Jaira's POV
"Anong kailangan n'yo sa akin?" tanong ko, pinipigilang manginig ang boses. Sa halip na sagutin ako, isang nakakakilabot na halakhak ang pumuno sa buong paligid, para bang nagtataka sila kung bakit wala akong kaalam-alam sa kanilang pakay.
"Sumama ka na lang sa amin nang maayos," utos ng isa sa mga lalaki, garalgal ang boses niya. Ano raw? Hindi ko nga sila kilala tapos basta na lang ako sasama sa kanila?
"At bakit naman ako sasama sa inyo?" tanong ko, nagtataka at naghihinala. "Sino ba talaga kayo, ha? Mga kidnapper ba kayo?"
"Basta sumama ka na lang! Utos 'to ng boss namin," sagot ng isa pa, sabay kindat na nagpakulo ng dugo ko. Boss? 'Sino na naman kayang demonyo 'yon?'
"Ayaw namin. May pupuntahan pa kami," sagot ko, dinidiinan ang bawat salita. Hindi ako basta-basta sasama sa mga mukhang kriminal na 'to. Hello?.
"Wala kang choice, babae. Kailangan mong sumama sa amin," sabi ng isa at akmang hahawakan ako sa braso. "Kung ayaw mo ng gulo, sumunod ka na lang."
"Sandali!" sigaw ko, at bago pa nila ako mahawakan, mabilis akong umiwas at sinipa ang lalaking akmang dumakma sa akin. "Subukan niyo kaming hawakan, babalian ko kayo ng mga buto," banta ko, nakataas ang isang kilay. Pasimple kong tinapunan ng tingin si Pola na hindi alam ang gagawin. Mas siniksik ko siya sa likod ko at umalalay naman sakanya si Chili.
"Aba! Pumapalag ang isang 'to!" sabi ng isa, tatawa-tawang tinuro ako. "Totoo nga ang sinabi ni boss, matapang nga!"
Nagulat sila sa ginawa ko, at ganon din ang naging reaksyon ni Chili at Pola, pero mas nagulat ako sa narinig ko. Parang alam ko na kung sinong boss ang tinutukoy ng mga 'to. Isang pangalan ang sumagi sa isip ko-Aulus.
"Jai, mukhang si Aulus ang boss nila," seryosong sabi ni Chili, iisang tao lang ang nasa isip namin. Maaksyon siyang pumwesto sa gilid ko, tanda ng pagiging handa niyang lumaban. "Hindi kita iiwan. Haharapin natin ang mga tukmol na 'yan."
"Chili, napag-usapan na natin 'to, hindi ba? Hindi na tayo papasok sa gulo.." Nangungusap ang mga mata ko habang nakatingin sakanya pero nanatiling salubong ang mga kilay niya, senyales ng pagiging alerto niya kung sumugod man ang mga lalaking ito sa amin.
"So ano, hahayaan na lang natin na saktan nila tayo dito?" sarkastikong tanong niya, halos sumabog sa galit at animong nagliliyab ang mga mata niya. "Jai, hindi ngayon ang tamang oras para magsalita ng ganyan. Wala naman tayong ginagawang masama sa mga hayop na 'to, pero sila mismo ang naghahanap ng gulo, eh di pagbigyan."
"Hindi pwede-" Hindi pa ako tapos magsalita nang may biglang yumakap sa bewang ko at sapilitan akong hinatak papasok ng van. 'Ang baho ng hininga lintik!' Pero mas mabilis pa ang naging reaksyon ko. Sa isang kisap-mata, dinagukan ko ng siko ang lalaking humawak sa akin, direkta sa ilong. Napahiyaw siya sa sakit, at bumagsak sa sahig. Dumagundong ang impact sa loob ng van at nataranta ang iba niyang mga kasama. Yung mga nag aabang sa akin sa loob ng van ay napilitang bumaba lahat.
"Hoy mga tukmol! Ako ang harapin niyo!" sigaw ni Chili, dahilan para mapalingon kaming lahat sakanya. Agad niyang nakuha ang atensyon ng mga lalaking nagkukumpulan sa van, at isa-isa silang nagsimulang sumugod sa kanya, para silang mga gutom na buwayang nakakita ng karne. Bago pa man makalapit ang mga lalaki sa kanya, sinenyasan niya ako gamit ang kanyang mga mata. Isang senyas na punong-puno ng pagtitiwala at determinasyon, na nagsasabing ako na ang bahala kay Pola. Sa mga mata niyang 'yon, nakita ko ang tapang, ang sakripisyo, at ang pagmamahal para sa isang kaibigan. Alam kong hindi siya magdadalawang-isip na gawin iyon dahil isa iyon sa sinumpaan namin mula nung magkakilala kaming magkakaibigan. Ang walang iwanan anuman ang kahantungan kahit pa sa bingit ng kamatayan. Kaya naman, tumango ako bilang tugon, at sa bawat pagtango ko, nangako ako sa sarili ko na poprotektahan ko si Pola, kahit ano pa ang mangyari.
"Aray!" ungol ng lalaki, hawak ang dumudugong ilong at nakayuko sa lupa "Bwesit!" Tumalsik pa ang dugo sa kamay niya mula sa ilong niya. Deserved.
"Sabi nang 'wag niyo kaming hahawakan, di ba?! Buti nga sayo!" bulyaw ko sakanya, halos umabot na sa langit ang inis ko dahilan para gigil ko siyang sipain sa mukha. Napahiga siya sa sahig at nawalan ng malay kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataon na hanapin ng paningin ko si pola. "Pola!" tawag ko sa nagtatagong si Pola sa gilid ko. Tumingin siya sa akin, at doon ko nakita sa mga mata niya ang takot at pangamba na halos bumalot sa buong pagkatao niya. "Magtago ka, bilis! Huwag kang magpapakita kahit anong mangyari!" sabi ko, at ramdam ko ang pagiging mataranta niya "Sige na... 'Wag kang mag-aalala, ha? Kaya namin 'to." Hinawakan ko ang pisngi niya, at doon ko lang napansin kung gaano kalamig iyon at ang mga kamay niya, ganoon na lang ang pag-aalala ko nang makita ko ang panginginig ng mga ito. Tumango siya, at nag-aalangan man, mabilis niya akong sinunod. Tumatakbo siya palayo na parang usang hinahabol ng mga lobo sa gitna ng dilim. Nawala na siya sa paningin ko, pero ang buong atensyon ko ay nakatuon na sa mga lalaking isa-isang sumusugod kay Chili. Hindi ko pwedeng alisin ang mga mata ko sa kanila, dahil sa bawat pagkurap, bawat paglihis ng tingin, maaaring makita nila si Pola at idamay nila siya. 'Hindi maaari. Hindi ko hahayaan 'yon.'
"Sinabi nang sumama ka sa amin, pero nagmamatigas ka pa!" singhal ng isang lalaki na humahakbang papalapit sa akin. Sa kamay niya'y may hawak siyang dos por dos, na parang nagbabanta sa bawat paggalaw niya. Kalmado akong naglakad sa direksyon kung saan may nakita akong isa pang kahoy na nakasandal sa pader. Pagkakuha nito ay sinuri ko pa ang tigas nito na parang isang eksperto. Nang masigurong kaya nitong bumasag ng bungo at makapagbigay ng matinding sakit, winasiwas ko ito sa ere, handa nang sumabak sa laban.
"Mas matigas ang ulo mo, sinabi na ngang ayoko sumama!" inis na sabi ko, nagngangalit ang bagang. Hinihintay ko ang kanyang pagsugod, ang bawat segundo'y tila isang oras kaya naman nginisihan ko siya. "Ano pa'ng hinihintay mo, duwag? Sugod na." Pumwesto ako at hinanda ang sarili.
Mabilis siyang sumugod, parang isang raging bull na walang pakialam sa kanyang dinadaanan. Walang habas na hinampas sa akin ang kahoy, ngunit parang tubig na dumaloy sa aking katawan ang kanyang atake. Mabilis akong umiwas, nag-bend ang katawan ko na parang isang gymnast, at nang makaangat, hita niya ang naging puntirya ko. Isang malakas na hataw ang dumapo sa kanyang binti, dahilan para bumagsak siyang namimilipit sa sakit at umaaray sa tindi ng kirot.
"Hayop kang babae ka!" ungol ng lalaki habang nakahandusay sa lupa.
"Talagang hayop ako! At mali kayo ng binangga niyo! Isa akong lobo na nagkatawan ng isang tupa," pang-aasar ko sa kanya, habang nakangisi na parang aliw na aliw sa hitsura niya. Sa isang iglap, hinataw ko ng malakas ang kahoy sa kanyang panga, dahilan para bumagsak siya nang tuluyan sa lupa at nawalan ng malay.
"Yaaaah!" Narinig ko ang malakas na sigaw ni Chili kasabay ng kanyang back kick na tumama sa panga ng isa pang lalaki. Bumagsak ito na parang sako ng bigas at hindi na nakatayo pa. Napangisi akong lalo dahil wala siyang pinagbago. Sanay na kami sa ganitong gulo, pero matagal na naming itinago ang aming tunay na pagkatao, pero sandyang maraming tao sa mundong ibabaw na 'to na kahit anong bait mo, meron at meron pa rin talagang tatarantado sa'yo kahit hindi mo naman sila inaano!
May isa pang sumugod kay Chili, pero mabilis siyang nakailag na parang agila na sumisibat sa hangin. Sinipa niya ito sa sikmura, dahilan para mapaluhod ang lalaki at napaubo ng dugo. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang sakit at paghihirap, pero wala akong awang makita sa mukha ni Chili, at walang pagdadalawang-isip na tinuluyan ito sa pamamagitan ng isa pang sipa sa mukha.
"Mapapasubo tayo sa mga babaeng 'yan! Umalis na tayo dito!" sabi ng isang lalaki, tila kinakabahan at pawisan sa nasaksihan. Nakatingin siya sa mga natitirang niyang mga kasama na hindi malubha ang mga tama.
"Ayaw niyo na?" tanong ko dahilan para manigas sila sa kinatatayuan nila at lingonin ako.
Tumingin sila sa akin at kitang-kita ko sa mga mata nila ang takot at pagkabalisa. Bago pa man makapagsalita ang isa sakanila ay mabilis akong tumakbo palapit sa lalaking nasa unahan at sinakal siya mula sa likod gamit ang braso ko. Ang bigat niya! Pero hindi ako nagpatinag.
"Sabihin mo diyan sa 'boss' mo, 'wag na siyang mag-utos sa mga galamay niya. Siya mismo ang humarap sa akin.." kalmado ngunit mariing sabi ko habang pinipilipit ang leeg niya. Naramdaman ko ang paglaban niya, pero mas malakas ako ngayon dahil galit ako. Galit ako sa mga taong hindi patas kung lumaban. Wala pang dalawang segundo, bumagsak siya sa lupa. Inis kong pinagpag ang sarili at tumingin sa mga natitira pang mga lalaki "Sunod!" hamon ko sakanila pero walang gumalaw at waring naghihintay lamang sila kung sino sakanila ang sunod na aatakihin ko. Ang tensyon ay bumabalot sa hangin "Sino pa ang susunod na gustong masaktan? Lapit na, para matapos na to dahil kakain pa kami!" sigaw ko pero wala pa rin gumalaw ni isa sa kanila.
Nagdesisyon na akong tapusin ang eksena nang biglang magtakbuhan yung mga lalaki, para daluhan ang mga nakabulagta nilang kasama. Daig pa yata nila ang ambulansya sa bilis.
Lumapit sa akin si Chili, hingal na hingal at hapong-hapo na umakbay sa akin. "Baka naman pwede na tayong kumain?" tanong niya, halos pabulong. "Nagugutom na 'ko, at hindi ako mabubusog sa pagmumukha ng mga 'yan... ni kahit kanin-baboy para i-describe yung mga mukhang 'yan, hindi makatarungan eh! Mas kawawa pa yung kanin-baboy!"
Bahagyang napatawa ako. Bumalik na si Chili sa dati. Wala na ang nakakatakot na aura niya kanina at napalitan na ng gutom na gutom na Chili na parang handang lumamon ng isang buong lechon. "Tara na," sabi ko, "baka kainin mo pa ako d'yan."
Natawa siya habang umiiling. "Roar.." sambit niya habang nakatingin sa akin, tila nagbibiro. "Salamat, hinayaan mo 'kong tulungan ka.." sabi niya sabay sukbit ng bag sa balikat niya na pinulot niya sa lupa. Agad ko naman hinanap si Pola pero hindi ko siya nakita.
"Nasaan si Pola?" nag aalalang tanong ko kay Chili.