Umiihip ang malakas at malamig na hangin mula sa bakuran ngunit hindi iyon nararamdaman ni Leona. Manhid na siya sa paligid. Nanatili lamang siyang nakatunganga roon at ginugunita ang mga naganap pagkalipas ng sampung taon.
Pagkatapos niyang iwan si Baby Andrea sa basa at malamig na espaltong lupa na nag -iisa, umuwi siya sa kariton niyang tahanan. Buong araw siyang umiyak at ang tanging nasa isip niya ay ang kaniyang anak ngunit hindi siya bumalik sa bahay. Hindi niya binalikan ang sanggol.
Isang linggo ang lumipas nang matagpuan siya ng mga magulang.
"Leona, ang tagal ka naming hinanap ng papa mo!"
Naalala pa niya ang mukha ng ina niya na tila tumanda yata ng dalawampung taon. Niyakap siya nito nang mahigpit. Kahit anong galit pala ng magulang, lumalambot pa rin ang puso kapag nakita ang kalagayan ng anak.
Sa huli, hindi pala siya natiis ng mga magulang. Hinanap siya ng mga ito ngunit hindi siya makita hanggang sa may nakapagturo sa kanila na kapit-bahay. Nakita siya na nagtutulak ng kariton at isa raw na basurera.
Iyak nang iyak ang mama niya nang makita ang kalagayan niya. Nagsisi rin ang papa niya.
"Patawarin mo kami, Leona. Dapat inintindi ka namin," iyon ang mapagkumbabang sabi ng kaniyang ama. "Nang mawala ka sa amin ay 'di ka mawaglit sa isip ng nanay mo. Gabi-gabi siyang nangungulila. Gusto ka naming tulungan."
Anupa't muli siyang inuwi sa bahay. Binihisan at pinakain siya ng mga magulang. Nang nasa tahanan na sila ay nag-umpisa nang magtanong ang mga ito.
"Nasaan ang apo ko?"
Isa na namang malaking pagkakamali. Isang baluktot na desisyon ang nagawa niya na hindi niya alam kung maitatama pa niya.
Sa una ay natakot siya. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang mga magulang. Umiyak lamang siya nang umiyak hanggang maubos ang luha niya. Naawa sa kaniya ang ina at sinabing ano man ang mangyari, hindi na raw siya itatakwil.
"W-Wala na.. Wala na si Baby Andrea," nauutal niyang pag-amin. Panay ang paghikbi niya at paghingi ng tawad sa kanila. "Inabandona ko siya!"
Lahat sila ay nagsisi. Lalo na ang kaniyang ina na sinabing, "Kung sana hindi ka namin pinalayas, 'di sana sasapit sa ganito ang lahat."
***
Hindi niya pinalipas ang pagkakataon, bumalik siya sa tahanan kung saan siya sumilong nang gabing iyon. Sumama sa kaniya ang ina at umaasa rin na makikita si Andrea.
Pero tinamaan sila ng kamalasan. Kahit anong pagkatok nila sa bahay ay walang sumasagot. Sumilip sila sa bintana at nakitang madilim sa loob.
May isang lalaki na dumaan doon at naisipan nila na magtanong.
"Nasaan na po ang mga nakatira dito?"
"Nako ineng, walang tao r'yan sa bahay." Napakamot na lamang sa ulo ang lalaking nakatira malapit doon.
"A-Ano po?"
"Isang buwan sila na wala r'yan. Nagbakasyon ang mag-anak doon sa probinsya nila."
Tinakasan ng kulay ang mukha ni Leona at napatingin siya sa ina.
"Ibig sabihin... walang tao sa bahay nang iwan ko si Andrea?" nasabi niya sa sarili at nadama ang pagkawasak ng puso niya. Napasapo siya sa bibig at tila mawawalan na siya ng ulirat. "Diyos ko! Diyos ko po!"
"Huminahon ka Leona." Hinagod ng ina niya ang kaniyang likod.
"Sir, may baby po kasing naiwan sa lugar na 'to. Baka po may alam kayo," baling ng ina sa lalaking kausap, samantalang siya ay hindi na mawari ang gagawin at sasabihin. Umiyak na lamang siya roon habang nakikinig sa usapan nila.
Pero walang nalalaman ang lalaking iyon. Nagtanong na rin sila sa ibang kapit-bahay ngunit walang nakapansin kay Andrea.
Sino ang kumuha sa sanggol? Walang nakakaalam.
Sa una ay ayaw pa niyang humingi ng tulong sa mga pulis, baka kasi ikulong siya dahil alam niyang bawal sa batas ang ginawa niya. Ngunit sinabi ng ina na 'wag mabahala, kunwari'y aksidente lang daw ang pagkawala ng bata.
Kaya lumapit sila sa pulisya at nagkaroon ng record si Baby Andrea bilang isa sa mga nawawalang bata.
***
Hindi niya napansin ang pagtulo ng luha sa kaniyang pisngi. Hanggang ngayon, pinagsisisihan niya ang ginawang pagkakamali.
Hindi siya magtataka kung magalit man si Aries kapag nalaman ang nakaraan niya. Dahil sa tindi ng hiya, hindi niya naikwento kay Aries ang tungkol kay Andrea.
"Anong sasabihin sa akin ni Aries kapag nalaman niyang nabuntis na ako dati at inabandona ko pa ang sanggol? Masasaktan siya kapag nalaman niyang may anak ako sa ibang lalaki. Anong gagawin k
o?"
Nasubsob na lamang niya ang mukha sa mga palad at walang pakundangan na umiyak.
Ilang saglit pa ay naisipan niyang kontakin ang ina niya. Pinatahan niya ang sarili at pinunasan ang mga luha bago dinukot ang phone sa bulsa.
"Hello? Mama?"
"Oh, Leona? Napatawag ka."
***
Nagpalista siya sa schedule ng kumpisal sa Saint Andrew Parish, ang katolikong simbahan na malapit sa tahanan ng mga magulang. Kaibigan ng kaniyang ina ang pari na naglilingkod sa parokya.
Miyerkules, ika-tatlo ng hapon, nagtungo siya roon. Sa harap ng confessional, lumuhod siya. Dala-dala niya sa kamay ang isang rosaryo. Kahit hindi siya namatayan, mukha siyang namimighati. Nakasuot pa siya ng itim na bistida.
Alam niya na naroon na ang pari sa loob ng kumpisalan, kahit pa natatakpan ng kurtina ang munting bintana na nasa gitna nila.
"Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espirito Santo, Amen," simula ng pari na nag-sign of the cross.
"Amen," sagot niya.
"Ano ang gusto mong ikumpisal iha?" malumanay na tanong nito.
"Basbasan niyo po ako, Father... s-sapagkat ako ay nagkasala..." Natigilan siya at nagsimula nanamang umiyak.
Ilang saglit na hindi muna umimik ang padre bago nito sabihing, "Iha, pakalmahin mo ang sarili mo. Sabihin mo sa'kin at makikinig ako. 'Wag kang mag-alala, 'di kita huhusgahan. Ang Diyos lamang ang may karapatang humusga sa'yo."
Lumunok siya, pinakalma ang sarili at inayos ang magulong buhok na tumatakip sa mukha. "O-Opo Father."
"Sige." Tumango ito. "Nakikinig ako, iha."
"P-Padre, m-masama po akong babae." Yumuko siya dahil sa hiya. Naiiyak na naman siya.
"Ba't mo naman nasabi 'yan?"
"May ginawa po akong sobrang sama at walang kapatawaran."
Hindi tumugon ang pari at hinintay pa ang sasabihin niya.
"No'ng teen-ager pa po ako, n-nabuntis po ako. S-Sobrang hirap po kasi ng naging buhay ko. Tinakwil po ako ng mga magulang ko. 'Di ako tinanggap ni Lloyd. Nagpalaboy-laboy po ako sa kalsada..."
Nanatili lamang na nakikinig ang alagad ng Diyos sa k'wento niya na pautal-utal, paputol-putol at puro hikbi. Mukhang naramdaman naman ng pari ang bigat ng kalooban niya.
"Father, s-sobrang sama ko... inabandona ko p-po... ang una kong anak."
"Anong nararamdaman mo ngayon?" Sa wakas ay nagsalita na rin ang pari.
"Sobra po akong nagsisisi, Father!"
"Alam ko 'yon, iha. 'Di ka pupunta rito at iiyak nang gan'yan kung 'di ka nagsisisi. Ang gusto ko sanang malaman ay... gusto mo ba na mapatawad ka rin ng anak mo?"
Natigilan siya sa pag-iyak at napagtanto kung ano ang pinupunto ng pari.
"Anak, 'wag mong sabihin na walang kapatawaran ang ginawa mo. Tandaan mo na ang Diyos ay mapagpatawad. Malaki o maliit na kasalanan, handa Niyang patawarin, sapagkat kung 'di Niya 'yon gagawin, paano masasalba ang mga kaluluwa natin sa masama?"
Hindi siya umimik at nanatiling nakikinig sa butihing matanda.
"Makinig ka, kailangan mong humingi ng kapatawaran sa langit ngunit kailangan mo rin humingi ng kapatawaran sa lupa."
"Ano pong ibig niyong sabihin, Father?"
"Ang tanging paraan lamang upang gumaan ang kalooban mo bilang isang ina ay ang matanggap ka ng 'yong anak. Tama ba ako?"
"Opo, Father."
"Gusto mo ba na magkaayos din kayo ng 'yong anak?"
"Gustong gusto ko po, Father."
"Kung ga'non, kung gusto mong makita siya, gawin mo. Kung may kakayahan ka ay hanapin mo siya at humingi ka ng tawad. Pinatawad ka na ng Diyos, Leona ngunit kailangan mo rin humingi ng tawad sa batang 'yon."
Pagkasabi n'on ay hindi na niya napigilan ang bumuhos na damdamin. Hinayaan naman siya ng pari na umiyak muna.
"S-Sobra pong bigat..."
"Leona, naniniwala akong mapapatawad ka rin ng anak mo. Maniwala ka at magtiwala sa May-kapal."
"O-Opo."
"Sige na anak, manalangin ka nang taimtim. Ipagdasal mo ang anak mo at ipagdadasal naman kita."
"Opo Father, salamat po."