Jaira's POV
Unang araw namin ngayon bilang isang transfer students. Kasama ko sina Chili at Pola, na tulad ko'y nakapasa sa entrance exam. Swerte rin kami dahil sabay-sabay kaming nakakuha ng scholarship sa isa sa mga kilala at mayayamang unibersidad sa Pilipinas. Ang Aces University. Isang suntok sa buwan, ika nga, pero heto at nangyari na nga! Sobrang saya ng puso ko dahil sa wakas ay nagbunga rin ang pagsusumikap ko na makapasok sa unibersidad na ito. Kilala ang Aces University sa buong Pilipinas, at isa ito, o ito na nga ata ang pinakamahal na unibersidad sa bansa. Kumbaga, nandito na lahat ng mga estudyante na nagmula sa mga angkan na may matataas na antas sa lipunan.
"Grabe! Deserve natin 'to!" wika ni Pola, todo punas ng luha na parang artista sa teleserye na senyales ng walang paglagyang tuwa nang makatapak kami sa entrance ng malaking gate ng Aces University. Ramdam ko rin ang kakaibang kiliti sa puso ko sa sayang nakikita ko sa dalawang kaibigan ko, bagamat mukhang sira si Chili sa ginagawang pagmamasid sa paligid habang nakanganga. Girl, close your mouth! Nakangiti kong ginulo ang buhok ni Pola at malambing naman siyang umangkla sa braso ko, dahilan para maramdaman kong umiiyak na nga siya. Sa aming tatlo, siya ang may pinakamababaw na luha. Iyakin at sensitive, pero tapat at mabuting kaibigan. Daig pa ang nanalo sa lotto kung makapag-react.
Hindi pa man tapos sa pagdadrama si Pola, mabilis na kaming hinatak ni Chili papasok, at halos makaladkad kami sa ginagawa niya. "Hoy, Chili! Easy lang, baka matalisod kami!" saway ko sa kanya..
Pagpasok pa lang sa gate ng, ramdam mo na agad ang karangyaan. Makikintab ang mga daan, walang kalat kahit isang pirasong papel. Ang mga gusali, gawa sa salamin at bakal, ay nakatayo nang matayog at maayos. Parang isang malaking parke, may mga punongkahoy na nakatanim sa gilid ng mga daanan, at mga mayayaman na estudyanteng nakaupo sa mga modernong upuan, nagbabasa at nag-uusap. May mga fountain na naglalabas ng tubig na kumikinang sa araw, at ang hangin ay sariwa at malinis. Kahit saan ka tumingin, makikita mo ang pagiging moderno at sopistikado ng unibersidad na ito.
Naglakad kami hanggang sa makarating kami sa parking lot at doon naman namin mas nakita ang malawak na soccer field.
"Taray, pang international, ah?!" manghang sabi ni Chili.
Nakasuot ng simpleng damit at kupas na pantalon, palihim kong tiningnan ang aking repleksyon sa tinted na bintana ng isa sa mga mamahaling sasakyan na nakaparada sa malawak na parking lot. Parang maski parking lot ay pinagkagastusan. Hindi ako makapaniwala na narito ako bilang isang ganap na estudyante sa kolehiyo.
"Welcome to Aces University!" Si Chili na kasalukuyang nakaakbay na sa akin. "Tara pasok na tayo! Sayang ang scholarship, aba!"
Sabay-sabay kaming humahangos papasok ng campus nang biglang tumunog ang bell. First subject na nga! Kaya naman, para kaming mga batang kalabaw na hinahabol ng aso sa pagtatakbo-kaso, teka, saan nga ba yung building ng college namin sa laki ng campus na 'to?!
"Sandali, magtatanong lang ako kung saan yung college building." Sabi ko at nilingon naman nila ako.
"Okidoki!" si Chili ang nagsalita at tinanguan naman ako ni Pola.
Nagpalinga-linga pa ako, at grabe, para akong nasa ibang mundo. Mala-artista ang mga estudyante, at meron din namang average ang beauty, pero lahat sila ay mukhang galing sa mga mayayamang pamilya. Hindi ko tuloy alam kung lalapitan ko ba sila dahil kakaiba ang mga tingin nila sa akin. Gusto kong mainis dahil ang isa sa kanila ay bahagyang binunggo ako, dahilan para malaglag ang notebook ko. Hindi ko nalang iyon pinansin at tinuloy nalang ang ginagawa.
"Excuse me, miss. Are you lost?"
"Ha?" Nagulat ako at napalingon sa nagsalitang boses sa likod ko. Ang baritono niyon ay tila musika. Nakabibighani at kalmado.
Nang humarap ako sa kanya, napalunok ako at natulala. Hindi ako makapaniwalang may nilalang na ganito kagwapo sa mundo. Ang kanyang mukha ay parang nililok ng mga anghel, ang matangos niyang ilong, may mapupulang labi, at ang kanyang mga mata... tila ba may nagtatagong mga bituin sa loob. Sa tangkad pa lang niya, para na akong natabunan, lalo na sa lapad ng kanyang mga balikat. At ang amoy niya...
para iyong isang halimuyak na hindi mo nanaising mawala sa ilong mo.
"Oh, sorry! I think I startled you. Are you lost? You can ask me." nakangiting sabi niya. 'Grabi naman sa ingles-an yan? Daig ko pa ang nasa Hollywood! Fluent na fluent!' "Which room are you looking for? You're a college student, right?"
"Ahh.. O-oo.. Transfer student ako at scholar. Actually, kasama ko rin ang mga kaibigan ko," sagot ko, pilit na itinatago ang pagkautal sa boses. Lalo akong nahiya nang mapansin kong hindi niya inaalis ang tingin sa akin, para bang may hinahanap siya sa mukha ko. "Sana hindi ako nakakaabala," dagdag ko pa, umaasang hindi niya mahalata ang kaba ko sa ginagawa niya. 'Gaano ba kayaman 'to, at parang first time lang makakita ng poorita?'
"Really? I'm happy."
"Ha? Bakit?" Takang tanong ko. 'Happy yarn?'
"I'm simply overjoyed that the foundation, dedicated to giving everyone scholarships and the chance to study at this university, has achieved its purpose." Diretsahang sagot niya nang hindi pa rin inaalis ang tingin sa mukha ko. Gusto ko tuloy isipin na ibang purpose ang tinutukoy niya pero malabo dahil sobrang bait ng aura niya. Nakaka goodvibes lang kaya hayaan nalang.
Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang mga babaeng estudyante. Nagkakandarapa ang mga ito sa likod at magkabilang gilid niya, halos magkukumahog na mapansin lang niya. Kitang-kita ang kislap sa kanilang mga mata at ang pagnanais na mapukaw ang kanyang atensyon. Para silang mga bituin na umiikot sa isang araw.
"Jai!"
Mariin akong napapikit nang umalingawngaw ang boses ni Chili sa buong campus. Jusko, nakakahiya! Tila nakalimutan niyang sarado ang tindahan nila sa palengke ngayon dahil unang araw ng pasukan. Lumapit silang dalawa ni Pola sa akin, at nang tingnan ko sila, napako ang mga mata nila sa lalaking kaharap ko ngayon. Parang nakakita ng artista!
"Ang gwapo naman..." Si Pola ang nagsalita pero nanatili siyang nakatingala sa lalaking mukhang hindi talaga maintindihan ang mga nangyayari sa paligid. Parang clueless kung bakit ganyan ang mga reaksyon ng mga babae sa kanya.
"Hi!" bati ng lalaki sa kanila pero mukhang mga ewan pa rin sila, nakanganga pa rin. Jusko, gusto ko nang magpalamon sa lupa.
Nakaramdam ako ng awkwardness kaya naman nagpasya na akong ilabas ang registration form ko para maagaw ang atensyon ng lalaking pinaglihi sa salitang perpekto. Inabot ko iyon sa kanya at piniling huwag pansinin ang dalawa kong kaibigan.
"Hmm... Room 1A." Kahit sa pagtango, kuhang-kuha pa rin ang pagiging perpekto. "I have friends there. Come on, I'll take you."
Dalawang impit na tili ang narinig ko mula kay Pola at Chili. Sinamaan ko sila ng tingin dahil nakaagaw iyon ng atensyon ng mga babaeng kanina pa nagpapapansin sa lalaking pinaglihi ng nanay niya sa anghel! Yung angel figurine ha, hindi yung totoong anghel. Kulang na lang talaga sa kanya ay pakpak.
"Nakakainis naman! Who are those trashes at kasama nila si chef?"
"I don't know. But I think they are from outer space."
"I know right! Look at their clothes, eww!"
Rinig na rinig ko ang mga bulungan ng mga estudyanteng nadaraanan namin habang nakasunod sa lalaking dahilan ng inggit ng mga babaeng ito. Bawat isa, may kasamang mapanuyang tingin na nagpapaisip sa akin kung bakit kaya tila likas na sa mga maykaya ang pagiging mapagmata? Para bang ang yaman nila'y lisensya para manghusga.
"Mag-ingat sa inggit, nakamamatay!" binitiwang parinig ni Chili na nagpataas ng kilay ng mga estudyanteng mukhang mga modelo ng mga mamahaling damit. Maarte silang lumapit sa amin, dahilan para mapatigil kami at harapin sila. Napaatras si Pola at nagtago sa likod ko, samantalang ako, buryong-buryo na humarap sa kanila. Bagamat wala sa isip kong makipag-away, tila may nagtutulak sa akin na pag-untugin ang mga manikang ito. Ang sarap nilang sabunutan, pramis!