NEAH’S POV
Tatlong linggo na ang lumipas, araw-araw pa rin akong sinusuyo ni Dave sa bahay ng mga magulang ko. Simula nang ilibing ko ang anak namin, hindi na ako umuwi sa bahay namin ni Dave. Gusto kong magheal. Para bang ayaw ko ng bumalik sa bahay namin ni Dave dahil maaalala ko lang ang mga araw na buntis pa ako, na kasama ko pa ang anak ko.
Tiningnan ko siya at ang dala-dala niyang mga bulaklak and foods. Na para bang maibabalik ng mga yun ang mga nangyari sa amin, sa pamilya namin, sa anak namin, sa relasyon naming dalawa.
Mapait akong ngumiti ng makita ang white roses na dala-dala niya. Sa tuwing nakikita ko yun, naaalala ko ang gabing nawala sa akin ang anak ko, ang araw na mag-isa kong inilibing ang anak namin.
Tumayo ako at umalis sa sala.
“Neah,” tawag niya sa pangalan ko pero hindi ko siya nilingon. Dumiretso ako sa hardin ni mommy at naupo sa swing. Hanggang ngayon sariwa pa rin sa akin ang lahat. Masakit pa rin sa akin na wala na ang anak ko. Na wala man lang akong nagawa para protektahan siya. Hanggang ngayon pakiramdam ko pinupunit pa rin ang puso ko sa sakit.
“Alam kong hindi madaling mapatawad mo ako,” marahan niyang sabi mula sa likuran ko.
Hindi ko siya pinansin.
Narinig ko ang mahinang kaluskos—parang inilapag niya ang dala niya sa mesa sa gilid ng garden.
“Hindi ko rin alam kung may karapatan pa akong humingi ng tawad sa’yo araw-araw,” pagpapatuloy niya, mas mababa ang boses ngayon. “Pero hindi ko rin kayang hindi gawin.”
Napakagat ako sa labi ko para pigilan ang panginginig ng boses ko.
“Neah…” lumapit siya ng kaunti, pero hindi pa rin siya tumabi sa swing. Parang alam niyang kapag ginawa niya iyon, tatakbo ulit ako palayo. “Hindi ko hinihingi na agad mo akong patawarin.”
Tahimik ako.
Narinig ko ang mahinang paghikbi niya. Napalunok ako at para bang biglang tinusok ang puso ko sa narinig ko. Simula nang mamatay ang anak namin, ngayon ko lang siya narinig na umiyak.
“Please, let’s fix this. Bumalik ka na sa akin. Babawi ako. Alam kong hindi ko na maibabalik ang anak natin pero pakiusap, umuwi ka na sa bahay natin. Ang lungkot lungkot sa bahay simula nang umalis ka. Mahal na mahal kita at hindi ko kayang pati ikaw ay mawala sa akin. I’m begging you, ayusin natin ‘to.” Umiiyak niyang pakiusap. Nanginginig ang kamay kong pinunasan ang mga luha ko.
Galit pa rin ako sa kaniya pero naiinis ako sa sarili ko dahil sa kabila ng mga ginawa niya sa akin at sa anak namin, mahal ko pa rin siya. Gusto ko pa rin siyang makasama. Sa totoo lang, sa nakalipas na tatlong linggo namimiss ko na siya. I miss his hug, his kisses, his voice, everything about him.
Lumuhod na siya sa harap ko habang umiiyak at nakayuko ang ulo niya. Kitang-kita ko ang pagtaas baba ng balikat niya dahil sa pag-iyak niya.
“Bumalik ka na sa akin please. Ayusin natin ‘to. Babawi ako.” Patuloy niyang pakiusap. Humugot ako ng malalim na buntong hininga dahil alam kong sa mga oras na ito, bibigay na naman ako. Nangingibabaw na naman ang pagmamahal at awa ko sa kaniya. Iniisip ko pa lang kung anong buhay niya ng mag-isa sa bahay namin, nasasaktan ako.
Bahagya akong umupo sa harap niya at hinawakan ang magkabila niyang balikat. Inalalayan ko siyang tumayo at sinalubong ang mga mata niya. Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi niya.
“I can’t live without you, love. Please come back to me.” Tipid akong ngumiti. Lahat ng pagtitiis ko na hindi bumalik sa kaniya sa nakalipas na tatlong linggo ay tila biglang nawala. Hindi ko pa siya kayang patawarin pero may parte pa rin sa puso ko na gusto kong bumalik sa kaniya, gusto kong ayusin ang relasyon naming dalawa.
Niyakap ko siya at dun na siya tuluyang bumigay. Bumuhos na ang mga luha niyang para bang matagal niya ng pinipigilan. Nakasubsob siya sa balikat ko habang mahinang umiiyak.
“I’m really sorry. I’m sorry if I failed you, love. I’m sorry kung wala ako sa tabi mo noong mga panahon na higit mo akong kailangan. Believe me, sinubukan kong makarating pero hindi ako umaabot.” Nakinig lang ako sa mga sinasabi niya. Mabagal kong hinahaplos ang likod niya para i-comfort siya.
“Masakit din para sa akin ang pagkawala ng anak natin. Ayaw kong umiyak sa harap mo dahil ayaw kong lalo kang panghinaan ng loob. Kung mahina ka na at magiging mahina rin ako, kanino ka na lang huhugot ng lakas? I’m sorry, love.” Umiiyak pa rin niyang sambit. Hinayaan ko siyang umiyak dahil para bang ang bigat bigat ng nararamdaman niya.
Makalipas ang ilang minuto ay pareho na kaming nakaupo sa swing. Tahimik lang kaming nakatingin sa kawalan. Napapaisip ako kung worth it pa ba talagang ayusin ang relasyon namin dalawa.
Masyadong lulong si Dave sa pag-abot ng pangarap niya para maging isang CEO ng kompanyang pinagtatrabahuan niya. Hindi siya ganito dati, palagi niya akong inuuna noon, wala siyang pinapalampas na mahahalagang okasyon. Sinuportahan ko siya sa pangarap niya pero iyun pala ang magiging dahilan para unti-unting masira ang relasyon naming dalawa.
Palaging late umuwi, palaging nasa meetings, business trip at mga project. Nakakatulog na lang din ako sa gabi kakahintay sa kaniya pero may sikat na ang araw kapag nakakabalik siya.
“Umuwi na tayo, love. Pangakong babawi ako sayo. Masyado lang kaming naging busy sa mga projects namin nitong mga nakaraang buwan kaya hindi ako nakakauwi on time. Hayaan mong bumawi ako sayo ngayon.” Tahimik lang ako. Hindi ko alam kung dapat ko pa ba siyang paniwalaan. Paano kung masaktan na naman ako? Paano kong umasa na naman ako sa mga pangako niya? Paano kung ngayon lang siya hindi busy? Paano kung mabusy na naman siya sa trabaho niya?
Maghihintay na naman ba ako sa kaniya?
“Kapag ba pinagbigyan kita, maipapangako mo ba talagang babawi ka?” mahina kong saad sa kaniya. Kita ko sa gilid ng mga mata ko na nakatingin siya sa akin.
“I promise, magsimula tayo ulit.” Sagot niya. Tipid akong ngumiti at tumango sa kaniya. Kahit gaano kalalim ang galit ko sa kaniya, mahal ko pa rin siya. Gusto kong samahan siya at gusto ko pa ring lampasan naming magkasama ang lahat ng nangyayari sa amin.
Humugot ako ng malalim na buntong hininga saka siya nilingon at nginitian. Niyakap niya ako, isinandal ko ang ulo ko sa dibdib niya at pinakinggan ang t***k ng puso niya. Sana lang ay magbago na nga siya, bumalik na sa dating siya. Makapagsimula kami ulit.