Jahzara: Araw-araw walang pinagbago ang routine ko simula nang tumira ako sa unit ni Sir Najee kaya nang makatapak ulit ako ng Mansion ng mga Yang daig ko pa ang nakawala sa hawla. Napawi ang kasabikan ko nang bumungad agad sa akin ang Ama ni Sir Najee. Ako lang mag-isa ang nandito sa sala nang dumating si Sir David Yang. Kabado akong tumayo. “Good morning po, Sir.” Magalang na bati ko sa kanya matapos yumuko. Wala siyang naging reaksyon. Istrikto siya at kahit kailan hindi 'yon magbabago. Kanya ang tronong kina-uupuan ngayon. Naka-dekwatro ang mga paa niya habang nakapatong sa isang armrest ang isa niyang kamay na may hawak na tabaco. Amoy na amoy ko ang usok ng tabaco. Nasa magkabilang tabi niya ang dalawa niyang taohan kaya kung sakali na gagawa ako ng masama, wala akong ligtas.

