Nagsindi ng sigarilyo si Detective Bobby, isinubo sa bibig at humithit. Kumalat ang usok sa hangin, napadako ang mga mata niya sa kalangitan at saka lamang napansin ang magandang kulay ng alapaap.
"Sir pinatatawag po kayo ni Boss."
Lumingon siya kay Paxton na may hawak na namang papel. Kasalukuyan silang nasa likod ng presinto at nagpapahinga. Nandito sila upang i-update ang case report sa lokal na kapulisan.
"Nakilala na po ang bangkay ng halimaw—ay este suspek. Gwendolyn Asuncion. 34 years old. Mag-isa na lamang sa buhay. Walang kamag-anak..." binasa ni Paxton ang ilang detalye ngunit parang hindi pinakikinggan ng detective.
Naglakad at nilagpasan lamang ni Detective Bobby ang lalaki upang dumiretso sa pinto. Wala siyang sinabi ukol sa mga binalita nito.
"Mabuti naman at hindi na madaragdagan ang kaso ni Rolando," patuloy na nagsasalita pa rin ni Paxton habang sinusundan siya ng tingin.
Natigilan si Detective Bobby sa paglalakad. Naalala niya nang kanina'y dumalaw ang mag-ina ni Rolando. Mangiyak-ngiyak ang ginoo sa labis na katuwaan, dahil sa wakas ay nahawakan na rin nito ang bagong silang na sanggol. Nang masilayan niya iyon sa loob ng presinto, naghalo-halo ang emosyon sa kaniyang puso. Hindi nagtitimbang ang awa at inggit.
Tinapon niya ang sigarilyo sa lapag at inapakan upang mapula ang apoy. Hinawakan niya ang pinto upang mauna nang pumasok sa loob.
Medyo nagtaka si Paxton nang maramdaman na matamlay ang kasama. "Ah sir, babalik na po pala sina Chubs at Joriz sa Manila."
Huminto siya sa pagpasok sa loob nang marinig ang pangalan ng dalawang kabataan. "Babalik na rin tayo bukas," huli niyang wika na nakatalikod pa rin kay Paxton. Pagkatapos ay bigla niyang sinara nang pabalang ang pinto.
***
Mabibigat ang mga yapak ng dalawang kabataan. Inaamin nilang sa maikling panahon ay napalapit nga sila sa mga naging kaibigan at siguradong mamimiss nila ang mga ito sa kanilang pag-alis. Subalit kailangan nilang magpatuloy.
At ganoon naman talaga ang buhay. Hindi maaaring manatili sa iisang lugar ang isang tao, sapagkat kailangan niyang umunlad at hanapin ang sarili.
Habang binabaybay nila ang daan patungo sa tahanan nina Mattia at Lolo Guido, nag-uusap sila tungkol sa ilang mga bagay.
"Alam mo sa totoo lang, hindi natin mareresolba ang kaso kung wala sina Mattia at Lolo Guido," wika ni Joriz na may kalungkutan sa tinig.
"Naisip ko rin 'yan," tugon naman ni Chubs, "Ano kaya kung bigyan natin sila ng invitation sa HEAP? Magkaroon kaya sila ng interest na sumama sa atin?"
"Hindi ko alam pero malalaman natin kung tatanungin natin sila. Sayang ang kakayahan ni Mattia kung hindi pakikinabangan. Malaki ang naitulong niya dahil siya mismo ang nakapatay sa Matruculan."
"Kung bigyan natin siya ng invitation, sa tingin mo makakaya kaya niyang makapasa sa mga exam ng HEAP?" — si Chubs.
"Oo naman! Nakita mo naman kung gaano siya kalakas, katalino at katapang! Siguradong makakapasa siya roon. Hindi tulad nating pasang-awa lang."
Nanumbalik muli ang mga mapapait na alaala nina Chubs at Joriz sa mga pinagdaanan sa HEAP bago sila matanggap sa organisasyon. Wala man kakayahan na makakita ng paranormal si Chubs, mataas naman ang score niya sa written examination. At si Joriz, sinuwerte lamang kaya natanggap.
Mahirap man makapasok, garantisado naman ang lahat. Kung may maospital, sagot ng HEAP ang babayaran. Kung may sawimpalad na yumao, sagot din nito ang pamburol. Ang tax, social insurance, at health insurance ay sagot na rin ng kumpanya. Secured ang kanilang future, malaki pa ang kita.
Wala rin silang ginagastos sa mga lakad dahil binibigyan sila ng mission allowance bago magsimula ang kanilang paglalakbay.
Salamat sa public clients— mga misyon na galing mismo sa government o kapulisan at private clients— mga misyon na mula sa mga pribadong indibidwal. Salamat din sa national mission— mga paranormal cases na nangyayari sa loob ng bansa at international mission— mga paranormal cases na nangyayari sa ibang bansa.
Kapag minors ang mga paranormal investigators, pina-partner din nila sa ilang miyembro ng kapulisan. At may set time frame schedule ang mga trabaho na ibinibigay.
At hindi rin pinipilit ang mga miyembro. Kung gusto nilang i-accept o i-decline ang mission ay malaya silang gawin. Ngunit kailangan— at least isang beses sa loob ng isang taon ay kumuha sila ng misyon. Kung hindi nila iyon gagawin ay tatanggalin sila sa HEAP.
Binigyan din sila ng kalayaan na magpangkatan at bumuo ng sarili nilang grupo. Ine-encourage ng HEAP ang ganitong sistema, dahil alam nila na delikado ang mga misyon at hindi kaya ng iisang tao lamang. Subalit may mga paranormal investigator na mas pinipiling lumakad mag-isa at hindi sumasali sa mga grupo, pinahihintulutan din naman ito ng HEAP. Pwedeng mag-register as member of affiliated group o mag-register as independent.
May dalawang paraan lamang upang makapag-apply sa organisasyon. Una, puwedeng mag-walk-in at magpasa ng resume ang mga interisado. Pangalawa, sa pamamagitan ng imbitasyon mula sa mga miyembro ng HEAP. Subalit mas ine-entertain ng mga HR Staff ang mga nakatanggap ng imbitasyon kaysa sa mga walk-in. Kadalasan, hindi nila pinapansin ang mga basta-bastang pumapasok lamang.
***
Hinihingal sila nang makaabot sa pinto ng bahay ni Lolo Guido. Kumatok sila roon at binuksan naman agad ng matanda.
"Sino ini?" bungad pa ng ingkong at nang masilayan ang mga mukha nila ay nagningning ang mga mata. "Oh, mabuti at napadalaw kayo mga, iho! Kumain na ba kayo?"
"Maayong udto po, Lolo Guido!" halos sabay nilang pagbati.
"Kumain na po kami, pero okay lang kung gusto n'yo po kami bigyan ulit," komento ni Chubs na tumawa pa pero siniko siya ni Joriz at binulungan na mahiya naman.
"Tuloy kayo mga bata!" Nilakihan nito ang awang ng pinto at pinapasok sila sa sala.
Binigyan sila ng tubig nito at pinaupo sa upuang yari sa narra. Nang makapagkamustahan ay nagtanong na sila kung gusto nitong sumali sa grupo.
Natigilan si Lolo Guido sa pagsalin ng tubig sa baso nang marinig ang tanong ni Joriz. "Ano kamo?"
"Tinatanong po namin kung interested po kayong sumali sa HEAP," ulit ni Joriz.
Ibinaba ng lolo ang pitsel na hawak sa mesa at diretsong sinagot ang dalawa. "Patawad pero kailangan kong tumanggi. Matanda na ako para isuong pa ang katawan ko sa mga laban." Hinawakan nito ang basong may tubig at inangat.
"Okay lang po ba sa inyo kung tanungin din namin si Mattia?" singit ni Chubs.
Napahinto ang ingkong sa pag-inom at tila saglit na napaisip. "M-May bayad ang mga misyon, 'di ba?"
Nagkatinginan muna ang dalawang kabataan bago muling bumalik ang mga mata sa kausap.
"Opo, Lolo Guido. May pagkakataon siyang makaipon ng tuition fee at makapag-aral sa college kung matatanggap siya sa HEAP." — si Joriz.
Ilang minuto na tila napaisip ang matanda. Nakabibingi ang katahimikan, tila may dumaan na anghel.
Maya-maya pa ay muli itong nagsalita. "Sige, tanungin n'yo siya. Mas mabuti ngang sumama siya sa inyo."
Nang marinig iyon ay hindi napigilan ng dalawa ang pagkatuwa at kapwa silang napangiti.
"Nasaan pala siya ngayon?" pansin ni Chubs dahil hindi niya nakikita si Mattia sa loob. Luminga-linga siya sa paligid na parang hinahanap ang lalaki.
"Nasa Alcatraz Ruins, namimingwit," tipid nitong sabi at napabuntong-hininga.
***
Binaybay nila ang pataas na daan patungo sa kinaroroonan ni Mattia. May nakasalubong pa silang mga kambing at baka nang akyatin ang Alcatraz Ruins. Nang makatungtong sa itaas, nakita nila sa ibaba ang bughaw na karagatan na tila dumugtong sa kalangitan. Sa pangpang ng mga tumpukang bato, nasilayan nila ang hinahanap.
Nakatalikod si Mattia, nakaharap sa dagat habang inaaayos ang lubid ng pamingwit.
"Mattia." Natigilan ang binata sa pag-ikot ng fishing reel at napalingon sa tumawag sa kaniya. Kinagulat pa nito nang makita muli sina Joriz at Chubs. "Anong ginagawa n'yo rito? Akala ko umuwi na kayo sa Manila."
"Bukas pa ng umaga." Si Chubs ang tumugon. "Bago kami tuluyang umalis ay nais naming makapagpaalam at magtanong."
"Magtanong?"
"Mattia, hindi na kami magpapaligoy-ligoy pa. Kailangan ka namin sa grupo. Mapapakinabangan namin ang kakayahan mo. Gusto mo bang sumama sa amin at maging paranormal investigator?" dugtong ni Joriz.
Parang nagitla pa si Mattia sa tuwirang pagtatanong ng dalawang lalaki. Napaharap siya sa mga ito, nagbaba ng tingin at saglit na napaisip. Pagkatapos ay bumalik ang linya ng mga mata niya sa kanila at tumugon. "Pasensya na, gusto ko man pero hindi ko maaaring iwan si Lolo Guido."
Halatang kinalungkot ng dalawang binatilyo ang kaniyang naging sagot. Sa totoo lamang ay interisado siya na sumali, subalit maiiwan niya nang mag-isa ang matanda kung sasama siya kina Joriz at Chubs. Hindi niya iyon maaatim dahil nangako siya sa sarili na aalagaan ang ingkong bilang pagganti sa pagkupkop nito sa kaniya.
"Buang! Sumama ka na sa kanila, hindi ka naman kailangan dito. Mag-aral ka sa Manila, mas magaganda ang mga unibersidad doon!"
Sabay-sabay silang lumingon sa malakas na boses na nagmula sa kanilang likod. Hindi nila inaasahan na sumunod pala sa kanila ang ingkong.
"Lolo?" Kinagulat ni Mattia ang pagsulpot ng kaniyang matanda. "Saan ka galing? Kanina ka pa d'yan?"
"May ka-eyeball lang ako kaya ako nandito," anito pero seryoso ang mukha.
Napasimangot naman nang malaki si Mattia, hindi pa rin nagbabago ang kaniyang ingkong. Matulis pa rin ito sa mga babae.
"Pero balik tayo sa sinasabi ko. Mattia, kung nag-aalala ka sa akin, kaya ko ang sarili ko. Kung nag-aalala ka sa bayan na ito, huwag kang mag-abala dahil nandito pa ako para labanan ang mga nilalang ng dilim."
"Pero, Lolo—"
"Huwag nang matigas ang ulo mo!" pinutol agad nito ang sinasabi niya, "Kahit kailan talaga hindi ka marunong makinig!"
Pagkatapos ay saglit itong natahimik na tila may nagunita. "Nagsinungaling ako. Hindi ka nahulog sa puno ng akasya. Nang mawala ang ama mo ay nawala rin ang alaala mo. Kasabay niyon ay ang pagkawala ng kakayahan mong matakot."
Lahat sila ay napanganga sa pagtatapat ni Lolo Guido. Hindi sila nagsalita at hinayaan na magsalita pa ang ingkong.
"Bakit hindi ka pumunta ng Manila para mahanap mo ang katotohanan hinggil sa pagkawala ng iyong ama at nang malaman mo ang misteryo ng pagkatao mo? Bakit hindi mo hanapin ang sarili? Hindi mo maaabot lahat ng pangarap at kagustuhan mo kung mananatili ka sa lugar na ito."
"Lumipad ka, Mattia. Pumunta ka sa iba't ibang pook, iba't ibang bansa at hanapin mo ang katotohanan. Iyon ang dapat mong gawin, malaya ka at hindi kita pipigilan."
Parang maiiyak na si Mattia dahil sa pagpaparaya na ibinigay ng kaniyang lolo. Subalit pinigilan pa rin niyang lumabas ang tunay na damdamin. Pilit siyang ngumiti at nagpasalamat. "Maraming salamat, Lolo Guido."
"Oh paano? Mauna na ako, makikipagkita pa ako sa ka-date ko!" anito bago tumalikod at naglakad palayo. "Mag-alsa balutan ka na mamaya!" pahabol pa nitong pagsigaw.
Nagtawanan na lamang sila sa kapilyuhang pinakita ng matanda.
"Nakita niyo naman, pinapalayas na ako ni Lolo Guido. Wala na akong dahilan pa para tumanggi sa alok ninyo," wika ni Mattia na bumaling sa dalawang binatilyo.
Iniabot ni Joriz ang kanang kamay. "Welcome to the club, pal," may pabiro pang sabi nito.
"Oh well." Nagkibit-balikat lamang si Mattia, tinanggap ang palad ng lalaki at nakipagkamay. "Looking forward to working with you."
Matamis ang mga ngiti sa kanilang mga labi, nasa mga mata nila ang kasabikan, sapagkat mukhang magiging kaabang-abang ang mga darating na araw. Hindi pa rito magtatapos ang lahat sapagkat ito pa lamang ang simula.
WAKAS