CHAPTER 3

1159 Words
“KUMUSTA NAMAN kayong dalawa?  Maayos naman ba ang relasyon ninyo?  Wala naman kayong away?” “Natural lang sa magkasintahan ang mag-away paminsan-minsan kaya pagbigyan ninyo ang isa’t isa kapag dumarating kayo sa pagkakataong iyon.  Magbigayan na lang kayo para hindi kayo nagkakasalpukan” Nilingon ni Kass ang walang imik na si Ice.  Nakayuko lang ito sa pagkain nito.  Kanina pa niya napapansin na hindi ito makatingin ng maayos sa kanilang mga ama mula nang humarap sila sa mesa nang araw na iyon sa bahay ng mga Villazanta.  Bigla kasing nagyaya ng lunch ang ama nito sa bahay nito para daw magkasama-sama naman sila gaya ng dati.  Mula kasi nang ipagkasundo sila ng kanilang mga ama ay naging regular na ang mga ganitong pagkakataon sa kanila.  Naging limitado lang iyon nang mag-umpisa na silang magtrabaho ni Ice. “Wala naman kaming problema pagdating sa bagay na iyan, mga daddies,” siya na ang sumagot.  “Magkasundong-magkasundo kami.  Lagi nga kaming masaya, eh.  Para na nga kaming tanga minsan pero okay lang iyon.  Basta masaya kami.” “That’s good,” sagot ng ama ni Ice.  “Hija, I heard na aktibo ka pa rin sa mga superbike racing.  Wala ka pa bang balak na mag-retire?” “Sa ngayon hindi pa ako nagsasawa, Tito Carlos.  Saka na lang siguro kapag…nagsawa na ako?”  Ngumisi lang siya pagkatapos.   “E, wala pa ba kayong balak na lumagay sa tahimik?” Agad nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.  Napansin naman niyang natigil sa pagsubo ng pagkain sa tabi niya si Ice. “A…wala pa sa isip namin iyan, mga daddies,” sagot niya.  “Masyado pa kaming mga bata.” “Anong bang bata ang sinasabi mo, baby?  Thirty two na si Icen.  Ikaw naman ay twenty seven na.  Ito na ang tamang pagkakataon magpakasal kayo.” Nilingon niya si Ice.  “Talaga?  Thirty two ka na?  Ang tanda mo na pala.  Halika, magpakasal na tayo.  Sayang ang genes mo kapag natuyot iyan dahil sa katandaan.” Ngiting aso lang ang ibinigay nito sa kanya bago niya naramdaman ang marahang pagsipa nito sa binti niya.  Ngumiti lang din siya at nag-peace sign saka gumanti ng sipa rito sa ilalim ng mesa. “Well?  Kailan ninyo naman balak magpakasal?” untag uli ng ama nito.  “Inip na inip na kami ni Bernardo na magka-apo.  Ilang beses na nga kaming nagpunta ng mall para bumili ng mga gamit ng magiging apo namin.” “By the way,” segunda ng kanyang ama.  “Sana lalaki ang maging anak ninyo dahil puro panlalaki na ang binili naming gamit para sa aming apo.  Carlos, siguro dapat bumili na rin tayo ng bisekleta.” “Sige.  Mamayang hapon, wala naman akong gagawin…” Nagpalipat-lipat lang sila ng tingin sa kanilang mga ama na tila mga batang nagpapalitan ng kuro-kuro sa mga balak bilhin.  Mukhang masayang-masaya ang mga ito at isa iyon sa mga pagkakataong nakikita niyang masigla ang kanyang ama.  Pareho pa yata sila ng iniisip ni Ice kaya siguro hindi ito makaimik at makatingin nang diretso sa kanilang mga ama.  Dahil alam nitong darating ang araw na bibiguin nila ang mga ito.   Sumandal siya sa kanyang kinauupuan at pasimpleng tiningnan si Ice.  Problemado ang lolo.  Napabuntunghininga na lang siya. “Ah, excuse me, daddies,” singit na niya.  “May sasabihin kami sa inyo ni Ice—“  Nilingon siya ni Ice.  “Ako lang pala.  May sasabihin lang ako sandali.” “Kassandra—“ Idinikit niya ang mukha niya sa balikat nito saka bumulong.  “Akong bahala.  Don’t worry, be happy.”  Muli niyang binalingan ang kanilang mga ama.  “Aherm!  Ah…e…”  Nang makita niya ang masayang mukha ng kanyang ama ay tila sinipa siya ng kanyang kunsensiya kaya bigla niyang hinila sa braso si Ice.  “May sasabihin pala si Icen sa inyo.” “What?!” “Kaya mo na iyan.  Bibigyan na lang kita ng moral support.” Kulang na lang ay sakalin siya ng binata nang mga oras na iyon sa sobrang panggigigil nito sa kanya.  E anong magagawa niya?  Hindi niya kayang saktan ang damdamin ng kanyang ama.  Kahit naman balahura siya minsan, kahit kailan ay hindi niya binigyan ng sakit ng ulo ng tatay niya.  Kaya nga si Ice ang lagi niyang tinatakbuhan kapag nagkakaproblema siya ng malaki.  At ang durugin ang pangarap nitong magkapamilya siya at magka-apo na matagal na nitong pinagplanuhan, hinding-hindi niya iyon magagawa.  She loves her father more than anything else.  Yes, even more than she loves her superbike. Mukhang ganon din ang damdamin ni Ice para naman sa ama nito.  Ngunit ang hindi niya inaasahan ay nang akbayan siya nito at idikit ang mga labi nito malapit sa kanyang tenga.  Gumapang ang kakaibang kilabot na iyon sa buo niyagn sistema kaya hindi na siya nakapag-react pa. “You’ll gonna pay for this, big time,” bulong nito saka binalingan ang kanilang mga ama.  “Nitong mga nakaraang taon, hindi na kami gaanong nagkakasama ni Kass.  Dahil nga masyado na akong naging abala sa negosyo at siya naman ay sa propesyon niya bilang superbike racer.  Kaya hindi pa kami makakapagbigay ngayon ng solidong sagot tungkol sa kasal.” Sabay na gumuhit ang pag-aalala sa mukha ng kanilang mga ama.  Kaya mabilis na bumawi ang binata nang hindi pa rin siya pinakakawalan. “Balak naming magbakasyon ng dalawang linggo sa Stallion Riding Club.  May bahay ako roon.  Doon namin pag-uusapan ang lahat ng dapat naming pag-usapan.  Like the wedding.  Doon din namin kikilalanin uli nang husto ang isa’t isa.  And who knows?  Baka doon na rin namin mapag-usapan nang mabuti ang tungkol sa kasal namin.” Tila nakuntento naman sa narinig ang kanilang mga ama.  Siya ang hindi makuntento habang patuloy na nararamdaman ang init na hatid ng katawan ni Ice sa pagkakadaiti nito sa kanya.  They never did get a chance to be this intimate before.  Kaya nga nagulat talaga siya nang husto ngayon na halos hindi na siya makakilos o makapag-isip ng diretso. “Okay,” mayamaya’y wika ng kanyang ama.  “Pumunta kayo kung saan ninyo gustong pumunta para pag-usapan ang dapat ninyong pag-usapan.  Habang kami rito ni Carlos, ay maghahanap ng pinakamagaling na wedding coordinator.” “Tamag-tama.  May listahan na ako ng mga wedding coordinators…” Nagpatuloy sa diskusyon ang kanilang mga ama habang siya ay naramdaman na ang unti-unting pagluwag ng braso ni Ice na nakaakbay sa kanya.  Mabilis na siyang kumilos palayo rito saka ito nagtatakang tiningnan.  Tatanungin sana niya ito kung bakit siya nito inakbayan kahit na nga hindi na nito iyon kailangang gawin kung magpapaliwanag lang naman ito.  Ngunit ibinalik na uli nito ang atensyon sa pagkain nito.  Kaya hinayaan na lang din niya ito.  Marami pang pagkakataon na puwede niya itong tanungin tungkol doon kapag nasa Stallion Riding Club na sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD