01

946 Words
Bitbit ang aking hindi kalakihang bag, pumasok ako sa nakita kong convenience store. Hindi gano'n karami ang tao pero sigurado akong may mayamang naroon ngayon. Nanginginang sa kintab ang sasakyan n'yang dala na nakapark sa labas. Pasimple lang ang mga galaw ko. Wari mo'y nagtitingin lang ng bibilhing inumin subalit pinakikiramdaman ko ang aking paligid. "Nasan na ba 'yon?" Ang marahang bulong ko habang inoobserbahan ang mga taong nasa loob nitong store. Wala naman kasing mukhang mayaman rito! Sayang 'yung ibabayad ko sa inuming hawak ko kung lalabas ako na walang nata-trabaho. Halos singkwenta rin ang isang inumin rito 'no. Masama ang loob na nagpunta ako sa counter bitbit ang isang juice ata na hindi ko maintindihan ang nakasulat. Intsik o koryano, hindi ko alam basta mukhang masarap naman. Habang naglalakad, may isang lalake akong namataan na naro'n sa gilid. Nagchacharge ata s'ya ng cellphone n'ya. Nakaupo s'ya ro'n sa maliit na mesa habang kaharap ang pagkain n'ya na sigurado akong dito n'ya rin binili. "Mukhang mayaman" bulong ko na naman sa sarili ko. Kung titignan sa chinacharge n'yang phone, iphone ito at base sa mga nalalaman ko ay mamahalin daw 'yon lalo pa't halatang bago. Pasimple akong dumaan sa likod n'ya. Mabuti nalang at may mga shelf pa na malapit roon. Kunwari'y kumuha ako ng chips na hindi ko na tinitignan kung ano. Paglapit ko, nakita ko na kaagad ang target ko. Wari'y nagningning ang aking mata dahil mukhang nakikiayon sa'kin ang lahat. Hindi na ako mahihirapang dekwatan 'tong lalaking 'to. Naro'n lang ang wallet n'ya sa b****a. Nakasuksok ito sa kan'yang bulsa ng pantalon sa likod pero parang malapit na itong mahulog. Nung pagkaupo n'ya siguro, hindi n'ya napansin. Siniguro kong walang CCTV na nakaharap sa'kin. Banda doon lang ako nagkaproblema dahil nga pala may charging station banda rito, nandito nakatapat 'yung isang camera. Napalatak nalang ako at mahinang nagmura sa isip ko. Gano'n pa man, hindi 'yon naging hadlang. Ang matalinong matsing, nakaisip ng paraan. Hinintay ko na medyo dumami ang taong dumadaan banda sa'kin. Nang sa gano'n ay hindi mahahalata sa camera ang katarantaduhang gagawin ko. Hindi naman nagtagal ang paghihintay ko. Ilang saglit lang ay dumarami na nga ang tao dahil uwian na ng mga studyante. Maraming nagtambay ro'n upang magpalamig, ang iba'y syempre para bumili ng meryenda. Isang grupo ng mga studyante ang papunta sa gawi ko samantalang tatlong mga hindi naka-uniporme ang manggagaling sa likuran ko. 'Yun na ang hudyat para gawin ang trabaho ko. Pasimple akong dumikit sa lalaking nakaupo roon sa mesa at walang kahirap hirap na nakuha ang wallet n'ya. Pagkatapos no'n, pumila na ako sa counter para bayaran 'yung kinuha kong chips at inumin. Mandurukot lang ako ng wallet pero hindi naman gano'n kakapal ang mukha ko para nakawin 'yung mismong kakainin ko. Walang sense dahil ipapambili ko rin naman ng pagkain 'yung nadekwat ko pero atleast hindi directly na galing sa nakaw, 'di ba? Ilang saglit pa, ako na ang nasa harap ng cashier. Nilapag ko doon ang dala ko. Doon ko lang napansin na anak ng patola! ang laki pala nung nakuha kong chips. Malamang sa malamang, malaki rin ang presyo no'n! "One hundred sixty two po Ma'am." Magiliw na saad nung cashier. Mariin nalang ako napapikit sa isip ko at umusal ng malutong na mura habang kinukuha ang wallet ko sa pitaka. Mabuti nalang at mayroon pa akong papel na pera doon. 'Yun na nga lang 'yung last. Hindi rin nagtagal, inabot na sa'kin nung cashier 'yung resibo ko pati 'yung naka paper bag na binili ko. Paglabas ko doon sa store, tinignan ko 'yung resibo na naging dahilan kung bakit napa-s**t na naman ako. Mas mahal pa pala 'yung inumin na kinuha ko kesa sa chips! "Diyos ko, may ginto ba sa inumin na 'to?"ang naiusal ko nalang. Matik, ito na ang hapunan ko. Hindi ko na afford bumili pa ng pagkain, walang kasing mahal 'tong lintik na chips na 'to! Mukhang masarap naman, pwede na siguro 'tong iulam sa kanin. Iling iling akong naglakad papalayo roon. Tinawid ko ang kalsada, papunta naman ako ngayon sa malapit na karinderya. Bibili ako ng kanin. Ubos na rin ang bigas ko, kaya paniguradong wala akong hapunan kung uuwi akong ito lang ang dala. Hindi naman kalayuan 'yon kaya narating ko rin kaagad. "Manang dalawang kanin ho tapos pwedeng makahingi ho ng sabaw?" Ngumiti sa'kin 'yung matandang nagtitinda. "Sakto! Kahahango lang nung sabaw, mainit init pa." Kaagad n'yang inayos ang sinabi ko. Nagtakal s'ya ng dalawang baso ng kanin at isinupot n'ya 'yon. Nanguha pa s'ya ng isa pang supot na paglalagyan nung sabaw. Halatang kakahango lang no'n dahil umuusok usok pa. Mabilis na kumalat sa paligid ang mabangong aroma nung sinabawan nila. Ang galing ah, magic sarap at knorr cubes lang naman na pinakuluan 'yon pero mabango. "Ito po 'nay" inabot ko sa kan'ya ang bayad at ngumiti bago nagpasalamat. Alas sais na rin naman ng gabi kaya didiretso na ako sa bahay. Tapos na naman ang araw, lumabag na naman ako sa kabutihang mga gawain na paulit ulit ipinapaalala ni inay noon. Pero na pa nga ba ang magagawa ko? Nandito na ako sa sitwasyong 'to e. Maiintindihan naman siguro ni inay kung bakit ko 'yon nagagawa. Napabuntong hininga nalang ako. SA KABILANG BANDA, napapailing naman ang isang lalaki habang may sumusupil na ngiti sa kan'yang labi nang mapansing may kulang sa kan'ya. Marahil naramdaman n'ya na may nawawala sa kan'yang bulsa. "Nagtagumpay ang punggok na 'yon.'" mahinang usal n'ya sa kan'yang sarili. Ngunit nang gabi ring 'yon, hindi lang ata ang wallet n'ya ang nasungkit ni Gray. Pati ang puso n'ya ay isinama na ata ng babae pauwi sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD