Jaira's POV (continuation..)
"Bakit hindi yang bibig mo ang itikom mo, tutal wala namang magandang salita ang lumalabas diyan, di ba? Eh ano naman kung magsalita ako? Bakit, guilty ka?" Naghahamong tanong ko ko sa kanya, mas lalong nag-igting ang mga panga niya, at nakita ko ang mahigpit na pagsarado ng mga kamao niya. Nanginginig na rin ang buong katawan niya sa sobrang galit. Binalewala ko 'yon at tahasang tumingin sa paligid. Kataka-taka na sa lakas ng mga boses namin ay wala man lang nakakarinig sa amin. Napaka-imposible na nagagawa naming magsigawan dito nang wala man lang sumisita. Hindi kaya pati mga teachers at staff dito ay under niya? 'Sino ba talaga siya? Anong kaya niyang gawin? O mas malala pa, wala na bang pakialam ang mga tao dito sa nangyayari sa paligid nila?!'
"Don't talk to me that way! You don't know us, and definitely, you don't know me!" walang gatol na sabi niya sa mismong mukha ko. "Come with me, and I'll show you what my anger is like!" sabi niya sabay hatak sa akin palapit sa side niya dahilan para muntik na akong lumagapak sa makintab na sahig ng hallway! 'Punyemas!'
"Bitawan mo ko, hindi ako sasama sayo, tsaka anong pakielam ko kung pa'no ka magalit? Feeling mo ba lahat ng tao may paki sayo, ha?!" sabi ko sabay bawi ng pulsuhan ko pero mas lalo lamang akong nahirapan dahil ganon nalang ang pagwasiwas niya sa pulsuhan ko sa galit niya. "Aray! Sumusobra ka na, ah?!"
"Ang ingay! Patahimikin kita, gusto mo?" inis naman na baling sa akin ni Cheleo. Tinitigan ko siya nang masama.
"Saan mo naman siya dadalhin?" Tanong naman ni Brucewell habang nakatingin kay Aulus, pero hindi pa rin ako tinapunan ng tingin. Mga walang puso! 'Mga walang kwenta! Bakit ba kayo sunud-sunuran sa kanya?'
"Why do you ask? Are you saying you actually give a damn about her?" Kalmado ngunit bakas ang pagkapikon sa boses ni Aulus kay Brucewell. Naghihintay ako ng sagot ni Brucewell, umaasang may himala at tutulungan niya ako. Pero isang iling ng pagkaburyo lang ang isinagot niya kay Aulus bago tumalikod at naglakad palayo. Sumunod naman sa kanya si Cheleo na parang walang nangyari. 'Ayy? Mga walang hiya talaga!'
Kinaladkad ako ng hayop na si Aulus hanggang sa makarating kami sa likod ng campus. Walang tigil ang pagpupumiglas ko, pero hindi siya natinag hanggang sa kusa akong bumitaw. Bago pa man ako makapag-react, marahas niya akong tinulak, dahilan para mapasubsob ako sa lupa. Ang sakit!
Nilibot ko ang paningin ko at narito kami sa isang bakanteng lote sa loob ng campus, isang lugar na halos hindi ko alam na mayroon pa pala. Sa gitna ng mga gusaling moderno at malalawak na damuhan, may isang tagong sulok na tila kinalimutan na ng panahon. Madilim ang lupa, may mga tuyong dahon na nagsilbing sapin, at ang amoy ng lupa ay umaalingasaw sa hangin, halo-halo pa ang amoy ng kung anong nabubulok na prutas.
"We're here," maikling sabi ni Aulus, ang kanyang boses ay naglalaman ng isang uri ng kapangyarihan na hindi ko maintindihan. O baka sadyang kinakabahan lang ako.
"Bakit tayo nandito, ha?!" tanong ko, pilit pinatatag ang boses. Pero hindi siya sumagot. Kinuha niya ang kaha ng sigarilyo sa bulsa ng coat niya at nagsindi ng isa. Sa galawan pa lang niya, halatang-halata na sigarilyo talaga ang bisyo niya. Ang yabang pa ng dating.
Tumingin akong muli sa paligid. Ang bakanteng lote ay napapaligiran ng matataas na pader, na nagbibigay dito ng isang pakiramdam ng pagkakulong. May mga sirang kagamitan sa isang tabi, mga lumang tubo at mga piraso ng kahoy na nakakalat sa lupa. Tila isang lugar na itinapon na ang lahat ng hindi na kailangan. O itinapon para itago ang mga hindi dapat makita. At pakiramdam ko ngayon ay isa na ako sa mga gamit na iyon. 'Na kailanman ay hindi na makikita pa..'
"Bakit mo ba ako dinala dito?" tanong ko, ang aking boses ay bahagyang nanginginig. Hindi ko alam kung bakit niya ako dinala dito, ngunit alam ko na hindi ito para sa isang simpleng paglilibot o pananakot. May mas malalim pa rito.
Ngumisi siya. "Malalaman mo rin," sagot niya, ang kanyang mga mata ay naglalaro sa aking kabuoan. Parang pusa na naglalaro sa daga bago kainin. "Sa lugar na ito, walang makakarinig sa atin."
Ang mga salitang iyon ay tumagos sa aking kalamnan, dumaloy sa aking sistema, at nagdulot ng matinding pangamba. Sa isang iglap, ay nakaramdam ako ng takot. Ang bakanteng lote na ito ay hindi lamang isang lugar na nakalimutan, ito ay isang lugar kung saan maaaring mangyari ang anumang bagay. At sa mga kamay ni Aulus, ang "anumang bagay" na iyon ay tila hindi maganda. Napalunok ako. Kailangan kong makaalis dito.
"Kung ano man ang binabalak mo, sarilihin mo nalang, dahil hindi mo ko maiisahan!" sigaw ko, mabilis na tumayo at hinarap ang hayop na si Aulus. Hindi ako papayag na basta na lang niya akong yurakan. Tao ako at hindi isang basura!
Tumawa siya na parang isang demonyo, isang tunog na gumapang sa buong pagkatao ko. Pinagkrus niya ang mga braso, at pagkatapos, itinaas niya ang hintuturo sa harap ng bibig niya. Pumikit-pikit siya habang umiiling-iling na wari ba'y pinapatahimik ako, pero ang totoo, mas lalo niya akong ginugulo. Para bang sinasabi niya na may alas siya laban sa akin na hindi ko alam, at nag-eenjoy siya sa paglalaro sa akin. Ang sarap tanggalin ng mga daliri niya isa-isa. "Alam mo ba kung gaano kita kagustong patahimikin?" nakangising tanong niya habang humahakbang palapit sa akin. "Pero mas gusto kong marinig ang boses mo na nagmamakaawa..." Ang bawat salita niya ay parang lason na dumadaloy sa sistema ko.
Umiling-iling ako, "Tibay naman ng imahinasyon mo para isiping magmamakaawa ako sa'yo..." Sa tindi ng paninindigan kong huwag magpatalo sa lalaking ito, mas lalong tumitindi ang tensyon sa pagitan namin. Batid ko ang determinasyon niyang magawa ang gusto niya, pero mas matigas ako sa bato at hindi ako basta-basta magpapatalo
"Wala ka'ng laban sa akin... Sumuko ka na lang at tanggapin ang offer ko sa'yo..." Naglakad siya paikot sa akin, parang isang predator na sinusuri ang kanyang prey. Tumayo ang mga balahibo ko sa batok habang nasa likod ko siya sa pag iisip na baka kung ano nalang ang gawin niya kaya hinanda ko ang sarili ko. At nang tumambad siyang muli sa harapan ko, nakangiti na siya na parang siya ang pinakamabuting nilalang sa balat ng lupa. Gusto kong masuka. Ang sarap durugin ng pagmumukha niya.
"Wala akong pakielam kung ano man 'yang offer mo. Ang gusto ko lang ay tigilan mo ang pangtitrip mo sa akin dahil wala akong panahon sa mga ganitong klaseng kalokohan." Mariing sabi ko, halos sumabog na ang dibdib ko sa galit pero sa takot ko na baka kung anong magawa ko ay pinigilan ko ang sarili. Humagalpak siya ng tawa na akala mo'y may sinabi akong nakakatawang biro. Nababaliw na talaga siya.
"Talaga ba? Kahit na ang kapalit ay ang diary mo?"
Natigilan ako at pakiramdam ko'y may bumara sa lalamunan ko. Ang kaninang pangamba at takot na nararamdaman ko ay napalitan ng pagkagulat. Diary? Ang diary ko? Paanong... Naguluhan ako, pero mas nangibabaw sa akin ang kagustuhang malaman kung paano niya nalaman ang tungkol sa diary ko! Anong alam niya? Ano ang binabalak niya? Ang daming tanong na biglang sumulpot sa isip ko.
Tumawa siya habang umiiling-iling na para ba'ng ninanamnam niya ang bawat segundo ng pagkabigla ko
"Tingnan mo nga naman... akala ko ba matapang ka? Bakit parang nangangatog ka diyan?" tanong niyang nangungutya. Humigpit ang mga kamao ko at halos dumugo na ang mga kuko ko sa palad ko. Gusto ko siyang sugurin, pero pinigilan ko ang sarili ko.
"Anong ibig mo'ng sabihin? Nasayo ang diary ko?" tanong ko. Umaasa akong hindi ang diary ko ang tinutukoy niya. Hindi maaari! Kung nasa kanya ang diary ko, para na rin niyang hawak ang buong pagkatao ko. Ang lahat ng mga lihim ko, ang mga pangarap ko, ang mga kahinaan ko... nasa kanya na lahat. Gusto ko'ng maiyak. 'Anong gagawin ko?'
"What do you think?" Nakangising tanong niya, sabay hawi sa copper red niyang buhok dahilan para sumilay ang hikaw niyang silver hoop na may maliliit na diamonds at pagkatapos ay napako ang mga mata ko sa tattoo sa gilid ng leeg niya. Isang maliit na tattoo. Ace of heart. Puso ito sa gitna ng baraha. Hindi ordinaryo ang tattoo na 'to. May kakaiba... parang nakita ko na 'to dati. Pero saan? At bakit pamilyar na pamilyar?
Sa pag iisip, ay natigilan ako. Sa isang pagkurap ng mga mata ko, bumalik sa aking alaala ang lahat-ang gabing nawala ang aking bag. Hindi lamang iyon, kasama ring naglaho ang kwintas at bracelet na pinaka-iingatan ko, ang bagay na nagpapaalala sa akin ng nakaraan na may malalim na halaga sa akin. Tumingin ako kay Aulus at nakita ko sa mga mata niya ang galit na tila apoy na naglalagablab. Ngunit ang sarili kong galit ay mas matindi pa. Ito ay isang nagngangalit na bagyo sa loob ko, isang bulkan na nagbabadyang sumabog anumang oras.
Naramdaman ko ang mga luha na nagbabadyang bumuhos na para ba'ng handa nang takasan ang mga mata ko. Ang mga kamao ko'y halos dumugo na sa sobrang pagkakakuyom, pinipigilan ang anumang aksyon na maaaring pagsisihan ko. Parang binuhusan ako ng yelo nang biglang mag-flashback ang gabing iyon. Ang gabing durog na durog ang puso ko at wala akong ibang mapuntahan kundi ang lugar kung saan ang madalas naming tagpuan ni Cee ay ang gabi at lugar kung saan kinuha ng lakaking ito ang lahat ng meron ako.
At ngayon, narito siya sa harap ko. Si Aulus ang lalaking iyon.
(to be continued..)