CHAPTER 5
JHONA POV
Pagkatapos ng klase namin ng hapon sa BSICAH, sabay-sabay kaming lumabas nina Enna at Aiza. Masaya pa kaming nagkukuwentuhan tungkol sa lecture namin kanina sa anatomy. Simple lang ang buhay naming magkakaibigan lakad pauwi, konting kwentuhan, at tawanan habang tinatahak ang makipot na kalsada pauwi.
“Uy, Jhona,” sabi ni Enna habang inaayos ang kanyang backpack, “tara sa tindahan ni Aling Maritess mamaya, treat kita ng kwek-kwek.”
“Gusto ko ‘yon! Pero uuwi muna ako, i-che-check ko lang si Mama kung tapos na siya sa labada,” sagot ko, naka-ngiti pa.
Biglang may sumigaw mula sa kabilang kanto. Pamilyar ang boses.
“Jhona! Jhona!” sigaw ni Aling Precy, kumare ni Mama. Halos mauntog siya sa pagtakbo habang hawak ang cellphone. “Si Papa mo! Nadisgrasya!”
Biglang nagdilim ang paningin ko. Napatigil ako sa paglalakad at parang nag-freeze ang buong paligid ko.
“Ha? Anong anong ibig mong sabihin po, Nay Precy?” nanginginig kong tanong.
“Binangga siya, anak! Nawalan ng preno ‘yung kasalubong niya sa kalsada! Dinala na sa ospital... pero... pero dead on arrival daw siya, anak...”
Pakiramdam ko’y nilamon ako ng lupa. Para akong nabingi, nawala sa ulirat. Hindi ako makagalaw. Para akong biglang nawala sa katawan ko.
“Ano pong... h-hindi po... hindi pwede ‘yan... kanina lang po nagpaalam siya na may delivery sa Polangui... hindi po totoo ‘yan!”
“Jhona!” sigaw ni Aiza habang hinahawakan ang balikat ko. “Tara na, puntahan natin si Papa mo!”
Dali-dali akong pumara ng motor. Wala na akong pake kung sino o magkano ang bayad. Pumara ako sa unang tricycle at halos ipadyak ang driver para lang makaalis agad.
“Kuya! Sa Bicol Regional Hospital! Bilisan mo po, please!”
Habang tumatakbo ang tricycle, pumikit ako at nagsimulang umiyak. Hindi ko na napigilan ang hikbi ko. Sa bawat pagpatak ng luha, bumibigat ang dibdib ko.
Pagdating sa ospital, halos madulas ako sa kakatakbo. Nandun si Mama, nakaupo sa sahig ng hallway, umiiyak habang yakap-yakap ang helmet ni Papa. Nanginginig ang kamay niya, halos wala sa sarili.
“Ma... nasaan po si Papa?”
Tumingin siya sa akin. Namumugto ang mata. “Anak... wala na si Papa mo...”
Napaupo ako sa sahig. Parang pinagsakluban ako ng langit at lupa.
“Hindi... hindi pwede ‘to... Ma, sabihin niyong hindi totoo... kaninang umaga lang po nag-breakfast kami... sinabihan pa niya ako ng ‘mag-ingat sa school, anak’... tumawa pa nga siya eh...”
Niyakap ako ni Mama. Pareho kaming umiiyak. Lumapit si Aiza at Enna, niyakap nila ako sabay-sabay.
Lumabas ang nurse. “Family po ni Mr. Hermie Lopez?”
Tumayo si Mama. “Kami po.”
“Pwede na po kayong pumasok. Nasa loob pa po ang katawan.”
Pumasok kami. Ang puti ng paligid. Amoy disinfectant, amoy gamot. Pagbukas ng pinto, tumambad sa akin ang malamig na katawan ni Papa. Nakahiga siya sa lamesa, natatakpan ng puting tela. Dahan-dahang binuksan ng nurse ang takip.
“Oh Diyos ko...” napasigaw ako. Napaluhod. “Papa!!!”
Nilapitan ko siya. Hinawakan ko ang kamay niyang malamig. Halos hindi ko na siya makilala. May bandage ang ulo, may mga gasgas ang mukha. Pero kahit anong itsura niya, siya pa rin ang Papa ko.
“Pa... bakit ngayon pa?”
“Anak,” bulong ni Mama habang pinipigilan ang luha niya. “Truck daw ‘yung kasalubong niya... nawalan ng preno... wala raw siyang kasalanan...”
“Pero bakit si Papa pa?! Bakit siya?! Bakit hindi na lang ako?!”
Humikbi si Enna. “Jhona... please, enough na... sobrang sakit din para sa amin makita kang ganyan...”
“Paano na tayo, Ma? Paano ka? Paano ang pagaaral ko Ma?”
Hindi agad nakasagot si Mama. Yumuko siya at pumatak na lang ang luha niya sa sahig.
Sa loob ng ospital, isang katahimikan ang sumalubong sa amin hindi dahil walang tao, kundi dahil binawi ng langit ang isa sa pinakamahalagang nilalang sa buhay ko.
Kinabukasan, dinala namin si Papa sa bahay. Bumungad ang kabaong sa mismong sala. Isang payak na lamay, may puting kurtina, ilang kandila, at mga kapitbahay na tahimik na nakikidalamhati.
Lumapit ako sa kabaong. Tinitigan ko si Papa. Ang lalaking nagturo sa’kin kung paano maging matapang, paano maging responsable, paano magtrabaho ng marangal.
“Papa,” bulong ko habang nakatitig sa kanya, “pangako, magtatapos ako. Magiging nurse ako. Para sa’yo. Para kay Mama. Para sa pamilya natin.”
Naroon si Aiza, Enna, pati ang ilan sa mga propesor namin sa BSICAH. Tahimik silang lumapit at nag-abot ng pakikiramay.
“Jhona,” sabi ni Ma’am Villanueva, ang clinical instructor namin. “Kung kailangan mo ng tulong, sabihin mo lang ha. Huwag mong itago ang sakit. Iiyak mo ‘yan.”
Tumango ako. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari. Pero isang bagay lang ang malinaw kailangan kong maging matatag. Para kay Papa.
Sa gabing iyon, habang tahimik ang paligid, nakaupo ako sa tabi ng kabaong niya. Inabot ko ang lumang cellphone ni Papa na nakuha sa ospital. Binuksan ko ito.
May isang draft message:
“Anak, proud ako sa’yo. Hindi ko man masabi araw-araw, pero mahal na mahal kita. Kahit pagod ako, kahit masakit katawan ko, basta para sa inyo, lalaban ako.”
“Papa… bakit niyo kami iniwan?” bulong ko habang yakap-yakap ang huling tsinelas na binili ni Papa sa akin. Simpleng pares lang iyon, may cartoon character pa sa gilid. Mura, pero para sa akin, napakahalaga. Dahil ‘yon ang huling alaalang pisikal na iniabot niya sa akin bago siya tuluyang nawala.
Tatlong araw na akong halos hindi lumalabas ng kwarto. Hindi ko na maalala kung huling beses akong naligo, kumain, o nakatulog ng maayos. Si Mama si Naida Lopez ang walang sawang nagbabantay sa akin. Kahit siya’y wasak at lumuluha, pinipilit pa rin niya akong alagaan. Sa gilid ng kwarto, sina Enna at Aiza, tahimik na nakaupo. Nandiyan lang sila. Hindi sila nagsasalita ng marami. Hindi nila kailangang magsalita, sapat nang alam kong hindi nila ako iiwan.
Nasa sahig ako ng kwarto ko, nakapaligid sa akin ang mga lumang photo albums. Dahan-dahan kong binubuklat bawat pahina bawat larawan ng mga panahong buo pa kami.
May isang picture, buhat ako ni Papa ni Hermie sa harap ng palengke habang may hawak siyang buko juice. Tumatawa ako habang pinupunasan niya ang malagkit kong bibig. Noon pa lang, lagi siyang ganoon mapag-alaga, mapagpatawa, laging sinisiguro na komportable ako kahit siya ang pagod sa trabaho.
Sunod na larawan, graduation ko sa elementary. Suot ko ang medal ko, habang yakap niya ako ng mahigpit. Sabi niya noon, “Anak, sa susunod, college diploma naman ‘yan ha? Pangako mo kay Papa.” Nginitian ko lang siya noon hindi ko inakalang iyon pala ang huling pagkakataong sasabihin niya sa akin ‘yon.
“Anak, kumain ka na kahit kaunti,” bulong ni Mama mula sa pinto.
Napatingin ako sa kanya. Namumugto pa rin ang mga mata niya. Malalim ang mga linya sa noo niya sa kakaisip, sa puyat, sa pag-iyak. Pero pilit siyang lumalaban.
“Ma, ayoko pong kumain,” mahina kong sagot. “Ayoko pong gumalaw. Ayoko pong gumising. Ayoko pong tanggapin.”
Lumapit siya sa akin. Umupo siya sa tabi ko at hinaplos ang buhok ko—gaya ng ginagawa niya noong bata pa ako kapag sinisipon ako o nilalagnat.
“Anak, hindi ko rin alam paano tatanggapin. Hindi ko rin alam paano babangon. Pero hindi puwedeng hindi tayo lumaban. Hindi puwedeng hindi natin tuparin ‘yung mga pangarap mo. Para kay Papa mo. Para kay Hermie.”
Napatingin ako sa kanya. Sobrang lungkot ng mga mata niya, pero punong-puno rin ng pagmamahal.
“Ma… paano kung hindi ko kaya?”
“Anak,” sagot niya habang pinipigilan ang hikbi, “ang Hermie Lopez na kilala ko, hindi magpapatalo sa kahit anong pagsubok. At ‘yung lakas niya nasa’yo ‘yon, Jhona. Kahit hindi mo pa nararamdaman, nasa dugo mo ang tapang ng tatay mo.”
Tumango ako, dahan-dahan. Pilit. Pero unti-unting nararamdaman ko ang init ng kanyang yakap, at ang liwanag ng mga alaala ni Papa. Parang may apoy na maliit na muling nagsisindi sa loob ng puso ko.
Kinagabihan, lumapit ulit ako sa kabaong ni Papa. Tahimik ang paligid. Ilang kapitbahay na lang ang naroon, mga kamag-anak naming nakikiramay. Umupo ako sa tabi niya, katabi ang malamig na katawang tinatakpan ng salamin.
“Tay…” bulong ko habang pinapahid ang luha ko. “Alam niyo po bang gustong-gusto kong yakapin kayo ngayon? Kahit saglit lang?”
Hindi siya sumagot, siyempre. Pero para bang may hangin na dumaaan sa likod ko malamig, marahang yumakap sa akin.
Inabot ko ang cellphone ni Papa na nakuha namin sa ospital. Binuksan ko ulit ang draft message na ‘di niya nai-send:
“Anak, proud ako sa’yo. Hindi ko man masabi araw-araw, pero mahal na mahal kita. Kahit pagod ako, kahit masakit katawan ko, basta para sa inyo, lalaban ako.”
Pinindot ko ang save, tapos kinopya ko ‘yon sa kwaderno ko. Isusulat ko ito sa pinakaunang pahina, sa tapat ng planner ko para sa nursing school. Para araw-araw ko siyang kasama.
Kinabukasan, dumating ang ilang kamag-anak mula sa Naga at Camarines Norte. Puno ang bahay. May mga nagluto, may nag-ayos ng bulaklak, may nag-aabot ng tulong kahit kapos din. Sa gitna ng lungkot, naramdaman ko ang init ng komunidad, ng pamilya, ng mga taong tunay na nagmamahal sa’min.
“Si Kuya Hermie,” sabi ng tiyahin ko habang nagpupunas ng luha, “napakabait. Kahit late na siya sa delivery, bababa pa ‘yan ng sasakyan para tumulong sa matandang tumatawid.”
Lumapit si Enna at Aiza, sabay-abot ng tinapay at tubig sa akin. “Kain ka kahit kaunti, Jhona. Mahaba pa ang laban mo. Nandito lang kami.”
“Salamat,” mahina kong sagot. “Kayo talaga… salamat sa lahat.”
Huling gabi ng lamay, nag-rosaryo kami. Habang paulit-ulit ang panalangin, hindi ko na namalayan na may luhang tumulo ulit sa pisngi ko. Hindi dahil sa lungkot lang, kundi dahil unti-unti kong tinatanggap ang katotohanang wala na nga si Papa.
Ngunit hindi ibig sabihin na nawala rin ang gabay niya.
Kinabukasan, sa mismong araw ng libing, nakasuot kami ng puti ni Mama. May rosas akong dala paborito ni Papa. Habang binababa ang kabaong sa hukay, isang malakas na ihip ng hangin ang dumaan. Tumingala ako. Pumikit.
“Pa… ayoko pa sana. Pero pahinga ka na. Pangako ko po, ako na bahala kay Mama. Ako na po ang susunod na magiging bayani sa ospital gaya ng pagkabayani niyo sa amin araw-araw.”
Pagkababa ng kabaong, unti-unting itinabon ang lupa. Tila bawat patak ng lupa ay bahagi ng pusong nawawala. Pero sa bawat ‘tik-tik’ ng pala, may pangakong binubuo.
“Papa Hermie,” bulong ko sa huling pagkakataon, “mahal na mahal ko po kayo.”