Prologue

2595 Words
THIRD PERSON'S POV "Hindi naman umaambon o umuulan"— uminom siya ng tsaa—"ngunit ang dilim ng langit," sabi niya habang nakatingin sa kalangitan mula sa bintana ng kaniyang opisina. Nangingitim ang mga ulap sa langit at tila maya-maya ay babagsak na ang isang napakalakas na ulan. Malamig ang hangin at nagliparan ang mga dahon sa buong paligid. Walang mga estudyante ang makikitang naglalakad sa buong eskwelahan at tanging ang mga ibon lamang ang gumagawa ng tunog sa gitna ng katahimikan. "Ito ang pangalawang pagkakataon na hindi lumabas ang araw mula sa likod ng mga ulap," dagdag niya at bumuntong hinga. "Huwag mo ng pansinin ang langit, Annavel." Lumingon si Annavel kay MJ na abala sa pagbabasa ng mga papeles na nakatambak ngayon sa ibabaw ng kaniyang lamesa. Kanina pa ito nakayuko at halatang sumasakit na ang likod ni MJ dahil sa kakaupo niya sa kaniyang upuan. Kinuha ni Annavel ang kyusu na naglalaman ng paboritong tsaa ni MJ at nagsalin si Annavel ng tsaa sa isang tasa saka binigay niya ito binigay kay MJ. "Salamat," mahinang sabi ni MJ kay Annavel nang hindi inaalis ang kaniyang tingin mula sa mga papel na binabasa niya. "Kanina ka pa nagbabasa, ano ba ang pinapagawa ng council sa'yo ngayon?" Hindi na napigilan ni Annavel ang magtanong kay MJ. "School matters, Annavel. Nagmo-monitor lang sila sa paaralan at wala ng iba," sabi ni MJ kay Annavel nang hindi pa rin inaalis ang kaniyang tingin mula sa mga papel. Bumugso ang malakas na hangin na naging dahilan upang tumunog ang mga bintana ng opisina nina MJ at Annavel. Naramdaman ni Annavel na tumayo ang kaniyang mga balahibo sa batok at doon niya nalaman na may mangyayari na hindi maganda. Lumingon si Annavel kay MJ at tinanong niya ito. "Seryoso MJ, wala ka ba talagang napapansin na kakaiba sa kalangitan o sa paligid?" tanong ni Annavel at nilagay ang kyusu sa lamesa. "MJ, pakinggan mo ang sinasabi ng hangin. May hindi tama," dagdag ni Annavel. "Pabayaan mo na iyan, Annavel. Bumalik ka nalang sa trabaho mo," sabi ni MJ kay Annavel. "MJ hindi ako nagbibiro. Nararamdaman ng mahika ko na may hindi tama at ayoko sa nararamdaman ko ngayon," seryosong sabi ni Annavel at narinig niyang bumuntong hinga si MJ. "Alam ko na naibalik na ng mga bata ang bato ni Gaea sa Dai Maza Jinja ngunit hindi pa rin bumabalik sa normal ang lahat. May paparating, MJ, at sigurado ako na hindi maganda ito," seryosong sabi ni Annavel at tumingin ulit siya sa labas ng opisina. "Tapos na ang problema, Annavel. Ang sinasabi mo tungkol sa kalangitan ay hudyat lamang na may paparating na ulan kaya huwag mo ng pansinin iyon at kalimutan mo na rin ang mga nararamdaman ng mahika mo," may awtoridad na sabi ni MJ kay Annavel. Kumunot ang noo ni Annavel dahil sa sinabi ni MJ. Hindi naniniwala si Annavel sa mga sinasabi ni MJ. Sinasabi ng mahika ni Annavel na may hindi tama sa paligid at may kutob rin siya na meron nga. May tiwala si Annavel sa kapangyarihan niya at kung may nararamdaman siyang mali, alam niya na may mali talaga. Kahit kailan ay hindi pa binigo si Annavel ng kaniyang kapangyarihan na makaramdam ng mga panganib. Umiling si Annavel kay MJ. "Pero MJ—" Tumigil sa pagsasalita si Annavel nang biglang nagkaroon ng isang malakas na pagsabog. Dahil sa sobrang lakas ng pagsabog ay yumanig ang buong opisina, bumagsak ang ilang mga gamit at nabasag ang mga bintana. Kaagad nagtago sina Annavel at MJ sa ilalim ng lamesa upang makaiwas sa mga nahuhulog na semento mula sa kisame na dulot ng pagyanig. "Ano yon?!" bulalas ni Annavel at naguguluhan siyang tumingin kay MJ na kagaya niya ay naguguluhan din. "May sumabog sa loob ng academy?" naguguluhan na tanong ni MJ sa kaniyang sarili. Unti-unting lumaki ang mga mata ni MJ nang may naalala siya. "Ang mga papel..." kinakabahan na bulong ni MJ at napalingon naman si Annavel sakaniya. "May sinabi ka ba MJ?" tanong ni Annavel kay MJ at kaagad umiiling si MJ. Kinagat ni MJ ang kaniyang labi. "Ang mga papel! Walang dapat na makakakita sa mga papel na iyon!" sigaw ni MJ sa kaniyang isip at mariin siyang pumikit upang pakalmahin ang kaniyang sarili. Nang tumigil na ang pagyanig ay walang sinayang na oras si MJ at kaagad siyang lumabas mula sa ilalim ng lamesa na pinagtataguan niya. Pinuntahan ni MJ ang kaniyang lamesa at inayos niya ang mga papel bago tinago ang mga ito sa loob ng kaniyang bag. "Walang dapat na makakaalam tungkol sa mga papel na ito, MJ..." Naalala ni MJ ang pinag-usapan nila ng isa sa mga kasapi ng konseho noong isang araw. Importante ang mga papel na hawak ni MJ ngayon dahil binigay ito ng konseho sakaniya upang itago ito mula sa lahat. Biglang bumukas ang pinto ng opisina ni MJ at iniluwal doon ang isang guro na hinahabol ang kaniyang mga hininga. Magulong-magulo ang buhok ng guro at pinagpapawisan pa ito ng husto. Nanginginig na lumapit ang guro kay MJ at muntik pa itong mawalan ng balanse. Kaagad namang nasalo ni Annavel ang guro at tinulungan niya itong tumayo. "Ano ba ang nangyayari, Prof Zen? Bakit ka nagkakaganyan? Bakit hindi ka mapakali?" naguguluhan na tanong ni Annavel sa guro. "Secretary Annavel! Principal MJ!"—huminga ng malalim si Zen—"Nasusunog po ang east wing ng academy!" naiiyak na sabi ng guro habang habol pa rin ang kaniyang mga hininga. "A-Ano?!" gulat na sigaw ni Annavel. Hindi makapaniwala si Annavel dahil sa kaniyang nalaman. Hindi siya binigo ng kaniyang mahika. Tama siya na may mangyayari nga na hindi maganda. Lumingon si Annavel kay MJ ngunit nakita niya na tumatakbo na papalabas ng opisina si MJ kaya sumunod kaagad sina Annavel at Zen. "Prof Zen, pinauwi mo na ba sa kanilang mga dorms ang mga estudyante? Ang ibang mga guro, nasaan sila?" tanong ni MJ kay Zen habang tumatakbo sa mahabang pasilyo ng paaralan. "Nasa east wing na po ang ibang mga guro at tumutulong na po sila sa pagpuksa ng apoy. Pinauwi ko na po ang lahat ng mga estudyante sa kanilang mga dorms ngunit ang Naryena lamang ang hindi sumunod sa aking utos! Nagmatigas po sila at bigla nalang po silang sumugod sa east wing matapos nilang marinig ang pagsabog!" paliwanag ni Zen habang tumatakbo kasabay sina MJ at Annavel. "Ang mga batang iyon talaga! Ang titigas ng mga bungo!" inis na sabi ni Annavel habang tumatakbo. "Palagi nalang sumusugod ng walang paalam! Mga walang isip!" dagdag niya. "Hayaan mo na sila, Annavel. Alam mo naman na matigas talaga ang mga ulo ng mga batang iyon kahit ilang beses mo pa silang papagalitan at pagsabihan," sabi ni MJ. "Simula noong naging magka-klase ang mga batang iyon nang sila ay nasa ikalawang taon dito sa Silverwest ay hindi na talaga natin sila mapigilan sa mga gusto nilang gawin lalo na kung gustong-gusto talaga nila ito," dagdag ni MJ at lumingon siya sa kaniyang sekretarya na si Annavel. "Tama ka," ang tanging na sabi ni Annavel at hindi na siya nagsalita pa. "Bilib rin ako sa mga batang iyon. Kakaiba ang kanilang lakas at mga mahika," komento naman ni Zen at tumango si MJ sakaniya bilang tugon na sumasang-ayon siya sa sinabi ni Zen. Takbo lang sina MJ nang takbo hanggang sa nakarating na sila sa east wing ng akademya. Tinakpan ni Annavel ang kaniyang bibig dahil sa gulat nang nakita niya ang buong east wing. Napalunok naman si Zen habang nakatingin sa senaryo na nasa harapan niya at si MJ naman ay tuluyan nang nanigas sa kaniyang kinatatayuan at hindi na nakapagsalita dahil sa gulat. Nabalot ng malaking apoy ang buong gusali ng east wing at nagsimula na itong kumalat sa iba pang mga gusali ng akademya. Napakalaki ng apoy at maitim na ang usok na lumalabas papunta sa kalangitan. Nanginig sa takot si Annavel nang naalala niya ang kaniyang mahika. Ito na ang sinasabi ng kaniyang mahika, ito na ang tinutukoy ng kaniyang mahika na isang hindi magandang pangyayari. Sa kalayuan ay nakita ni MJ ang mga estudyante ng Section Naryena kasama ang mga Navy Blue Scouts na abala sa pagpatay ng apoy na patuloy pa rin na kumakalat sa mga gusali. "Kayong lahat! Lumayo kayo mula sa apoy! Masyadong delikado iyang ginagawa niyo!" sigaw ni Annavel habang naglalakad patungo sa kinaroroonan ng Section Naryena. "Secretary Annavel!" bulalas ni Jost nang narinig niya ang sigaw ni Annavel. Lumingon sa gawi ni Annavel ang buong klase ng Naryena at ang ibang Navy Blue Scout at nagulat rin nang nakita nila si Annavel na naglalakad patungo sa kanila. "Narinig niyo ako mga bata! Lumayo na kayo mula riyan sa apoy bago pa may bumagsak na mga labi ng gusali!" sigaw ulit ni Annavel. "Dalian niyo!" sigaw naman ni Zen na ngayon ay nakasunod kay Annavel. Hindi pa rin kumilos mula sa kaniyang kinatatayuan si MJ at nakatingin pa rin siya sa malaking apoy na nasa harapan niya. Pinagmasdan ni MJ kung paano sumayaw ang apoy kasama ang hangin. Kakaiba ang kulay at ang init na nagmumula rito. May nararamdaman na kakaibang mahika si MJ mula sa apoy at hindi niya maipaliwanag kung mabuti ba ito o masama kaya nahihiwagaan na si MJ sa kaniyang mga nakikita. Patuloy niyang pinagmasdan ang apoy at dinama niya ang kakaibang init nito. "Miyo halika ka na!" "Miyo huwag kang tumunganga riyan!" "Makinig ka sa'min, Miyo!" "Hoy Fukuyama ano pa ba ang ginagawa mo riyan?!" "Miyo umalis ka na riyan!" Mula sa malaking apoy ay lumipat ang tingin ni MJ sa dalagang si Miyo na kagaya niya ang nakatingin rin sa malaking apoy. Kahit anong tawag ng mga kasama ni Miyo ay tila walang naririnig ang dalaga dahil nananatili lang itong nakatayo sa kaniyang puwesto habang nakatingin sa malaking apoy. Blanko ang mukha ni Miyo at wari'y natutulog ito ng nakabukas ang mga mata. Hindi ito gumagalaw at hindi rin ito natatakot sa malaking apoy. Napansin ni MJ na bumubukas ang bibig ng dalaga at paminsan-minsan ay gumagalaw ito na tila may ibinubulong sa hangin ang dalaga. "Miyo lumayo ka riyan!" Narinig ni MJ na sumigaw si Annavel. Yumanig ulit ang buong paligid at narinig ng lahat ang pagbitak ng isang gusali. Dumausdos pababa ang mga labi ng gusali at nagsimula ng magwala ang lahat nang nakita nila na hindi pa rin umaalis mula sa kaniyang kinatatayuan si Miyo. Nakita nilang lahat kung paano nahulog ang mga labi malapit kay Miyo at muntik ng matamaan ang dalaga. "s**t! Miyo!" "Miyo! Umalis ka na riyan!" "Miyo ano ba!" "Miyo!" "MIYO FUKUYAMA!" Nagwawala na ang buong Section Naryena dahil kay Miyo. Gustong-gusto nilang tulungan si Miyo ngunit pinipigilan sila ng mahika ni Annavel. Gamit ang isang binding spell na natutunan ni Annavel mula kay MJ, ito ang ginamit ni Annavel upang ikulong at pigilan ang Section Naryena na puntahan si Miyo. Masyadong delikado kung silang lahat ay susugod sa kinaroroonan ni Miyo at nakita ito ni MJ kaya walang sinayang na oras si MJ at sumugod siya sa kinaroroonan ni Miyo. Mabilis na hinigit ni MJ ang mga braso ng dalaga bago pa sila mabagsakan ng isang malaking bitak ng semento na galing mula sa itaas ng gusali. "Miyo! Naririnig mo ba ako?!" Inalog ni MJ ang dalagang si Miyo ngunit nananatili parin na nakatingin sa kawalan si Miyo. Nakita ni MJ na tila nahipnotismo ang dalaga dahil sa blanko nitong mga mata at walang emosyon na mukha. Nanliit ang mga balintataw ni Miyo at may kakaibang kulay ang pumapalibot sa kaniyang mga mata. "Miyo!" sigaw ni MJ ng buong lakas at nakita niya kung paano napakurap ng paulit-ulit ang mga mata ng dalaga. Bumalik na sa dati ang mga mata ni Miyo at nawala na ang kakaibang kulay na pumapalibot sa mga balintataw nito. "P-Prinicipal MJ?" Nagbanggaan ang mga kilay ni Miyo at sinuri niya si MJ na parang sa buong buhay niya ay ngayon lang niya ito nakita. Nagtataka man ay isinantabi muna ito ni MJ at tinanong niya ang dalaga tungkol sa kaniyang kalagayan. "Salamat naman at bumalik ka na sa dati. Ayos lang ba ang pakiramdam mo? Walang ka bang nararamdaman na masakit?" tanong ni MJ kay Miyo. "Huh? Ano po ba ang pinagsasabi ninyo, Principal MJ? Bakit, may nangyari po bang masama sa'kin?" naguguluhan na tanong ni Miyo kay MJ. Nagulat si MJ dahil sa sagot ni Miyoat lumayo ng konti si MJ mula sa dalaga. Walang naaalala si Miyo na muntik na siyang matamaan ng mga labi ng gusali kanina. Walang naaalala si Miyo sa mga nangyayari sakaniya at hindi na napigilan ni MJ ang magtaka. Huminga ng malalim si MJ at tipid siyang ngumiti kay Miyo. "Kalimutan mo na ang sinabi ko sa'yo, iha. Puntahan mo na ang mga kaklase mo dahil nag-aalala na sila ng husto sa'yo. Umuwi na kayo sa dorm niyo at kami na ang bahala rito," sabi ni MJ sa dalaga at tipid siyang ngumiti rito. "Okay po," diretsong sabi ni Miyo at naglakad na siya papaalis nang hindi man lumingon kay MJ. Pinagmasdan ni MJ si Miyo habang naglalakad ito papalayo. Normal na ang mga kilos ng dalaga at hindi na ito kagaya kanina na tila ibang tao ang Miyo na kaharap at kausap niya. Nagtataka na ngayon si MJ kung bakit walang naaalala si Miyo sa mga nangyayari sakaniya. Muntik ng matamaan ng isang malaking bato si Miyo at imposible na hindi ito naaalala ng dalaga. Muling tumingin si MJ sa malaking apoy. "Mukhang tama si Annavel. May kakaiba nga na nangyayari rito," aniya sa kaniyang isipan. "MJ, tinawagan ko na ang taga disaster department at paparating na sila rito," batid ni Annavel nang nakalapit na siya kay MJ. Tumango si MJ bilang sagot kay Annavel dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya inaalisan ng tingin ang malaking apoy. Napansin naman ni Annavel ang mga tingin na ipinupukol ni MJ sa senaryo na nasa harapan nila kaya muling nagsalita si Annavel. "Ano na, MJ? Hindi ka pa rin ba naniniwala na walang nangyayaring kakaiba sa paligid? Hindi ka pa rin ba naniniwala sa mga sinasabi ng mahika ko?" seryosong tanong ni Annavel habang diretsong nakatingin kay MJ. "Isa lamang itong aksidenteng sunog, Annavel. Walang kakaiba rito dahil natural lang ang mga aksidente na kagaya rito," paliwanag ni MJ at nilagay niya ang kaniyang dalawang kamay sa kaniyang likod. "Iyong nangyari sa estudyanteng si Miyo? Natural pa rin ba iyon?"—tumaas ang isang kilay ni Annavel—"MJ nakita ko kung paano tiningnan ng batang iyon ang apoy na nasa harapan niya at alam ko na pati ikaw ay may nararamdaman din na kakaiba mula sa apoy na iyan." Tinuro ni Annavel ang malaking apoy na nasa harapan nilang dalawa ni MJ. Tumalikod si MJ at nagsimula ng maglakad papaalis. "Fine, para sa ikakatahimik mo. Tama ka, meron nga akong nararamdaman na kakaiba sa paligid at sa apoy na iyan ngunit sa ngayon ay wala pa akong kasiguraduhan sa mga iniisip ko kung masama ba itong nararamdaman ko o mabuti," paliwanag ni MJ. "Ano'ng gagawin natin sa mga estudyanteng nawalan ng mga silid?" habol ni Annavel kay MJ. "Pansamantala muna natin silang ililipat sa ibang mga sections nang sa gayon ay hindi sila mahuhuli sa kanilang mga klase."—tumingin si MJ sa langit.—"Ipaalam mo ito sa lahat ng mga guro, ngayon din." "Masusunod po," sabi ni Annavel kay MJ at nauna na siyang naglakad paalis ng lugar. Muling lumingon si MJ sa apoy at matalim niya itong tiningnan. "Nagpaparamdam na sila…"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD