“Ate Toni, pwede po bang sumama ako sa meeting mo mamaya kay Rushmore Huntelar? Kasi fan na fan po niya ako. Hindi naman po ako magsasalita. Tititigan ko lang siya.”
Natigil sa pamimili ng tamang hikaw para sa outfit niya si Toni at tiningnan si Dianne mula sa salamin ng wardrobe room niya. Kilig na kilig ito at kumikislap ang mga mata. Marami na itong nakilalang mga artista at di naman ito nagpapa-picture man lang sa mga ito. Utos kasi niya ay dapat maging professional ito at huwag parang fan girl. Pero bawat babae marahil ay may weakness. At weakness nito si Rushmore Huntelar.
Ikiniling niya ang ulo. “I am sorry, dear. It is a private business meeting.”
Hindi naman masyadong madaldal si Dianne. Ayaw kasi niya ng maingay na tauhan dahil gusto niyang magtrabaho ng tahimik. Ayaw din niya ng tsismosa. Kaya nga tumagal ito sa pagtatrabaho sa kanya ng apat na taon ay dahil hindi ito mausisa sa mga pinagdadaanan niya.
Pinagsalikop nito ang palad. “Parang date, Ate? Kayong dalawa lang dapat? Hindi ba dati patay na patay kayo sa kanya? Inamin mo pa nga iyon sa isang show na siya ang first love ninyo. Hindi ba kayo kinikilig, Ate?”
Nakapamaywang niya itong hinarap at itinapik ang may takong na sapatos sa sahig. “Hindi ba dapat ihinahanda mo na ‘yung wardrobe ko para sa event mamayang gabi?”
“Nakahanda na, Ate. Aminin mo na. May kilig ka pa rin bang nararamdaman kay Rushmore? Atin-atin lang naman ‘yon. Hindi makakarating kay Direk Phil.”
“Anong hindi makakarating kay Direk Phil?” tanong ng kapatid niyang Aya at pumasok sa wardrobe room niya. Masyado siyang maraming damit, sapatos, bags at kung anu-anong accessories para pagkasyahin sa kuwarto niya kaya nag-decide siyang magpagawa ng sarili niyang silid sa bahay.
Binigyan niya ng nagbababalang tingin si Dianne pero nagsalita na ito. “May meeting siya kasama si Rushmore Huntelar.”
Kumunot ang noo ni Aya. “Si Rushmore?”
“For a concert he is organizing. May kasama naman kaming iba sa meeting,” palusot niya kahit ang totoo ay tiniyak niyang silang dalawa lang ni Rushmore.
“Pero hindi ba…”
Matalim niyang tiningnan si Dianne at ipininid nito ang bibig. “Dalhin mo na ang mga gamit ko sa kotse. Aalis na tayo.” Susukot-sukot naman itong sumunod at naiwan sila ni Aya.
Ayaw niyang malaman ni Aya na private meeting iyon. Masyado itong loyal kay Phil. Bagamat perfect boyfriend ito ay may pagkaseloso naman ito. At parang bata ito na kailangan niyang laging i-reassure na ito lang ang mahal niya. Sa sobrang busy niya sa trabaho ay wala na siyang oras para ayu-ayuin pa ito oras na malaman nitong nagkita sila ni Rushmore.
Hindi niya alam kung bakit pagdating kay Rushmore ay dumudulas ang dila ni Dianne. Kailangan talaga nilang mag-usap ng masinsinan mamaya.
“Wala ka bang pasok ngayon?” tanong niya.
“Ate, okay lang ba kung hindi muna ako mag-aral? Nahihirapan kasi ako sa Accountancy. Namumuti na ang buhok ko sa mga analyzation.”
Itinirik niya ang mata. Twenty-three na ito pero nakailang palit na ng kurso. “Aya, hindi naman pinupulot lang kung saan ang pera. Magkano na ba ang nagastos ko sa tuition mo? Kung tinapos mo ang una mong course, may diploma ka na sana.”
“I know. Nahihiya nga ako. Kaya nga di muna ako mag-aaral. I…I want to find myself.”
“And how are you supposed to do that?”
“I will take a vacation. May restaurant c*m culinary school ang kaibigan ko sa Dumaguete. Naisip kong subukan iyon. Dati ko pa naman hilig magluto pero di ko mai-pursue dahil gusto kong sumubok ng ibang bagay. Wala namang mawawala sa akin. Parang nagbabakasyon lang ako. Di naman ako hihingi ng pera sa iyo, Ate.”
“Nasabi mo na ba kay Nanay?” tanong niya. May pagka-overprotective ang nanay niyang si Aling Pinky pagdating dito. Bukod kasi sa bunso ay masasakitin ito noong bata. Oras na siguro para maging mas independent si Aya. Ang hanapin nito ang sarili nito. Hindi naman niya sinasabing burden ito sa kanya. Nagtatrabaho siya para sa pamilya niya. Pero oras na para magkaroon ito ng sariling buhay. Hindi simpleng kapatid lamang ni Toni Fabregas.
“Oo. Bakasyon lang naman daw basta lagi akong tatawag sa kanya. Pwede naman ninyo akong dalawin doon kung sakali. Malapit lang iyon sa Bacolod. Nandoon si Direk Phil. Plano ko ngang makipag-meet sa kanya bago tumuloy ng Dumaguete. Baka may ipapadala ka sa kanya. Miss na miss ka na noon.”
“Wala akong maisip ngayon. Ang totoo wala akong oras na mamili ng regalo sa kanya.”
“Kung gusto mo ako na lang ang bibili sa kanya,” excited nitong prisinta.
Tumango siya. “Sure. Just use your card.” Siya din naman ang magbabayad noon. Wala talaga siyang hilig bumili ng regalo. Kaya hinahayaan na niyang si Aya ang bumili ng regalo para kay Phil dahil mas alam nito ang gusto ni Phil kaysa sa kanya.
“Pero sana naman madalaw mo siya, Ate.”
“Siyempre naman. Kung may oras lang ako, gusto ko siyang makasama. Don’t worry babawi naman ako sa kanya.” Kung tutuusin ay parang di rin naman sila magkalayo ni Phil. Maya’t maya itong tumatawag sa kanya o kaya ay nagte-text. Kundi siya sumasagot ay si Dianne o ang road manager niyang si Jinky ang tinatawagan nito.
“Ate, alam ba ni Direk Phil na magkikita kayo ng first love mo?” tanong nito habang papunta sila sa lanai kung saan sila mag-aagahan.
“I don’t think that is any of his business.”
“Alam mo naman na nagseselos pa rin siya kay Rushmore hanggang ngayon.”
Pinitik niya ang noo nito. “At iniisip mo naman na dapat nga niyang pagselosan si Rushmore. He’s a thing of the past. Matagal na akong naka-move on.”
“Tiyakin mo lang, Ate. Alam mo namang ayokong masaktan si Phil. I will never forgive you,” seryoso nitong sabi.
“Hindi mo kailangang magbanta. I had never done anything stupid in my life.” Okay. Minsan lang siya naging istupida at di na niya uulitin pa iyon. She was older and wiser now.
“Masyado naman yatang seryoso ang usapan ninyo,” anang nanay niyang si Aling Pinky. Ito mismo ang nag-aasikaso ng pagkain niya kapag nasa bahay. Ito ang nagtaguyod sa kanila nang mamatay ang tatay niya. Marami itong sakripisyo para sa kanila. Kaya kung pwede lang ay buhay-reyna na ito. Pero di naman niya ito mapigil sa pagsisilbi sa kanilang magkapatid. Iyon na lang daw kasi ang libangan nito.
Humalik siya sa pisngi nito. “Wala naman ito, Nay.”
“Kailan ba magpo-propose si Direk Phil sa iyo? Napag-usapan namin noong nakaraan na gusto niyang magkapamilya na kayo.”
“Nay, hindi pa po ako handa para diyan.” Minsan nang nag-propose sa kanya si Phil pero tinanggihan niya. Nanghihinayang siya sa mga opportunities na dumadating sa kanya. Di naman siya katulad nito na galing sa yaman. Kahit di ito magtrabaho ay may negosyo naman ang pamilya nito na bubuhay dito. Habang siya ay kailangang i-maintain ang career niya. Sa palagay kasi niya ay wala pa sa kalahati ang pangarap na natutupad niya. Mataas pa ang ambisyon niya. Kung na-conquer niya ang Pilipinas ngayon, gusto naman niyang i-conquer ang mundo.
“Kung ako sa iyo, pakakasalan ko na si Direk Phil. Baka maagaw siya sa iyo. Alam mo naman na maraming babaeng naghahabol sa kanya,” sabi ni Aya at pinalamanan ng corned beef ang pandesal.
“Hindi niya ako ipagpapalat sa iba. Wala na siyang mahahanap na tulad ko,” puno ng kompiyansa niyang sabi. Titiyakin niyang hindi mawawala sa kanya ang lahat ng magagandang bagay na tinatamasa niya ngayon.
“NANDIYAN na ba siya, Dianne?” tanong ni Toni at in-adjust ang Bulgari shades niya. Fifteen minutes na silang nasa parking lot at naghihintay sa pagdating ni Rushmore. Sa di kalayuan ay ang café kung saan sila naka-schedule na magkita.
“Wala pa, Ate. Bakit hindi na lang tayo sa loob maghintay?” tanong ni Dianne at nilingon siya. Nakaupo ito sa tabi ng driver’s seat ng Mark III niya.
“Ayokong isipin niya na atat na atat na akong makita siya.”
“Hindi naman, Ate. Maaga lang naman tayo ng kalahating oras. Hindi ka nga atat.”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Hindi ako atat na makita siya. Maaga lang tayong dumating dahil walang traffic. Ayoko lang ma-late sa usapan namin. I am professional.”
“Sabi mo, eh.”
Binuksan niya ang headset at pinatugtog ang mga kanta sa album niya. Pampakalma niya ang maganda niyang boses. Pinaghandaan niya ang paghaharap nila ni Rushmore sa loob ng maraming taon. Gusto niyang makabawi sa pagpapahiya nito sa kanya. Gusto niyang ibangon ang puso niyang minsang nasaktan. Kung may isang bagay na di pwedeng sanggiin sa kanya, iyon ay ang pride niya. Dahil hindi siya matatahimik hangga’t hindi siya nakakabawi. And this was the perfect timing.
“Ate Toni, pumasok na siya sa café. Pumasok ka na rin. Dali!” excited na sabi ni Dianne. Dali-dali niyang binuksan ang make up kit niya at nag-retouch ng make up. Kailangan ay perpekto ang kagandahan niya kapag hinarap ito. “Ate, akala ko ba nagmamadali ka?”
“Let him wait. Let him sweat,” aniya at sinadyang bagalan ang pagre-reapply ng blush on. Ito ang may kailangan sa kanya kaya matuto itong maghintay.
Lumipas ang sampung minuto ay saka lang siya pumasok ng café. Naka-reserve ang verandah sa kanila na nag-o-offer ng privacy at magandang view. Patingin-tingin sa relo nito si Rushmore at mukhang naiinip na. “Hi!” bati niya dito nang tumayo sa harap ng mesa.
Muli nitong tiningnan ang wristwatch nito. “I’ve been trying to call you. Hindi mo sinasagot. You’re late.”
Nagkibit-balikat siya at umupo. “I am here now.” Um-order siya ng milk tea with pearl and puffed cream at fat-free Oreo cheesecake sa waitress. Habang naka-order naman na si Rushmore ng brewed coffee at cinnamon twirl. “You prepared a presentation, right?”
“Yes.” Ihinarap nito sa kanya ang I-Pad nito at nag-play ang video presentation na ihinanda nito. Sa video ay ipinakita ang video ng mga estudyante ng School for the Disabled. “Isa ako sa mga sumusuporta sa kanila at avid donor. Ang concert na iyan ay di lang para sa financial help kundi awareness na rin kung paano sila dapat mahalin at pahalagahan ng mga normal na tao. Na kailangan nila ng pang-unawa at konsiderasyon. At sa pamamagitan ng mga artist na magiging part ng concert, magiging impluwensiya iyon para maipaabot sa ibang tao ang mensahe nila. Na dapat ay huwag silang ituring na second class citizen lang.”
Humikab siya. “Your vision is good but I don’t think I can be of much help.”
“Ayaw mong maging part ng concert? Ayaw mong tulungan ang mga bata? Pero malaki ang impluwensiya mo. Makakapagbigay ka sana ng inspirasyon sa kanila. Ikaw ang gustong makita ng mga bata sa stage. Isa pa, pwede mong i-encourage ang mga fans mo na sa halip na maliitin ang mga tulad nila, dapat silang tratuhin ng tama. You can make a difference.”
Sumimsim siya ng milk tea habang kinukumbinsi siya nito. “A difference. I don’t have to sing to make a difference. Pera lang naman ang kailangan, di ba? Pwede akong magbigay ng pera. Magkano ba ang kailangan mo? But I won’t sing for you.”
Napatuwid ito ng upo. “W-Wait. Bakit biglang napunta sa atin ang usapan?”
“Sinasabi ko lang na hindi ako interesado na ma-associate sa iyo. Hindi ka rin naman interesado sa akin noon, hindi ba?” aniyang di maitago ang hinanakit sa boses niya.
“Did you bring me here so you can see me beg?”
“They way I begged for your love? I don’t have to reduce you in that state.”
Pumikit ito ng mariin at mas matiim na ang mga mata nito nang tumingin sa kanya. “Hindi mo ba naisip na ginawa ko lang iyon para protektahan ka? You wanted me to make love with you. Eighteen years old ka pa lang noon. You have a bright future ahead of you. Kung pinagbigyan kita, wala ka sa kinalalagyan mo ngayon.”
“Hindi yata iyon ang narinig kong katwiran mo nang i-reject mo ako. You told me that I am not your type. That you won’t fall in love with someone like me ever. Na napakalaki kong ilusyunada para mahalin ka. When it’s hardly my fault that I fell in love with you. Pinaasa mo ako.”
Masyado itong mabait sa kanya noon. Lagi pa nitong sinasabi na maganda siya. He even protected her from her admirers by claiming that he’s her girl. Sino bang babae ang hindi aasa kapag nabigyan ng atensiyon ni Rushmore Huntelar?
“Kung may galit sa akin, you don’t have to lash it out on the kids. Inosente sila dito. You are a monster if you think you can hurt me through them. Those kids love you, Toni. Hindi ako ang ni-reject mo kundi sila. How could you turn in such a monster?”
“A beautiful monster,” she said in mocking tone. Wala nang epekto sa kanya kung anuman ang sabihin nito. Hindi na siya nasasaktan.
“And I made the right decision. Dapat lang na hindi kita pinatulan noon. I won’t even touch you with a ten-foot pole now.” Galit itong tumayo at dinampot ang I-Pad nito. “I can’t say it’s a pleasure to meet you again. I wish you will be happy… happy without hurting anyone. Walang halaga ang kasikatan at pera mo kung iyan lang ang nagpapasaya sa iyo ngayon. Sana hindi dumating ang araw na mawala sa iyo ang lahat.”