SIMULA

2054 Words
“Sino ka dyan, Dada?” Hindi na naman mapigilan ni Dada ang mamangha habang nakatingin sa sarili niyang repleksyon sa harapan ng vanity mirror sa dressing room ng strip club na pinapasukan niya. Kapag nandito siya sa Temptation Tower ay pilit niyang kinakalimutan na siya si Davina De Grasya, ang babaeng kahit kailan ay hindi mo makikita sa kahit na anong club dahil hindi siya ganung klaseng babae. Noong nag-aaral siya sa kolehiyo ay hindi niya naranasan na gumimik kasama ang mga kaibigan. Bahay at paaralan lang ang naging tambayan niya at kuntento na siya doon. Bumuntonghininga si Dada at pinili na ‘wag nang alalahanin ang dati niyang tahimik na buhay. Alam niyang kahit kailan ay hindi na siya makakabalik sa dating buhay na meron siya. Dalawang taon na niyang pinagsasabay ang pagtatrabaho sa opisina bilang clerk sa isang textile company sa umaga at sumasideline naman bilang isang dancer sa strip club kapag gabi. Pero interes pa lang ng limang milyon na utang ng Papa niya ang nababayaran niya. Sa lahat ng pwedeng maging bisyo ng ama simula noong iniwan sila ng Mama niya matapos itong magtrabaho sa abroad at makakilala ng ibang lalaki, ay ang pagsusugal pa ang napili ng Papa niya na maging karamay sa kalungkutan. Hindi maintindihan ni Dada kung bakit may mga tao na sadyang ipinanganak lang yata sa mundo para manggulo ng pamilya ng iba. Isinusumpa niya ang mga tao na kahit alam ng may sariling pamilya ang isang tao ay nagawa pang patulan. Hindi sa gusto niyang ipagtanggol ang Mama niya dahil pumatol ito sa lalaking nakilala lang nito sa ibang bansa. Pareho ang mga ito na may kasalanan dahil hindi sila nakuntento sa kanya-kanya nilang asawa! “Pero nagtatrabaho ka rin naman sa club kaya pwede ka ring maging dahilan ng pagkasira ng isang pamilya, Dada!” Naiiling na sermon niya sa sarili. Wala naman siyang choice! Kung kasya lang ang sweldo niya sa pagiging clerk ay hinding-hindi niya gagamitin ang talento niya sa pagsasayaw sa lugar na kagaya ng Temptation Tower! Muling pinasadahan niya ng tingin ang sarili sa harapan ng salamin. Ibang-iba ang itsura niya sa tuwing nandito siya sa Temptation Tower. Sa kapal ng makeup na suot niya at sa kakaibang kulay ng wig na nasa ulo niya ay malayong-malayo na makilala siya ng kahit na sino. Well… Iyon naman talaga ang gusto niyang mangyari. Ayaw niya na may makaalam sa totoong pagkatao niya habang nagtatrabaho siya sa strip club. Kapag nalaman ng kahit na sinong kasama niya sa opisina na nagtatrabaho siya sa club kapag gabi ay siguradong katakot takot na panghuhusga ang matatanggap niya! Sobrang layo ng itsura niya ngayon sa totoong itsura niya kapag nasa opisina siya o nasa bahay lang. Wala ang salamin niya sa mga mata dahil contact lense ang suot niya ngayon. Sa halip na itim at straight ang buhok niya ay naging kulay blonde at wavy dahil sa wig na suot niya. Sobrang sexy rin ang suot niya ngayon na malayong malayo sa corporate dress na madalas niyang suot sa tuwing nasa opisina siya. Walang makakakilala sa kanya dahil sa sobrang galing niyang magtago! “Nandyan na ba si Kisses?” Napatingin siya sa pinto ng dressing room nang pumasok ang manager nila. Kisses ang pangalan niya kapag nasa Temptation Tower siya. Malayong malayo yon sa totoong pangalan niya kaya sigurado siyang walang makakakilala sa kanya. Bawal din sa loob ng club ang cellphone kaya nakakasiguro siyang safe siya. “Nandito na, Miss Meg!” Tumayo siya at agad na lumapit sa manager. Tumingin muna ito sa likuran niya at sa mga kasama niya bago muling binalik ang tingin sa kanya at hinawakan ang braso niya. Hinila siya nito palabas sa dressing room bago kinausap. “May VVIP na darating ngayong gabi. Ikaw ang gusto kong maging front. Payag ka ba?” Mahinang tanong nito sa kanya. Napasinghap siya. Madalas ay backup dancer lang siya doon dahil ayaw niyang maghubad habang sumasayaw. Kung magiging frontliner siya ay kailangan niyang maghubad at magpakita ng katawan. Hindi niya kaya iyon kahit pa sabihin na wala namang nakakakilala sa kanya! “Miss Meg, alam n’yo naman po na ayaw kong maghubad–” “Alam kong ayaw mong magpakita ng katawan pero sayang ang bayad, Kisses. Fifty thousand ang TF mo tapos iba pa ang tip na matatanggap mo sa mismong customer,” sambit nito at saka humilig palapit sa kanya. “Pinaka mababang tip ay one hundred thousand. Malaki laking pera na yon para makabawas ka sa utang ng tatay mo,” bulong nito. Napasinghap si Dada sa laki ng pera na narinig niyang sinabi ng manager. Alam nito ang sitwasyon niya pwera na lang syempre ang totoong pagkatao niya. “Ano? Kesa naman sa iba ko pa ito ibigay? Sayang naman,” patuloy sa pangungumbinsi ang manager nila. Hindi tuloy malaman ni Dada kung anong magiging desisyon niya. “Kailangan po ba talagang maghubad, Miss Meg?” alanganing tanong niya. Tinaasan siya nito ng kilay. “Aba, Kisses… Nasa strip club ka. Alangan namang pupunta lang dito ang mayamang customer natin para panoorin kang sumayaw?” Tinaasan siya nito ng kilay. Kagat kagat niya ang ibabang labi at hindi agad makapag desisyon. Sa totoo lang ay malaki na ang one hundred thousand na tip at pwera pa ang TF na makukuha niya sa pagiging frontliner. Magaling naman siya sa pole dancing pero doon siya sa striptease nag-aalangan dahil kailangan niya talagang maghubad at ipakita ang buong katawan niya. Pinapayagan na nga siya ng manager nila na magsayaw lang ng walang suot na bra sa ilalim ng sexy na damit. Kayang-kaya niya pa iyon pero ang maghubad talaga ay masyado na yatang nakakababa ng dangal! “Pag-isipan mo, Kisses. Babalikan kita mamaya,” sambit ng manager nila nang hindi siya nakasagot agad. Laglag ang mga balikat na bumalik siya sa loob ng dressing room. Napatingin siya sa sarili niyang repleksyon sa harapan ng salamin. Aware siya na maganda ang katawan niya kaya nga siya nakuha bilang dancer sa club ay dahil puhunan talaga niya ang katawan niya. Kapag nag-ayos pa siya ng mukha ay mas malaki pa ang pag-asa niya na makapasok sa kahit saang club dahil sa angkin niyang ganda. Tisay siya dahil may lahing Kano ang tatay niya. Ang nanay naman niya ay may lahing Espanyol kaya magandang maganda ang kutis niya na tila ba nagpapaturok ng glutathione. “Isang beses lang naman ito, Dada. Kaya mo naman sigurong magpakita ng katawan kahit isang beses lang,” sambit niya habang nakatingin sa kabuuan niya sa harap ng salamin. Huminga ng malalim si Dada. Nakapag desisyon na siya. Papayag siya sa offer ng manager nila. Desidido na siyang maging frontliner ngayong gabi kaya muling lumabas siya para puntahan ang manager nila. Baka mamaya ay magbago pa ang isip niya! “Si Miss Megan? Nandyan ba?” tanong ni Dada nang nasa opisina na siya ng manager nila. Umiling ang baklang sekretarya nito. “Kakalabas lang niya. Baka nasa baba dahil may kailangan sa isang bartender,” sagot nito. Tumango lang si Dada at hindi na nagdalawang isip na bumaba para hanapin ang manager nila. May mangilan ngilan na customers na sa ibaba na karamihan ay nag-iinuman lang. Mamaya pa kasi ang show kaya mamaya pa magsisimulang umingay ang buong lugar. Ginala niya ang tingin sa paligid at natanaw ang manager nila na nasa counter at nakikipag usap sa bartender na nakaduty. Naglakad siya palapit doon pero agad na natigilan nang mapatingin sa pinto dahil may pumasok na lalaki doon. Nanlaki ang mga mata ni Dada nang mamukhaan ang lalaking pumasok. Si Onyx Cordova! Ang matalik niyang kaibigan at nakatira lang mismo sa apartment complex kung saan siya kasalukuyang nangungupahan! Takang-taka si Dada dahil kahit kailan ay hindi niya inaasahan na makikita si Onyx sa ganung lugar. Single dad kasi ito at may tatlong taong gulang na anak na lalaki! Sa tatlong taon na magkakilala sila nito ay kahit kailan ay hindi niya pa ito nakita na nagdala ng babae sa apartment nito. Di yata’t pasimple lang na nambababae ang kaibigan niya! Kuntodo tanggi pa ito kapag nirereto niya sa kung kani kaninong babae! Oo nga naman! Magandang lalaki si Onyx at imposible na hindi ito nagpupunta sa mga club para tumikim ng mga babae! Napangiwi si Dada at agad na napaatras palayo nang makitang naglakad palapit sa gawi niya si Onyx! “Walang hiya ka, Onyx! Umuwi ka nga doon at alagaan ang anak mo!” Gigil at mahinang sermon niya sa kaibigan kahit alam niyang hindi naman nito maririnig! May mga pagkakataon na iniiwan pa nito ang anak sa kanya sa gabi dahil may lakad di umano ito na importante! Iyon pala ay sa club lang ito nagpupunta at naglalamyerda! Sa halip na umakyat sa itaas ay sa gilid ng club siya tumungo para magtago habang nag aabang sa pag-alis ni Onyx. “Is this the police station?” Napakislot si Dada sa pinagtataguan nang may lalaking nagsalita sa likuran niya. Nang lingunin niya ito ay namilog ang mga mata niya nang makita kung saan ito nakatingin! Napaayos ng tayo si Dada dahil huling-huli niya ang lalaki na nakatingin sa bandang pang upo niya! Manyakis! Sayang! Ang gwapo pa naman ng walang hiya! Nanliit ang mga mata ni Dada nang tumalikod ito sa gawi niya para ipagpatuloy ang ginagawang pakikipag usap sa phone. “Yes. Here in Temptation Tower. There is a strip club here that is hiring minors. You can check it if you want. I’m giving you the exact location and the name of the club.” Namilog ang mga mata ni Dada matapos marinig ang sinabi ng lalaki. Ayaw pang maproseso agad sa isip niya ang ginawa nito pero nang muling humarap ang lalaki sa kanya ay saka lang niya napagtanto ang ginawa nitong gulo. “Police are on their way here. If you aren’t aware that this business is illegal, you should consider running away now. Yan ay kung ayaw mong makulong kasama ang mga namamahala nitong club.” Nahigit ni Dada ang hininga. Hindi na siya nakapag isip ng maayos at agad na sinugod ang lalaki. “Pumunta ka lang ba dito para ireport itong club?” Mas lalong tumindi ang gigil niya sa lalaki nang tumango ito. Walang kangiti ngiti na tiningnan siya nito. “Obviously, this kind of place disgusts me. Kaya kailangang mawala ang ganitong lugar at maubos ang mga taong nagtatrabaho sa maduming lugar na ito.” Uminit ang ulo ni Dada. Para sa kanya ay mahalaga ang trabaho niya sa club dahil kung mawawala ang sideline niya ay hindi niya alam kung saan siya kukuha ng ibabayad sa utang ng Papa niya. Isang buwan lang siya na hindi makabayad ay halos maubos na ang isang buwan na sahod niya sa opisina dahil sa laki ng penalty! Kaya hindi siya pwedeng mawalan ng sideline! “Bawiin mo ang sinabi mo!” Mariing utos niya sa lalaki. “What?” tanong nito na tila bingi at hindi narinig ang sinabi niya. “Tumawag ka ulit sa police station at bawiin mo ang report mo!” Mas mariing utos niya. Sa halip na sundin siya ay nagmura ang lalaki at humakbang para umalis pero hinarangan niya. Ngayon na nasa harapan na niya ito ay mas lalo niyang nakita kung gaano ito katangkad. Halos hindi pa siya umabot sa balikat nito! “Just fix yourself and go home before the police arrive here,” utos nito. Magsasalita pa sana siya pero narinig niya ang nagpapanic na boses ng manager nila kaya natigilan si Dada at napagtanto na totoo nga ang sinabi ng lalaki na kausap niya! “Tabi dyan!” Gigil na tinulak niya ang lalaki at mabilis na tumakbo papunta sa fire exit. Kung mahuhuli siya ng mga pulis at makukulong ay magkakaroon pa siya ng bad record! Kapag nagkaroon siya ng bad record ay pati trabaho niya sa opisina ay mawawala! Mas lalo na siyang hindi makakabayad sa mga utang ng Papa niya! Inis na inis si Dada. Ang isang daang libo na naghihintay sana sa kanya ay parang bula na naglaho! Mas lalong tumindi ang galit niya sa lalaking nag report sa club na pinapasukan niya. Kapag nagkita ulit tayo ay humanda ka talaga sa akin! Mananagot ka sa ginawa mo! Pinapangako ko! Mananagot ka talaga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD