Major Kevin Pascua’s POV
HINDI pa rin nagagalaw ang crime scene ni Marcelo Duenas sa bahay nito sa Ermita, Manila. Maraming nakapalibot na police tapes sa palibot niyon. Sa kusina ng bahay nito natagpuan ang bangkay ng biktima.
Iginala ni Kevin ang paningin sa buong kusina. Si Monica naman ay binuksan na ang forensic’s kit nito at nagsimulang mag-swipe for fingerprint sa buong lugar. Kahit nagawa na iyon ng mga pulis na nagsagawa ng initial investigation, kailangan pa rin nilang makasiguro na walang na-overlook sa crime scene.
Tuyo na ang nakakalat na dugo sa sahig ng kusina, malapit sa kitchen counter. Wala na nga lang doon ang mga kutsilyong nakakalat sa tabi ng bangkay na nakita nila sa pictures. Tiningnan ni Kevin ang isang sabitan ng mga utensils sa dingding ng counter.
Mula sa posisyon ng bangkay, abot nito ang sabitan na iyon. Kaya posible na si Marcelo Duenas ang nagtapon ng mga kutsilyo. He must have fought with his killer through that.
Base sa police reports, walang ibang nakitang fingerprints sa mga kutsilyo maliban kay Duenas. Ang dugo rin doon ay sa biktima lang. Kevin sighed. Wala sigurong tumama ni isa sa mga kutsilyong iyon sa killer. Napaisip siya. Just how good was the killer to avoid those knives? Paano nito iyon nagawa?
Lumapit siya sa refrigerator at binuksan iyon. It was fully stocked. Maliban sa isang space sa gitna. Naalala ni Kevin sa pictures ng crime scene ang nabasag na pitcher malapit sa fridge. Sa posisyong ito nakita ni Duenas ang killer pagkatapos ay umatras ito patungo sa kitchen counter.
“I’ll go outside, Kevin,” narinig niyang sabi ni Monica.
“Samahan na kita,” aniya bago sinundan ang dalaga patungo sa backdoor. There was nothing more inside.
Napatigil si Kevin nang makarating sa backdoor. Tiningnan niyang mabuti ang seradura ng pinto. There were scratches on the middle part of the knob. Bobby pins. So dito pumasok ang killer.
“Kevin!” narinig niyang sigaw ni Monica mula sa labas.
He followed her voice. Nakatayo ang babae malapit sa sementadong bakod. Nilapitan niya ito.
May itinuro ito sa lupa. “Shoeprints.” Kinuhanan iyon ng picture ng dalaga gamit ang DSLR na hawak. Yumukod ito at sinukat din ang shoeprints. “Masyadong malalim ang pagkakabaon ng prints na ito sa lupa. Ibig sabihin ay tumalon ang may-ari nito.” Tumingala si Monica. “From there.”
Sinundan ni Kevin ang tingin nito at nakita ang malaking sanga ng puno ng acacia sa ibabaw nila. Nakatanim ang acacia sa labas ng bakod. Tumango-tango siya. “The killer went inside through that. Pagkatapos ay binuksan niya ang backdoor gamit ang bobby pins. May mga scratches akong nakita sa knob niyon.”
“Posibleng pinag-aralan niya ang lugar na ito.”
Naglakad-lakad si Kevin sa paligid, nakasunod lang sa kanya si Monica. “Posible. Around 11PM to 12 midnight ang time of death ni Duenas, base sa autopsy niya. It would be quiet at that time dahil tulog na ang mga tao.” Tumigil siya sa may front door. “Isa lang ang CCTV dito, sa front door lang. Alam iyon ng killer kaya hindi siya nagtangkang pumasok sa front door.”
“Sinabi niyo na katana ang gamit ng killer, wala bang makakapansin noon kung sakaling lumabas siya na dala `yon?” tanong ni Monica.
“Magtatanong-tanong pa tayo ng posibleng witness sa lugar na `to mamaya,” ani Kevin. “Pero malinis ang crime scene. The killer won’t be that stupid to walk around with a katana. Maraming paraan para maitago iyon. Puwede rin na may sasakyan siya.”
Napatingin sila sa gate nang makarinig ng pagtawag mula doon. “Excuse me po,” sabi ng isang babae na kapapasok lang. Agad itong nakilala ni Kevin—si Arleen Estrope—ang katulong ni Duenas na nakakita sa bangkay nito. Kanina ay tinawagan niya ito para makipagkita dito ngayon.
“Mrs. Estrope.” Lumapit si Kevin dito at nakipagkamay, ganoon din si Monica. “Mga taga-SCIU kami.” Ipinakita niya dito ang ID badge. “Pasensiya na kayo sa abala. Alam kong nakuwestiyon na kayo ng mga pulis dito pero kailangan uli naming marinig ang statement ninyo. Okay lang ba?”
“Oo naman.” Ngumiti pa ang ginang. Arleen Estrope was in her forties. Maliit ito at medyo chubby. May salamin din sa mga mata.
“Kayo ang nakadiskubre sa bangkay ni Marcelo Duenas at nagreport sa mga pulis,” ani Kevin. “Puwede niyo bang ikuwento uli ang nangyari?”
Humugot ng malalim na hininga si Arleen, may lungkot na sa mukha nito. “Tuwing Miyerkules at Sabado ako pumupunta rito para maglinis ng bahay ni Sir Marcelo. May sarili rin akong susi kaya nakapasok agad ako. Noong... noong umaga ng Miyerkules na nagpunta ako dito, akala ko ay pumasok na sa school si Sir. Kaya... kaya nagulat ako nang makitang patay siya sa... sa kusina.” Natutop ng ginang ang bibig, napahikbi. “Nagtatakbo agad ako palabas para... para mag-report sa mga pulis.”
“Matagal na ba kayong nagtatrabaho sa kanya?” tanong naman ni Monica.
“Mahigit limang taon na rin.” Suminghot pa ang babae.
“Ano’ng pagkakakilala niyo kay Duenas? May alam ba kayo na kagalit niya? Or may nakukuwento ba siya sa inyo na problema?”
Nakamasid lang si Kevin kay Monica, hindi napigilan ang mapangiti. Monica changed a lot. Marami na itong natutunan sa pag-iimbestiga ng isang kaso. Hindi na rin ito pinapangunahan ng hiya sa mga nakakausap nila. Masaya siya para sa development na iyon ng dalaga.
“Mabuting tao si Sir Duenas,” sagot ni Arleen. “Hindi naman ako magtatagal kung hindi. Maayos siyang magpasuweldo. Hindi rin gaanong mahirap linisin ang bahay niya dahil malinis naman siyang tao. Pero hindi ko siya gaanong nakakausap dahil nasa trabaho siya tuwing naglilinis ako. Nagkikita lang kami tuwing katapusan para sa suweldo ko.” Napaisip ito. “Wala akong maisip na rason para may pumatay kay Sir. Isa siyang guro.”
“May mga tao bang naghahanap sa kanya dito? Tuwing wala siya?” tanong naman ni Kevin. “O may napansin kayong suspicious people around here these past few weeks?”
Umiling si Arleen. “Wala. Ang girlfriend niya lang ang nakita ko minsan na bumisita dito, hinahanap si Sir.”
Tumango-tango si Kevin. “Salamat. Tatawagan na lang uli namin kayo kapag may iba pa kaming katanungan.” Naglabas siya ng business card mula sa likod na bulsa ng pantalon. “Puwede mo rin kaming tawagan kung sakaling may maalala ka na sa tingin mo ay makakatulong sa kaso.”
Tumango si Arleen. “Sana mahuli niyo ang gumawa ng karumal-dumal na krimen na `to.”
Nagpaalam na sila sa ginang at lumabas ng gate. Tinanguan ni Kevin ang isang pulis na nagbabantay doon.
“Let’s ask around,” sabi niya kay Monica. “Baka may witness na nakakita sa killer.”
Sumunod lang sa kanya si Monica at naging abala na sila sa pagkatok sa mga katabing bahay, maging sa mga nakakasalubong. Pero lahat ng nakausap nila ay sinabing wala ang mga itong napansin na kakaiba o nakitang kaduda-dudang tao noong gabi na iyon.
“Masamang damo iyang si Marcelo kaya siguro siya napatahimik,” narinig nilang singit ng boses ng isang babae habang nakikipag-usap sila sa mga nakatambay sa isang bakery.
Napatingin sila dito. “Kilala niyo siya?” tanong niya.
“Siya iyong teacher na nakatira sa bahay na katabi noong puno ng acacia, `di ba?” tanong ng babae.
“Oo.”
Umiling-iling ang babae. “May kasamaang itinatago ang isang `yan. Nakuwento ng kakilala ko noon.”
Tumingin si Kevin kay Monica na nakatingin na rin sa kanya. This could be a lead that could help them. Ibinalik niya ang tingin sa babae. “Puwede ka ba naming makausap sandali?”
Tumango naman ito at lumayo na sila sa mga taong naroroon.