CHAPTER 1

1496 Words
Maagang nagising si Tinay dahil bukod sa kailangan niyang magbanat ng buto sa araw-araw, nasanay na rin ang katawan niya sa maagang pagtayo sa higaan. Madalas nga ay na-uuna pa siya kaysa sa pagtilaok ng mga tandang na manok sa madaling araw. Kailangan niyang gawin iyon, nang sa ganon ay maaga rin niyang maipa-ubos ang mga ilalako niyang gulay. Ayaw rin niyang maabutan nang tirik na tirik na sikat ng araw dahil kung magkataon, baka ang morena niyang kulay ay masunog na, at pagminalas-malas pa ay baka matutong pa siya sa tindi ng sikat ng araw. Dumiretso siya sa likod bahay at inatupag ang pagligo. Nang matapos ay agad niyang hinarap ang bilao at isa-isang sinalansan doon ang iba’t ibang klase ng gulay. May upo, kalabasa, sitaw, at syempre ang paborito niyang talong. Mayroon ding petchay at mustasa na hinango niya mula sa balde na may tubig. Nakababad iyon doon upang hindi agad malanta. Ang lola niya ang namitas niyon sa taniman. Sariwa at bagong ani ang lahat ng iyon, dahil kung maaga ang alas kwarto niyang bangon sa umaga, ay tiyak na mas maaga pa kaysa roon ang gising ng kanyang Lola. Sinilip niya ang maliit nilang lamesita. Tanaw niya sa ibabaw ang tasa at supot na sigurado siyang may lamang pandesal. Binitbit na niya ang bilao at tinungo ang kinaroroonan ng tasa ng kape at dinampot iyon, saka tumangan ng isang pirasong pandesal at inilagay sa kanyang bibig. “Ibaba mo nga muna iyang tangan mong bilao at umayos ka riyan sa pagkain mo!” Muntik na siyang masamid sa gulat nang sumulpot ang lola niya mula sa pintuan ng kanilang banggerahan. “Ano ga naman iyan La, bigla-bigla na laang kayong nasulpot? Muntik na akong atakihin dine sa puso sa inyo,” aniya. “Tigil-tigilan mo nga ako riyan sa kalukuhan mong bata ka. Wala kang sakit sa puso kaya paano ‘gang mangyayaring ika’y atakihin?” “Areng Lolá, mapagpatol!” Inismiran lang siya ng kanyang Lola. Matanda na nga talaga ito para makipagbiruan pa. Tinapos na lang niya ang pag-aalmusal nang nakatayo at tangan ang bilao sa kanyang bewang. Pagkatapos ay naghanda na sa pag-alis. “Hoy Tinay, bumalik ka kaagad pagka-ubos mo riyan sa paninda. Wag ka na maglaskwatsa, bata ka!” pahabol na talak nito bago siya lumabas. May pagkabungangera ang Lola, pero ganoon pa man ay mahal na mahal niya ito. Ito ang nagsakripisyo sa pagpapalaki sa kanya ng ma-ulila siya sa magulang. Silang dalawa na lang ang magkasama sa buhay. Mabait ito at ma-alaga at kahit kailan ay hindi siya nito pinabayaan kahit na hikahos sila sa buhay. Kaya naman sobra ang pasasalamat at utang na loob niya rito. “Opo La, alis na ho ako!” aniya habang lumalabas ng bakuran. Malayo ang nilalakad niya mula sa baryo nila, at araw-araw niya iyong ginagawa. Pero kahit ganon ay ayos lang dahil palagi namang ubos ang nilalako niyang gulay. Syempre s’ya pa, sa galing ba naman niyang mambola, tapos samahan pa ng ganda, eh talaga namang lahat, kahit ata hindi kumakain ng gulay ay napapabili. Hindi naman sa pagmamayabang pero may laban talaga ang ganda niya, madalas din siyang ma-imbitahan para mag Reyna Elena sa mga Santa Cruzan t’wing pyesta. Minsan na rin siyang inalok para maging modelo raw sa Maynila. Pero tinanggihan niya iyon dahil hindi siya interesado at nag-aalangan din siya sa alok. Ano ba naman kasing i-momodelo niya? Gulay? Malayo-layo na ang nalalakad niya palabas ng baryo. Malapit na nga siya sa bukana ng katabing hacienda nang may bumusina ng pagkalakas-lakas. “Ay bisaklat na bilat!” Halos mapa-upo siya dahil sa nakabibinging busina ng sasakyang dumaan. At hindi lang iyon, ni hindi man lang ito nag-minor at halos dumoble pa ang bilis ng harurot paglampas nito sa kanya dahilan upang literal s’yang kumain ng alikabok sa kalsada. “Hoy siraulo ka! Akala mo sa iyo itong daan. Bumalik ka ritong ulaga ka at makikita mo talaga!" galit na galit niyang sigaw. Ilang metro na ang layo nito’y nagtatatalak pa rin siya sa sobrang yamot. “Nakakainis!” litanya niya habang isa-isang dinadampot ang mga gulay na tumilapon sa nabitawan niyang bilao. Sayang ang mga gulay na paninda niya. Sino pang bibili niyon gayong puno ang mga ito ng alikabok. Samantala, abala ang lahat ng kasambahay sa mansyon. Hindi inaasahan ang pagdating ng apo ng may-ari. Kaya naman nagmamadali ang kilos ng bawat isa dahil ano mang oras ay maaring dumating na ito. Ma-ingat din ang bawat isa. Walang may gustong magkamali. Bali-balita kasi ay masama raw ang ugali ng taong darating. “Aling Denang, kilala n’yo ba yung apo ng may-ari?” tanong ni Vicky, usisirang katulong din sa mansyon. Bago lang ito at wala pang gasinong kilala maski ang mismong may-ari ng bahay. “Balita ko suplado raw?” “Aba’y malay ko sa mga iyon! At sino namang matabil ang dilang nagsabi niyan sa iyo, hane?” anito na may bahagyang tigas ang punto. “Ganun ba! Sana naman ay hindi totoo ‘yung narinig ko. Sayang naman ho kung ganun, balita ko’y magandang lalaki raw po yun.” Napa-ismid ang matanda sa tinuran ng dalaga ngunit hindi na lang iyon pinahalata. “Ay naku Victoria, tigil-tigilan mo iyang katalandian mo kung ayaw mong mawalan ng trabaho dine,” saway at bahala nito. “Grabe naman kayo aling Denang.” “Ay hala-hala magtrabaho ka na , wag mo akong huntahin at baka pareho pa tayong masisante sa trabaho,” ani ng matanda. Isa ito sa pinakamatandang katiwala sa bahay na iyon kaya’t hindi totoong wala itong kilala sa pamilya. Kilala ni Aling Denang ang pamilya lalo na ang darating dahil matagal rin itong namalagi roon nung nag-aaral pa ito ng sekondarya. At tama ang nasagap na tsismis ni Victoria. Magandang lalaki nga ang batang iyon na matagal na niyang hindi nakikita. Balita niya noon ay nagkasakit daw ito ng malubha at kung saan-saan nagpagamot. Bumalik sa trabaho ang lahat. Nagpatuloy ang paglilinis at paghahanda. Abala ang lahat nang pumarada sa malawak na entrada ng mansyon ang magarang sasakyan. Hindi nakaligtas sa usiserang mata ni Vicky ang lalaking bumaba mula sa itim na kotseng dumating. Naka-asul na polo iyon. Sa tantya niya’y higit anim na talampakan ang taas nito. Matangos ang manipis nitong ilong at may mapupulang labi. Halos mapanganga si Victoria sa kagwapuhan ng dumating. Para itong yung mga lalaking nakikita niya sa mga magazine sa t’wing napapagawi siya sa bayan at nakikibuklat sa mga pagupitan doon. Daig pa nito ang model ng mamahaling damit. Aba’y makatulo-laway at makalaglag-panty talaga. Samahan pa ng hubog ng katawan nitong hindi maitatanggi ang tagay na kakisigan. Idagdag pa ang mga mata nitong kulay tsokolate na may mahahabang pilik-mata. Parang kinikiliti tuloy si Victoria na malayo na ang itinakbo ng utak. “Hoy Victoria, pag hindi ka tumigil d’yan sa katutunganga at pangangarap ng gising. Malamang sa malamang bukas na bukas wala ka ng trabaho,” singit ni Aling Denang na tila nabasa ang nasa utak niya. Sinimangutan lamang niya ang matanda. Kahit kailan talaga napakakontrabida ng mga matatanda, isip-isip niya. Iingos-ingos siyang sumunod dito at tumulong sa paglalapag ng gamit ng bagong dating. Ngumiti siya nang ubod ng tamis nang dumaan ang tingin nito sa kanila. At labis ang pagkadismaya niya nang nagdere-deretso lamang ito sa loob at ni hindi man lang sila pinag-aksayahang batiin o kahit ngitian man lang sana. Mukhang suplado nga, sa loob-loob niya. Mukhang mahirap nga itong pakisamahan, pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Napangiti na lang siya sa itinatakbo ng kanyang isip. Maganda si Victoria, maatas ang pangarap sa buhay. Gusto niyang umangat at makaalis sa buhay probinsya. Nagsasawa na kasi siya sa buhay mayroon sila. Napapagod na siyang maging utusan. Gusto niyang umunlad. Ayaw niyang habang buhay ay isa lamang siyang anak ng magsasaka. Madaming kaibigan si Victoria na nakapag-asawa o nagkanobyo na ng may kaya. At hayon ang mga ito, umalis na sa baryo at namayagpag na sa Maynila. Gusto niyang maging katulad ng mga ito. Gusto niyang umangat at nasa kamay niya ang katuparan ng kanyang pangarap. Pero syempre hindi mangyayari iyon kung hindi siya hahakbang palapit sa swerte. Dapat siyang kumilos at gumawa ng paraan para makuha at matupad iyon. Makahulugang ngiti ang namutawi sa labi niya habang buhat-buhat ang mga bagahe ng gwapong amo. Pagpasok sa uukupahing kwarto nito ay inilapag niya iyon sa sulok. Lumabas na si Aling Denang, ngunit s’ya at nanatili sa loob at nakangiti nang pagkatamis tamis. “Get out!” mariing sambit ng binatang amo. Nawala ang ngiti niya sa muka at napalitan ng kulay iyon. Nakaramdam siya ng kaba at pagkapahiya, ngunit saglit lang. Atubili siyang lumabas ng silid. Paglabas niya ay pabalibag na sumara ang pinto niyon. Suplado nga ito, walang duda. Saglit lang ang kanyang pagkataranta. Muli, bumalik ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. Kumpyansa siya sa sarili na ano mang sandali ay makukuha niya ang nais.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD