Chapter 2

2707 Words
Manhid ang pakiramdam niya nang bumalik sa cubicle niya habang lukot sa kamay niya ang wedding invitation para sa kasal ni Nomer. Bakit pa ba ito bumalik? Hindi pa ito Masaya na natagpuan nito ang kaligayahan nito? Bakit kailangan pa nitong ipamukha sa kanya ang kamiserablehan niya at ang pangarap niya na malayo pa niyang maabot. Sariling kaligayahan. Sariling pamilya. Pangarap labas sa pamilya niya. Wala siya ng lahat ng iyon. Ang mayroon lang siya ay nakakapagod na trabaho, santambak na responsibilidad sa pamilya niya at buong angkan niya at santambak na bayarin. Ni wala siyang libangan. Walang pag-ibig. Wala siyang dahilan para humalakhak man lang. She felt old and worn-out. Ito ba ang buhay na gusto niyang balikan? Mabubuhay at mamamatay siya nang walang kaligayahan? Ayaw niya ng ganito. Ayaw na niya. Umupo siya sa swivel chair at ihinarap patalikod sa entrada ng cubicle niya. Di na niya mapigilang lumuha nang tahimik. Minsan din naman ay napuno siya ng mga pangarap. Ito ba ang babalikan niya sa ibinigay sa kanyang pangalawang buhay? Walang pag-ibig. Walang pagbabago. May kumatok doon. "Miss Jaidyleen, okay ka lang?" tanong ng bagong instructor nila na si Foxx. "Ayos lang ako," wika niya at pinahiran agad ng tissue ang luha. "Iniiyakan mo ang ex mo, no?" "May kailangan ka ba?" may katarayan niyang tanong at di ito hinarap. "Huwag mong iyakan ang ex mo. Di naman siya kaguwapuhan." Isang linggo pa lang ito sa kompanya pero marami na itong kaibigan dahil palakaibigan ito. Medyo nairita siya sa pagiging pakialamera nito. Ipinihit niya ang swivel chair at iritado itong hinarap. "Ano naman ang alam mo sa nararamdaman ko? Na-in love ka na ba?" Mukhang bata pa ito. Nasa early twenties lang at mukhang fresh graduate. Anong alam nito sa pag-ibig? O sa mga responsibilidad at hinanakit sa buhay? Mukhang ang alam pa lang nito ay magpakasaya. Ang pumunta sa mga parties at makipag-date. "In love?" Isang mataginting na halakhak ang pinakawalan nito. "Kalokohan ang pag-ibig na iyan. Hindi dapat sineseryoso. Maikli lang ang buhay. Dapat ay mag-enjoy at magtampisaw lang sa mga guwapo. So many boys, so little time. Para makalimutan mo ang ex mo, isasama kita sa isang lugar na puro guwapo at magaganda ang mga katawan." "Saan? Sa gay bar? O sa strip club? Di ako pupunta sa ganoong lugar saka wala akong pambayad doon." Pambihira naman! Bibigyan lang siya ng karamay, doon pa siya dadalhin sa may kahina-hinalang reputasyon. Baka lalo lang siyang maiyak doon. HIndi naman siya ganoon kadesperada. Kumislap ang mata ng babae at tumaas-taas ang kilay. "Libre lang ang pupuntahan natin at makakasama mo pa ang mga guwapong ito." Inilapag nito ang isang sports magazine sa harap niya at frontcover ang isang lalaking may mahabang brown na buhok na hanggang balikat, pangahan, matangos ang ilong at may maamong light brown na mata na nagpatulala sa kanya nang unang beses pa lang niyang makita sa TV. Kulang na lang kasi dito ay halo at anghel na ito. Twenty-eight years old ito at hinahabol ng mga kababaihan dahil wala pang girlfriend. "Si Angel Aldeguer? Ito ang crush kong football player? Pwede kong makita nang personal at libre?" Kumurap siya habang nakatitig sa guwapong mukha ni Angel at saka tumingin kay Foxx. "Seryoso ka?" He was really an angel. Dahil ito ang lalaking tumulong sa kanya kaya nabawi niya ang bag na hinablot sa kanya ng mga batang palaboy sa Luneta. Her football demigod. Hindi lang niya ikinukwento ang pangyayaring iyon dahil tiyak na walang maniniwala na minsan nang nag-krus ang landas nila ni Angel. Ilang beses na niya itong gustong makita. Baka sakaling maalala siya nito pero lagi siyang walang panahon. Baka di na siya nito maalala. Isa pa ay parang kataksilan kay Nomer na magnasa siya sa ibang lalaki. Ngayon ay wala na silang pag-asa ni Nomer. Malaya na siyang puntahan ang lalaking lihim niyang pinapangarap. Ang tunay niyang anghel. "Oo naman. May laro sila ngayon at malapit lang doon ang bar ng tito ko. Sama ka na. Mag-e-enjoy ka. Maraming guwapo doon," kinikilig nitong sabi at mukhang bihasa na ito pagdating sa larangan ng paghahabol sa mga guwapo. "Pero-" may overtime pa sana siya. Paano ang mga bayarin? May oras pa ba siya para manood ng isang sports na hindi naman niya maintindihan at maghabol ng lalaki para sa kaligayahan? Huminga siya ng malalim. Babalik na naman ba siya sa dati niyang boring na buhay? Palalagpasin ba niya ang pagkakataong ito? Look at you. You are wasting your life away. Sana makahanap ka ng kaligayahan sa labas ng pamilya mo. You need your own personal happiness. Baka kung kailan gusto mong maging masaya, huli na pala ang lahat. Umalingawngaw ang sinabi ng dating nobyo sa isipan ni Jaidyleen. Ano naman ang masama kung minsan siyang maging masaya? Gasino bang pagbigyan naman niya ang sarili. "Kung pinoproblema mo ang make up mo, ako ang bahala. Aayusan kita. Ililibre pa kita ng dinner." Pinagsalikop nito ang palad. "Please? Wala kasing gustong sumama sa akin sa game mamaya. Saka ayoko rin naman nakikitang may kasamahan ko na malungkot. Sige na. Malay mo matulungan kita na maging masaya,” ungot ni Foxx. Feeling yata nito ay ito si Tinkerbell na laging may dalang fairy dust para pasayahin ang mga tao. Maganda naman ang intensiyon nito at bakit nga ba di niya ito pagbigyan? Wala namang mawawala sa kanya. Isang taong nagmamalasakit ang kailangan niya ngayon. "Okay," nausal na lang niya. "Um-oo ka na. Yes!" Ginagap nito ang kamay niya at pinisil. "Hindi ka magsisisi. Daanan kita mamaya. Huwag magbabago ang isip mo ha?” Lumabas ito ng cubicle. Naiwan sa kanya ang magazine at ang guwapong mukha ni Angel na nakatunghay sa kanya sa kanya. A little fun. A little happiness. Gumuhit ang ngiti sa labi niya. Magkikita ulit tayo. PARANG sasabog ang utak ni Jaidyleen sa ingay ng football stadium. Punong-puno ng nagtitiliang mga fans at dagundong ng mga drums. Hindi pa man nagsisimula ang game pero buhay na buhay na ang buong stadium. Parang gusto na niyang umurong. Di siya sanay sa maingay na lugar. "Doon tayo sa unahan uupo," sabi ni Foxx at hinila siya sa grupo ng mga manonood na nakasuot ng dilaw at itim. "Para mas makita nating mabuti ang game." "Foxx!" tili ng mga manonood sa bandang unahan at kumaway sa kanila. Sinalubong si Foxx ng beso-beso ng mga ito. "Si Jaidyleen kasama ko sa trabaho." At isa-isang ipinakilala sa kanya ang mga kasama nitong football fans din. Binigyan siya ng flaglet ni Lime. "Buti naisama ka ni Foxx. Madalang magsama ng kaibigan iyan. Sana tumulong kang mag-cheer sa El Mundo Football Club." "Uhmmm... Ang totoo wala pa akong masyadong maintindihan sa football." Hindi niya alam ang mga club-club. "Iilan lang sa national team ang kilala ko dahil nanonood ang tatay ko sa TV kapag may international game." "Sino lang pala sa national team ang kilala mo?" tanong naman ni Emcel. "Crush niya si Angel," sabi ni Foxx. Pinisil niya ang braso nito. "Ano ba? Nakakahiya naman." Di kasi siya sanay na sinasabi kung kani-kanino kung sino ang lalaking gusto niya. Di naman kasi niya ugaling i-share sa mga tao sa opisina ang tungkol sa gusto niyang mga artista o kaya ay celebrity. Di siya ang tipong kinikilig-kilig na parang teenager dahil may reputasyon siyang pinangangalagaan. Isa siyang guro. "Ayos lang. Kaya nagsasama-sama tayo dito dahil sa mga crush nating players," sabi ni Carmi. "This is a league game. Kanya-kanyang club ang mga national team. Dito sila maglalaban-laban. Sa mga club may kahalo silang foreign players." "Ah! Kumbaga sa PBA may import," wika niya at tumango. "At si Angel..." "Nasa El Mundo Football Club siya." Biglang tumayo si Foxx at iwinagayway ang flaglet. "Tumingin ka sa camera. Dali!" "Camera?" tanong niya. "Naka-televise tayo. Makikita tayo on national TV dahil live ang telecast nila ngayon." "Ano?" bulalas niya. Nanlaki ang mata niya nang makitang patungo sa direksiyon niya ang TV camera. Yumukyok sa likuran ni Foxx. "Hindi ako pwedeng makita sa TV." Hindi siya nag-overtime. Ano na lang ang sasabihin ng boss niya at mga kasamahan sa trabaho? Mababahiran ng di maganda niyang pangalan sa kompanya. Tiyak na maghuhurumentado ang nanay niya dahil sa dami ng mga bayarin nila. Ano ba ang pumasok sa kukote niya at nanood pa siya ng game? Di naman siya ganoon kahayok sa guwapo. Wala nga siyang tiniliang artista. Sapat na sa kanya na manood ng pelikula at TV o kaya ay makinig ng mga balita sa showbiz. Kung kailan pa siya nagkaedad ay saka pa siya magkakaganito. "Hindi naman nila malalaman na ikaw iyan. Maganda ang pagkaka-make up ko sa iyo. Hindi ka nila makikilala," sabi ni Foxx at nilingon siya. "Talaga?" aniya at tiningala ito. "Saka ano naman kung makita ka sa TV? Tapos na ang oras ng trabaho. Paminsan-minsan kailangan mo rin mag-relax." Hindi niya alam kung paano siya magre-relax doon. Parang minamartilyo pa nga ang ulo niya dahil sa tindi ng ingay. Maya maya pa ay dumagundong ang buong stadium sa pagdating ng mga players para mag-warm up sa field. Tumutok agad ang mata niya sa matangkad na manlalaro na may mahabang brown na buhok. Mula sa kinauupuan niya ay may sampung metro ang layo nito sa kanya. "Angel!" narinig niyang tilian ng mga kababaihan sa paligid niya pero di niya magawang sabayan ang mga ito. Pakiramdam niya ay tumigil ang mundo niya nang tumingin si Angel sa direksiyon niya at ngumiti. "Diyos ko, ang guwapo niya talaga. Parang nakakita ako ng aparisyon," nausal na lang niya hanggang lumagpas si Angel sa kanila at inakbayan ang isa pang manlalaro na si Misagh. "Alam ko na ngayon kung bakit binuhay ako ng Diyos. Para makita siya." Muli. Baka sakaling sa pagkakataong ito ay mapasalamatan na niya ito ng pormal. "Welcome to the club," nasisiyahang sabi ni Foxx. She was having a hard time catching up with the game. Para sa isang bagong manonood na ang naiintindihan lang ay ang goal para maka-score at kung sino ang guwapong player sa pitch o field. Nalilito pa rin siya dahil minsan ay masyadong mabilis ang mga pangyayari sa field. Mahirap yatang sabay na pag-aralan ang laro lalo na't ang mata niya at pilit na naka-focus kay Angel. And she couldn't help it. Paano ay kahanga-hanga ang galaw nito habang nasa field. Kung pwede nga lang ay ito lang ang panoorin niya. Napasigaw na naman siya nang mapunta kay Angel ang bola. "Go, Angel! Go!" Kinalabit siya ni Foxx. "Hindi siya nakakaintindi ng English." "Ganoon ba?" tanong niya. Itinaas niya ang flaglet niya. "Vamos, Angel! Vamos!" Mabilis na mabilis ang t***k ng puso niya habang nakasunod ang mata niya dito. Mistula itong anghel na mandirigma - malaki, matikas, mabilis at animo'y lumilipad at nakakadagdag pa sa kakisigan nito ang paglipad ang buhok nito. She was hooked. Parang nadurog ang puso niya nang makita itong patirin ng isang kalaban at agawan ng bola. Namilit ito sa damuhan dahil sa sakit pero di man lang tumawag ng foul ng referee. Patuloy pa rin ang laro. "Ay grabe ka naman, Ref! Kawawa naman ang amore ko." Di naman siya maingay kahit na kapag nanonood ng game. Ayaw kasi ng maingay ng tatay niya. Game lang daw iyon kaya di siya dapat nagpapadala sa emosyon. Nang mga oras na iyon ay wala siyang pakialam. Lahat naman kasi ay emosyonal sa game. Pantay ang score 1-1. It was a do-or-die match. Kailangang manalo ito para makapasok sa susunod na level ng cup. Si Angel ang pinasahan ng bola mula sa kapitan ng mga ito na Yu na gitna ng pitch. Nasa left wing ito at mahigpit ang pagbabantay dito. Para sa isang lalaking matangkad at may kalakihan ang katawan ay mabilis kumilos si Angel. Parang may pakpak ang paa nito sa bilis tumakbo. Apat na defenders ang dinaanan nito. Lahat ay sinubukan itong harangin at agawan ng bola subalit nabigo lahat. Nagawa nitong lampasan nang di man lang nawawala ang bola sa possession nito. Halos hindi siya humihinga nang tumapat ito sa goalkeeper. Akala niya ay direkta nitong sisipain ang bola sa goalkeeper. Sa halip ay sinipa nito paitaas ang bola. Tumalon ito at humiga sa ere saka sinipa ang bola nang patalikod. Mabilis ang mga pangyayari at hindi napaghandaan ng goalkeeper. Lumabas ito sa goal para salubungin ang bola subalit umiba iyon ng direksiyon at tuluy-tuloy na pumasok sa goal. Gumalaw ang net at kasunod nito ay malakas na tilian ng mga tao. "Goal!" tili niya at nagtatalon sa sobrang tuwa. Parang mababaliw siya sa sobrang saya. Nag-train dance ang mga players sa tapat nila kasama si Angel. "Te amo, Angel!" tili niya dahil hindi niya napigilan ang sobrang saya. "Te amoooo!" Parang narinig ni Angel ang sinabi niya. Ngumiti ito sa direksiyon niya at nag-flying kiss. "Eeee!" nag-flying kiss siya sa akin. "Saluhin mo," udyok naman ni Lime sa kanya. Sasaluhin? How childish. Kahit yata mga teenagers ay mako-cornyhan na sa ganoon. mas gugustuhin na lang niyang ibitin ng patiwarik kaysa gawin ang kabaduyan na iyon. Noong teenager siya ay di yata siya dumaan sa stage kung saan sasalo siya ng flying kiss mula sa lalaking gusto niya. Pero wala siyang pakialam. Sasalo siya ng flying kiss mula kay Angel. Iyon ang sagot nito sa marubdob niyang "Te amo". Akmang sasaluhin niya iyon nang isang kamay ang biglang humarang sa mukha niya. "Gotcha!" Nang sundan niya ang kamay ay tumuloy iyon sa labi ng isang matangkad na...lalaki. Sinapo nito ang pisngi na parang kinikilig. "Ang sarap talagang makatikim ng flying kiss mula sa mi amor ko." "Mi amor?" nakatigagal niyang tanong. Inilahad nito ang kamay sa direksiyon ni Angel. "Of course. Si Angel mi amor." "Hoy, Evan! Mahiya sa girlfriend mo. Sama ng tingin sa iyo ni Claude," sabi ni Carmi at inginuso ang babae sa likuran nila. Ngumisi lang si Claude habang nakahalukipkip na nakatingin kay Evan. "Hayaan mo 'yan. Si Angel talaga ang mahal niyan. Front lang ako. Masakit pero tanggap ko." Ang weird. Di niya maintindihan kung paano nangyari iyon. May girlfriend si Evan pero walang habas itong makapag-"mi amor" kay Angel. "Bakla ka?" direktang tanong niya kay Evan. "Hindi. Lalaki ako," anito at sinadya pang lakihan ang boses. "Mahal ko lang talaga si Angel pero hindi ako bading. Ang macho-macho kasi niya." "Fanboy ang tawag doon," paliwanag ni Emcel sa kanya. "May mga lalaki na sobrang fan ng mga players at fanboy ang tawag sa kanila." "Pero hindi ako bading," giit ni Evan. Natawa na lang siya. Mukhang sa lugar na iyon, lahat ay masaya lang. Walang panghuhusga. Nakaka-good vibes. Di nagtagal ay pumito na ang referee bilang hudyat na tapos na ang laro. Nagdiwang silang lahat at masayang-masaya ang mukha ng mga players lalo na si Angel. Sobrang ganda ng ngiti nito at iyon ang pinakamagandang tanawing nakita niya sa araw na iyon. Di rin nagtagal iyon dahil nagkanya-kanya nang baba ang mga audience para puntahan ang mga manlalaro sa track. "Okay lang ba na lapitan si Angel?" tanong niya kay Foxx. "Oo naman," anito at hinawakan ang braso niya para bumaba ng stadium. Pero mukhang hindi magiging madali na makalapit kay Angel. Maraming mga kababaihan na nakapaligid dito. May bata, teenagers, hanggang sa mga lola ay naroon. May isang matandang babae pa na pinunas-punasan ang mukha ni Angel ng tuwalyita. Ginagawa pang santo ang lalaki. "Ang daming tao. Sisiksik pa tayo diyan," nanlulumo niyang sabi. "Baka abutin pa tayo ng bukas." "Dapat kapalan ng mukha kung gusto mong makalapit sa kanya." Itinulak siya ni Foxx sa nagsisiksikang mga tao. "Dalian mo. Baka saraduhan tayo ng ilaw nitong stadium.” Nilakasan na lang niya ang loob at nakasingit sa mga nagkakagulong teenager. Nakaupo si Angel at nagpapahinga habang nagpapa-picture. Umupo agad siya sa tabi nito. "Ola!" bati nito at binigyan siya ng ubod gandang ngiti. "Ola! Como estas?" bati rin niya dito. "Mabuti." May accent ito pero natutuwa siya dahil nag-aaral itong mag-Filipino. Di tulad ng ibang may lahi na matagal na sa Pilipinas pero ayaw mag-aral ng Filipino. Na parang mababang klaseng lengguwahe ang Filipino. "Anong pangalan mo?" "Jaidyleen," sagot niya at ngumiti sa camera na hawak ni Foxx. "Jaidyleen?" Nag-pose ito para sa camera at matapos ang pag-flash ng camera ay muli itong lumingon sa kanya. "Maganda ka."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD