"Ano bang pinagkakaabalahan mo, Leylah? Bakit ang tagal mong buksan ang pinto? Aba, kanina pa ako kumakatok dito a. Huwag mong sabihin na sa lakas ng katok ko ay hindi mo ako narinig?"
Napakamot na lamang ng ulo si Leylah sa inis na bungad sa kanya ng kanyang ate Wena nang pagbuksan niya ito ng pintuan sa maliit na apartment na inuupahan nila. Alas siete pasado ng gabi at kadarating lamang nito mula sa trabaho. Isa itong kahera sa isang Italian restaurant sa may Roxas Boulevard, sa Valentino's.
"Sorry, ate. Ang akala ko kasi si Mrs.Alvarez ang kumakatok. Kanina pa kasi siya pabalik balik rito. Naniningil na naman ng renta," aniya. Ang masungit at swapang sa pera na landlady nila ang tinutukoy niya.
"Ang kulit naman niya. Hindi makaintindi. Sinabi ko na nga sa kanya no'ng isang araw na magbabayad ako sa katapusan e, sa sweldo ko."
"Iyon nga rin ang sinabi ko. Pero panay pa rin ang giit niya na dapat raw ay makabayad na tayo ngayong linggo. Sobra sobra na raw kasi ang palugit na ibinigay niya sa atin. Nagbanta pa nga siya na palalayasin niya raw tayo kung magpapatuloy na laging ganito."
Napaismid si Wena. "Hayaan mo siya. Hanggang banta lang naman iyon e. Kapag oras naman na abutan mo siya ng pera ay nakakalimutan na niya ang mga bintawang salita. Saka isa pa ay hindi niya tayo basta na lang mapapalayas rito dahil may two months advance payment tayo sa kanya." Naglakad ito patungo sa maliit nilang kusina. Ipinatong sa mesa ang bitbit na mga supot at isa-isang pinagbubuksan nito ang mga iyon. Awtomatikong humalimuyak sa ere ang mabangong amoy ng mga pagkain. "Tulungan mo akong ilipat ang mga ito sa mga lalagyan para makapagdinner na tayo," utos nito sa kanya.
"Wow, ang dami naman niyan, ate. Galing ba iyan sa Valentino's?" Excited na lumapit siya sa mesa at binusisi ang laman ng mga supot. May chopsuey, pancit guisado, garlic chicken, lumpia rolls at apple salad na sa itsura pa lamang ay nakakatakam na.
"Nagpapatawa ka ba? Walang Chopsuey sa pinagtatrabahuhan ko. Puro Pasta ang mga isinserve roon at mga European cuisine. At saka kung meron man ay hindi rin naman kami ina-allowed na mga trabahante na mag-uwi ng pagkain."
"E kung gano'n, saan galing ang mga ito? Galing ka ba sa birthday party at ipinag bring home ka ng birthday celebrant?"
"Anong birthday party ka diyan? Hindi. Binili ko ang mga ito."
"Ows, talaga? Saan ka kumuha ng perang pambili? Ang akala ko ba ay nagtitipid tayo?" Ang alam ni Lindy ay sakto lamang ang natitirang pera ng ate niya para sa mga gastusin nila hanggang sa sumapit ang katapusan ng buwan.
Dalawa na lamang silang magkapatid ang magkasama sa buhay. Apat na taon ang agwat ng mga edad nila. Biente ocho na ito samantalang siya ay biente cuatro. Napakabata nila nang maulila sa mga magulang. Magkasabay na nasawi ang mga ito sa isang fire accident sa pinagtatrabahuhan ng mga ito na factory ng mga tela sa Taiwan. Matapos ang mga itong maiuwi sa bansa at mailibing ay napunta sila sa pangangalaga ng kanilang mga abuelo at abuela sa father side, sa Laguna kung saan ang hometown nila. Sa tulong at suporta ng mga ito at ng iba pa nilang mga malalapit na kamag-anak ay nagawa nilang magkapatid na makapagtapos ng pag-aaral. Nakatapos silang pareho ng vocational course. Si Wena ay Information Management at siya naman ay food technology.
Ang nakakalungkot lamang ay sunod sunod ang nangyaring pagpanaw ng kanilang mga abuelo't abuela. Marahil dahil sa katandaan ay dinapuan ito ng iba't-ibang mga karamdaman na naging sanhi ng kamatayan ng mga ito.
Sa hangarin nilang mapabuti ang kanilang buhay ay lumuwas silang magkapatid sa Maynila at dito nakipagsapalaran.
Ngunit kahit may kaunting tinapos ay hindi naging madali para sa kanila ang makahanap ng trabaho. Sa dami ng mga taong naghahanap ng trabaho sa Maynila ay marahil masuwerte na sila kung maituturing. Si Wena ay dalawang taon na sa Valentino's at regular na itong kahera doon. Siya naman ay pumapasok sa kung saan na may bakante.
Kadalasan ay sales clerk sa mga tindahan o di kaya ay promo diser ng kung ano-anong mga produkto. Ngunit ngayong mga panahon ay pansamantalang tambay muna siya sa loob ng bahay dahil nag end na ang kontrata niya sa recent job niya. Maraming hiring pero nagdadalawang isip siya kung mag-aaply ba siya. Ang plano kasi niya ay mag-abroad na lang. Balak niyang asikasuhin ang pagkuha niya ng visa para kapag buo na talaga ang loob niya ay wala na siyang masyadong aalahanin.
"Okay, fine. Ang totoo ay binili ang mga ito para sa akin ng isang mabait na kaibigan. Nilibre niya ako," ani Wena.
"Kaibigan? Sinong kaibigan? E Si Diana at Lynette lang naman ang mga kaibigan mo. Parehong gipit ang mga iyon. Sino sa kanila ang pikit matang nanlibre sa'yo, aber?" Si Diana ay ang baklang parlorlista na nakatira sa tapat nila. Buong pamilya ang pinapalamon nito at may jowang binatilyo na pinag-aaral kung kaya't kahit isang piraso ng panty ay hindi nito magawang bilhan ang sarili. Samantalang si Lynette naman ay kasamahan nito sa Valentino's na baon sa mga utang dahil ito ang tumutustos sa chemotheraphy ng inang may sakit na Leukemia.
"Hindi mo siya kilala. Bagong kaibigan ko iyon. Isa sa mga parokyano namin sa Valentino's." Habang sinasabi iyon ay napangiti ito.
Napaangat naman ng kanyang kilay si Leylah. Pinanood niya ang kapatid habang naghahain. Parang sumigla ito nang banggitin nito ang taong tinutukoy. Tila may kakaiba rin sa mga ngiti nito maging ang kislap ng mga mata. Parang may nasense siya na something. Hindi niya lang na mawari kung ano. "Ang bait naman niyang costumer. Nanlilibre. Sana all," ang naikomento na lamang niya.
-----
"Leylah, gumising ka dali. Mag-empake ka ng mga gamit mo."
Napilitang nagmulat ng mga mata at bumangon mula sa kama si Leylah. Nakakunot ang noong tiningnan niya ang kapatid na sigurado siyang kararating lamang. Umaga na at ang alam niya ay nakatulog siyang hindi ito umuwi kagabi. "Saan ka natulog kagabi, ate? Saka bakit ganyan ang suot mo?" Ang suot nito ay isang bestidang puti na sleeve less at above the knee. Gusto niya sanang purihin ito dahil bagay rito ang suot, mukha itong diwata. Pero mas nangibabaw ang curiosity niya ng mga sandaling iyon kaya hindi na niya nagawang isatinig.
"Mahabang kuwento. Mamaya ko na lang ikukuwento sa'yo. Ayusin mo muna ang mga gamit mo at magbihis ka na rin. Aalis na tayo rito. Simula sa araw na ito ay hindi na natin kailangang magtiyagang tumira sa maliit na apartment na ito."
"Lilipat tayo ng bahay? Saan naman? At saka bakit biglaan? Hindi pa nga tayo nakakabayad ng upa kay Mrs.Alvarez e."
"Huwag mo ng intindihin iyon. Nabayaran ko na siya kanina bago ako pumasok rito." Hinugot nito ang dalawang maleta nila sa ilalim ng kama. Binuksan ang mga iyon. Lumapit sa cabinet, binuksan at mabilis ang mga kamay na pinagkukuha ang mga damit nito at isinilid sa maleta. "Ano pang hinihintay mo? Bilisan mo ng kumilos diyan!" Singhal nito sa kanya nang nanatili lamang siyang nakatingin rito, pinapanood ito sa ginagawa.
"Bakit kailangan nating magmadali? May pinagtataguan ba tayo? Magsabi ka ng totoo, ate. May nagawa ka bang isang krimen kaya tayo magtatago?" Tanong niya rito na dumagan ang matinding kaba sa dibdib.
Natawa sa reaksiyon niya si Wena. "Wala ano ka ba? Krimen ka diyan. Iyang utak mo ay masyadong creative, ha. Hindi ibig sabihin na aalis tayo dito ay magtatago na tayo. Lilipat lang tayo sa mas malaki at magandang bahay, okay? At ang gusto ko sana ay ngayon na. Hindi na ako makapaghintay pa ng ilang araw bago lumipat roon. Excited na ako."
"Saan nga? I'm so clueless. Baka pwedeng ipaliwanag mo muna sa akin, ate?"
"Makinig kang mabuti." Tinitigan siya nito ng seryoso sa mga mata. "Ayaw kitang biglain kaya ang plano ko sana ay sa sasakyan ko na ipaliwanag sa'yo ang lahat pero dahil makulit ka, okay sasabihin ko na. Hindi ako nakauwi kagabi dahil nagpakasal ako."
Awtomatikong nanlaki ang mga mata niya. Naitakip ang palad sa bibig.
"Huwag masyadong OA. Kalma lang, hindi pa ako tapos sa sinasabi ko. Medyo mahaba haba ito so bare with me." Tumikhim ito. "Naalala mo iyong ikinukuwento ko sa'yo noong nakaraang araw na costumer namin sa Valentino's na nanlibre sa akin ng mga iniuwi kong pagkain? Hindi siya costumer kundi anak niya iyong may-ari. Biyudo na siya at madalas siyang bumibisita roon. Marahil ay napansin niya ang beauty ko kaya isang araw ay hiningi niya kay Lynette ang number ko. Gusto ko rin siya kaya sinagot ko ang lahat ng text at tawag niya. Hanggang sa inaya niya akong magdate kami. Syempre ay hindi ako tumanggi. Nasundan pa iyon ng marami pang beses. Ayoko ng idetalye pa ang ibang nangyari basta lagi kaming lumalabas upang magkita. At kamakailan lang ay nalaman ko na buntis ako. Nagpasya akong ipagtapat iyon sa kanya kagabi. Hindi ko naman ineexpect na aalukin niya agad ako ng kasal at noong sumagot ako ng yes ay mas lalong hindi ko inaasahan na tatawagan niya ang isang kaibigan niyang Judge para ikasal kami. At kagabi pagkatapos ng seremonyas ay napagkasunduan namin na since mag-asawa na kami ay doon na ako dapat sa bahay niya titira. Syempre ay hindi naman pwedeng ako lang. Syempre ay isasama kita."
Hindi siya makapaniwala sa mga narinig. "Masaya ako para sa'yo, ate," emosyonal niyang sabi. "Kahit hindi mo tinupad ang pangako mo na magiging made of honor ako sa araw ng kasal mo."
"Don't worry, matupad rin iyon kapag ikinasal na kami ni Leandro sa simbahan. Siguro mga next year kapag kakapanganak na ako." Ngumiti si Wena ng napakalawak. "Alam mo ba na sobrang yaman ng napangasawa ko, Ley? Napakaliwanag ng future ko sa kanya. Hindi ko na kailangan pang magkandakuba sa pagtatrabaho para lamang mabuhay. Hindi na tayo maghihirap. At ikaw hindi mo na kailangang lumipad pa sa ibang bansa para mag DH. Si Leandro na ang bahalang tutustos sa lahat ng pangangailangan natin."
Alanganing nginitian ni Leylah ang kapatid. Kung makapagsalita naman ito ay tila daig pa nito ang nanalo ng jackpot sa lotto. Na tila si Leandro na ang sagot sa pagyamang matagal na nitong inaasam.