"Ano! Pakiulit nga! Nagpapanting ang tenga ko! Sandali! Hindi ako makakapayag na ginaganyan ka n'ya! At bakit hindi mo 'yan sinabi kaagad! Tignan mo, ni ihatid hindi n'ya nagawa! Ano s'ya, chixs! Sobra na talaga 'yang Lanz na 'yan! 'Di porket babae ka hindi mo kakayanin ang corporate jobs. Ano pa ang silbe ng pagtatapos mo ng college kung 'di ka magtatrabaho! At isa pa, gagawin ka lang n'yang housewife? Seriously? Napakadominante n'ya talaga! Anong pinagmamalaki n'ya! 'Yung kumpanya ng magulang n'ya na s'ya ang magma-manage? Hello? Wala pa s'yang sapat na experience at wala pa s'yang lisensya kaya 'wag s'yang magmagaling d'yan! Mabuti na lang talaga at tumuloy ka sa pagpapasa ng requirements kung hindi nako sasabunutan na talaga kita. Hindi na makatao ang ginagawa n'ya. Pero girl, hindi 'yan kabawasan sa mga kasalanan n'ya sa akin dahil sa mga ginagawa n'ya sa'yo! Nako! At isa pa, wala ba s'yang paki alam sa nararamdaman mo! Look!" Iniharap ni Cheska ang kanyang cellphone. "Tignan mo! Titigan mo ng mabuti! 'Wag kang kukurap, sana matauhan ka na girl kasi ako punung puno na sa lalakeng 'yan!" nang gagalaiting sabi ni Cheska.
"Girl 'wag ngayon, girl," umiiyak na sabi ni Celine. Hindi na nito maintindihan ang kanyang nararamdaman. Ayaw n'yang umiyak ngunit kusang tumulo ang mga luha sa kanyang mga mata. Apektado ito sa mga sinabi ni Cheska ngunit wala itong lakas ng loob na ipagtanggol ang sarili, dahil tama lahat ng mga sinabi ni Cheska tungkol sa kanyang nobyo.
"Celine ginagawa ka ng t*ng* ni Lanz! Nakikita mo bayan? Ha? Kaya hindi ka sinama sa outing nila dahil kasama n'ya 'yang babaeng 'yan! Titigan mo," galit na galit na sinabi ni Cheska. Halos iduldul na nito ang kanyang cellphone sa mukha ni Celine.
Patuloy pa rin sa pag-iyak si Celine. Habang tinititigan ang unang litrato sa cellphone ni Cheska.
May nakakandong na babae kay Lanz at hindi pa basta basta nakakandong, nakahawak pa si Lanz sa hita ng babae at komportableng komportable sa pagkakapwesto nito.
"Ilipat mo, ang daming pictures ni Lanz kasama ng babaeng 'yan." Nanginginig sa galit si Cheska.
Nagulat na lang si Celine na sumugod si Cheska sa kanilang bahay matapos ang kanyang final interview isang bwan makalipas makapagsimula si Celine sa kanyang trabaho. Bakas ang galit nito pagkapasok na pagkapasok pa lang ni Cheska sa tahanan nina Celine. Ngunit pilit na pinapakalma ni Cheska ang kanyang sarili noong una.
Kinamusta muna n'ya si Celine at tinanong kung anong nangyari sa pagpunta n'ya sa bahay nina Lanz noong nakaraan. Naging abala kasi ang dalawa sa kanilang mga personal na buhay kung kaya't nawalan sila ng panahon sa isa't isa. Ikinwento ni Celine ang mga nangyari ng araw nd 'yon at dumagdag ito sa kinagalit ni Cheska. Parang bulkang sumasabog ang kaibigan ni Celine. Namumula ito sa galit at walang mapaglagyan ng inis. Nalaman kasi ni Cheska ang ginawang kabalbalan ni Lanz. At ito ang dahilan kung bakit ito dali daling sumugod kayna Celine.
"Si kuya mismo ang may kuha ng mga litrato na 'yan. Sa resort na pinuntahan nila, doon si kuya nagtatrabaho. Kaya legit ang mga 'yan. Kanina lang pinadala ni kuya ng mga pictures," paliwanag ni Cheska. "Nang nalaman ko na may outing sila sa Palawan at hindi ka kasama, may hinala na ako sa ginagawa ni Lanz. Inalam ko kung saan sila pupunta at swerte na kayna kuya sila nag-check in. Kaya kinontakt ko si kuya at sinabihang manmanan si Lanz. Celine, na sa isang kwarto lang sila. Tatlong araw na umiinum gabi gabi! Imposibleng walang nangyayari sa loob ng tatlong araw na 'yon!" kwento ni Cheska.
Ayaw pumasok sa isipan ni Celine ang mga sinasabi ni Cheska. Habang tinitignan nito ang mga litrato ay parang pinipiga ang kanyang puso.
"Celine parang awa mo na hiwalayan mo na si Lanz. Parang prinsesa ang trato ni Lanz sa babaeng kasama n'ya. Samantalang ikaw kung utusan at alilaan e daig mo katulong! Tapos 'yang malanding babaeng 'yan! Alam ko na kilala mo 'yang babaeng 'yan!" sigaw ni Cheska. Dinuro pa nito ang babae sa picture.
Ang babae na tinutukoy ni Cheska ay isa sa miyembro ng dance troupe sa kanilang unibersidad. Matagal ng may gusto ito kay Lanz. Madalas na magpapansin at titigan si Celine mula ulo hanggang paa para kilatisin.
"Cheska please, tama na. Baka napilitan lang si Lanz. Hindi n'ya 'to magagawa. O 'di kaya lasing lang s'ya, wala sa tamang pag-iisip. Na sa impluwensya ng alak. Hindi n'ya sinasadya ang lahat ng 'to," pakiusap ni Celine at nakuha pa nitong dipensahan si Lanz sa kabila ng mga ebidensya na kanyang nakikita.
"Hindi! At anong napilitan! Dyos ko Lord! Celine naman 'wag kang t*ng*! Please lang. Malapit ko ng dukutin 'yang mga mata mo para tuluyan ka ng mabulaga at least bulag kang literal! Hindi mo naman ginagamit 'yang mga mata mo ng maayos! I-donate pa natin 'yan para maging pakipakinabang! Hindi mo ba nakikita? Ha! Iniiputan ka na sa ulo ni Lanz! Ipapamukha ko 'to sa 'yo lahat! Nang matauhan ka! Punung puno na ako sa lalaking 'yan! Nagpipigil lang ako mula noon, iniisip ko kasing dominante lang talaga si Lanz at maari pang mabago 'yon. Mahal na mahal mo s'ya kaya nagpapakag*g* ka sa kanya! Ang mahalaga 'di ito babaero, nangangaliwa at nakikipaglandian sa iba, pero ngayon! Ano! Ito!"
Wala sanang balak si Cheskang ipakita ito ngunit ayaw pa ring makinig ni Celine sa kanya. At kaysa sa iba pa nito ito malaman ay mas mabuti pang sa kanya na manggaling ang balitang ito. May pinakitang video si Cheska galing mismo sa babaeng kalandian ni Lanz ng gabing 'yon. Pinagmamalaki nito na sa wakas ay nakuha na n'ya si Lanz. Video ito ni Lanz na nakikipaghalikan sa babae 'yon. Naka-two piece bikini lang ang babae at halos mahubaran na sa pagkakahimas ni Lanz sa buong katawan nito. "Ipaliwanag mo 'to! Napilitan? Naimpluwensyahan ng alak! Ito ba ang sinasabi mong napilitan!" hiyaw ni Cheska halos mabasag ang cellphone sa pagkakaduro ni Cheska.
Nanglalabo na ang paningin ni Celine dahil sa mga luhang patuloy na umaagos sa kanyang mga mata. Hindi na nito kayang ipapatuloy ang panunuod ng video. Ini-stop na n'ya ang video at pinatay ang cellphone ni Cheska.
"Martir ka 'di ba! Bakit mo pinatay? Tapusin mo 'yang video na 'yan!" Muling binuksan ni. Cheska ang kanyang cellphone at pinagpatuloy ang panunuod ng video. "Imulat mo ang mga mata mo Celine! 'Yan ba ang lalakeng mahal ka! 'Yan ba!" bulyaw ni Cheska.
"Hindi si Lanz 'yan, hindi s'ya 'yan," mahinang sabi ni Celine. Humihikbi na ito sa pag-iyak.
"More! Lower Lanz, go!" sabi ng isang lalake sa video.
"Take off the top bro! Hanggang ganyan lang ba ang kaya mo!" hamon ng isa.
Pumwesto pa ang babaeng nakakandong kay Lanz at pumatong paharap dito. Sumayaw pa ito ng sexy dance, lalong naghiyawan ang mga tao.
"Dude take off the top bro and put some kiss mark! I dare you!" At may naglapag ng 2000 pesos sa lamesa. Ipinakita pa ito ng nag-video, makhang game na game rin naman ang babae at inilagay pa ang kamay ni Lanz sa kanyang likuran upang hilahin ang tali sa kanyang bikini top. Natapos din ang dalawa sa paghahalikan.
Doon nakita ni Celine ng malinaw ang mukha ni Lanz. Na sa matinong pag-iisip ito at tuwang tuwa pa.
"'Yon lang bro! Wala na bang mas hihirap doon?" sagot ni Lanz sa humahamon sa kanya. At sinimulan ng tanggalin ni Lanz ang pangtaas ng babae at ginawa ang hamon sa kanya.
Napatakip na lang si Celine ng kanyang bibig dahil sa kanyang nakita. Parang sinasaksak ang kanyang puso at hindi makahinga. Unti unti na ring nang didilim ang kanyang mga mata. Nagsisimula na rin ang pagsakit ng kanyan tyan.
"Hindi! Tapusin mo! Tapusin mo!" sabi ni Cheska. Umiiyak na rin si Cheska sa galit. Ayaw n'yang saktan si Celine ngunit ito lang ang paraan upang matauhan ito sa kahibangan n'ya kay Lanz. Ilang taon n'ya na ring kinukumbinsi si Celine para hiwalayan si Lanz pero wala pa rin. Sarado ang isipan ni Celine tungkol dito.
"Tama na, ayaw ko na Cheska. Please 'wag." Napahawak ito sa kanyang tyan. "A ah! Ang tyan ko, ang sakit!" Hindi na maipinta ang mukha ni Celine. Namimilipit na rin ito sa sakit at ilang minuto pa ay bigla na itong hinimatay.
"Celine!" sigaw ni Cheska.
Agad na humingi si Cheska ng tulong at itinakbo ang kaibigan sa pinakamalapit na ospital. Nagkataong wala ang mga magulang ni Celine. Kaya silang dalawa lang ang magkasama ng oras na 'yon.
"Kaano ano po kayo ng pasyente?" tanong ng doctor.
"Kaibigan po," mabilis na sagot ni Cheska.
Mahimbing na natutulog si Celine. Kaylangan nitong ma-confine magdamag upang i-monitor ang kanyang kalagayan.
"Okay masyadong na stress si miss Celine. Kaylangan n'yang magpahinga baka makasama sa baby n'ya, kaya ipapa-confine ko s'ya rito overnight. Then pag-sure akong okay na sila and no cramps, pwede ko na silang ipa-discharge," paliwanag ng doctor.
Parang nabingi si Cheska sa kanyang narinig. "Ano po?" tanong ni Cheska.
"Sabi ko kaylangang i-confine si miss Celine overnight para ma-monitor ko ang kanyang vitals, to make sure na okay sila ng kanyang baby," madahang paliwanag muli ng doctor. "She is two months pregnant. And she is very lucky kasi healthy ang baby. At kaylangan n'yang magpahinga at iwasang ma-stress. Pero dahil sa nangyari ngayon, kaylangang i-monitor ang kalagayan n'ya. At i-resched ko ulit ang next check-up n'ya next week para masubaybayan ko ang lagay nilang dalawa. Naka-encounter s'ya ng great stress kaya sumakit ang kanyang tyan. Buti na lang at nadala s'ya kaagad sa ospital at walang spotting na nangyari," paliwanag ng doctor.
Napatulala na lang si Cheska, namutla rin ito bigla. Nanglamig din ang buong katawan.
Napansin ito ng doctor "Miss are you okay?" tanong ng doctor.
Hindi makapagsalita si Cheska. Bumalik sa kanyang ala-ala ang lahat ng kanyang mga masasakit na sinabi mula kanina. Sobra rin ang pag-iyak at sama ng loob ni Celine at lubos itong kinakabahala ni Cheska. At alam nitong makakasama ang mga nangyari para sa dinadala ni Celine. Wala rin itong preno sa pagsesermon kay Celine dahil sa bugso ng damdamin. Hindi nito akalaing nagdadalang tao pala ang kanyang kaibigan. Wala itong pahaging na ganito na pala ang kanyang pinagdaraanan. Parang binuhusan din ito ng malamig tubig. Hindi mapruseso ng kanyang isipan ang sinabi ng doctor. At kasalanan n'ya lahat ng ito.
"Sure po ba kayo na si Celine Santo Domingo ang buntis na tinutuko n'yo?" ulit na tanong ni Cheska.
"Yes, nagpa-check up s'ya dito last week. Ultrasound and all, she and her baby is very healthy and fine," muling paliwanag ng doctor.
"Oh, sorry doc. medyo na shock lang po ako sa mga sinabi n'yo. Pero sure po na okay si Celine at si baby?" tanong ni Cheska.
"Yes ma'am, I'm sure about it don't worry. Basta iinumin n'ya ang mga vitamins n'ya at iwasang ma-stress," sabi ng doctor.
"Opo doc. makakaasa po kayo doc. na iiwasan n'yang ma-stress. Maraming salamat," sabi ni Cheska.
Nagpaalam na ang doctor at pinuntahan na ang ibang pasyente.
Binalikan ni Cheska ang kanyang kaibigan kung saan ito mahimbing na natutulog.
"Lord patawarin n'yo po ako sa mga nasabi ko kanina. Alam n'yo po ang intensyon ko kung bakit ko ginawa ang mga bagay na 'to. Lord alagaan n'yo po ang bestfriend ko at ang daladala n'ya. Pangako aalagaan ko sila at proprotektahan," dasal ni Cheska. Hinawakan nito ang mga kamay ni Celine.
Tuloy tuloy ang dasal nito, hindi umalis si Cheska sa tabi ni Celine. Gusto nitong siguraduhing ligtas ang mag-ina. Ngayon lang napagtanto ni Cheska kung bakit nagbago ang pangangatawan ni Celine at masyadong emosyonal.
Ilang sandali pa at nagising na si Celine. Pagmulat nito ay humawak ito kaagad ang kanyang tyan. "Nasaan ako," mahina nitong tanong.
Napatayo si Cheska at agad lumapit kay Celine. "Nandito tayo sa ospital, nawalan ka ng malay kanina. Ano may masakit pa ba sa 'yo? Dahan dahan ka lang," sabi ni Cheska.
"Alam mo na?" Humawak ito sa kanyang tyan.
Tumango si Cheska at niyakap ang kaibigan.