1st Lie

4153 Words
IPINAIKOT lang ni Riri ang mga mata habang pinapakinggan ang mga "pagmamaktol" ng kaibigan niyang si Thunder na kausap niya sa phone. Kasalukuyan siyang nasa backseat ng kotse habang pinagmamaneho siya ng driver-s***h-bodyguard niyang si Kuya M. "Alam kong ganito ang magiging reaksyon mo kapag nalaman mo ang tungkol sa paglipat ko ng place at school kaya hindi ko agad sinabi sa'yo," sansala ni Riri sa mga panunumbat ni Thunder. "And don't overreact nga. Ilang oras lang naman ang layo ng Bulacan sa Maynila by car. Puwede pa rin tayong magkita tuwing weekends." "I know. But that won't be the same as you being here with me everyday." Bumuntong-hininga si Riri. "Grow up, Thunder. Masyadong malaki ang mundo para paikutin mo lang sa'kin." Nagkatinginan sila ni Kuya M sa rearview mirror. Sinenyasan siya nito na malapit na sila sa school. "I'll talk to you later, T. Bye."Pinutol na niya ang linya bago pa makapagreklamo na naman si Thunder.Tinaasan niya ng kilay si Kuya M na bigla na lang natawa. "What's funny, Kuya M?" "Si Sir Thunder," natatawa pa ring sagot nito. "Masyadong clingy. Mahirap maging boyfriend ang gano'n. Ayoko siya para sa'yo kaya huwag mong sasagutin 'yon." "Kahit hindi ko naman sagutin si Thunder, I think siya pa rin ang makakatuluyan ko because that's what my family wants to happen," katwiran naman ni Riri. "Pero saka ko na poproblemahin kung pa'no i-te-tame ang pagiging clingy niya. Madali na lang 'yon." Nakakausap ni Riri ng gano'n si Kuya M dahil bukod sa pagiging driver at bodyguard niya, kapatid din ito ng brother-in-law niya. Isa lang ang "bantay" niya dahil ito lang nakasundo niya, saka safe siya rito. Sa kasalukuyan, apat na taon na ito sa tungkulin nito. Isa pa, hindi pa ito gano'n katanda. Nasa early thirties pa lang ito, halos sing edad lang ng mga ate niya. Higit sa lahat, magaang ang pakiramdam niya kay Kuya M dahil mabait itong tao at sigurado siyang totoo ang pinapakita nito sa pamilya niya. Oo, nagsisinungaling ito paminsan-minsan pero ginagawa lang nito 'yon para sa kabutihan ng ibang tao. So far, wala pa naman itong major lie na sinasabi sa kanya. "Basta malakas ang kutob ko na hindi kayo magkakatuluyan ni Sir Thunder. Pakiramdam ko, may magandang mangyayari sa'yo sa lilipatan mong school," nakangising sabi pa rin ni Kuya M. "Alam mo namang madalas nagkakatotoo ang mga sinasabi ko, 'di ba?" Ikiniling ni Riri ang ulo sa kanan habang pinapakiramdaman si Kuya M. Wala siyang kakaibang naramdaman kaya alam niyang nagsasabi ito ng totoo. "Well, let's just see." Pagdating nila Riri sa school, hindi agad sila pinapasok ng guwardiya. Pinakita niya muna ang mga papeles ng pag-transfer niya bago sila nakapasok. Matapos mag-park ni Kuya M, sinabihan niya itong maghintay na lang sa kotse dahil ayaw niyang humakot ng atensiyon ang matangkad at malaking lalaki. Siya na lang mag-isa ang pumasok sa main building. Mabuti na lang at na-i-text na ng Ate Rita niya kung saang room at floor siya maghahanap kaya hindi na siya nahirapan. Pinigilan siya ng isang teacher sa pagpasok, pero nang sabihin niya ang pangalan niya, natahimik ito at hinayaan siyang tumuloy sa opisina. Natigilan ang lahat sa pagdating niya. Napailing naman si Riri nang makita ang pamangkin niyang si Ryder sa harap ng principal. Kasama nito ang isa pang estudyante na mukhang basagulero. Halata naman dahil sa lungkot nitong uniporme at buhok na parang hindi nadaanan ng suklay. Napatayo si Ryder, halatang nagulat nang makita siya. "Auntie Riri!" "Auntie?" naguguluhang tanong naman ng principal na mukhang nasa late fifties na nito dahil puti na ang lahat ng buhok nito. Gayunman, para sa isang matanda, maganda pa rin ang pangangatawan nito. "What do you mean by that, Mr. Tolentino?" Namula ang mukha ni Ryder. "Uhm, sir. Siya po ang bunsong kapatid ng mama ko. She's Riri Herrera." "Herrera?" tila gulat na pag-uulit naman ng principal. "You mean... the youngest daughter of Sena–" Huminto rin agad ang matanda at tinapik ang bibig. Mabuti na lang at mukhang naalala nitong may ibang tao silang kasama sa opisina. Tumayo ito at inilahad ang kamay sa kanya. "Good day, Miss Herrera. I'm Santino dela Cruz, the principal of Gregorio del Pilar National High School." Tinanggap ni Riri ang pakikipagkamay nito.Alam ng principal na apo ng senador si Ryder. Pero siyempre, bukod dito, ay ang mga faculty teacher lang ang nakakaalam niyon para na rin sa safety ng pamangkin niya. "Riri Herrera. I'm pleased to finally meet you, sir." "The honor is mine," sabi ng matanda matapos ng handshake nila. "Malaki ang pasasalamat ng eskuwelahan namin dahil sa gymnasium na ipinapatayo ng pamilya niyo ngayon para sa mga mag-aaral namin. Isang malaking karangalan ang makilala ka ng personal. May maipaglilingkod ba ko sa'yo ngayon, Miss Herrera? Sa pagkakaalam ko, sa isang linggo pa ang pagdating mo. Huwag mo sanang masamain. Pero bakit napaaga yata ang pagpunta mo rito?" Sinulyapan ni Riri si Ryder na biglang napayuko bago niya binalingan ang principal ang sinagot ang tanong nito. "Narinig ko mula sa Ate Rita ko na ipinatatawag niyo si Ryder dahil may kodigo siya during their exam. I came here in place of my older sister because she can't make it today." "Gano'n ba." Iminuwestra ng principal ang bakanteng silya sa tabi ni Ryder. "Maupo ka muna, Miss Herrera. Seryoso ang offense na nagawa ng pamangkin mo." Umupo naman si Riri. Pagkatapos, nakinig siya sa sinabi ng principal. During the exam daw, nahulian sina Ryder at ang kaklase nitong nagngangalang 'Disc' na nagpapalitan ng kodigo. Narinig na rin niya ang nangyaring 'yon mula kay Ate Rita, kaya nga siya na mismo ang nagpunta ro'n para alamin ang katotohanan. Ang totoo niyan, ang Ate Rita sana niya ang haharap sa principal pero alam niyang siya ang mas makakatulong sa pamangkin niya. Kaya nakipagpalit siya ng "duty" sa kapatid niya. Ito ang sumama sa mommy nila sa ospital, at siya naman ang nagpunta sa school para linisin ang pangalan ni Ryder. After all, she could easily tell when a person was lying. Nilingon ni Riri si Ryder. "Is that true, Ryder? Did you cheat during your exam?" Hindi sumagot si Ryder. Ah, mukhang inuutakan siya ng pamangkin niya. Alam nito ang tungkol sa "weakness" ngabilidad niya. Hindi 'yon gumagana kapag hindi sumasagot o nagsasalita ang kausap niya. Iniba na lang ni Riri ang taktika niya. Binalingan niya ang lalaking mukhang bored na bored sa buhay. Kung tama ang pagkakatanda niya, 'Disc' ang pangalan nito. "Excuse me?" Binigyan siya ni Disc ng bagot na tingin habang ngumunguya ito ng chewing gum. "O?" Binatukan ng principal si Disc ng nakarolyong diyaryo. "Umayos ka nga, Madrigal! Kinakausap ka ni Miss Herrera!" Umungol lang sa reklamo si Disc, saka tinapunan ng masamang tingin si Riri. "Ano ba 'yon?" "Inutusan mo ba si Ryder na gawan ka ng kodigo?" deretsa at kalmadong tanong ni Riri. "Matalino at masipag mag-aral ang pamangkin ko. Imposibleng gumawa siya ng kodigo para lang makapasa." "Pinagbibintangan mo ba ko?" iritadong tanong ni Disc. "Hoy, Miss. Wala akong pakialam kung nag-donate ng gym ang pamilya mo dito. Saka kung magsalita ka, parang mas matanda ka eh magkasing edad lang naman yata tayo. Akala mo kung sino ka." "Madrigal!" saway ng principal dito. "Totoo naman, ha," giit naman ni Disc. "At kinakampihan niyo lang ang babaeng 'yan dahil rich kid." Sinulyapan ni Riri ang wristwatch niya, bago muling binalingan si Disc. "Inutusan mo ba si Ryder na gawan ka ng kodigo?" Nagtagis ang mga bagang ni Disc at mas tumalim ang tingin sa kanya. "Hindi." Napaderetso ng upo si Riri nang makaramdam siya ng munting boltahe na dumaloy mula sa mga daliri niya sa kamay paakyat sa buo niyang katawan. Nagsisinungaling ang taong ito. "Kung gano'n, ano 'yong mga nabasa kong private message mo kay Ryder na inuutusan siyang gumawa ng kodigo?" Biglang namutla ang lalaki. Binalingan nito si Ryder na halatang nagulat din. "Wala akong alam sa sinasabi mo." Alam ni Riri na mangyayari 'yon kaya napaghandaan na niya 'yon. Kinuha niya ang phone niya at pinakita sa principal ang screen shot ng group chat kung saan kabilang si Ryder. "Sir, kung makikita niyo, pinagkaisahan si Ryder ng mga kaklase niya para gumawa ng kodigo na 'yon. That's bullying." Alam niyang mali, pero pina-hack ni Riri ang social media account ni Ryder sa isang IT expert at tingnan niya ang private messages ng binata. Do'n niya nakita ang group chat nito na may pangalang "Mga Utos ni Lord Stranger." Kaduda-duda 'yon kaya binasa niya kahit alam niyang invasion of privacy ang ginagawa niya. Sa group chat na 'yon, apat ang miyembro kasama na si Ryder. May dalawa pang kasama ro'n na hindi na niya matandaan ang mga pangalan. Kitang-kita naman sa mga conversation na ginagawang taga-gawa ng mga assignment o project si Ryder. Pati kodigo, pinilit na ipagawa sa pamangkin niya. Ewan ba niya rito kay Ryder kung bakit nagpapauto ito sa mga "kaibigan" nito. "Puwede kong ireklamo ang eskuwelahan na 'to sa ginawa niyo sa pamangkin ko," malamig na sabi ni Riri. Halatang nag-panic ang principal. "Miss Herrera, hindi naman kailangang umabot pa sa gano'n ang kasong ito. Puwede bang pag-usapan na lang natin 'to?" Tumango si Riri. "Madali naman akong kausap, sir. Ang gusto ko lang, malinis ang pangalan ni Ryder at maparusahan ang mga dapat maparusahan." "Walang problema," mabilis na sagot ng principal, saka binigyan ng masamang tingin si Disc. "Mapaparusahan ang mga dapat maparusahan." "Thank you, sir," magalang na sabi ni Riri, saka siya tumayo. "I'm sorry, but can we go now? May importante pa sana kaming pupuntahan ni Ryder." Pumayag naman agad ang principal at hinatid pa silang mag-tita hanggang sa labas ng opisina nito. Mabilis ang lakad ni Riri sa pasilyo habang kasunod niya si Ryder. "Hindi ko masyadong gusto ang principal niyo, Ryder. Ang dali niyang sindakin. I acted high and mighty to see if he's going to stand up against me. Pero kahit na kasing edad mo lang ako, he still treated me like a VIP just because Dad donates huge amount of money in this school. Hindi dapat siya gano'n. Dapat pinagalitan niya ko no'ng unang beses pa lang na umarte ako na parang mas mataas sa kanya." "It's because you're scary, Auntie," katwiran naman ni Ryder. "Kahit na one year lang ang tanda mo sa'kin, ka-aura mo na si Tita Ria so you look really intimidating." Bahagyang tumaas ang sulok ng mga labi ni Riri. Si "Tita Ria" na tinutukoy ni Ryder ay ang Ate Ria niya, ang gitna sa kanilang magkakapatid. Si Ate Rita na mommy ng pamangkin niya ang panganay. At oo, siya naman ang bunso. Nasa early forties na si Ate Rita at nasa late thirties naman si Ate Ria. Samantalang siya naman ay seventeen years old pa lang. Gano'n kalaki ang age gap ng mga ate niya sa kanya. Hindi rin inaasahan ng mommy at daddy niya na lalabas pa siya. Ang totoo niyan, mas matanda pa sa kanya ang Ate Rara ni Ryder na twenty years old na at sa America nag-aaral. Hindi siya tinatawag na "Tita" ni Rara, at hindi rin niya ito tinatawag na "Ate" dahil para lang silang magkabarkada ng pamangkin niyang 'yon. Private joke lang naman niya at ni Ryder ang pagtawag nito sa kanya ng "Auntie Riri." Pang-asar lang nito sa kanya 'yon no'ng mga bata pa sila dahil ayaw niyang tinatawag siya nito ng gano'n, hanggang sa nakasanayan na nila. "Bakit ka lumipat dito sa school ko, Auntie?" mayamaya ay tanong ni Ryder. "Ako na ba ang planong i-manipulate ni Lolo pagkatapos niyang ipadala si Ate Rara sa Amerika?" "Dad just wants the best for all of us, Ryder," katwiran naman ni Riri. "Sa nakikita ko, hindi nga bagay ang isang Herrera na tulad mo sa ganitong klase ng school." "After all those years na pinabayaan ni Lolo si Mama na nakipagtanan sa Papa ko, ngayon lang siya nagpakita ng concern," paghihinanakit ni Ryder. "Bakit ngayon pa?" Bumuntong-hininga si Riri habang iiling-iling. "Ryder, nagsisisi na si Daddy sa ginawa niyang pagtatakwil kay Ate Rita no'ng pinili niyang sumama sa papa mo noon. Pero alam mo naman si Dad, medyo hindi showy sa feelings niya. Bumabawi siya sa mama mo sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang future sa inyo ni Rara." "Simple lang ang pamumuhay ng pamilya namin pero masaya kami," katwiran ni Ryder. "Kung si Ate eh nasilaw ng Amerika, ako hindi. Alam ko kung bakit ka nandito, Auntie Riri. You want me to transfer to an elite school for senior high next year." Nakagat ni Riri ang ibabang labi. Nasa Grade 10 pa lang si Ryder at gaya ng sinabi nito, mag-se-senior high na ito sa susunod na school year. Hindi masaya ang daddy niya na sa isang public school nag-aaral ang apo nito. Siya naman ay isang taong huminto sa high school dahil sa isang "phase" ng buhay niya. Dapat ay nasa Grade 11 na siya ngayong taon. Pero kahit makapangyarihan ang pamilya niya, hindi niya puwedeng dayain ang school records niya dahil makakasira iyon sa daddy niya na isang senador. Kaya ngayon, balik Grade 10 siya. Sa pagababalik niya sa pag-aaral, nagdesisyon siyang lumipat sa school ni Ryder dahil magka-year level naman sila. Saka inutos ng daddy niya na bantayan ang pamangkin niya. Gaya ng sinabi ng binata, gusto rin ng ama niya na lumipat si Ryder sa isang elite school kapag nag-senior high na ito. "Gusto rin ni Lolo na sa Amerika ako mag-college, 'di ba?" pagpapatuloy ni Ryder. "Gaya ng ginawa niya kay Ate Rara." Totoo iyon. Gusto ng daddy ni Riri na sa New York sila mag=college ng pamangkin niya. "Ryder–" "Masaya ako dito, Auntie," sansala ni Ryder sa sinasabi niya. Napahinto si Riri sa paglalakad. Wala siyang naramdamang kuryente kaya alam niyang hindi nagsisinungaling si Ryder. Mukhang masaya nga ang pamangkin niya sa lugar na 'yon. Tumango-tango siya. "That's exactly the reason I'm here." Kumunot ang noo ni Ryder. "Ate, hindi mo ba naiintindiha–" "I want to protect your happiness, Ryder," sansala ni Riri sa sinasabi nito. "Kapag nakita kong totoong masaya ka na dito sa lugar na 'to, iko-convince ko si Daddy na huwag ka nang ilipat ng school next year, oipadala sa New York for college. Alam kong magkaiba kayo ni Rara. Pangarap niyang makapag-aral abroad. Hindi 'yon para sa'yo. At sisiguraduhin kong hindi pakikialamanan ni Daddy ang happiness mo." Umaliwalas ang mukha ni Ryder, pagkatapos ay niyakap siya nito. "Thank you, Auntie Riri! You're the best aunt in the world!" *** "BUTI PUMAYAG si Daddy na mag-transfer ka sa isang private school sa probinsiya?" "As long as I help Ate Ria in our family business, hindi pakikialamanan ni Dad ang decisions ko pagdating sa studies ko, Ate Rita," sagot ni Riri. "Plus, kahit saang school naman ako magpunta, all I have to do is excel to not disappoint our father. Saka ngayong taon lang naman ako dito. For senior high next year, babalik na ko sa dati kong school." Natawa si Ate Rita. "Talagang pinabantayan lang sa'yo ni Daddy ang anak ko?" Tumango si Riri. "Alam mo namang favorite ni Daddy si Ryder dahil lalaki ang anak mo, Ate. Tres Marias kasi tayong anak nila ni Mommy." Sa kasalukuyan ay nasa bahay na si Riri ng Ate Rita niya kung saan siya mag-i-stay habang St. John College pa siya nag-aaral kasama si Ryder. Pagkagaling nila ng pamangkin niya sa school, umuwi na siya sa bahay na tinitirhan nito sa isang subdivision. Kumpara sa mansiyon nila, katamtaman lang ang laki ng bahay. Maayos din naman 'yon dahil OFW sa ibang bansa si Kuya Dante, ang asawa ng Ate Rita niya. Sakto naman dahil kauuwi lang ni Ate Rita niya. Sinamahan nitong magpa-check up ang mommy nila, pagkatapos ay nagpa-spa daw ang dalawa. Ang totoo niyan, kahit na pinatawad na ng daddy niya si Ate Rita, hindi pa rin nagpapakalambot ng tuluyan ang ama nila. Sina Rara at Ryder lang ang pinapansin nito. Pero iba ang puso ng isang ina. Kaya ang mommy nila, kahit noong itinakwil ng daddy nila ang panganay nila ay talagang nakikipagkita na kay Ate Rita. Mas naging madalas na 'yon ngayong may "go signal" na mula sa daddy nila. "Eh ikaw, Riri? Okay ka ba na dito ka sa munti naming tahanan tumuloy?" nakangiting tanong ni Ate Rita, saka nito nilapag sa harap niya ang platito ng leche flan. "Wala kaming kasambahay dito, kaya kailangan mong tumulong sa mga gawaing-bahay." Tumango si Riri. "Wala namang problema sa'kin 'yon, Ate. Hindi naman ako pinalaking prinsesa ni Ate Ria. Nasa elementary pa lang ako, tinuruan na niya kong maglaba ng undies ko. Tuwing Sunday naman, pinaglilinis niya ko ng room ko. Ang babae daw kasi, kailangan malinis at maayos sa gamit nila. Gano'n din ang turo sa'kin ni Mommy." Tinitigan siya ni Ate Rita, may ngiti sa mga labi nito pero pansin niyang may lungkot naman sa mga mata nito. "What's wrong, Ate?" nagtatakang tanong ni Riri. Mabilis na umiling si Ate Rita. "Wala naman. Natutuwa lang ako marinig na maayos kang napalaki ni Ate Ria at ni Mommy. Hindi ko nasubaybayan ang paglaki mo dahil itinakwil na ko ni Daddy nang ipagbuntis ka ng mommy natin, kaya puwede nating sabihin na ngayon pa lang talaga kita nakikilala." Nakaramdam si Riri na mahinang pagdaloy ng kuryente sa katawan niya. Ibig sabihin, nagsinungaling sa kanya si Ate Rita. Hindi talaga ito okay. Pero dahil mahina lang 'yon, alam niyang hindi naman malala ang pagsisinungaling nito. Oo. Ang daloy o boltahe ng kuryenteng nararamdaman niya ay depende rin kung gaano kalaki o kasama ang pagsisinungaling sa kanya ng isang tao. Kung mahina 'yon, malamang ay "white lie" lang 'yon. Pero kung masama ang intensiyon sa pagsisinungaling, do'n siya nakakaramdam ng pagka-"ground." Kung white lie lang naman, pinapalagpas na lang niya. Saka wala naman siyang nakikitang dahilan para magsinungaling sa kanya ang Ate Rita niya maliban sa ayaw siya nitong pag-alalahanin. "Mama, alam mo na ba kung ano ang ginawa ni Auntie Riri?" pagsusumbong ni Ryder na kapapasok lang ng kusina. Pagkatapos, umupo ito sa silya sa tapat ni Riri. "She asked an IT expert to hack my social media accounts! Para lang mabuksan niya ang f*******: ko at ma-print screen ang convo namin ng mga kaibigan ko." Natawa lang si Ate Rita. "Oo naman, anak. Alam ko ang ginawa ng tita mo dahil sa'kin siya nagpaalam. Pumayag ako na gawin 'yon dahil gusto ko ring malaman kung totoo bang gumawa ka ng kodigo. Anak naman kasi. First grading period niyo pa lang, may ganitong problema agad." "That's still invasion of privacy," nakasimangot na giit naman ni Ryder. Napa-"mmm" naman si Riri sa sarap nang matikman niya ang leche flan na gawa ng Ate Rita niya. Nang mapatingin sa kanya ang mag-ina, tumikhim siya at binigyan ng nananaway na tingin si Ryder. "Bakit ka naman kasi sumusunod sa gusto ng mga kaibigan mo? Hindi naman siguro nagpapakahirap magtrabaho sa Middle East si Kuya Dante para lang magpa-aral ng anak niyang utusan lang pala ng mga kaibigan nito, 'di ba?" "Hindi mo naman kasi naiintindihan, Ate," giit naman ni Ryder, nakasimangot pa rin. "Hindi naman ako pinilit ni Disc na igawa siya ng kodigo no'ng finals eh. Nakiusap siya, kaya pinagbigyan ko naman." "Bakit mo pinagbigyan?" "Eh kasi naawa ako sa kanya. Scholar siya. Saka kapag mababa ang grades niya, baka hindi na siya makapasok sa dream university niya." Bumuntong-hininga si Riri at humalukipkip. "Kung scholar naman pala ang Disc na 'yon at may dream school, eh di mag-aral siyang mabuti. Alam mo, Ryder. Ang tunay na kaibigan, hindi kinukunsinti ang pagkakamali ng kaibigan niya. Saka kung kaibigan talaga ang turing niya sa'yo, hindi ka niya ilalagay sa kapahamakan. Mag-isip ka nga. He's just using you." "'Yan nga rin eksakto ang sinabi ko sa batang 'yan," iiling-iling na sabi ni Ate Rita. Sumimangot lang si Ryder, saka tumayo bitbit ang platito ng leche flan. "Babalik na ko sa kuwarto ko." Napailing na lang si Riri nang mag-walk out si Ryder. Nang magkatinginan sila ni Ate Rita, pareho na lang silang natawa. "Binata na ang anak ko," parang natutuwa pang sabi ni Ate Rita. "Nagrerebelde na." Umiling-iling naman si Riri habang nakahawak sa ulo niya. "Kailangan nang putulin ang sungay niya bago pa humaba, Ate." Napatitig sa kanya si Ate Rita, saka lalong natawa. "You really act and talk like Ria. No wonder takot din sa'yo si Ryder." Napangiti si Riri. Natutuwa siya kapag ikinukumpara siya kay Ate Ria na idol na niya simula pagkabata. "I learned from the best." *** HIMBIS NA sa classroom, dumeretso si Stranger sa likod ng lumang gym. Wala nang masyadong nagagawi do'n dahil may bagong gymnasium nang pinapatayo sa eskuwelahan nila, kaya naging smoking area na 'yon ng mga tulad niyang umaga pa lang, may nakaipit ng stick ng yosi sa mga labi. Bukod sa tumalon lang siya sa pader kaya hindi siya nahuli ng mga guwardiyang naninigarilyo sa school premise, takot din sa kanya ang mga 'yon kaya walang sisita sa kanya. Saka kung may sumita man sa kanya, wala siyang pake. "Welcome back, hubby!" Napaungol sa reklamo si Stranger nang marinig ang matinis na boses ni Valeen. Iniwasan agad niya ito nang tangkain siyang yakapin ng babae, saka siya lumapit kay Disc na nakaupo sa natumbang sanga habang naninigarilyo. "Yo. What's up? Is the monster back?" Umiling si Disc. "Hindi pa. Alam mo namang nasa ospital pa siya. Saka 'wag mo nga akong English-in. Baka dumugo utak ko." Tumikhim lang si Stranger. Minsan hindi niya napipigil ang paraan niya ng pananalita dahil simula no'ng kinder siya, sa private school siya nag-aaral. Natuto lang siya ng salitang-kalye at pagmumura no'ng huminto siya sa pag-aaral at nagtrabaho. "Eh bakit pinapasok mo pa ko ngayon?" Ang "halimaw" na tinutukoy niya ay ang "favorite teacher" niya na "miss na miss" na niya. Ilang araw na 'tong nasa ospital dahil nabagok daw ito at nagkaro'n ng malaking hiwa sa ulo nang lumaban daw ito sa magnanakaw na pumasok umano sa bahay nito. Siya naman, um-absent paramagtrabaho para may panggastos sila ng lola niya na nagkasakit, na dahilan kaya isang linggo ring sarado ang eatery nila. Kung wala silang pagkukunan ng panggastos, magugutom sila. Kaya rumaket muna siya. Ibinuga muna ni Disc ang usok sa bibig nito bago ito sumagot. "Kailangan nating ulitin 'yong exam natin. Kung hindi, ma-ki-kick out tayo." Kumunot ang noo ni Stranger. Ang sabi lang ni Disc sa text nito eh pumasok siya ngayon dahil may "emergency" daw. "Anong ka-s**t-an 'yan?" "'Yong inggeterang top one sa klase natin, nagsumbong sa teacher natin no'ng isang araw at nakita raw tayong nagkokopyahan no'ng exam. Hindi yata matanggap na mas mataas ang nakuha mong score kaysa sa kanya kaya nagsumbong pagkatapos lumabas ng resulta ng mga exam no'ng isang araw. Eh dahil absent kayo ni Valeen kahapon, ako lang ang humarap sa principal natin, saka si Ryder." Tinuro nito ang pasa sa gilid ng labi nito. "Pinapatawag nga rin ang tatay ko. Eh no'ng sabihin ko kay Tatay, ito ang inabot ko." Napaungol uli sa reklamo si Stranger. "Sumbungera talaga ang Liliac na 'yon!" Tumikhim si Valeen at hinawi ang mahaba nitong buhok. "Don't worry, hubby! Naiganti ko na ang grupo natin sa sumbungerang 'yon. For sure, hindi na niya magagawang ni tumingin sa gawin natin." "Ano'ng ginawa mo kay Liliac?" Ipinaikot ni Valeen ang daliri sa buhok nito habang nakangiti ng matamis. "Kinausap ko lang naman siya... habang nilulublob ang pagmumukha niya sa drum na puno ng tubig sa CR." Hindi napigilan ni Stranger na pitikin ang noo ni Valeen na ikinareklamo nito. "'Di ba sinabi ko naman sa'yong huwag ka na uli mananakit ng mga kaklase natin? Pa'no kung magsumbong na naman 'yong babaeng 'yon? Gusto mo bang ma-suspend uli?" Lumabi si Valeen habang hinihimas-himas ang namumula nitong noo. "Hindi na uli magsusumbong 'yon. Gusto ko lang naman siyang turuan ng leksyon." Binigyan lang ni Stranger ng huling nagbabantang tingin si Valeen bago niya muling binalingan si Disc. "Ano pang nangyari?" "'Yong tita ni Ryder, dumating kahapon," iritadong sabi ni Disc. "May dala ba namang print screen ng convos sa group chat natin. Nakita tuloy no'ng sinabihan ko 'yong lampa na 'yon na gawan tayo ng kodigo. Kitang-kita din tuloy ang mga pangalan natin kaya wala tayong lusot." "'Kingina, lupit naman no'n!" reklamo ni Stranger. "Pakialamerang matanda." Natawa ng pagak si Disc. "Anong matanda? Kasing edad lang natin 'yong babae at lumipat pa sa klase natin. Rich kid pa. 'Tang ina, BMW 'yong kotse. Nakita mo ba sa car space? Kinginang kayabangan." Kumunot ang noo ni Stranger. Tita ni Ryder? Sing edad lang nila at kaklase pa nila ngayon? Anong ka-s**t-an 'yon? "Sino ba 'yang babaeng 'yan? Mukhang kailangan niyang makilala kung sino ang panginoon sa lugar na 'to." Ngumisi si Disc, saka pinulot ang lata ng spray paint sa paanan nito. "May naisip na kong astig na paraan para magpakilala sa babaeng 'yon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD