Chapter 4 Part Two: The Devil's Deal

1885 Words
Jaira's POV (continuation..) "Wala man lang 'you're welcome'?" Nakangiwing tanong niya, pero abala rin ang mga mata niya sa paghahanap kay Pola. "Ayun pala eh, safe and sound." Tinuro niya ang papalapit naming kaibigan. Nakahinga ako nang maluwag nang magtama ang paningin namin. "Huhuhu Jaiiii!" pag-aatungal ni Pola sabay lapit at yakap sa akin nang mahigpit. Muntik pa kaming matumba pareho dahil doon pero hindi ko na inisip 'yon dahil ang mahalaga sa akin ay okay siya. Habang yakap ko siya ay ramdam ko pa rin ang panginginig niya. Marahil ay hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang nangyari. "Ano 'yan? Bakit ka umiiyak?" tanong ko kunwari nang sa ganon ay mabawasan ang pag aalala niya, habang masuyong sinusuklay ang buhok mula sa likurang bahagi ng ulo niya. "A-akala ko may masamang nangyari sa inyo ni Chili.." humihikbi niyang sabi. "Para lang makatakbo ako, sinakripisyo niyo ang mga sarili niyo kahit alam naman nating pare-pareho na ayaw niyo nang manakit para lang sa kaligtasan ng iba.." Parang bata siyang nagsusumbong. Hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya. "Salamat.." bulong niya. "Sshh, Pola, tama na. Andito na tayo," pinapatahan ko siya. Ang pagiging kalmado ng boses ko ay natural na sa tuwing siya ang kaharap ko. "Ang importante, safe tayong tatlo." Kumalas siya sa yakap at dali-daling pinunasan yung luha niya. Parang batang nagtataka, tumingin siya sa'kin at tumango-tango. "Sabagay, ano pa bang dapat kong ikatakot, eh kayo lang namang dalawa yung laging nandiyan para ipagtanggol ako." "Oo kaya 'wag ka nang makonsensya diyan, sisiw lang 'yan sa'min!" Sabi ni Chili, pinapakita pa yung biceps niya na akala mo kay Darna. "Kasing laki na 'to ng bao ng niyog! Kaya 'wag kang mag-alala, Pola, kaya ka naming protektahan kahit kanino." "Tsaka ikaw pa ba? Sa tingin mo hahayaan kitang mapahamak?" Nakangiti kong tanong, kaya ngumiti rin siya. "Kaya tara na, kain na tayo. Gutom na 'ko, eh." Inalalayan ko siyang umalis sa eksena, parang bata naman siyang sumunod sa'kin, kasunod si Chili. Di ko na pinansin yung paligid. Basta ang alam ko, kailangan naming kumain. Mas importante mapuno yung sikmura namin para sa mga subject mamaya. Kailangan ng energy! Tsaka para makalimot din kahit paano sa nangyari. Aminado rin naman ako na hindi maganda ang nangyaring ito dahil kung sa iba nangyari 'to, ay tiyak na trauma ang aabutin no'n. Nakakatakot pa naman ang itsura ng men-in-black-low-budget-edition.. Nakarating naman kami sa karinderya na parang walang nangyari. Sanay naman ang mga bituka namin sa ganung eksena. Natural na natural na lang sa'min yung pumasok sa gulo at makipagbasagan ng ulo. Kahit matagal na nung huli naming ginawa 'to, halos walang pinagbago sa pakiramdam ngayon. Medyo masakit nga lang sa braso. Para kang nagbuhat ng isang sakong bigas. Pumili na kami ng ulam. Naghanap ako ng masarap na adobo, favorite ko eh. Si Chili naman, nag-order ng sisig. Si Pola, kare-kare. Nang makapili ay umupo na rin kami. Swerte at kakaunti na lang yung kumakain dito sa paborito naming karinderya. Di masyadong siksikan, di tulad ng utak ko pag exam. May bakante pa sa tabi ng bintana, kaya doon kami pumwesto, mukhang presko. "Thank you, ate!" Masiglang sabi ni Pola sa nag-serve sa'min ng ulam. Ngumiti naman yung ate sa'min at bumalik na sa pwesto niya para asikasuhin yung ibang bumibili. Nilanghap ko ang usok ng ulam sa harap ko. 'Ang bango ng adobo!' Maya-maya pa ay nag umpisa na kaming kumain at kapansin-pansin ang pagsimangot ni Chili. "Tarantado talaga yung Aulus na 'yon. Mapagpatol pala yung gago," biglang sabi ni Chili, gigil na gigil na hinihiwa yung may kalakihang hiwa ng karne ng sisig sa plato niya. "Buti pa 'tong sisig, di lumalaban." "Chili, yung bibig mo... Nasa harap tayo ng pagkain," medyo inis kong sabi sa kanya at napayuko naman siya habang sinasalinan ko ng tubig yung mga baso namin. Binitiwan niya ang kutsara at tinidor at sumusukong tumingin sa akin. "Sorry na... Nakakainis naman kasi yung rich kid na 'yon. Akalain mo 'yon, sa ganon lang, nag-effort pa na mag-utos ng tao para ipadukot ka? Ang sama ng ugali!" "Wala eh, ganon talaga. Baka kulang sa aruga kaya ganon na lang tratuhin yung kapwa," nakangisi kong sabi sa kanya at tinaasan naman niya ako ng kilay. "Ipagdasal na lang natin siya na gumaling na siya sa kasamaan ng ugali niya." "Gumaling? Anong 'yon, disease?" Nakangisi rin niyang balik. "Para sa akin, sakit na 'yan. Isang karamdaman na nakakatakot dahil lubhang nakakahawa," mariin kong sambit, sabay subo ng kanin na tila ba ang bawat butil ay naglalaman ng poot. "At ang nakakatakot pa, mas mabilis kumalat pa 'yan kaysa sa ketong. Kaya hangga't maaga, layuan na natin ang may saltik na 'yon.." "Ay, tayo pa talaga ang mag-aadjust?" Nakangiwi niyang tanong, na sinundan ko ng isang mariing tango. "Sa impluwensya ng mga taong katulad niya, kaya niyang baliktarin ang mundo natin, Chili.. Mayaman siya at maraming koneksyon. Sa isang pitik lang ng mga daliri niya, kaya niyang gamitin ang pera at kapangyarihan para pahirapan tayo. Isipin niyo, kapag lumaki ang gulo, hindi malabong matanggal tayo sa scholarship. At alam nating tatlo na wala tayong laban sa kanya. Para lang tayong mga langgam na tatapakan niya." Bumuntong hininga si Pola, "Tama si Jai. Hindi malayong magkatotoo ang mga sinasabi niya. Hindi naman siguro tayo nagkukulang sa pag-iingat kung tayo na mismo ang lalayo, 'di ba? Mas mabuti nang umiwas kaysa magsisi sa huli." Napatingin ako kay Chili senyales na naghahanap ako ng kahit anong bahid ng pag-sang-ayon sa kanyang mga mata. "Pero kaya naman natin siyang labanan, 'di ba? Kung tutuusin, kahit ilang tauhan pa ang ipadala niya para gipitin tayo, kaya nating sabayan," mariin niyang depensa, kasabay ng paghigpit ng kanyang kamao sa ibabaw ng mesa. "Hindi porke't mayaman siya at makapangyarihan, basta na lang tayo magpapatalo. May dignidad din naman tayo, 'no!" "Chili, hindi ito laban na kaya nating basta-basta na lang tapusin," mariin kong sagot, pilit na pinapakalma ang nagbabadyang tensyon sa pagitan namin. "Hindi lang sarili natin ang ilalagay natin sa alanganin dito, kundi pati na rin ang kinabukasan natin. Isipin mo, isang maling galaw lang natin, pwede tayong mawalan ng lahat." Mariin siyang napahilamos sa mukha, at halos gumuhit ang frustration sa bawat hibla ng kanyang buhok habang ginugulo niya ito. Tipikal na Chili sa tuwing nababanas siya at pakiramdam niya'y wala siyang choice. "Alam mo, kung parehas lang sana tayo ng mindset, baka pinaglalamayan na ng mga elites yung gagong 'yon ngayon, kumpleto pa sa mamahaling imported na kape sa burol niya," bulong niya, pilit na nagtatago sa likod ng kanyang boses, pero dahil siya si Chili, ay hindi iyon nakaligtas sa matalas na pandinig ko. "Naririnig kita, Chili," pigil ang tawang parinig ko, na sinuklian niya ng isang irap na halos umabot na sa likod ng kanyang ulo. "Oh, eh ano pa nga ba? Malamang, sang-ayon na naman ako sa'yo! Sino ba naman ako, 'di ba? Ako lang naman 'tong nag-iisang tarantada sa barkada na binago mo, kaya heto, pilit na nagpapakatino, letse!" parinig din niya, habang nakatuon ang paningin sa kanyang pagkain. Sunod-sunod ang pagsubo niya, na para bang sa bawat nguyat ay doon niya ibinubos ang kanyang galit, na para bang si Aulus ang pagkain niya at inililibing ito sa tiyan niya. Bahagya kaming napatawa ni Pola sa kabila ng tensyon. "Grabe, Chili, pati ba naman pagkain dinamay mo sa galit mo kay Aulus?" biro ni Pola, sinusubukang pagaanin ang sitwasyon. "Eh sa nakakagigil talaga 'yung pagmumukha niya, eh! Nuknukan ng gwapo pero napakapangit ng ugali!" sagot ni Chili, na sinabayan pa ng malakas na pagsubo. "Pero seryoso, Jai, Pola, naiinis ako kasi wala tayong laban. Hindi ba pwedeng kahit minsan, tayo naman ang manalo?" "Nanalo na nga tayo kanina hindi ba?" Tumatawang sabi ko at sumang-ayon naman siya. "Oo nga, pero tayo pa rin naman ang lugi. Hindi ko nga alam kung pa'no ko pipigilan ang sarili kong sapakin ang pagmumukha niya mamaya, para makaganti man lang sa perwisyong ginawa niya." Bumuntong hininga ako. "Alam ko, Chili. Alam ko ang nararamdaman mo. Pero hindi lahat ng laban kailangang harapin nang basta-basta. Minsan, mas matapang ang umiwas para protektahan ang mas mahalaga. Isipin mo na lang, mas malaking perwisyo ang aabutin natin kung papatulan natin siya." Hindi siya sumagot at bumuntong hininga na lang. Ramdam ko ang pagtatalo sa kanyang kalooban. Inubos ko ang huling subo ng pagkain at mabilis na ininom ang isang baso ng tubig. "Kailangan nating maging matatag. Hindi tayo pwedeng magpadala sa galit," dagdag ko pa, umaasang makikinig siya. "Kailangan nating isipin ang kinabukasan natin dahil kung lalaban tayo, para na rin nating sinunog ang mga tulay na nagkokonekta sa atin sa pangarap natin. Handa ba kayo sa ganung sakripisyo?" tanong ko. Parang batang umiling si Pola at bagsak ang mga balikat naman na umiling si Chili. Pagkatapos naming kumain, nagpasya na kaming bumalik sa Aces University. Habang naglalakad papunta sa gate, biglang may tuta na umagaw ng atensyon ko. Nakasandal siya sa pader at mukhang pagod na pagod. Agad ko itong nilapitan at binuhat pataas sa ere. Ang lambot ng balahibo niya, tsokolate't puti, tapos 'yung malalaking mata niya, kulay kastanyas, nakatingin sa 'kin na parang nagmamakaawa. Parang may kung anong kumurot sa puso ko nang makita ko 'yung itsura niya. Hindi naman siya marumi, pero halata sa mga mata niya na gutom siya. "Uy, anong ginagawa mo dito, baby?" tanong ko sa tuta habang sinusuri 'yung katawan niya, naghahanap ng kahit anong sugat. Napangiti ako nang makita kong okay naman siya, maliban sa sobrang payat niya. "Sino kaya nagpabaya sa 'yo?" dagdag na tanong ko pa na para bang sasagot siya nang ganon-ganon na lang. "Baka naman naglayas ka, 'no? O baka naman may masamang loob na nagtapon sa'yo dito." "Hala, ang cute-cute!" komento ni Pola, at sinundot-sundot 'yung pisngi ng tuta. "Parang gusto ko na siyang iuwi!" "Teka lang, baka may naghahanap," sabi ko at lumingon-lingon sa paligid, umaasang may maghahanap at nang makitang walang ibang tao sa paligid, tumingin akong muli sa tuta at ginulo ang makapal na balahibo niya. "Pero kung walang maghanap sa 'yo, sa'kin ka na, gusto mo ba 'yon?" "Sige, tanong lang 'te, mamaya lang ay sasagutin ka niyan," natatawang sabi ni Chili habang nakikitingin din sa katawan ng tuta, na tila naniniguradong wala ngang galos. "Malay mo, bigla na lang magsalita 'yan, tapos sabihin sa'yo 'Inay, ako po yung anak niyo ni Cee...'" Kusa siyang napatigil nang samaan ko siya ng tingin. "Ano'ng pinagsasabi mo diyan?" inis na tanong ko. "Ang layo naman ng iniisip mo." "Malay mo lang naman," peke ang ngiting sagot niya. "Tsaka, bagay kaya kayo ni Cee! Pareho kayong mabait at mapagmahal sa hayop." Literal na napairap ako sa hangin nang marinig ko ang pinakapangit na compliment sa buong buhay ko, at nanggaling pa mismo sa bibig ni Chili. "Talaga? 'Yun na 'yun? Sa lahat ng pwedeng sabihin, 'yun pa? Wow, Chili, salamat ha? Ramdam ko 'yung suporta mo," sarkastikong sagot ko. "Kung alam mo lang kung gaano ko gustong ibaon sa lupa 'yang Cee na 'yan kasama ang alaala naming dalawa.." "Yieeeh!" panunukso ni Pola, halos hindi na ako tinitigilan sa pagsundot sa tagiliran ko. "Bitter siya kasi miss niya..." "Hindi lang miss, mahal pa kaya..." dagdag pa ni Chili, na mas lalong nagpakunot ng noo ko
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD