CHAPTER 3.
#MissingJustin
Last day na ngayon ng event kaya naman ay maaga kami dito sa school. Hinihintay na lang namin si Glenn na dumating at pupunta na kami kaagad sa classoom. Si Maddie ay tahimik pa rin na nagbabasa ng libro pero parang iba ang mood niya ngayon. Parang galit ito, emosyon na palagi ko namang nakikita sa mukha niya halos araw-araw pa ito.
Si Cherry Lou naman ay tahimik lang na nakaupo sa tabi ko habang iniinom ang chocolate drink na binili niya sa vendo na tig-limang piso. Si Harvey ay nakaupo sa harap namin at nagbabasa ng aming mga activity.
“Hay salamat, nandito na rin siya sa wakas,” walang emosyong wika ni Maddie.
“Bakit kaya na-late ito?” tanong ni Cherry.
“Siguro ay nakipagkita pa iyan sa girlfriend niya,” lutang at walang prenong sambit ko.
Sabay-sabay nila akong tiningnan.
“Ang first activity natin ay ang linisin ang buong room ng section A,” ani Harvey.
“Ano? Bakit sa atin napunta ang activity na iyan?” inis na tanong dito ni Maddie.
Ang lahat ay halos nagkibit-balikat lang.
“Tara na, baka makita pa tayo dito ni Ma'am Moreen,” pag-aaya ni Cherry na humakbang na.
Oo nga, noh?
Bakit sa amin napunta ang section A?
Dapat nga ay wala sa activity namin ito. At porke’t section A sila ay kaya na nila kumuha ng ibang section para lang maglinis ng classroom nila. Ang unfair naman ng guro na gumawa ng aming activity. Pabor sa kanila.
“Bakit may ganito silang activity?” wala sa sariling tanong ko. “Dapat walang ganito.”
Tiningnan lang nila ako gamit ang mapanuri nilang mga mata, kapagdaka ay tinawanan na.
“Huwag na tayong magreklamo, gawin na lang natin ang activity nang matapos na kaagad,” natatawang sambit ni Glenn.
Pagpasok namin sa silid ay nagkakagulo sa loob nito, hindi namin iyon maintindihan dahil halos ang lahat ay nagtatalo at nagsasagutan. Bigla silang natahimik nang pumasok kaming lima sa kwarto at binalingan na nila kami.
“Lilinisin namin ang inyong silid-aralan,” may pag-aatubiling sambit ko sa kanila.
Walang imik silang naglabasan, naiwan ang mga gamit nila na nasa upuan. Natigilan ako nang may isa pang estudyanteng nakaupo, nagpaiwan at nakikinig lang. Mas lalo kaming natigilan nang dumating na ang kanilang adviser na alalang-alala, lahat sila ay may sinasabi dito at nagsusumbong ng nangyari.
“Ma'am, hindi pa po umuuwi sina Justine simula pa kahapon,” narinig naming sumbong ng isa sa mga estudyanteng kinakabahan na.
“Paanong hindi pa umuuwi?” tanong ng guro na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila.
“Hindi raw po umuwi kagabi hanggang ngayon, hinahanap na po sila ng parents nila.”
Agad na bumalatay sa mukha nito ang takot.
“Mayroon bang may alam sa inyo dito kung saan sila pumunta kahapon?”
“Ma'am narinig ko po kahapon ang sabi ng isang kasama ni Justine, pupunta raw sila ng basement dito sa paaralan,” singit naman ng isa.
Unti-unti ay lumayo ang mga tinig nila sa silid-aralan. Saglit kaming nagkatinginan ng aking mga kasama na nagsimula ng maging abala sa aming gagawing paglilinis. May kumuha ng walis, dustpan at basahan.
“Ano kaya ang nangyari doon?” tanong ko habang pinupunasan ng basahan ang kanilang maalikabok na pisara. “Paano sila nawala?”
Nagsimulang umiyak ang girlfriend ni Justine nang pumasok ito sa silid-aralan ay kunin ang kanyang mga gamit sa upuan. Puno ng labis na kuryusidad ang aming mga matang nakatunghay dito. Naisin man naming magtanong ay hindi na namin ito isinatinig pa. Hanggang hindi ko namalayan na ako nalang mag-isa ang naiwan sa room na naglilinis at ang mga kasama ko ay nasa labas na nito.
“May pangalan si Justine sa board kahapon.” wika ng estudyanteng naiwan sa silid na iyon nang tumayo na ito at bumaling sa akin, “Do you remember what I said to you yesterday? Tanggalin mo ang pangalan mo doon dahil ang lahat ng mga naglagay ng pangalan doon ay isa-isang mamamatay.” Nanayo ang balahibo ko sa sinabi ng lalake.
“Anong pinagsasabi mo diyan?” kinakabahan kong tanong sa kanya, “Sino ka ba? Paano mo nasasabi ang mga bagay na iyan sa akin?”
”Lexus,” maikli niyang sagot.
Hinarap ko siya, interesado na sa kwento niya.
“So, alam mo ang nangyayaring kababalaghan sa school na ito?” tanong ko sa kanya na hinarap na, tiningnan niya muna kung may nakakarinig ba sa pinag-uusapan namin.
”Oo, at kapag binalaan kita pakinggan mo.” kumbinsi niya pa sa akin, “Gawin mo, Irene,” banggit nito sa akin bago tuluyang umalis.
Hindi ko siya maintindihan, naguguluhan pa rin ako sa kanyang nais na ipahiwatig at iparating. Nagkibit-balikat ako, nagpatuloy sa ginagawa.
Ilang oras pa ang matulong lumipas at ang buong campus namin ay binulabog ng nakakagimbal na balita. Ayon sa kanila ay may natagpuang katawan sa basement. Kanya-kanyang takbuhan ang mga estudyante na patungo sa iisang direksyon ng paaralan.
“Hala, may katawan ba talagang nakita?” tanong pa ng ilan sa isa't-isa.
“Oo, meron daw.”
“Nakakatakot naman iyon, duguan daw ba?”
“Hindi ko lang alam.”
“Takot ako sa dugo pero curious naman ako.”
Tiningnan ko ang aking mga kasama na malaki rin ang mga hakbang upang makiusyuso dito.
“Sa tingin mo Maddie, tunay iyon?” ilang saglit pa ay tanong ko dito, walang gatol na tumango ito sa aking naging katanungan. “Talaga?”
Hindi niya na ako sinagot pa hanggang sa makarating kami sa lugar na pinapaligiran na ng maraming mga estudyanteng nakikibalita at nais ditong makakita. Nakasindi ang flashlight ng kanilang hawak na cellphone. Pilit akong nakipagsiksikan doon, hindi alintana ang pangamba sa aking makikita nang dahil lang sa kagustuhang malaman kung tunay ba itong nakarating na balita sa amin. Nakakakilabot ang buong paligid, bukod sa nilalamon ng dilim ay may kakaiba rin iyong hatid na lalong nagpamisteryoso sa buong paligid.
“Si Justine nga iyan!” malakas na sigaw ng kanyang adviser at agad silang nagtakbuhan.
Nagpulasan ang mga estudyante palabas ng basement at isa na ako doon. Marami ang nagsasabi na duguan ito at wala ng buhay. Sa parte ko ay hindi ko naman iyon nasilayan.
“Hala, nakakatakot dilat pa ang kanyang mata!” bulalas ng isang estudyante na nagtakip ng bibig, “Grabe, walang konsensya ang gumawa!”
“Tumabi kayo, wala nang lalapit pa!” sigaw ng guwardiya na humalay sa kabuuan ng lugar.
Ang ilan sa mga estudyante ay nakinig ang iba naman ay nanatiling ilang dipa ang layo dito. Isa na ako sa nanatili at nakatanaw lang sa lugar. Nagkakagulo ang mga guro at maging ang principal ng school ay nandoon na. Abala sila sa pagtawag sa kung kanino. Siguro ay sa mga pulis upang i-report ang pangyayari. Hindi sinasadya pag-ikot ko ay may nasipa ako, pagtanglaw ko ng flashlight dito ng cellphone ay nakita kong cellphone iyon ni Cleo. Isa sa mga kasama ni Justine nang magtungo dito.
Hindi ako makagalaw doon, nanatiling nasa cellphone lang nito ang aking mga mata na nasa aking paahan. Gusto ko iyong kunin ngunit hindi ako makapagdesisyon kung dadamputin ko ba ito o pababayaan nalang. Ayaw kong madamay sa gulong ito, kapag dinampot ko ito at hinanap ng mga pulis tiyak na makikita nila ang fingerprints ko rito.
“Sinabi ko na sa inyong wala ng lalapit!” sigaw muli ng guard na nagsasalita na sa radyo niya.
Ilang saglit pa ay humahangos na dumating na ang ilan pang mga guard na kasamahan niya. Hinarangan nila ang palibot ng crime scene, napakurap-kurap ako at halos hindi makaimik.
“Kuya--”
“Halika ka!” hila sa akin ni Maddie na siyang naging dahilan para matigilan ako. “Huwag ka ng makialam pa sa mga imbestigasyon nila.”
Tiningnan kong muli ang cellphone ni Cleo, na sinundan kaagad ng tingin ni Maddie. Hindi pa ako nakakapagsalita nang magsalita na ito.
“Manong guard, nandito po ang cellphone ng isa sa mga biktima!” sigaw niya na ikinalaki ng aking mga mata. “Manong guard!”
At bago pa ako muling makapagsalita ay lumapit na sa amin ang isa sa mga guwardya.
“Nasaan?” kapagdaka ay tanong nito.
Bago pa ako muling makagalaw ay naitulak na ako ni Maddie palayo sa cellphone, dinampot ng guard ang cellphone gamit ang plastic na iniabot sa kanya ng isa pang guard at isinilid na iyon sa loob. Ilang minuto pa ang lumipas at dumating na ang mga pulis na pilit kaming pinapaalis sa pinangyarihan mismo ng krimen.
“Bumalik kayo sa mga ginagawa niyo!” litanya ng isa sa kanila. “Hindi kayo pwedeng nandito.”
Ang sa mga estudyante ay sumunod, ang ilan naman kabilang ako ay nanatili lang dito.
“Irene...” muling untag sa akin ni Maddie.
“Mauna na kayo, susunod nalang ako Maddie.” wala sa sariling saad ko na nakatingin pa rin sa loob ng basement. “Titingnan ko lang.”
Hindi nila ako pinansin, nanatili pa rin sila sa tabi ko kahit na nais na nilang umalis doon.
Ilang minuto pa ang lumipas at inilabas na nila doon ang tatlong estudyante na nakabalot na sa puting tela. Bakas ang maraming dugo. Halos maglupasay sa lupa ang kasintahan ni Justine, habang malakas na humahagulgol ng iyak. Mababanaag sa kanyang mata ang sakit.
“Love, bakit nangyari ito sa'yo?!” paulit-ulit niyang sigaw, “Hindi ito totoo! Panaginip lang ang bagay na ito! Justine!” patuloy nito.
Bakas sa mga nakakita ang labis ditong awa, ganundin sa aking mga mata. Kahapon lang ay buhay na buhay pa silang tatlo, pero ngayon ay isang malamig na bangkay na. Napuno pa ng masakit na iyakan ang buong lugar nang humahangos na dumating ang kanilang mga magulang na hindi makapaniwala sa nangyari.
“Sino ang may gawa nito sa anak ko?!” histerikal na sigaw ng mga ginang. “Sino?!”
Binuhat na upang isakay sa sasakyan ang kanilang mga katawan at dalhin sa morgue para i-autopsy, nang sa gano’n ay malaman nila ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito. Ang ilan sa mga naiwang estudyante ay umalis na rin sa lugar, baon ang takot at pangamba sa nangyaring ito sa paaralan. Hindi lang isa ang namatay bagkus ay tatlo silang naging biktima.
“May pumatay sa kanila,” wala sa sariling sambit ko nang makitang lumabas ang isa sa mga pulis bitbit ang ilan sa mga ebedinsiyang nakalap nila, “Tingnan n’yo iyong dala niya.”
Itinuro ko sa kanila ang ilang plastic na bitbit ng pulis. Nakalagay doon ang maikling kahoy na nababalot pa ng dugo, posibleng ipinalo iyo sa kanilang ulo na naging dahilan para bawian sila ng buhay. Nangunot ang noo ko nang makita ang lamukos na mga papel na ginamit namin kahapon sa board ng booth. Kaagad akong kinilabutan, bakas rin ang dugo doon.
“You're interested in this case?”
Agad akong napalingon sa aking likuran nang magsalita si Lexus mula dito.
Umiling lang ako, ayaw pa rin madamay dito.
“Mukhang may pumatay sa kanila," wala sa sariling sambit ko.
“Sino sa tingin mo?” kunot-noo niyang tanong sabay sandal sa gilid ng pader.
“Sila-sila rin,” sagot ko at akmang aalis na. “Hindi ko rin alam, alam mo ba kung sino?”
Ngumiti lang ito at umiling.
“Hindi ko pa rin alam,” tugon niya sa akin.
Maaring sila rin ang nagpatayan at malakas ang kutob ko na nasa cellphone ni Cleo ang kasagutan kung bakit. Lumabas na ako sa basement kasunod ang mga kaibigang nawalan panandalian ng boses. Nagkalat pa rin ang mga estudyante doon na kanya-kanya nang hinuha at hindi pa rin makapaniwala.
“Ang sabi nila noon ay may sumpa raw ang basement na iyon, at kapag pumasok ka sa loob ay hindi ka na makakalabas pa dito nang buhay," mahinahong wika ni Cherry Lou.
Sinamahan niya akong maglakad, at sina Maddie naman at Glenn ay tumungo na sa canteen at kasama nila doon si Harvey.
“At naniniwala ka ba doon sa sumpang iyon, Cherry?” tanong ko sa kanya.
“Ewan, hindi ko pa naranasan iyan at ayaw kong maranasan iyon,” sagot niya sa akin. "May nakausap ako noon, nakapasok siya sa basement at nakalabas din naman ng buhay."
Tumigil ako sa paghakbang at nilingon siya.
“Ang sabi mo kapag nakapasok na ay hindi na makakalabas pa nang buhay?”
“Oo nga, kaso may kaso na nakalabas naman siya. Ayon pa sa kanya ang basement ay kusang magsasara at hindi na kayo makakalabas pa dito, nakakakilabot, ‘di ba?” Niyakap pa nito ang kanyang sarili. “Tatanungin daw kayo kung ano ang mga sikreto n’yo sa isa't-isa ang sinuman na magsasabi ng totoo ay makakalabas nang buhay at ang nagsisinungaling ay ang siyang mamamatay.”
“Sino ang pumapatay?" interesado kong tanong.
“Siyempre, ang sumpa.”
“Ano? Malamang ay tao iyon at hindi naman sila siguro mamamatay kung walang papatay sa kanila?” buhol ang kilay na tanong ko pa.
“Ewan ko nga, hindi ko rin maintindihan,” tawa nito na nailing. “Basta may sumpa itong paaralan kaya mag-ingat ka sa kinikilos mo.”
Biglang naalala ko ang sinabi ni Lexus sa akin. Na kunin ko raw ang pangalan ko sa board. Dahil lahat daw ng naglagay doon ng sulat ay mamamatay. At bakit naman sila mamamatay?
Nagkibit na lang ako ng aking balikat, bago tuluyang nagpatuloy sa aming paglalakad. Naniniwala pa rin ako na may salarin sa kasong iyon at iyon ang pumapatay sa kanila.