NAKANGITING IHINAIN ni Jianna ang hot chocolate sa mesa. “Pasensiya ka na sa maliit na kusina namin,” sabi niya kay Luther na nakaupo.
Four-seater lang ang mesa at maliit lang din ang kusina nila. Dahil matangkad ito at malapad ang katawan kaya lalong sumikip ang kinikilusan niya.
Ngumiti ito. “Okay lang. Para namang hindi mo alam na mas maliit pa dito ang tinitirhan ko noon.”
Tiningnan niya ito nang nakangiti rin bago siya umupo sa katapat na upuan nito. Gatas naman ang tinimpla niya para sa sarili. Mabuti na lang at tulog na si Gale. Nakatulog na raw sa paghihintay sa kaniya sabi ni Nana Olyn. Natulog na rin ang matandang katiwala nang dumating siya.
“Sorry, ha? Pero paano ka nga pala… hmmm—”
“Yumaman?” dugtong agad ng binata.
Tumango siya.
“Sipag at tiyaga lang. Noong nasira ang bangka na ginamit ko sa pangingisda at humina na rin ang turismo sa Isla Aurora, nagtinda na lang ako ng mga isda sa palengke,” pagkukuwento ni Luther pagkatapos nitong sumimsim ng hot chocolate. Lumiwanag ang mukha nito at tumaas ang kilay. Nasarapan ito. “But sad to say, nasunog ang palengke na ‘yon kaya naglako na lang ako kung saan-saan. Umuupa pa ako no’n ng tricycle para lang may service ako. Sa hapon at gabi, nagtitinda naman ako ng kwek-kwek, fishball, mani, at balut. Kasosyo ko no’n si Ryle kasi nag-resign na rin siya sa resort. Natatandaan mo pa ba siya?”
She nodded. “Yeah, of course. Iyong kaibigan mong tour guide na naging boyfriend ng friend ko sa isla.”
“Gag* ‘yon, eh,” tiim-bagang nitong saad na ikinagulat ni Jianna dahil nga ang pagkakaalam niya ay close friend noon ang dalawa. “Pinayagan ko siyang makipagsosyo sa’kin kahit wala naman siyang puhunan. Tumutulong lang siya sa pagtitinda. Pero niloko ako ng gag*ng iyon. Kinuha niya lahat ng puhunan ko at saka nagtago.”
May paghanga na napailing si Jianna habang nakatitig sa binata. “Grabe. Ikaw na talaga ang idol ko pagdating sa kasipagan. Tapos niloko ka pa ng Ryle na ‘yon? Walang puso ang kaibigan mong ‘yon, ha? ‘Buti na lang, hindi sila nagkatuluyan ni Margarita. Mukhang pera pala ‘yon.”
Galit na napailing ito. “Naubos ako do’n kaya napilitan akong magtrabaho sa mga factory at laboratory bilang contractual employee. Kaya lang, sobrang liit ng minimum wage sa probinsiya. Hindi sapat para sa’min ng kapatid ko. May autism kasi siya tapos nagbabayad pa ako ng mag-aalaga sa kaniya habang nasa trabaho ako. Kaya nag-resign na lang ako. Bukod doon, palagi akong napapaaway sa trabaho dahil sa kaguwapuhan ko,” sabi pa nito na bahagyang nagbiro.
“Wow, ha? At naisingit mo pa talaga ‘yang kayabangan mo,” biro din ni Jianna. “Siguro kasi, g-in-irlfriend mo lahat ng magagandang katrabaho mo.”
“Hindi, ‘no? Sadyang habulin lang talaga ako ng mga babae.” Tumawa ito. “Na kahit ‘yong may mga asawa na, nagpapapansin pa sa’kin. Ayaw ko ng gulo kaya nag-resign na lang ako. Doon ko na-realize na ang hirap palang maging guwapo.”
Kumuha siya ng tissue at binato ito. “Ang yabang mo!”
Tumawa lang ito. “Pero napaganda naman ang pag-resign ko bilang contractual employee kasi nakabalik ako sa pagtitinda. Mga ukay-ukay na damit nga lang,” patuloy na pagkukuwento ni Luther. “May malaking puwesto sa mall ang tita ko na nag-migrate sa ibang bansa. Bilang tulong niya sa amin ng kapatid ko, ibinenta niya sa akin ng wala pa sa kalahati ang presyo ng mga paninda niya. At doon na ako nagsimula… nagsimulang umangat nang paunti-unti. Hanggang sa magkaroon na ako ng sariling mall. Hindi lang isa kundi… marami pa,” sabi pa nito na wala namang halong pagmamalaki kaya naman lalo pa siyang humanga rito.
“Hindi nga ako nagkamali ng pagkakilala sa’yo noon. Napakasipag mong tao kaya alam kong hindi malabong marating mo ang narating mo ngayon,” humahangang saad ni Jianna.
“Kailangan, eh.” Muli itong ngumiti na may bahid ng pait. “Binatilyo pa lang ako nang mamatay ang tatay ko at nag-asawa naman ng iba ang nanay ko. Naiwan sa’kin ang kapatid ko. Mahal na mahal ko siya at hindi ko kayang pabayaan kaya ginawa ko ang lahat para lang mabigyan ko siya ng maayos na buhay kahit wala na kaming mga magulang. To the point na muntikan na akong hindi makapagtapos ng high school. Hindi na nga ako nakapag-college kasi hindi na talaga kaya ng kakarampot na kita ko sa panginisda. Alam mo ba na pumapasok akong kasa-kasama ang kapatid ko kapag walang nagbabantay sa kaniya na kapitbahay namin?”
“Really? You mean, iniwan na talaga kayo ng nanay n’yo?”
Malungkot itong tumango. “Hmmm. Sa kabilang bayan lang naman. Pero hindi kami matanggap ng bagong asawa niya kaya inabandona niya kami.”
Humapdi ang lalamunan niya. Hindi niya mapigilang maawa kay Luther dahil hindi pala talaga biro ang hirap na pinagdaanaan nito sa buhay bago narating ang magandang estado nito ngayon.
Kinuha niya ang kamay nitong nasa mesa at saka hinawakan. “I’m sorry. Alam ko ‘yong feeling na walang nanay kasi lumaki naman ako na papa ko lang ang kasama. Namatay kasi ang mama ko nang manganak siya sa’kin.”
Awtomatikong lumambot ang anyo ni Luther na pinisil nito ang kamay niya. “I’m sorry din, Ji. Pareho pala tayong wala ng nanay. Ang ipinagkaiba lang, namatay ang mama mo samantalang sinadya naman kaming iwan ng nanay ko. At ngayon, mag-isa na lang talaga ako sa buhay kasi nawala na rin sa’kin ang kapatid ko.” Bahagyang nabasag ang boses ng binata kaya napahinto ito sa pagsasalita. Binawi nito ang kamay at saka nagbaba ng mukha. “Nagkaroon siya ng malubhang sakit bago pa man ako nagtagumpay.
“I tried to save her. Pero lahat ng nilapitan ko para hiraman ng pera ay tinanggihan ako. Humingi ako ng tulong sa nanay ko kasi may kaya naman ‘yong asawa niya na negosyante rin pero hindi niya ako tinulungan. Alam mo ba na naisipan kong mang-holdap no’n para lang maipon ko ‘yong halaga na pampa-opera sa kapatid ko? Pero alam ko na hindi niya ako mapapatawad kapag ginawa ko iyon at nakaligtas siya.”
Namalayan na lang ni Jianna na tumutulo na pala ang mga luha niya habang nakikinig sa kuwento ni Luther. Parang sinasaksak ang puso niya. Awang-awa siya rito at sa kapatid nito.
“But still, kumapit pa rin ako sa patalim. Papatulan ko na sana ‘yong matandang milyonarya pero may asawa na may gusto sa’kin. Kaya lang, bago pa man kami magkita, nabalitaan ko nang… wala na raw ang kapatid ko.” Tuluyan nang napahikbi si Luther. “Kahit sa huling sandali ng buhay niya, hindi niya hinayaang masira ang buhay ko kaya siguro bumitaw na siya para hindi na ako magkasala pa.”
Hindi na rin napigilan pa ni Jianna ang mapahagulhol. Mabilis siyang tumayo at niyakap si Luther mula sa likuran nito. “I’m so sorry for your loss, Luther.”
Walang ibang salita na namutawi sa bibig ni Jianna dahil hindi niya alam kung anong salita pa ang makakatulong para gumaan ang pakiramdam ng binata. Basta nakayakap lang siya dito habang umiiyak. Hindi na rin ito nahiyang iparinig sa kaniya ang pag-iyak nito.
“It’s been four years pero ang sakit pa rin, Ji. Hindi ko pa rin matanggap na wala na si Sandra. Mahal na mahal ko ang kapatid kong ‘yon, eh.” Isinandal nito ang pisngi na hilam ng luha sa braso niyang nakayakap dito. “Gusto ko nga sanang magalit sa Diyos. Kasi kinuha pa Niya ang nag-iisang kasama ko sa buhay. Kung sana ako na lang…
“Ang hirap ng ganito, eh. Iyong na sa’yo na halos lahat ng materyal na bagay sa mundo pero wala na ‘yong taong dahilan kung bakit ka nagsumikap? Minsan, gusto ko nang sumuko na lang. Ang hirap magpatuloy na wala ka ng dahilan para lumaban. Yumaman nga ako pero mag-isa naman. Araw-araw kong nami-miss ang kapatid ko. At habang tumatagal na wala siya sa tabi ko, pasakit nang pasakit din. Tapos may nanay ka pa na araw-araw ka ring sinisisi imbes na damayan ka.”
Napasigok si Jianna.
Animo’y matatalas na punyal na humihiwa sa kaniyang puso ang bawat malulungkot na salitang naririnig niya mula kay Luther. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaramdam ng ganoong simpatiya sa ibang tao.
Na para bang daig pa niya ang namatayan din kung makahagulhol siya. Ni hindi siya nahiyang iparinig iyon sa binata. Siguro dahil ngayon lang din siya nakatagpo ng lalaking hindi nahihiyang umiyak sa harapan ng babae.
“I can’t imagine the pain you’re going through, but I’m here for you, Luther. If you need someone to talk to, a shoulder to cry on, or just someone to be with, I’m here,” puno ng emosyon na bulong niya habang magkadikit ang kanilang mga ulo. “Hindi ka nag-iisa.” Dahil nandito pa kami ng anak mo.
Nang dahil sa nalaman niya na pinagdaanan ng binata kaya parang gusto na niyang ipaalam dito ang tungkol kay Gale. Nang sa ganoon ay hindi na nito maramdaman na nag-iisa na lang ito sa buhay.
Dahan-dahan na kumalas sa kaniya si Luther. Nakita niya na nagpunas muna ito ng mga luha bago humarap sa kaniya.
His face softened nang makita nito ang luhaang mukha rin ni Jianna. “Sorry na kung pinaiyak kita. Wala lang talaga akong mapagsabihan ng lungkot ko, Ji.” Itinaas nito ang kamay at masuyong pinunasan ang mga luha niya. “Sa dami ng nakilala ko, sa’yo lang ako komportableng nagkuwento at umiyak nang ganito. Kasi alam ko na hindi mo ako huhusgahan. Kahit ‘yong tungkol sa balak kong pangho-holdap at pagpatol bilang kabit noon.”
She smiled genuinely at him. “And why should I? Sinabi mo na nga na nagawa mo lang naman ‘yon dahil sa pagmamahal mo sa kapatid mo, ‘di ba? Kahit ako, baka maisipan ko ring gawin iyon kapag sa anak ko iyon nangyari.”
“No. I won’t let that happen to you.” He cupped her face. “Lalong hindi ko papayagan na gawin mo ring option ang pumatol bilang kabit para sa anak mo. I’m here for you, angel. Hindi mo kailangang maging kabit kasi handa naman akong pakasalan ka. At hindi katulad ng asawa ni Nanay, tatanggapin at mamahalin ko bilang tunay na anak ang anak mo kahit sino pa man ang ama niya. Basta huwag mo lang maranasan lahat ng hirap na pinagdaanan ko.”
Umawang ang kaniyang bibig.
Kung kayang tanggapin ni Luther si Gale kahit anak niya ito sa ibang lalaki, paano pa kaya kapag nalaman nito na ito naman talaga ang tunay na ama ng kaniyang anak?
“P-pero, Luther… hindi ba masiyadong mabilis? Kanina lang tayo nagkita uli. Hindi mo pa kilala kung sino ba talaga ako.”
“Importante pa ba ‘yon?” Nginitian siya nito habang hinahaplos ang kaniyang buhok. “Hindi naman na tayo mga bata, ‘di ba? At saka, kahit sino ka pa, wala naman akong pake. Ikaw ang pakakasalan ko at hindi ang kung sino o ano ka, Ji.”
Kumabog ang dibdib niya dahil sa kaligayahang ngayon lang niya naramdaman. Tila gusto na namang tumulo ng kaniyang mga luha.
“Pero—”
“Hindi pa naman ngayon kung hindi ka pa talaga handang magpakasal. Basta huwag mo lang akong pagtabuyan,” mabilis na sabi ni Luther bago pa man siya tumutol muli. “Handa naman akong maghintay, eh. Basta huwag mo lang hayaan na may ibang lalaking makalapit pa sa’yo. Because you’re mine, Jianna.”
Napalunok siya.
At bago pa man siya makahuma, namalayan na lang niya na hinahalikan na siya ni Luther. Hindi na niya napigilan ang sariling damdamin at mabilis siyang nagpaubaya nang isandal siya nito sa pader at sinimulang haplusin ang maseselang parte ng kaniyang katawan…