Chapter 1

2483 Words
ITINATAAS ni Yoomi ang rolling door ng tindahan niya nang biglang mawala ang bigat niyon sa mga kamay niya hanggang sa tuluyan na iyong bumukas nang wala siyang ginagawa. Nalingunan niya ang tumulong sa kanya – si Jason, ang lalaking hindi niya manliligaw at hindi rin masasabing malapit na kaibigan pero umaarte sa pagitan ng dalawang iyon. “Good morning, Yoomi,” masiglang bati ni Jason sa kanya. Gusto niyang mapangiti dahil nakakahawa naman talaga ang pagiging masayahin ni Jason, pero ayaw niyang bigyan ito ng dahilan para lalo siyang kulitin. Pabirong binunggo niya lang ito nang lagpasan niya ito. “Ang aga mong mambulabog.” Mag-a-ala siete pa lang ng umaga no’n. Pumasok siya sa loob ng tindahan para ayusin ang mga paninda niyang damit. May maliit na puwesto siya sa 168 Mall sa Divisoria, at iyon ang bumubuhay sa kanya. Walong buwan pa lang ang negosyo niyang 'yon. “Pauwi pa lang ako. Kakasara lang ng bar namin. At saka hindi dapat ganyan ang trato mo sa buena manong customer mo,” parang bata na sabi ni Jason. Pumihit siya paharap kay Jason. Nakapatong ang baba nito sa mga braso nito na nakapatong sa bakal na sampayan ng mga paninda niyang damit na naka-hanger. Ayaw man niya, hindi siya maiwasang maisip na may pagka-cute din ang mokong. Sige, aaminin na niya, guwapo si Jason. Matangkad ito, maputi, at singkit. 'Yon nga lang, medyo payat ito na bumagay naman sa tangkad nito. Namaywang siya. “Talaga? Bibili ka?” Ngumiti ito. “Oo. Kailangan ko ng bagong leather jacket para sa gig ko. 'Yong black, ha.” Muli, pinigilan na naman niya ang mapangiti. Sa tuwing bumibisita sa tindahan niya si Jason, sinisiguro nito na ang pinakamahal sa mga paninda niya ang pinagbibibili nito. Hindi niya alam kung bakit nagtitiyaga itong bumili ng mga damit sa tiangge niya gayong bunsong anak ito ng may-ari ng Hanson Mall – ang pinakamalaking shopping mall sa Pilipinas. Hindi normal ang naging una nilang pagkikita ni Jason. Kalilibing lang no’n ng nakababata niyang kapatid na si Maricel at dala ng labis na pagdurusa, nakatulugan niya ang pag-iyak sa tabi ng puntod ng bunso nila na pitong taon lang nang bawian ng buhay dahil sa brain tumor. Nang magising siya, nasa loob na siya ng kotse ni Jason. Nanghihina siya no’n dahil inaapoy siya ng lagnat kaya hindi siya makagalaw. Sa totoo lang, natakot siya. Gayunman, nang makita niya ang mukha at ang mga mata ng binata, nawala ang takot niya. Nakita at naramdaman niyang sinsero naman ito sa pagnanais nitong tumulong. Pero para makasiguro, binantaan niya si Jason at sinabi niyang may AIDS siya para magdalawang-isip ito kung sakaling nagkamali siya sa pagkilatis sa pagkatao nito. Hindi niya alam kung naniwala ito sa kanya, pero mukhang hindi naman dahil tinawanan siya nito no’n. Dinala siya ni Jason sa bahay ni Issa ng gabing iyon, gaya ng pakiusap niya rito. Nagulat siya nang malamang magkakilala pala si Jason at si Samuel – ang asawa ni Issa na isang politiko. Do’n niya nalaman na anak-mayaman pala ang lalaking tumulong sa kanya. Isang taon na ang lumilipas simula no’n, pero nasa buhay pa rin niya si Jason. No’ng una ay siniguro lang nito na maayos siya at wala nang sakit sa tuwing bumibisita ito sa bahay niya. Noon, minsan sa isang buwan lang ito kung magpakita. Pero nang magbukas siya ng tindahan, minsan sa isang linggo na kung kulitin siya nito para bumili ng kung anu-anong napagdidiskitahan nito. “Hindi naman sa nagrereklamo ako, pero bakit ka nakatitig sa’kin?” naaaliw na tanong ni Jason na pumutol sa pagbabalik-tanaw niya. Tinalikuran niya lang ito para pagtakpan ang pagkapahiya niya at hinanap sa kahon ang leather jacket na binibili nito, pagkatapos ay inabot niya iyon dito. Alam na niya ang sukat ng katawan ng binata dahil madalas itong bumibili sa kanya. “Pero isukat mo na rin para sure.” “Nah, mas alam mo pa ang size ko kaysa sa’kin,” sabi nito, saka binalik sa kanya ang jacket para ipa-supot sa kanya. Inabot na rin nito ang buong isanlibong piso na bayad nito. Iyon ang gusto niya rito, hindi ito tumatawad. Nang ibalik niya ang jacket kay Jason ay nakasupot na iyon. “May gig ka mamaya?” Kahit anak ng mayamang negosyante, walang interes si Jason na sumunod sa yapak ng ama nito dahil may iba itong career. Naikuwento ng binata sa kanya – kahit hindi niya tinatanong – na tumutugtog ito sa Dine&Drink, ang resto-bar na pag-aari nito kasosyo ang mga kaibigan nito. Sa pagkakaalala niya, “Violet Rage” ang pangalan ng banda kung saan ito ang vocalist. Ang sabi ni Issa, gano’n daw talaga ang mayayamang binata. Hangga’t hindi pa handang manahin ang negosyo ng pamilya, kung anu-ano ang pinaggagagawa sa buhay. Pero isang araw, si Jason pa rin daw at ang kuya nito ang magmamana ng kompanya ng mga magulang nito. “Yep, may gig ako mamaya,” sagot ni Jason. Pagkatapos ay ngumiti ito na halatang nagpapa-cute. “I’m hoping you can come and watch me perform tonight, Yoomi.” Hindi 'yon ang unang pagkakataon na inaya siya ni Jason na manood ng gig ng banda nito, pero parati niya itong tinatanggihan ng hindi kumukurap. Pero habang tumatagal, nahihirapan na siyang tanggihan ito ng diretso. Dahil ba napapalapit na siya sa binata kahit ayaw niya? Hindi naman kasi ito mahirap makapalagayan ng loob dahil mabait ito. At hindi naman nakakapuwerhisyo ang pangungulit nito, liban sa mga araw na galit lang talaga siya sa mundo. Natauhan lang siya ng gumuhit ang pag-asa sa guwapong mukha ni Jason. Nahalata marahil nitong pinag-iisipan niya ang alok nito, pero ayaw niyang bigyan ito ng maling pag-asa. “Pasensiya ka na, Jason, pero hindi ako puwede mamayang gabi,” sinserong paghingi niya ng paumanhin. Sa unang pagkakataon, mabigat ang pakiramdam niya sa pagtanggi kay Jason. “Nakikipagkita kasi sa’kin ang kuya ko.” Biglang nawala ang ngiti ni Jason. “'Sounds like a bad idea to me.” Minsan nang nagpang-abot ang kuya niya at si Jason sa bahay ng bisitahin siya ng huli. Hindi pa maganda ang tagpong iyon dahil nakita ni Jason na sinasaktan siya ng kapatid niya habang hinihingan ng pera. Binigyan ni Jason ng malaking halaga ang kuya niya para umalis ito. Hiyang-hiya siya kay Jason no’n kaya sinisiguro niyang hindi na uli magtatagpo ang landas nito at ng kuya niya. Mas matanda ng limang taon sa kanya ang kapatid niya pero sakit ito ng ulo. Bumuntong-hininga siya. “Wala naman na kong magandang inaasahan sa buhay ko ngayon.” Nilahad ni Jason ang kamay nito sa kanya. Seryoso ito. “Kapag sumama ka sa’kin, marami akong ipapakita sa’yo na magagandang bagay.” Gustung-gusto niyang tanggapin ang kamay ni Jason. Na tumakas sa pangit realidad niya. Pero ayaw na niyang paasahin ang sarili niya dahil tiyak na hahanap-hanapin niya kung anuman ang ipapakita ng binata sa kanya. Ayaw niyang mapalapit sa taong alam niyang mawawala rin kalaunan sa tabi niya. Sinenyasan niya si Jason na umalis na. “May mga customer na ko, Jason. Saka ka na lang uli mangulit. Good luck na lang sa gig mo mamaya.” Nalaglag ang mga balikat ni Jason, halatang nadismaya sa sinabi niya. Pero nang makabawi ay ngumiti uli ito. “I’ll just see you next week, Yoomi.” Hinayaan niya si Jason na pisilin ang baba niya bago ito umalis. Pinanood niya si Jason habang naglalakad ito palayo, habang iniingata niya sa puso niya ang pangako nito na magkikita uli sila sa susunod na linggo. Baka sa susunod na iyon, um-“oo” na siya kay Jason. HINDI maiwasan ni Yoomi ang makaramdam ng pagkailang habang nakasilip sa loob ng magarang Japanese restaurant kung saan halatang sosyal ang mga tao. Samantalang siya, hayun at mukhang basahan ang damit na suot. Ilang beses niyang tiningnan ang text message ng Kuya Xaver niya at mukhang tama naman ang address at pangalan ng restaurant na ibinigay nito sa pinunthahan niya. “Yoomi!” Dumako ang malamig niyang tingin kay Xaver. “Kuya.” Nakangisi ito na tila ba masayang makita siya. Hinawakan siya nito sa siko at inakay papasok sa loob ng restaurant. Nagulat siya nang sabihin ng kapatid niya na may reservation sila ro’n. at mas lalong nagulat siya nang dalhin sila ng waiter sa pang-apatang mesa. Umupo sa katapat niyang silya si Xaver. “Mabuti naman at nakarating ka, Yoomi. Akala ko, kailangan pa kitang kaladkarin papunta rito.” Nang i-text siya ni Xaver kanina at pinapunta siya sa Japanese restaurant na iyon, naramdaman agad niya na hindi siya dapat sumunod. Pero mas gagawa ito ng problema kapag hindi niya ito sinunod. Gagawin talaga nito ang sinabi nito– kakaladkarin siya nito. “Wala akong pambayad ng mga pagkain dito,” malamig na sabi niya rito. “Sagot kita,” bale-walang sabi nito. “Dinala kita rito dahil may kailangan tayong pag-usapan.” Tumaas ang kilay niya. Ilang buwan na itong hindi nagpapakita sa kanya. Sigurado siyang may ginawa na naman itong kalokohan. “'Wag mo kong tingnan ng ganyan, Yoomi,” saway nito sa kanya. “Seryoso ang problema ko ngayon at kailangan ko ng tulong mo.” Ngumiti siya ng mapait. “Kung tungkol ito sa mga loan shark na pinagkakautangan mo, hindi mo ko maaasahan.” Gumuhit ang galit sa mukha nito. “Huwag mong kalimutan na nabaon ako sa utang dahil sa pamilya natin.” Siya naman ang nakaramdam ng matinding galit. Naikuyom niya ang mga kamay niya. “Ang kapal ng mukha mong sabihin 'yan, Kuya. Nakalimutan mo na ba na 'yong pera na inutang natin d’yan sa ilegal na money lending company na nirekomenda mo para sana sa operasyon ni Maricel ay ipinang-sugal mo? Ang sabi mo, kapag nanalo ka sa casino, dodoble ang perang nautang natin. Mababayaran natin ang money lending company na 'yon at mababayaran natin ang operasyon ni Maricel. Pero ano’ng nangyari? Ipinatalo mo sa sugal ang pera kaya hindi naoperahan si Maricel.” Bumigay na ang boses niya nang maalala niya ang katarantaduhan ng kuya niya na naging sanhi ng pagkamatay ng bunso nilang kapatid no’ng isang taon. Naramdaman niya ang paghapdi ng mga mata niya dahil sa mga luha. “Kaya kung sinisingil ka man ng mga loan shark na 'yon at kung lumobo man ang interes ng pagkakautag mo, problema mo na 'yan. Ikaw naman ang gumamit ng pera na 'yon, eh. Isa pa, ikaw ang nangutang kaya sa’yo nakapangalan 'yon,” mapait na sabi niya sa kapatid. Nasabunutan ni Xaver ang sarili nito. “Kailangan mo kong tulungan, Yoomi. Tatlong milyon na ang utang ko sa mga taong 'yon.” Kung nagulat man siya, hindi niya iyon pinahalata. Kulang-kulang na kalahating milyon ang naaalala niyang inabot ng utang nila sa ilegal na money lending company, hindi tatlong milyon. “Paano lumobo ng ganyan kalaki ang utang mo?” Nagkamot ito ng ulo. “Ano pa, eh di sugal. Iniisip ko na kung magka-casino ako, susuwertihin din ako at mababayaran ko ang mga utang ko. Pero lalo lang akong nabaon.” Gumuhit ang pagkabaliw sa mga mata nito. “Yoomi, kailangan mo kong tulungan. Binigyan nila ako ng tatlong buwan na ultimatum. Kapag hindi ko nabigay ang pera, papatayin nila ako.” Tuluyan na palang nalulong sa pagsusugal ang kapatid niya. Nakakalungkot man, wala na siyang magagawa para rito. Tumayo na siya. “Iisipin ko na lang na namatay ka sa aksidente. Huwag kang mag-alala, ipapalibing kita ng maayos.” Mabilis siyang naglakad sa kabila ng pagpigil sa kanya ng kapatid niya. Ang sama ng loob niya sa kuya niya kaya nabitawan niya ang mapapait na salitang iyon. Nanginginig ang kalamnan niya at naninikip ang dibdib niya sa galit! “Yoomi!” galit na tawag sa kanya ng kapatid niya, saka siya hinawakan ng mahigpit sa braso. Nasa labas na sila ng restaurant no’n. “Kuya, wala akong tatlong milyong piso. Saan mo ko gustong paghanapin ng gano’n kalaking halaga?” galit na tanong niya rito. “Hindi ko naman sinabing maghanap ka ng pera, ah!” “Anong ibig mong sabihin?” kunot-noong tanong niya. Ngumiti ito ng maluwang, gayunman, wala siyang tiwala sa ngiting iyon. “Hindi naman pera ang sinisingil sa’kin ng sindikatong pinagkakautangan ko.” Bigla siyang nanlamig. Parang alam na niya kung ano ang pinupunto nito. “Kuya...” “Yoomi, matagal nang patay ang asawa ng big boss nila. Naghahanap siya ng makakasama sa buhay. At nabanggit ko nga na may kapatid akong babae na maganda at... bata.” Hindi niya ipinahalata ang takot na bumalot sa sistema niya. Na nasundan ng matinding pagkamuhi at pandidiri sa kapatid niya. Binawi niya ang braso niya mula rito at humakbang palayo rito. “Binenta mo ko sa taong 'yon?” “Hindi kita binenta, Yoomi. Gusto ka pa lang naman niyang makilala. Kapag nagustuhan ka niya, kakalimutan na niya ang pagkakautang ko sa kanya. Isa pa, hindi ka na lugi sa kanya. Mayaman ang taong 'to. 'Pag nagkataon, yayaman na tayo.” Matagal na niyang ipinangako sa sarili niya na hindi na siya uuli iiyak. Lalo na sa harap ng tarantado niyang kapatid. Pero nabali niya ang pangakong iyon ngayon. “Mabubuhay ba no’n si Maricel, Kuya?” sumbat niya rito. Gumuhit na ang galit sa mukha ni Xaver. “Huwag kang maarte, Yoomi! Mag-isip ka nga! Patay na si Maricel, pero buhay pa tayo! Kapag pinakasalan mo ang matandang 'to, aasenso na ang buhay natin!” “Hindi sa ganitong paraan, Kuya. At lalong wala akong balak na iahon ka sa hirap. Mas gugustuhin kong makita kang nagdurusa!” “Tatamaan ka na talaga sa’kin kapag hindi ka pa tumahimi –” Natigilan ito at lumagpas ang tingin sa kanya. Umaliwalas bigla ang mukha nito. “Boss.” Nilingon niya ang tinawag ng kapatid niya. Pakiramdam niya ay hinigop ang lakas niya nang sumalubong sa kanya ang isang matandang pandak at mataba at nakakalbo na. Nakangisi ito habang pababa ng magarang kotse. Gamit ang buong lakas niya, sinipa niya sa pagitan ng mga hita nito si Xaver. Nang sumigaw ito sa sakit ay binitawan siya nito at dinaluhan ang nasaktan nitong p*********i. Mabilis naman siyang tumakbo itinulak ang babaeng pumara ng taxi para maunahan niya ito sa pagsakay dahila alam niyang hinahabol siya ni Xaver. Pagkasara ng pinto ng taxi ay ni-lock niya iyon at inutusan ang driver na magmaneho agad. Napaiyak na siya. Alam niyang gago ang kuya niya sa maraming bagay, pero hindi siya makapaniwalang magagawa siya nitong ibenta upang ipambayad-utang nito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD