CAROLINE Alas-sais pa lang ng umaga ay narito na kami sa sala para hintayin ang mga Montenegro. Prente kaming nakaupo sa sofa habang sinisiguro kung wala na ba kaming mga naiwan na gamit. Nauna silang lahat sa akin dito, sobrang tinatamad kasi talaga akong kumilos kanina kaya ako ang huling dumating. Pinilit ko na lang ang sarili na bumangon at mag-ayos dahil nakakahiya naman sa kanila kung paghihintayin ko pa sila ng matagal. Kulay puting t-shirt at shorts na abot hanggang tuhod lang ang suot ko dahil nasa sasakyan lang naman kami hanggang makarating doon. Hindi naman kailangang mag-ayos ng bongga. Humikab ako dahil sa antok na naramdaman. Kung kalian naman aalis, saka naman ako dinalaw ng antok. Pinagkiskis ko ang dalawang palad para ibsan ang kakaibang kaba na nararamdaman ko ngayon.

