MADDIE
Ding.
Bumukas ang elevator. Dahan-dahan akong lumabas na tila wala sa aking sarili. Naglakad hanggang sa makarating sa may lobby area at naupo sa isa sa mga sofa doon.
Tang-ina! Ano'ng eksena 'yon?!
Hindi pa naman siguro ako nababaliw, ano?! Ang malaking tanong ay bakit ginawa sa akin ni Sir Gab 'yun?!
"Maddie!" sabi ni Jeraldine na halos sumigaw na, sabay tulak ng bahagya sa isang braso ko.
Ay, putang-ina, ano ba 'yun?! Napapitlag ako sa kinauupuan ko habang nanlalaki ang mga mata kong nakatingin sa kaniya.
"Ano ba, bakit ka ba naninigaw?!" bulyaw ko pabalik habang nakahawak ako sa dibdib ko sa sobrang gulat.
Hindi pa nga humuhupa ang lakas ng kabog sa dibdib ko sa nangyaring eksena sa pagitan namin ni Sir Gab sa elevator, ay dinagdagan pa nito ni Jeraldine ang kaba ko.
"Eh pa'no namang hindi ako sisigaw, eh nakailang tawag na ako sa 'yo rito, ni hindi ka man lang natinag diyan! Parang sobrang lalim ng iniisip mo, ha!" nakataas-kilay na sambit ni Jeraldine habang nakapamewang sa harap ko.
Hindi ako nakasagot habang nakatingin sa kaniya, at unti-unti ring nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. Yung mataray na mukha ay biglang napalitan ng pag-aalala.
"Teka, bes, okay lang ba? Bakit parang namumutla ka?" aniya, sabay hawak sa noo ko.
"Ah, a-ayos lang ako, tara na, umalis na tayo!" pag-iwas ko sa tanong niya at nagmamadaling lumabas ng building.
Naglakad lang kami nang kaunti hanggang sa makarating sa mga tabi-tabing establishment. Pumasok kami sa loob ng isang kainan kung saan unli-wings ang atake.
Pero tang-ina, wala talaga akong gana.
Parehong may disposable clear plastic gloves ang aming mga kamay; sa tantiya ko, naka-anim na ata ang friend ko, samantalang ako ay naka-dalawa pa lang.
Hawak ko lang ang pangatlong wings pero hindi ko na kayang kainin pa. Hindi ako maka-concentrate sa pagkain dahil paulit-ulit na nagre-replay sa utak ko ang maiinit na labi ni Sir Gab at ang pagdampi nito sa akin.
"Huy, ano na? Bakit hindi ka kumain? Sulitin natin ang unli, bes!" sita sa akin ni Jeraldine bago siya kumagat sa wings na hawak niya.
"Ano kasi, bes… may sasabihin ako!" nanginginig ang boses ko habang binabanggit ko 'yun.
Napatingin sa akin si Jeraldine, at kita ko ang matinding kuryosidad sa mga mata niya habang ngumunguya.
"Huh? Ano?" tanong niya pagkatapos lunukin ang pagkain.
"A-ano kasi..." nauutal kong simula.
"Eh, ano nga? Bilisan mo, nabibitin ako!" pagmamadali niya pa sa akin, halatang excited nang makichismis.
Biglang bumalik ang kaba ko. Parang muling binuhusan ng malamig na tubig ang buong katawan ko. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang kuwento dahil natatakot akong baka isipin niyang nababaliw na ako.
Nagkatitigan pa kami, tapos bigla siyang ngumisi bago tumawa nang mahina.
"Para ka namang tanga, Maddie. Alam ko na kung ano ang sasabihin mo… 'yun ba?" nakangisi niyang sambit, sabay turo sa likuran ko.
Napalingon ako, at… nanlaki ang aking mga mata sa nakita ko.
Tang-ina, paano niya nalaman?!
Nakita ko lang naman si Sir Gab, nakatayo sa may waiting area habang inaabot sa kanya ng service crew ang take-out brown paper bag ng ano pa ba, siyempre, chicken wings.
Kahit nakatalikod siya, kilalang-kilala ko ang tindig na 'yun. Bigla akong humarap kay Jeraldine, nanlalamig ang buong katawan ko, at wagas ang panalangin ko sa isip na huwag sana kaming makita o mapansin dito ng boss namin.
"P-Paano mo nalaman?" pabulong kong sambit, halos hindi na makahinga sa matinding takot.
"Ha? Ano'ng sabi mo?" tanong niya habang isinasawsaw sa ranch sauce ang kinakain niyang wings.
"Paano mo nalaman 'yung problema ko?" ulit ko sa mas malakas na boses.
Tumingin siya sa akin nang may pagtataka. "Ano ka ba, ang laki-laki ng karatula dun sa may cashier area na cash-basis only!" aniya bago muling kagatan ang manok.
Huh?!
Dahan-dahan akong lumingon sa aking likuran, pakiramdam ko ay lalagnatin na ata ako sa sobrang kaba na baka nandoon pa si Sir Gab.
Nakahinga naman ako nang maluwag nang makitang wala na ang taong 'yun sa may take-out waiting area.
"Huwag kang mag-aalala, may cash ako dito. Bank transfer mo na lang mamaya, o pwede ring ngayon na!"
"Okay," sagot ko bago lumingon pabalik.
Huminga ako nang malalim. Medyo nabawasan na ang kaba ko ngayon dahil wala na ang presensiya ng boss ko na basta na lamang ako ninakawan ng halik kanina.
Haist, tutal naman ay resign na ako at huling araw ko na, huwag ko na lang siguro sabihin kay Jeraldine. Baka isipin lang niyang ilusyunada ako, at baka paratangan niya pa ako na obsessed ako dun sa boss namin.
Isipin ko na lang na baka may sayad lang ang boss namin ngayon o napagtripan lang talaga ako.
Hahayaan ko na lang na kunwari tama ang hula ni Jeraldine na wala akong cash kahit ang totoo ay meron naman.
Dumampot na ako ng chicken wings, pilit na ngumingiti habang isinisiksik sa isip ko na kalimutan na ang nangyari. Tutal, quick kiss lang naman, dampi lang.
Akmang kakagat na sana ako nang biglang mapatigil ako.
"Uy, si Sir Gab!" biglang sambit ni Jeraldine, sabay tawag dito. "Sir, Sir! Hello, Sir!" nagkaway pa sa ere.
Nanlamig ang buong katawan ko. Parang gusto kong isalpak sa bibig ni Jeraldine ang hawak kong chicken wings para pigilan siya.
Bakit may pagtawag, ano feeling close sa boss?!
Yumuko ako nang sobra at nag-iwas ng tingin. Kulang na lang ay lumusot ako sa ilalim ng lamesa sa sobrang hiya at kaba, todo ang pagdarasal ko sa isip na sana ay huwag siyang lumingon o mapansin kami rito.
Binitawan ko ang hawak kong chicken wings. Nanginginig pa ang kamay ko nang kinuha ko ang baso ng tubig at diretsong ininom para lang maibsan ang lalamunan ko na natuyo nang todo.
Pero si Sir Gab? Ni hindi man lang lumingon. Dumeretso lang siya sa paglabas ng pinto na parang walang narinig o nakitang kumakaway.
"Ay, grabe si Sir, isnabero talaga!"
Pagtingin ko kay Jeraldine, napapailing na lamang ito habang nakatingin sa may pinto kung saan tuluyan nang lumabas ang boss namin.
Haist, buti na lang.
Thank you naman, Lord, at inilayo mo ako sa matandang boss ko. Akala ko disente... pero sa ginawa niya sa akin, now I know na may tinatagong kamanyakan pala.