Isang biglaang galaw.
Sa halip na barilin si Liza, mabilis na iniharap ng lalaki ang baril at ipinalo iyon sa ulo ni Leo.
“Leo!” sigaw ni Liza, pero huli na ang lahat.
Dahil sa lakas ng pagkakatama, natigilan si Leo, nagdilim ang paningin niya, at bumagsak sa sahig na parang nawalan ng lakas ang buong katawan.
Nanigas si Liza sa kinatatayuan niya.
Hindi siya makagalaw.
Hindi siya makapaniwala sa nakita niya.
“Leo…” bulong niya, nanginginig ang boses, pilit siyang lumalapit pero para bang may humahadlang sa bawat hakbang niya.
Ngunit bago pa siya makalapit nang tuluyan, biglang bumukas ang pinto ng silid.
Dalawang lalaki ang pumasok.
Mabilis ang pangyayari, sa tahimik na paraan. Para bang sanay na sa ganitong uri ng utos. Hindi na naaninag ni Liza ang mga mukha nila nang maayos, lahat ay parang malabo sa gitna ng takot at pagkabigla. Ang tanging malinaw sa kanya ay ang boses ng lalaking may hawak ng sitwasyon.
“Isakay n’yo siya at iuwi sa kanyang pinanggalingan,” malamig niyang utos. “Siguraduhin ninyong hindi niya matutunton ang lugar na ito.”
Walang pag-aalinlangan, binuhat ng dalawang lalaki ang walang malay na si Leo.
“Hindi!” biglang sigaw ni Liza, pilit lumalapit.
Ngunit bago pa siya makatakbo, mahigpit na hinawakan ng lalaki ang braso niya. Masakit at maariin ito. Walang puwang para tumakas.
Tiningnan siya nito nang diretso, malamig ang mga mata.
“Sasama ka sa akin,” sabi niya, mababa ngunit mariin. “Sa ayaw mo o sa gusto mo.”
Napasinghap si Liza.
Lumingon siya sa direksyon kung saan dinala si Leo, pero unti-unti na itong nawawala sa kanyang paningin.
At sa unang pagkakataon mula nang magsimula ang lahat, hindi niya alam kung alin ang mas mabigat, ang takot sa sarili niyang kapalaran, o ang pagkawala ng taong pilit niyang iningatan hanggang sa huli.
Dinala ng lalaki si Liza sa isang magarbong mansyon, malawak ang bakuran, napapalibutan ng matataas na pader at mabibigat na bakal na tarangkahan. Sa bawat sulok ay may gwardiya, at sa loob ay abala ang mga katulong na tila sanay na sa katahimikan ng lugar.
Ngunit si Liza? ay parang wala roon... Wala sa sarili na tila hindi pa naa-absorb ang pangyayari. Una kinidnap si Leo. Ngayon naman, ay siya na ang bagong biktima ng lalaking ito.
Nakatayo siya sa gitna ng isang napakalaking sala, napapalibutan ng mamahaling gamit, mga ilaw na kumikislap, mga muwebles na halos hindi niya magawang hipuin.
Pero ang isip niya ay nasa ibang lugar, kay Leo.
Sa tunog ng pag-untog ng baril sa ulo nito, at sa pagbagsak nito sa sahig.
“Leo…” mahina niyang bulong, halos hindi niya marinig ang sarili niyang boses.
Hindi niya alam kung ligtas ba ito. Kung nagising ba? at Kung nasaan na ito ngayon. At ang mas masakit pa, ay ang kawalan ng kasiguraduhan.
“Hindi ka dapat nag-alala sa kanya.” biglang nagsalita ang lalaki sa likod niya.
Napalingon si Liza. Nagulat siya dahil sa sobrang tahimik ng paligid, at para siyang multo na bigla na lang sumusulpot.
“Maswerte pa nga siya,” dugtong nito, dahan-dahang naglalakad papalapit. “Buhay pa siya.”
Hindi agad sumagot si Liza. Ngunit unti-unti niyang itinaas ang tingin niya, punong-puno ng galit at sakit.
“Bakit?” tanong niya, nanginginig. “Bakit mo ginawa ‘yon?”
Huminto ang lalaki sa ilang hakbang mula sa kanya.
At ngayon ay pinagmamasdan siya. Parang sinusukat ang bawat emosyon na lumalabas sa mukha ni Liza.
“Dahil kailangan,” diretsong sagot ng lalaki. "May mga bagay na mas mahalaga kaysa sa nararamdaman ninyo.” dagdag pa niya.
Napailing si Liza, at napaatras ng kaunti.
“Hindi mo siya kilala…” bulong niya.
Biglang tumalim ang tingin ng lalaki. “Mas kilala ko siya kaysa sa iniisip mo.”
Natahimik si Liza. Dinaramdam ang kakaibang bigat sa sinabi nito.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya.
Hindi agad sumagot ang lalaki. Sa halip, tumalikod siya at naglakad papunta sa malaking bintana, kung saan tanaw ang malawak na bakuran.
“Ikaw...” sabi ng lalaki, na hindi lumilingon, “masyado kang naniwala sa kung anong ipinakita niya.”
Parang may kumurot sa dibdib ni Liza.
“Hindi totoo ‘yan,” agad niyang sagot, kahit hindi siya sigurado kung saan nanggaling ang lakas niya.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi tumawa ang lalaki.
Hindi rin siya nagalit.
Bagkus, bahagya siyang napangiti, isang ngiti na hindi mabasa kung awa ba o panlalamang.
“Magpahinga ka muna,” malamig niyang sabi. “Kakailanganin mo ang lakas mo.”
Unti-unti siyang lumingon, at nagtama ang kanilang mga mata.
“At kapag handa ka na…” dugtong niya, “ipapakita ko sa’yo kung sino talaga si Leo.”
Parang bumagal ang t***k ng puso ni Liza. May takot at pagdududa. At mga tanong na ayaw niyang sagutin.
Habang dinadala si Liza ng mga katulong papasok sa guest room, hindi na niya mapigilang isipin, Paano kung totoo ang sinasabi ng lalaki? At kung ganoon… kilala ba talaga niya si Leo?
Biglang naghalo ang mga alaala sa isip niya, ang mga ngiti, ang mga pangako, ang mga sandaling pinaniniwalaan niya ay totoo.
Pero ngayon, isa-isa itong nabahiran ng duda.
Pagdating sa kanyang silid, marahang isinara ng mga katulong ang pinto. Naiwan siyang mag-isa, kasama ang ingay ng sarili niyang pag-iisip.
Lumapit siya sa salamin.
Tinitigan niya ang sarili, na parang ibang tao ang nakatingin pabalik sa kanya.
“Hindi…,” mahina niyang bulong, na para bang kinukumbinsi ang sarili. “Hindi siya magsisinungaling sa’kin.”
Ngunit kahit siya, alam niya sa sarili na hindi siya sigurado.
Napapikit si Liza, mariing hinawakan ang gilid ng salamin na parang doon siya huhugot ng lakas. Ngunit sa halip na katiyakan, mas lalo lamang lumalim ang bitak ng kanyang paniniwala.