"ALAM mo, Chona, kung hindi lang kita kaibigan, sinabunutan na kita!" nanggigigil na sabi ni Kring-Kring sa babae.
Nagpaawa ng mukha si Chona. "Sorry na, Chrissy. Na-assign kasi ako sa feature article para sa class newspaper namin. Ang topic na naisip ko ay 'yong tungkol sa mga famous BulSUan." "BulSUan" ang tawag sa mga estudyante ng unibersidad nila.
"Bakit hindi mo 'ko in-interview?" paghihinanakit niya.
"Nagsabi ako sa 'yo, Chrissy. Last month ko pa 'to sinabi sa 'yo. Ang sabi mo sa 'kin, isulat ko na lang 'yong mga alam ko sa 'yo dahil busy ka no'n para sa presentation mo."
Ngayon naalala ni Kring-Kring na sinabi nga niya iyon kay Chona noong nakaraang buwan kaya hindi ito nagtraidor sa kanya. Nagkataon lang na minalas siya dahil ngayon pa lumabas ang diyaryo ng klase nito.
Napabuga siya ng hangin. "O, siya, siya. Pasensiya na, Cho."
"Okay lang." Nangislap ang mga mata nito. "Pero Chrissy, totoo bang ikaw ang girlfriend ni Paul Christian?"
Umungol lang si Kring-Kring, saka ito tinalikuran. Buong araw na siyang tinatanong ng mga tao kung totoo ba ang love story nila ni Paul Christian. Hindi naman niya magawang itanggi iyon dahil kahit nakokonsiyensiya siya sa kanyang ginawa, ayaw niyang mapahiya.
Pababa na siya ng hagdan nang makita niyang paakyat si Paul Christian kasama si Louie. Nag-uusap ang dalawa kaya hindi pa siya nakikita ng mga ito. Mabilis siyang pumihit pabalik sa kanyang pinanggalingan. Naririnig niya ang usapan ng dalawa ng nag-e-echo sa pasilyo.
"Paul Christian, nakita ko siyang nagpunta rito sa Federizo pero hindi ko sigurado kung nandito siya."
"Kaibigan mo si Chrissy. Tawagan mo siya, Louie. Kailangan ko talaga siyang makausap."
Binilisan ni Kring-Kring ang kanyang mga hakbang at kumaliwa kung nasaan ang CR. Isinara pa niya ang pinto para makasigurong hindi siya makikita nina Paul Christian. Mag-aalas-otso na ng gabi kaya siguradong wala ng tao sa loob ng CR maliban sa kanya.
"Magbabanyo lang ako." Narinig niyang sabi ni Louie na malamang na si Paul Christian ang kausap. Dadaan muna ang mga ito sa harap ng banyo ng mga babae kaya narinig niya ang boses ng kaibigan.
Napailing na lang si Kring-Kring at pumasok sa cubicle nang tawagin siya ng kalikasan. Dahil sobrang tahimik, napraning siya. At dahil likas na malikot ang kanyang imahinasyon, kung ano-ano tuloy ang pumasok sa isip niya, gaya nang usap-usapan na may multo raw sa CR na iyon.
Biglang tumayo ang mga balahibo ni Kring-Kring. Alam niyang tinatakot lang niya ang sarili, pero natatakot na talaga siya. Paano kung biglang may umiyak na babae?
Itinataas na niya ang pantalon nang bigla siyang may narinig na tila umiiyak na babae. Sa sobrang takot ay napatili siya at kahit hindi pa niya lubusang naaayos ang pantalong suot ay lumabas na siya ng cubicle. Patuloy pa rin siya sa pagsigaw at sa pagmamadaling ayusin ang pantalon nang bumukas ang pinto ng CR.
"Hey, ano'ng nangyayari?" kunot-noong tanong ni Paul Christian. Nang humikbi siya ay naglakad ito palapit sa kanya.
Dala ng matinding takot, nakalimutan na ni Kring-Kring ang lahat ng kasalanan niya sa binata at yumakap siya rito. "May multo! May multo!"
Nabigla yata si Paul Christian sa ginawa niya kaya nawalan ito ng panimbang. Napasandal ito sa bathroom sink kaya hindi sila bumagsak sa sahig. Nakapulupot ang isang braso nito sa kanyang baywang.
Tumingala siya kay Paul Christian, maluha-luha. "M-may multo rito, Paul Christian..."
His eyes softened as he gently touched her face. "Sshh. Walang multo, okay?"
Natigilan si Kring-Kring habang nakatitig kay Paul Christian. Biglang nawala ang takot niya dahil sa mga sinabi nito at masuyong paghaplos ng binata sa kanyang pisngi. Mas masarap palang humanga sa lalaking guwapo na, may maganda pang karakter. Gusto niya si Paul Christian hindi lang dahil guwapo ito, kundi dahil kayang-kaya nitong iparamdam na ligtas siya kapag ito ang kanyang kasama.
Naputol lang ang pagtititigan nila ni Paul Christian nang biglang bumukas ang isa sa mga pinto ng cubicle at iniluwa niyon ang isang babaeng namumugto ang mga mata. Kasabay rin niyon ay ang pagpasok ng tatlo pang babae na biglang nahinto sa pagtatawanan nang mapatingin sa kanila ni Paul Christian.
Noon lang din naalala ni Kring-Kring ang hitsura niya at ang posisyon nila ni Paul Christian—hindi pa niya naitataas ang pantalon at nakadagan siya kay Paul Christian na nakasandal sa bathroom sink!
"OMG! Si Paul Christian at Kring-Kring Lukring, nagme-make out!"
***
"ANG MGA kabataan nga naman ngayon! Hindi makapagpigil!"
Nag-init ang mga pisngi ni Kring-Kring dahil sa sermon ni Mr. Reynaldo, isang part-time instructor. Nagkataong kalalabas lang nito ng banyo ng mga lalaki nang mag-eskandalo ang mga babaeng nakahuli sa kanila ni Paul Christian na "nagme-make out" at sa kamalas-malasan, nakita rin ng propesor ang hindi magandang posisyon nila ng binata.
Dinala si Kring-Kring at Paul Christian ni Mr. Reynaldo sa faculty room, at dahil gabi na, wala nang ibang professor na naroon.
"Kahit may relasyon kayo," pagpapatuloy ni Mr. Reynaldo, "hindi pa rin tama na gumagawa kayo ng himala at sa school grounds pa man din!"
"Eh, Sir, hindi naman ho talaga gano'n ang nangyari," katwiran ni Kring-Kring.
"Huwag ka nang mangatwiran, Miss Pascual," sansala ni Mr. Reynaldo sa kanyang sinasabi. Nakuha na nito ang pangalan nila ni Paul Christian kanina. "Alam ko kung ano ang nakita ko."
Narinig ni Kring-Kring ang pagbuga ng hangin ni Paul Christian. Nilinga niya si Paul Christian. Namumula ang mga pisngi at tainga nito. Malamang ay napapahiya rin ang binata dahil sa maling iniisip ni Mr. Reynaldo tungkol sa kanila. Pero hindi tulad niya, kanina pa ito tahimik.
"Kailangang malaman ng college dean ng kanya-kanya ninyong department ang nangyaring ito," sabi ni Mr. Reynaldo.
Napasinghap si Kring-Kring. "Huwag naman po, Sir! Bakit naman ho kailangan pang paabutin sa dean ang nangyari? Kaya naman po naming ipaliwanag ang nangyari. Saka karapatan po namin bilang estudyante ang mapakinggan bago husgahan."
Tila noon lang natauhan si Mr. Reynaldo. "Okay, sige. Magpaliwanag kayo."
Napangiti si Kring-Kring. Nilingon niya si Paul Christian. "Simulan na natin."
"Ang ano?" tila naguguluhang tanong ng binata.
"Hay, naku!" sabi na lang niya, saka hinawakan sa kamay si Paul Christian at hinila ito. Pinatayo niya sa tabi ng pinto ng faculty room ang binata. Tumakbo naman siya papunta sa isa sa mga mesa at umupo sa swivel chair. "Ganito kasi 'yon, Sir. Nakaupo ho ako sa trono habang nag-wiwiwi. Eh, nawindang po ako sa sobrang katahimikan kaya kung ano-ano nang pumapasok sa isip ko. Gaya ng may multo rito sa Fed Hall. Eh, Sir, takot po ako sa mga mumu." Tumayo si Kring-Kring at umarte na itinataas ang pantalon niya. "Sa sobrang pagmamadali ko po, tumakbo na 'ko kahit hindi ko pa po totally natataas ang pantalon ko." Tiningnan niya si Paul Christian, saka ito sinenyasang magsalita. "Ituloy mo."
Noong una ay mukhang nag-aalangan pa si Paul Christian, pero sa huli ay nagsalita rin ito. "Nagbanyo ang kaibigan ko kaya naghintay ako sa pasilyo, malapit sa pinto ng banyo ng mga babae. May narinig akong sumigaw mula sa CR nila kaya pinuntahan ko na. Nag-alala kasi ako na baka may masama ng nangyayari sa banyo ng mga babae, lalo't gabi na. Nakita ko nga ho si Chrissy na parang takot na takot... at..." Hindi na nito naituloy ang pagkukuwento. Lalo yatang namula ang mukha nito.
"Ay, ako na po!" salo ni Kring-Kring kay Paul Christian. Nilapitan niya ito at habang hinihila papunta sa mesa ang binata ay nagkuwento siya. "Pumasok po si Paul Christian no'n sa banyo, at dahil takot na takot ako, yumakap ako sa kanya."
"Yumakap ka kay Mr. Ignacio?" naninigurong tanong ni Mr. Reynaldo.
"Opo. Parang ganito po."
Pumihit si Kring-Kring paharap kay Paul Christian. Gaya ng ginawa niya kanina, bigla siyang yumakap sa binata. At gaya rin ng nangyari kanina, nabigla ito at nawalan ng panimbang. Napaupo ito sa mesa habang hawak-hawak siya sa baywang para marahil hindi siya matumba. Habang siya naman ay nakatayo sa pagitan ng mga hita nito habang nakahawak sa magkabila nitong balikat. Medyo iba ang posisyon nila ngayon kaysa kanina. Dahil ng mga sandaling iyon, mas malapit ang mukha ni Kring-Kring sa mukha ni Paul Christian kaya kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata nito. Ramdam niyang magkalapat ang mga dibdib nila na nagdulot sa kanya ng matinding kaba.
She could smell his minty breath fanning her face. She could hear his heart beating fast against his chest... or was it her own?
"Okay, okay! That's enough re-enactment. Naniniwala na 'ko," sabi ni Mr. Reynaldo.
Tila biglang natauhan si Paul Christian dahil marahan siyang itinulak nito palayo, pagkatapos ay nag-iwas ng tingin.
Napayuko si Kring-Kring. Tiningnan niya sa gilid ng kanyang mga mata si Paul Christian. Namumula ang mga tainga nito. Muling ibinalik ng tanawing iyon ang mumunting lukso sa kanyang puso.
"Napagdesisyunan kong huwag nang dalhin pa sa mga dean ninyo ang isyu na 'to," sabi ni Mr. Reynaldo na kumuha sa kanyang atensiyon kaya nag-angat siya ng tingin sa propesor. "Pero kailangan ninyo akong tulungan."
Kumunot ang noo ni Kring-Kring, hindi dahil sa request ni Mr. Reynaldo kung hindi dahil sa nakikita niyang kaba sa mukha nito. Nawala na ang pagiging estrikto ng propesor. "Ano ho ba'ng problema, Sir?"
Tumikhim si Mr. Reynaldo. "Nakita ko kasi kung paano kayo nagtititigan ni Mr. Ignacio. Naalala kong ganyan din kami ni Miss Reymundo noong nagliligawan pa lang kami," anito na ang tinutukoy ay ang instructor sa kanyang college department kaya kilala niya ang babae. "Naisip ko lang, baka puwede ninyo 'kong matulungan."
"Saan ho?" nagtatakang tanong ni Kring-Kring.
"Magpo-propose ako kay Miss Reymundo."
***
"ANG ROMANTIC..." nangangarap na sabi ni Kring-Kring habang nakatingin sa arko na napapalamutian ng iba't ibang kulay ng rosas. Sa itaas niyon ay may nakasulat na: Will You Marry Me?
Si Mr. Reynaldo ang nagdala ng arko. Kasabwat din nito ang faculty ng kolehiyong kinabibilangan ng propesor kaya wala namang naging problema. Ang ginawa lang nila ni Paul Christian ay ayusin ang mga props, gaya ng paglalagay ng mga bulaklak sa arko. Iyon ang hininging pabor ni Mr. Reynaldo kapalit ng pagbibigay lang nito ng "warning" sa "kasalanan" nila ni Paul Christian.
"Ang ganda, 'di ba?" tanong niya kay Paul Christian.
D-in-ead-ma siya ng binata.
Nagsusuplado ang irog niya. Hindi naman niya ito masisisi. Sa dami ng kasalanan niya sa binata, normal lang yata na hindi siya nito pansinin.
Inabala na lang ni Kring-Kring ang sarili sa pag-i-inspect sa singsing na gagamitin ni Mr. Reynaldo sa pagpo-propose. Ibinigay ng propesor ang singsing sa kanya dahil natatakot itong maiwan o maiwala nito ang singsing dala ng kaba. Binuksan niya ang kahita at pinagmasdan ang simpleng singsing na naroon.
Mula nang iwan sila ng kanyang ama para sumama sa ibang babae, hindi na umasa si Kring-Kring na magkakaroon pa siya ng asawa. But still, she continued believing in true love and fairy tales. Pero mas gusto niyang nakikita iyon sa ibang tao. Namalayan na lang ni Kring-Kring ang kanyang ginagawa nang makitang suot na niya ang singsing na kanina lang ay tinitingnan niya.
Lagot!
Sinubukan ni Kring-Kring na hubarin ang singsing pero ayaw niyong matanggal. Masikip. "Paul Christian!"
Kunot-noong nilingon siya ng binata. "Bakit?"
Ipinakita niya rito ang kanyang kamay. "Ayaw matanggal ng singsing!"
"Singsing..." Napamura ito nang mahina. "Hubarin mo 'yan!"
Sinubukan niyang hubarin uli ang singsing pero ayaw talagang mahubad. "Ayaw, eh!"
Lumapit sa kanya ang binata. "Give me your hand. Susubukan kong tanggalin ang singsing."
Umiling siya. "Hindi puwede."
"Bakit?"
"May kasabihan ang matatanda na makakagalit mo ang taong maghuhubad ng singsing sa daliri mo," katwiran niya.
"Bakit? 'Tingin mo ba, hindi pa ko galit sa 'yo?"
"Hina-hard mo ko, ha," reklamo ni Kring-Kring.
Tinalikuran siya ni Paul Christian. "Maglagay ka ng lotion o kaya basain mo ng tubig 'yang kamay mo para dumulas 'yang singsing."
Binelatan ni Kring-Kring si Paul Christian kahit nakatalikod ito sa kanya.
Sinunod pa rin niya ang suhestiyon ng binata. Kinuha niya ang lotion sa bag at naglagay siya sa mga kamay. Inikot-ikot niya muna ang singsing sa daliri. Napansin niyang lumuwag na iyon, kaya hinila na niya. Pero nabitawan niya ang singsing. Tumalsik iyon sa malayo at narinig na lang niya ang pagkalansing, pero sa dami ng talulot ng rosas na nagkalat ay hindi na niya iyon nakita.
"Paul Christian!" natatarantang sigaw ni Kring-Kring.
"Ano na naman?" naiinis na tanong nito.
"Nawawala ang singsing!"
"Ano?!"
Lumuhod si Kring-Kring sa sahig at nagsimulang kapain ang singsing, pero panay talulot lang ng rosas ang nararamdaman niya. Patay siya kay Mr. Reynaldo kapag nawala ang singsing!
Bahagyang nabawasan ang pagkataranta ni Kring-Kring nang tulad niya ay gumapang na rin sa sahig si Paul Christian habang hinahanap ang singsing.
Hindi niya alam kung gaano katagal silang naghahanap. Tumayo siya at ginalaw-galaw ang kanyang mga balikat. Gusto na niyang maiyak dahil sa katangahan niya. Malapit na siyang sumuko nang magsalita si Paul Christian.
"Nakita ko na."
Nakahinga nang maluwag si Kring-Kring. Lumapit siya kay Paul Christian at tumingin pababa rito dahil nanatiling nakaluhod ang isang tuhod nito sa sahig. Inilahad niya sa binata ang kanyang kamay. "Give me that ring. Ibabalik ko na sa kahita."
"Siguruhin mo lang," bilin ni Paul Christian habang inaabot nito ang singsing sa kanya.
"OMG! Nag-propose na si Paul Christian kay Kring-Kring!" sigaw ng kung sino.
Gulat na nilingon ni Kring-Kring ang nagsalita. Lalo siyang na-shock nang makita na sa pintuan ng rooftop ay nakasilip sina Miss Reymundo, Mr. Reynaldo, at ang mga estudyante na halatang nagulat sa eksenang nadatnan ng mga ito.
Eksena kung saan nakaluhod si Paul Christian sa harap niya at inaabutan siya ng singsing.