa isip niya. "'Buti na lang may pera ka. Kasi kung wala, siguradong tatamaan ka sa'kin..." "Kuya..." pahabol niya sa kapatid bago ito makalabas ng bahay. "Sana naman magbago ka na. Nang sa gan'on ay maalagaan mo si Tatay kapag wala na ako..." Tinapunan lang siya ng masama ni Kuya Kanor bago sila iniwanan. Malungkot na lamang niya itong inihati ng tanaw. "Hindi ka pa sumasahod, ah," untag sa kaniya ng ama. "Binawasan mo na naman ang ipon mo, 'ano?" "Lahat naman ho ng iniipon ko ay para sa inyo ni Kuya." Umupo siya sa katapat na upuan ni Tatay Kanor at hinawakan ang kamay nito. "Saka barya lang naman 'yong ibinigay ko sa kaniya kasi malaki ang kumisyong nakuha ko ngayon." Iyon ang naisip ni Kimberly na palusot sakaling mag-usisa ang ama tungkol sa pagkakaroon niya ng malaking pera. "Tamang-tama ho sa "pag-alis" ko..." "Anak..." pumiyok ang boses ng Tatay niya. "Gusto kong maniwala sa huling pagkakataon na hindi totoo ang sumpang nanalaytay sa pamilya natin. Gusto kong isiping nagkataon lamang ang mga nangyari noon sa ina at mga kapatid mo." Mapait na napangiti si Kimberly. Kahit siya man ay iyon ang nais na isipin. Na hindi totoo ang sumpa at isa lamang iyong pamahiin. Na hindi iyon tinatanggap ng kahit anong siyensiya. Na walang basehan ang araw-araw niyang nararamdaman niyang takot na ano mang oras ay bigla na lang siyang mamatay ng walang dahilan. Pero ni isa sa kanila ay walang makakapagpaliwanag sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga babae sa pamilya ng Nanay niya, bago tumuntong ng edad na bente otso. Mula sa kaniyang lola, dalawang tiyahin, dalawang pinsan, ang kaniyang ina at dalawang Ate. Lahat ng mga iyon ay namatay sa bangungot, isang buwan bago sumapit ang kaarawan. Ayon sa haka-haka, isinumpa daw ng isang mangkukulam na nakaaway nito ang kaniyang lola kaya nagkaganon. Dahil sa kakapusan ng pera kaya wala na ang naglakas-loob na dalhin pa sa espesyalista ang mga bangkay at ipasuri ang tunay na dahilan ng kamatayan. Lalo pa't pawang malulusog at maayos ang kalusugan ng mga namatay niyang pamilya. Ang kaniyang lola ay namatay tatlong buwan bago magbente otso. Ganon din ang dalawa niyang tiyahin na kapatid ng Nanay niya. Ang kaniyang ina at isang Ate ay kapwa anim na buwan bago ang kaarawan. Ang isa naman niyang Ate, eksaktong bago mag-alas dose ay binangungot din. At labis iyong ikinakatakot ni Kimberly. Dahil ilang buwan mula ngayon ay magbebente otso na siya. "Hindi ko kaya kung pati ikaw mawala pa sa akin, anak..." maluha-luhang wika ng ama. "Pero kung ito man ang kagustuhan ng tadhana, gusto kong "umalis" ka na masaya. Buong buhay mo ay ibinuhos mo sa pag-aalaga sa'min. Hindi ko kayang isipin." Pinisil ni Tatay Kanor ang palad ng dalaga. "Pero gusto kong ubusin mo sa pagpapasaya sa iyong sarili ang mga nalalabi mo pang araw, anak. Gawin mo lahat ng gusto mo. Gamitin mo ang perang nakuha mo sa kumpanya." Mamasa-masa ang mga matang umiling si Kimberly. "Gusto ko pong ubusin ang buhay ko na kasama kayo. Dahil hindi natin alam...baka mamayang gabi lang, bukas o sa makalawa ay bangungutin na ako at tuluyang mawala sa inyo." "Sobra-sobra na ang itiniis mo sa'min ng kapatid mo..." "'Tay naman..." pagprotesta ng dalaga. Pero mapilit si Tatay Kanor. "Puwede bang ako naman ang pagbigyan mo, anak? Gusto kong makita kang masaya at hindi puro problema ang iniisip. Magbakasyon ka sa lugar na gustong-gusto mong puntahan. Magrelaks ka." Napailing si Kimberly. Paano ba magpapakasaya o magrelaks ng isang taong naghihintay na lamang ng kamatayan? Subalit wala siyang nagawa sa kakulitan ng ama. Alam niyang magtatampo ito kapag hindi niya pinagbigyan. Saka isa pa, lihim na talagang pangarap ni Kimberly ang makarating ng Boracay. Gustong-gusto niyang sumama sa mga kasama sa trabaho na madalas pumupunta doon. Pero hindi niya maiwan-iwan ang ama. "Huwag mo na akong alalahanin..." mukhang naunawaan ni Tatay Kanor ang iniisip niya. "Pansamantala muna akong magpapaiwan s Tiyang Loleng mo para mapanatag ka sa bakasyon mo." Labag man sa kalooban na iwanan ang ama ay napahinuhod siya nito. Naisip ni Kimberly na maiging paghahanda sa nalalapit na "pag-alis" ang gagawing bakasyon. Ihahanda na niya ang sarili na malayo sa kaniyang pamilya. At bukod doon, magbabakasakali ang dalaga na makatulong ang pagbabakasyon para maalis sa isip niya ang lalaking pinag-alayan niya ng "kaluluwa".
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD