Napaunat ng kamay si Cy ng magising siya. Napakunot noo pa siya ng hindi malaman kung paano siya nakarating sa lugar na iyon. Napaiktad pa siya ng mabungaran si Jose na nakatingin sa kanya, na halos ikahulog niya sa kinahihigaan niya.
"Anong ginagawa mo dyan Jose?" Gulat niyang tanong kay Jose, at umayos na rin siya ng upo. Iling lang naman ang isinagot ng kaibigan.
Napalinga pa siya sa paligid ng mapagtantong, wala siya sa bahay niya at nasa bahay siya ni Jose. Doon lang niya naalala kung bakit siya nasa bahay ng kaibigan.
"Langyang pakiramdam iyon. Akala ko talaga nasa bahay ako." Aniya na ikinatawa lang ni Jose. Saka lang niya napansin ang dalawang tasa ng kape na nasa lamesa.
"Naman Jose, thank you ha. Uuwi na rin ako pagkatapos kong mainom ang kape. Nagpalipas lang talaga ako ng sama ng loob. Akala kasi ng Yelo na iyon ay nakakatuwa ang mga kalokohan niya." Paglalabas pa niya ng saloobin. Pero dahil sa mahabang oras na lumipas, wala na siyang makapa na kahit na katiting na sama ng loob sa dalaga kaya naman, sa tingin niya ay ready na siyang umuwi.
Bago naman siya umuwi ay pinadalhan siya ni Jose ng isang piling na saging. Sumabay din naman si Jose pag-alis, at dadalahan din nito ng saging si Rodrigo.
Pagparada ni Cy ng tricycle niya sa garahe nito ay napangiti pa siya ng mapansing wala ng nakakalat na tuyong dahon sa harap ng bahay niya. Sa tingin niya ay pati ang likod bahay ay malinis na rin. Nakita pa niya ang pinagsigaan na ngayon ay malinis na rin.
"Grabe namang bumawi ang Yelo na iyon. Pero kahit hindi niya winalis, ay hindi na rin naman ako galit. Nakalipas na iyon. Kaya kahit hindi pa siya nahingi ng tawad ay napatawad ko na siya." Aniya sa sarili ng mapatingin sa bukas na pintuan.
Napakatahimik ng loob ng bahay, sa tingin niya ay nakatulog ang dalaga, pero hindi man lang isinara ang pinto.
"Napakapabaya talaga. Oo nga at wala namang masamang tao dito. Kaya lang iba pa rin ang nag-iingat. Ang babaeng iyong talaga." Wika niya at hinayon ang papasok sa loob ng bahay.
"Yel.!" Hindi natuloy ni Cy ang pagtawag sa pangalan ni Aize, ng makita niya ang dugong nagkalat sa sahig, habang nakahandusay doon si Aize. Basag ang bubog ng center table niya, na nasa tabi ng dalaga.
"A-Aize? Aize!" Nautal niyang sambit sa pangalan ng dalangang walang malay. Mabilis niya itong dinaluhan at hinawakan ang bahagi ng braso na may malaking hiwa gawa ng bubog ng center table. Nasa limang pulgada din iyon at halos hindi maampat ang pagdurugo.
Mabilis na kumuha si Cy ng malinis na towel at ipinulupot sa braso ng dalaga. Dahan-dahan niyang tinapik ang mukha nito, at inaasahan niyang magkakamalay ito.
"Y-yelo! Aize! Gising! Wag kang ganyan! Anong nangyari sayo? A-Aize!" Nag-aalala niyang sambit, pero walang responds sa dalaga.
Mabilis niyang kinuha ang cellphone sa bulsa para sana humingi ng tulong kay Rodrigo at Jose. Pero walang sumasagot kahit sino sa dalawa. Wala siyang pagpipilian kundi ang isugod sa ospital ang dalaga kahit mag-isa lang siya. Nakaramdam din siya ng pagtatampo kay Jose at Rodrigo na hindi man lang sumagot sa tawag niya.
Ngunit paglabas niya ng pintuan ay sumasadsad sa harapan ng bahay niya si Jose, sakay ng tricycle nito at kasama pa nito si Rodrigo.
"Anong nangyari!?" Gulat na tanong ni Rodrigo ng makita ang duguang damit ni Cy habang buhat si Aize. Napansin din niya na may dugo din ang damit ng dalaga, at sa tingin niya ay walang malay ang dalaga.
"Hindi ko alam, maghapon akong nasa bahay ni Jose, tapos ay nadatnan ko siyang walang malay at dumudugo ang braso. Isa pa ay basag ang bubog na salamin ng mesa sa salas ko." Paliwanag ni Cy habang sakay na ng tricycle na minamaneho ni Jose at hinahayon ang daan patungo sa pinakamalapit na ospital sa bayan.
Abot-abot naman ang dasal ni Cy na sana ay ligtas ang dalaga. Wala siyang alam sa nangyari dito. Kaya hindi niya maipaliwanag ang kaba na kanyang nararamdaman. Ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang tiya ang dalaga. Habang ang daddy ni Aize ay nagtitiwala sa kanila na mababantayan ng maayos ang anak. Pero sa pangyayaring iyon, parang gustong ihampas ni Cy ang sariling ulo dahil sa takot na kung ano ang mangyari sa dalaga.
Pagkarating nila ng ospital at wala namang pasyente sa emergency room kaya naman mabilis na naasikaso si Aize. May maliliit pang mga bubog ang nasa loob ng hiwa nito kaya naman kahit nabalutan niya ng towel ay hindi pa rin maampat ang pagdurugo.
Nilinis naman kaagad nurse ang sugat nito. Sinuri rin naman kaagad ito ng doktor.
Matapos malagyan ng gasa ang sugat ni Aize at mapalitan ito ng hospital gown ang damit nito ay ipinadala na rin ito ng doktor sa isang private room. Maliit lang iyon. Kumpara sa private room sa malalaking ospital. Pero mas mabuti na iyon, kay sa isama si Aize sa ibang pasyente na may iba't-ibang sakit.
"Doc ano pong nangyari kay Aize? Wala po ako sa bahay ng maghapon, pero pag-uwi ko. Nadatnan ko na lang siyang walang malay sa salas at nakahiga sa sahig. Ang bubog na nakuha sa sugat niya ay gawa ng nabasag na salamin ng table ko doon. Na iyon din ang pinaghihinalaan kong may dahilan kung bakit siya nasugatan ng malaki." Wika ni Cy sa doktor na ikinabuntong hininga nito.
Nakatingin lang naman si Rodrigo at Jose kay Cy at sa doktor. Nakikinig lang ang dalawa sa susunod nitong sasabihin kay Cy.
"Wala namang malalang nangyari sa pasyente, maliban sa hiwa niya sa braso, mabuti na lang at may same blood kami sa blood bank kaya nasalinan namin siya ng dugo." Napabalik tingin naman si Cy kay Aize na natutulog sa kama. Nandoon nga ang dextrose na nakakabit sa kamay nito at ang bag ng dugo na isinalin kay Aize. Dahil na rin sa madami na ring dugo ang nawala dito. Gawa ng sugat na dahil sa pagkakahiwa ng basag na bubog.
"Isa pa, over fatigue at sobrang pagkagutom ang dahilan kaya nawalan siya ng malay. May mga sugat din siya sa palad niya na halos magdugo na rin." Dagdag ng doktor na ikinagulat niya. Napatingin naman si Jose at Igo sa kanya.
Bigla naman siyang nanlumo sa narinig sa doktor. Siya na kompleto ang kain noong tumambay siya sa bahay ni Jose at ang isa pa ay nakatulog pa siya bago umuwi ng bahay. Pero si Aize ay mukhang hindi man lang pinansin ang niluto niya kaninang umaga. Tapos ay winalis pa nito ang sobrang daming tuyong dahon ng harapan ng bahay niya.
"Oh Yelo!" Hindi niya mapigilang bulalas, sa sobrang pagkaguilty dahil iniwan niya ng mag-isa si Aize sa bahay.
Nagpaalam na rin naman ang doktor sa kanila, matapos silang bilinan na pag nagising si Aize ay mga soft diet food lang muna ang pwede dito.
Nagpaalam din muna si Rodrigo na isinama na rin si Jose na sila na muna ang bibili ng lugaw na pwede kay Aize. Naiwan naman si Cy bilang bantay ni Aize.
"Ano bang ginawa mo sa sarili mong Yelo ka? Nagpalipas lang naman ako ng inis sayo sa bahay ni Jose. Pero pwede ka namang kumain, at pwede ding wag mong ituloy ang dapat ako ang gagawa. Tingnan mo at nasugatan ka pa. Pati ang maganda mong palad napakadaming sugat. Aize naman eh. Sabi ng tiya, alagaan kita. Pero ngayon nakaramdam ako ng hiya. Hindi kita nabantayan ng maayos. Higit sa lahat, muntik ka pang mapahamak ng dahil sa akin." Ani Cy habang habang hinahaplos ang palad ni Aize na nasugatan dahil na rin sa pagkakahawak nito sa walis.
"Mula ngayon, pipilitin kong hindi na mainis sa mga kalokohan mo. Kung maaaring ako ang mag-adjust gagawin ko. Wag lang ulit mangyari ang bagay na ito sayo." Dagdag pa ni Cy at inayos ang ilang hibla ng buhok na nakatabon sa mukha nito.
"Magpagaling ka na. Hindi naman ako galit. Pero sobra mo akong pinag-alala. Wag mo na ulit uulitin iyon ha." Aniya.
Ilang sandali pa ay bumalik na rin si Igo at Jose. May dala itong lugaw, para kay Aize. May iba pang pagkain na binili ang dalawa para kay Cy.
"Cy akin na ang susi ng bahay mo. Lilinisin ko muna ang kalat doon at ikukuha na ko na rin kayo ng damit na dadalahin ko dito bukas. Pero wag kang mag- alala si Manang Lourdes ang pag-aayusin ko ng gamit ni Aize." Ani Rodrigo na labis na ipinagpasalamat ni Cy.
"Salamat sa inyo, at sa pagpunta ninyo sa bahay. Kung wala kayo, hindi ko alam ang gagawin ko."
"Wag mong isipin iyon. Siguro ay talagang ipinag-adya na pumunta kami ni Jose sa bahay mo. Nang magtungo si Jose sa bahay para magdala ng sanging ay ipinagtabuyan na naman ako ni Shey. Bumalik daw ako makalipas ang limang oras. Kaya nagpasya akong sumama kay Jose at tumambay sa bahay mo sana. Tapos ang hindi lang talaga namin inaasahan na ganoong tagpo ang maaabutan namin. Kaya nagpapasalamat ako sa aking asawa na ipinagtabuyan ako." Natatawang paliwanag ni Rodrigo na ikinangiti lang din ni Cy.
"Hindi man alam ni Shey, pero nagpapasalamat ako ng sobra sa asawa mo. Sa oras na kailangan ko ng kaibigan, pareho kayong nandito sa tabi ko. Salamat."
"Ang drama mo Cy, hindi bagay sayo. Sige na. Aalis na kami ni Jose. Lilinisan ko muna ang bahay mo. Bago ako umuwi."
Nagpaalam na ang dalawa kahit si Rodrigo lang naman ang nagsasalita at puro tapik lang sa balikat niya si Jose.
Bigla na lang siyang nakausal ng panalangin at paghingi ng tawad dahil sa tampong kanyang naramdaman para sa dalawang kaibigan. Lalo na at ni minsan ay hindi siya binigo ng dalawa, sa panahong sobra siyang nangangailangan ng tulong, katulad ng sa kanina.
Doon lang niya naisip na siguro ay sakay na ng tricycle ang dalawa patungo sa bahay niya. Kaya hindi na pinansin ng mga ito ang tawag niya.