Nagsisilabasan na ang mga estudyante mula sa Mataas na Paaralan ng Lakandula. Ang mga bata'y nakangiti, masigla at nilalagpasan lamang si Leona na nakatambay sa gate. May mga magulang na sumusundo sa mga malilit na mga bata. May ilang tricyle na nakaparada sa tapat at doon din naka-park ang kotse nilang mag-asawa. Nanatiling walang imik at nakatingin si Leona sa entrance building ng paaralan. Mabagal ang kaniyang hakbang at tila walang lakas habang paunti-unti siyang lumalapit doon. Lumapat ang mga palad ni Aries sa kaniyang likod. Binibigyan siya ng suporta at lakas ng kabiyak. Napalingon siya sa lalaki. "Bilisan natin Leona. Sabi ng guard, labasan na rin ng Senior-High, baka hindi na natin maabutan sila Queenie," paalala nito. Magkahawak-kamay silang pumasok sa loob ng gusali. ***

