THE FIRST b****y MARY: Let’s Play a Game.
“Impyerno ang magiging pangalawang tahanan niyo! Maghintay kayo sa magiging parusa niyo!”
MATAPOS ang sampung taon, binisita muli ng magkakaibigang sina Celina, Nadine, April at Emma ang puntod ng kanilang kaibigang si Coleen na siya rin namang muling pagkikita-kita nila sa matagal na panahon. Ang ilan sa kanila ay matagumpay na sa kanilang napiling karera sa buhay maliban kay Emma.
Isang sikat na singer na ngayon si Celina na minsa’y abala dahil sa sunod-sunod na TV guestings. Si Nadine naman ay nagmamay-ari na ng isang sikat na 5 star hotel sa Makati samantalang si April naman ay matagumpay na bilang isang modelo. Tanging si Emma lang ang walang narating sa kanila dahil sa maaga niyang pag-aasawa na naging dahilan niya upang siya ay hindi makapagtapos at itakwil ng pamilya.
Ngayon ang ikasampung anibersaryo ng pagkamatay ni Coleen matapos masangkot sa isang malagim na trahedya na kinabilangan nila. Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin sila sa sinapit ng kaibigan. Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang sistema ang kanilang ginawang kalokohan.
“It’s been ten years…,” malumanay na sabi ni Celina.
“Pero hindi pa rin matanggal sa isip natin ang nangyari nang gabing iyon,” saad naman ni Nadine habang nakatingin sa puntod ni Coleen.
Tila sariwa pa rin ang bakas ng kahapon sa kanilang mga alaala. Ramdam pa rin nila ang takot na nadama noong gabing iyon. Maituturing nila na isang bangungot ang pangyayari na iyon na ayaw na nilang balikan pa kailanman. Tinatakot sila ng bangungot na iyon kahit mulat ang kanilang mga mata.
“Kung hindi lang talaga natin ginawa ang bagay na iyon, siguro hindi mangyayari ang lahat ng ito,” nagsisisi namang sabi ni Emma. Kahit siya, nangangatog pa rin sa nangyari.
Ang sementeryo, ang simbahan, ang salamin, si b****y Mary at lalo na si Coleen, bawat detalye nang gabing iyon ay markado na parang sugat sa kanilang isipan.
“Cheer up, guys. Isang dekada na ang lumipas kaya move on na. Baka nga pati si Coleen ay naka-move on na. Walang mangyayari kung lagi nating tatakutin ang mga sarili natin,” masiglang sabi ni April para makalimutan ang bagay na nagpapaalala sa kanila ng takot.
Nanatiling tahimik ang atmospera matapos ‘yon habangpatuloy lang na nakatinginsila sa puntod ni Coleen. Nagsindi na sila ng kandila at nag-alay ng bulakalak sa puntod tulad ng nakagawian. Sabay-sabay rin nilang ipinikit ang kanilang mga mata at nag-alay ng maikling dasal para sa yumaong na kaibigan.
“Lord, kung nasaan po ngayon si Coleen, sana po ay maging masaya siya sa piling Niyo…”
“…at sana po ay mapatawad Niyo po kami sa aming mga naging kasalanan kay Coleen,” sabay-sabay nilang sambit na dasal.
Umihip bigla nang malakas ang hangin. Dumampi ang kakaibang lamig sa batok ni Emma dahilan para magsitaasan ang kanyang balahibo. Tila isang yelo ang ipinatong sa kanyang batok dahilan naman para mapatingin siya sa likod.
“Mamamatay kayo…” tila isang babae ang bumulong sa tainga ni Emma nang mga oras na iyon. Nakakapangilabot ang boses nito na halos hinugot mula sa lupa kung ilalarawan.
Iginala niya ang kanyang mga mata habang ang iba ay patuloy lang sa pagdarasal. Nasulyapan niya ang isang babaeng nakaputi na nakatayo sa isang puno, ilang metro lang ang layo mula sa kanila. Nakatingin ito sa kanila. Kitang-kita niya ang duguan nitong damit dahil sa mga mantsa sa kulay puti nitong suot.
Kinurap niya ang kanyang mga mata at saka kinusot pero bigla na lang nawala ang babaeng duguan sa isang kisap-mata.
Minamalik-mata lang ba ako? sa isip-isip niya.
“…ang panalanging ito ay itinataas namin sa Iyo, Panginoong Hesus. Amen.” Natapos na sila magdasal. Iniisip pa rin ni Emma ang nakitang babae kanina. Totoo kaya iyon o dala lang ng pagod kaya siya namamalikmata?
“Bakit parang may tinitingnan ka? Ano ba iyon?” tanong sa kanya ni Nadine nang mapansin na nakatingin siya sa malayo. Tumingin din ito kung saan siya tumitingin.
“W-wala. Halika umuwi na tayo,” yaya niya sa iba.
“Buti pa nga,” nasambit ni Nadine.
Isa-isa na silang nagpaalam sa puntod ni Coleen. Dahil wala namang sasakyan si Emma, nakisabay na lang siya kay Celina pauwi. Wala rin naman kasi itong trabaho ngayon kaya hindi siya magiging abala kung makikisabay siya.
Nagsialisan na ang iba kaya nagpaalam na sila sa isa’t-isa.
Tahimik na nagmamaneho si Celina habang pinapakinggan ang kanta na tinutugtog sa radyo. Gusto sanang sabihin ni Emma rito ang nakita niya kanina pero ikinatatakot niya lang na baka pagtawanan lang siya nito at hindi paniwalaan.
“Ahm.. Celina?” panimula niya.
“Bakit?” tanong naman nito habang hindi inihihiwalay ang tingin sa kalsada.
Huminga siya nang malalim bago sinimulan ang pagtatanong. “Paano kung balikan tayo ng sinasabi nilang b****y Mary? Anong gagawin natin?” tanong niya.
Bigla namang natawa si Celina dahil sa kanyang sinabi. “Pshh. Remember, 10 years na ang nakalilipas. Wala na siya. Kinalimutan na natin ‘yon, ‘di ba? Maging si b****y Mary ‘ata nakalimutan na rin ang tungkol sa atin. Nakakatawa kung magbabalik pa siya. Masyado na siyang late.”
Pero parang may bumabagabag pa rin sa kanyang loob kaya hindi siya mapakali. Hindi rin mapanatag ang kanyang loob lalo na’t dahil sa nakita niya kanina. Paano kung magbalik nga siya? Makakaya niya kaya? O nila? Nakakatiyak siya na hindi sila magiging handa sa pagbabalik ni b****y Mary.
Patuloy lang sa pagmamaneho si Celina. Nagkulay pula ang traffic light, hudyat upang huminto muna sila at pagbigyan ang mga sasakyan na nasa kabilang kalsada. Marami ang tumatawid habang nakahinto sila.
Nakapukaw ng atensyon ni Emma ang isang matandang babae. Huminto ito mismo sa harapan ng kotse nila ngunit hindi direktang nakatingin sa kanila. Magulo ang buhok nito at marumi ang dating puting damit. Tila maihahalintulad sa isang pulubi kung tutuusin ang matanda.
Nagkulay berde na ang traffic light ngunit hindi pa rin naalis ang matanda. Binusinahan ni Celina ang matanda upang umalis ito. Ngunit hindi pa rin natitinag ang matanda, nakatayo pa rin ito at nananatili sa pwesto na tila bingi sa lakas ng busina.
Binuksan ni Celina ang bintana ng sasakyan at inilabas ang kanyang ulo. “Ale, baka mabangga po kayo! Kung maaari po, tumabi-tabi po kayo,” pakiusap ni Celina pero hindi pa rin kumikibo ang matanda. Patuloy lang sa pagbusina si Celina habang nakaupo lang si Emma nang taimtim at pinagmamasdan ang matanda.
Nagsimula ng maghinala si Emma sa matanda. Sa tingin niya, hindi pangkaraniwaan ang matandang ito dahil kung titingnan palang sa itsura ay may kakaiba na dito.
“s**t! Ano ba ale?! Kung ayaw niyong tumabi, sasagasaan ko kayo?!” bulyaw ni Celina sa matanda. Naiinis na ito dahil naaaksaya ang kanilang oras sa paghihintay lang sa matanda. Nagsisibusinahan na rin ang mga sasakyan na nasa kanilang likuran dahil sa sobrang pagkainip.
Dahan-dahang lumilingon sa kanila ang matanda. Namumula ang mga bilugang mata nito. Ngumiti ito sa kanila nang nakakaloko at lumabas ang matatalas na ngipin.
“Hahahahaha!” Nagitla naman ang dalawa nang marinig ang matinis na pagtawa ng matanda. Nakakatakot ang tawa nito na tila hinugot mula sa lupa.
“Manang, kung tatawa lang din naman kayo, pwede bang tumabi kayo at nagmamadali kami?!” iritableng sigaw ni Celina. Tiningnan ito nang matalim ng matanda na halos humiwa sa dalaga. Tila lalamunin ng mga tingin nito si Celina.
Nagulat sila sa sumunod na nangyari. Nanlalaki ang mga mata nila habang pinagmamasdan ang tumatakbong matanda papalapit sa kanila at sumisigaw. Nakaangat ang mga kamay nito na handang sakalin ang mga leeg nila.
“Aaaaahhhh!” Tumakbo ito papalapit kay Celina. Agad namang isinara ni Celina ang bintana ng sasakyan dahil sa sobrang takot. Ngunit huli na ang lahat, nahablot ng matanda ang buhok niya. Tumulong na si Emma upang alisin ang mahigpit na pagkakakapit ng matanda sa buhok ni Celina.
“Bitawan mo siya!” pagsusumamo niya habang patuloy pa rin sa pag-aalis ng kamay ng matanda sa buhok ni Celina.
“Aahhhhh!” Hinihigit palabas ng matanda si Celina gamit ang buhok nito. Hinatak ni Emma papasok ng sasakyan ang katawan ni Celina na halos lumabas na dahil sa pagsabunot ng matanda. Nang matagumpay na maipasok niya si Celina ay agad niyang isinara ang bintana.
“Mamamatay kayo! Kayong lahat! Isinusumpa ko yan! Magkikita tayo sa impyerno!” sigaw ng matanda sa labas ng sasakyan habang patuloy ito sa paghampas sa bintana ng sasakyan. Kasabay nito ang pagduro ng matanda sa dalawa.
“Impyerno ang magiging pangalawang tahanan niyo! Maghintay kayo sa magiging parusa niyo!” dagdag na panakot ng matanda.
Kinilabutan ang dalawa sa mga sinabi ng matanda. Hindi sila naniniwala sa mga sumpa pero may kakaiba sa matanda na nag-uudyok sa kanila para matakot ng sobra. Mabilis na pinaharurot ni Celina ang sasakyan para makalayo na sa matandang iyon.
“f**k that old lady!” galit na sabi ni Celina habang nagmamaneho. Kitang-kita ni Emma ang galit sa mga mata nito. Nakayukom ang mga kamay nito sa manibela dahil sa eskandalong kinasangkutan.
“Huminahon ka, Celina. It was just an old lady,” pag-aalo ni Emma sa kaibigan na malapit ng sumabog dahil sa sobrang galit.
“’Yon na nga, e. Matanda lang siya pero ang lakas niya manabunot. Lagot talaga sa akin ‘yong matandang iyon kapag nagkita ulit kami.” Sinapo ni Celina ang nananakit pa rin niyang anit dahil sa natanggap na sabunot. Naihampas na lang niyanang malakas ang kamay sa manibela dahil sa sobrang galit.
Ilang minuto lang ay nakauwi na rin si Emma. Agad siyang bumaba sa sasakyan. “Salamat sa paghahatid,” saad niya sabay ngiti dahil sa ginawang tulong ng kaibigan.
“Wala ‘yon. Sige, mauna na ako. Mag-iingat ka. Bye.” Isinara na ni Celina ang pintuan ng sasakyan at pumanaog na papaalis
“Ikaw rin. Bye,” paalam niya na hindi man lang hinintay ni Celina. Tumayo lang siya sa labas habang pinagmamasdan ang matulin na sasakyan na papalayo.
“MAMAMATAY KAYO! KAYONG LAHAT! ISINUSUMPA KO ‘YAN! MAGKIKITA TAYO SA IMPYERNO!”
Biglang sumagi sa isipan niya ang mga salitang binitawan ng matanda. Hindi niya alam kung anong ibig turan ng matanda pero parang may bumabagabag sa kanya.
Minabuti na lang niyang magpahinga. Marahil ay dala lang ng pagod ang kanyang mga naiisip. Humakbang na siya papasok ng kanyang bahay at pinihit ang busol ng pintuan.
Napansin niyang patay ang lahat ng ilaw sa loob ng bahay. Siguro ay hindi pa nakakauwi ang asawa niyang si Manuel. Marahil ay nag-inom na naman ‘yon kasama ang mga kabarkada nito.
Pinindot niya ang switch ng ilaw. Hindi gumagana?
Sa pagkakaalam niya ay hindi pa nagtatagal ang ilaw na ito kaya malayong mangyari na napundi kaagad ito.
Bigla siyang nakaramdam ng panlalamig ng katawan sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nanunuot ito hanggang sa kanyang laman. Pakiramdam niya ay may mga matang nakamasid sa kanya. Humakbang siya papasok upang subukan ang iba pang switch ng ilaw kung nagana.
Nakaramdam siya na may dumaan sa kanyang harapan. Isang anino ngunit mabilis ding nawala.
“Sino ‘yan? Magpakita ka!” lakas-loob niyang sabi.