Hinagis ko sa pader ang bote ng alak na hawak ko kaya nagkadurog-durog iyon nang bumagsak sa sahig.
“Sandro...”
Mapait kong nginitian si Sandra na alam kong puno ng hinanakit sa ginawa sa’kin ni Angela.
“Hindi ko kailangan ng anumang awa mula sa inyo, kaya umalis ka na rito,” taboy ko sa kapatid.
Hindi man nila aminin sa’kin ng harap-harapan, alam kong naaawa silang lahat sa kahihiyang dinulot ko.
“Hindi ako naaawa sa’yo dahil iniwan ka ni Angela, naiinis ako sa’yo dahil para mo lang talagang pinatunayan sa kaniya na karapat-dapat ka sa tinamo mong kabiguan,” diretsahang pahayag ni Sandra.
Nakakalokong ngiti sa labi ang aking ipinaskil saka dinampot ko ang basong nasa ibabaw ng lamesa.
Lalagukin ko na sana ang lamang alak niyon ng may malabakal na kamay ang bigla na lamang kumuha mula sa’king kamay.
“Imbes na magmukmok ka rito, hanapin mo si Angela at alamin ang totoong dahilan niya,” galit na wika ni papa.
“Hindi...” Iniling-iling ko ang ulo ko bilang pagtanggi sa suhestiyon ng ama. “Hayaan na po natin si Angela sa nais niya.”
Alam kong gustong-gusto nilang mapangasawa ko si Angela kaya ganoon na lamang ang pagpupursigi nilang hanapin ko ang dalaga.
Pero napakasakit isipin para sa’kin na ganoon lamang kadaling tanggihan ng dalaga ang alok kong pagmamahal sa kaniya matapos ang lahat ng mga pinagsaluhan naming sandali.
“Sandro...” Tumingin ako kay mama na malungkot na nakatunghay sa’kin.
“Anak...”
‘Di ko na naiwasan pang tuluyang umiyak sa harapan nila. Maagap naman akong niyakap ni mama upang aluin.
“Sandro… Alam mo bang hindi ako galit kay Angela kahit pa sinaktan ka niya?” Para akong batang paslit na lalong nagsumiksik sa dibdib ng aking ina.
“Mahal na mahal ka ni Angela, anak. May mga bagay lang na kinakailangan niyang bigyang katuparan upang tuluyan siyang makalaya.”
Naguguluhang tumingala ako sa mukha ni mama upang unawaing maigi ang kaniyang sinasabi. Si mama ang tipo ng taong hindi marunong magpatawad sa mga taong nananakit sa kaniyang mga anak.
Kaya nakapagtatakang sa kabila nang ginawa ni Angela ay nagagawa pa rin niyang ipagtanggol sa’kin ang dalaga.
“Ayoko sanang sa amin mo pa malaman ang totoo dahil mas gusto kong si Angela mismo ang magsabi niyon sa’yo. Hanapin mo siya anak at pilitin mo sanang unawain ang lahat. Huwag mo siyang sukuan hanggang sa tuluyang magsama ang inyong mga puso,” madamdaming litanya sa’kin ni Mama.
“Mama...”
“Hanapin mo si Angela at hindi pa naman huli ang lahat. Kung susukuan mo siya, para mo na rin pinatunayan sa kaniyang tama siya sa anumang kaisipang itinanim niya sa sarili,” sabad ni papa na tinapik pa ako sa balikat.
“Papa...”
“Walang sinuman ang nagagalit sa kaniya sa pamilyang ito dahil lahat ng mga nangyayari sa inyong dalawa ay may malalim na dahilan kaya hindi namin iyon maaaring husgahan agad.” Nilingon ko si Kuya Seb na bigla na lamang sumulpot.
“Hanapin mo at muling suyuin si Angela. Kung kinakailangan mong manligaw muli, aba gawin mo! Dapat lang naman talaga Sandro at ilang babae rin naman ang pinaiyak mo!” mataray na saad ni Sandra.
Mahigpit akong yumakap kay mama bilang pasasalamat sa kaniyang pang-unawa. Paulit-ulit kong inusal sa kaniya ang mga katagang ‘I love you!’
Sunod kong niyakap si papa na tinapik naman ako ng maraming beses sa’king balikat habang pinapayuhan.
“Ang mga anak kong lalaki ay ‘di sumusuko sa panunuyo sa kanilang mga babae. Katulad niyo ay naging mahina rin ako noon, kaya huwag niyo na sanang gayahin pa dahil sayang ang panahon.”
“I love you, Pa!” Muli akong yumakap sa kaniya.
“Humayo ka na anak at hanapin mo na si Angela ng sa gayon ay madagdagan na rin ang apo ko,” nakangiting taboy sa’kin ni papa.
Lumapit ako kay Kuya Seb upang yakapin sana siya ngunit agad niya akong iniwasan at nilayuan.
“Iyang iyayakap mo sa’kin ay kay Angela mo na lamang igawad,” buska pa niya sa’kin.
Matamis na ngumiti ako saka humakbang palapit kay Sandra upang halikan sa pisngi.
“Eeww! Amoy alak ang hininga mo!” asik sa’kin ni Sandra.
“I love you!” tanging tugon ko sa kakambal saka nagmamadaling humakbang palabas ng pintuan.
“Hoy! Sinong maglilinis ng kalat mo?” sigaw sa’kin ni Sandra na tinugon ko lang nang pagpitik ng daliri ko sa ere.
“Dahil ikaw lang naman ang bata at nag-iisang babaeng narito, ikaw na ang maglinis ng kalat ng iyong kakambal,” narinig kong turan ni papa.
“Ang saklap talaga!”
Natawa na lamang ako habang binabagtas ang daan patungo sa’king sasakyan. Pagsakay ko ay bigla rin akong natigilan dahil napaisip kung saan maaaring puntahan si Angela.
Imposibleng umuwi ang dalaga sa bahay niya gayong alam niyang maaari ko siyang puntahan doon anumang oras. Nakatitiyak akong magtatago siya at iiwasan niyang magtagpo ang landas naming dalawa.
Kinuha ko ang telepono saka idinayal ang numero ni Benjie.
Alam kong mabilis akong mabibigyan ng impormasyon ni Benjie dahil marami siyang koneksyon.
Kakaiba kasi ang trabaho ng lokong iyon. Hindi ko rin malaman kung negosyante ba talaga o detective. Magaling pa namang humawak ng baril si loko at talagang naiiba sa kaniyang pagkilos.
“Yes, Bro?” sagot ni Benjie mula sa kabilang linya.
“Alamin mo nga kung saan naro’n si Angela ngayon,” utos ko sa kaniya.
“Don’t tell me, nilayasan ka niya matapos mapagod sa lahat ng mga ginawa mong pagbaon?” natatawa nitong sambit.
“F*ck! Sundin mo na lang ang inuutos ko sa’yo,” matigas kong tugon sa kaibigan.
“Ipinasa ko na po through message. Kindly check your inbox now, bye!”
Hindi pa nga ako nakasasagot ay pinatay na ni Benjie ang aking tawag. Naiiling na binasa ko na lamang ang lahat ng impormasyong ipinasa niya sa’kin at kamuntik ko nang mabitiwan ang telepono nang mabasa ang nakagigimbal na impormasyon.
Magkapatid sina Angela at Angeline!
Si Angeline na malapit kong empleyado at siyang sekretarya ko noon sa kumpanya.
Nang minsang malasing ang dalaga dahil sa sobrang sama ng loob sa kaniyang nobyo, dinala ko siya sa hotel upang doon patulugin.
Hindi ko alam kung saan siya ihahatid noon dahil never ko namang itinanong sa kaniya ang address niya. Kaya naisipan kong sa hotel siya dalhin at iwanan.
It’s a pure business relationship between us. Iyon lang ang tanging namagitan sa’ming dalawa at walang sensual na nangyari kahit pa nga dinala ko siya sa hotel.
Malambing, masipag at mabait na sekretarya si Angeline, para siyang nakababata kong kapatid. Kaya nahirapan akong makakita ng kapalit niya ng mawala siya.
Nabalitaan kong namatay si Angeline at kasalukuyan akong nasa abroad ng mga panahon na iyon kaya naman ‘di ako nakarating sa lamay o libing man lang niya.
Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa sa impormasyon ipinasa sa’kin ni Benjie at nalaman kong sukdulan ang galit sa’kin ni Angela dahil sa pagkamatay ng pinakamamahal niyang bunsong kapatid.
Pilit ko siyang hinadlangan sa plano niyang paghihiganti, ngunit sarado ang kaniyang isipan.
Gusto niyang tuparin ang kaniyang pangakong ipaghihiganti ang bunso naming kapatid sa anumang paraan, kahit pa nga ang kapalit niyon ay ang sarili niyang buhay.
Dahil sa kagustuhang makapaghiganti ni ate, hindi niya na nalaman pa ang totoong dahilan kung pa’no namatay si Angeline.
Labis na lungkot at depresyon ang pinagdaanan ni Angeline na umabot na sa puntong pagkitil sa sarili niyang buhay.
Binuksan ko ang liham ng bunso naming kapatid na iniwan niya sa’king lumang damitan at doon ko nalaman ang lahat. Inilakip niya roon ang lahat ng gusto niyang mangyari pati na sa panganay naming kapatid.
Hello, Boss!
Sa pagsulat kong ito nawa'y maayos pa ang lahat. Kung hindi man umabot sa takdang panahon, sana’y mapatawad mo pa rin si Ate Angela sa lahat ng mga pagkakamaling nagawa niya sa’yo.
Ikaw na lang ang tanging pag-asa ko upang muling manumbalik sa dati ang panganay naming kapatid. Siya ang ate naming walang ibang inisip kundi tanging kami lamang dalawa ni Kuya Alex.
Kumayod nang kumayod si ate para mabigyan niya kami ng magandang buhay ni Kuya Alex.
Kaya naman lumikha ako ng isang kasinungalingang maaaring lumikha ng malaking gulo sa buhay niyong dalawa.
Kasinungalingang posibleng sumira sa buhay ni ate o maaari rin namang magpabuti sa kaniya kung maisasakatuparan.
Alam ko boss na ikaw ang binatilyong tumulong kay ate sa karinderya, kaya siya nagkaroon ng pagkakataon na mapaasenso iyon.
Lagi kitang bukambibig sa kaniya upang maalala niyang ikaw ang binatilyong tumulong noon sa kaniya. Ngunit sadyang hindi matandaan ni ate ultimo pangalan mo, dahil na rin sa dami ng kaniyang inaasikaso.
Mahal na mahal ko si ate at alam kong magkakaroon din siya ng malalim na pagtingin sa’yo oras na magkakilanlan kayong dalawa.
Alam kong hindi ka mahirap mahalin boss kahit na sandamakmak ang mga babaeng gustong mamikot sa’yo.
Patawarin niyo sana akong dalawa ni ate kung kinakailangan ko pang humabi ng mga kasinungalingang magbubuklod sa inyong dalawa. Sana lang!
Huwag mo sanang hayaan na tuluyan siyang lamunin ng galit na ako mismo ang lumikha. Gusto ko lang mapabuti si ate at muling manumbalik ang dati naming kapatid.
Puno ng pangarap para sa aming magkakapatid si ate. Palagi siyang may oras para sa aming dalawa ni Kuya Alex at parating nangingislap ang kaniyang mga mata sa tuwing masaya siya kagaya na lamang noong makilala ka niya sa karinderya.
Huwag mo sanang sukuan si ate, oras na maganap ang itinakda kong kalokohan sa inyong dalawa.
Mahal na mahal ko sila ni Kuya Alex, ngunit sadyang mahina ako kaya hindi ko na kaya pang manatili rito sa mundo.
Pakisabi na lang sa kanila boss na masaya akong mawawala sa mundo dahil alam kong magiging maayos ang kanilang kalagayan.
Alam kong higit na mapapabuti sa piling mo si ate at alam kong mamahalin mo silang dalawa ni Kuya Alex katulad ng pagmamahal ko sa kanilang dalawa.
Paalam at hanggang sa muli nating pagkikita, Boss.
Angeline
Sa labis na pagmamahal ni Ate Angela sa aming kapatid, hindi niya na rin nalaman pa na si Erick ang nobyo ni Angeline.
Si Eric na siyang nanakit ng husto sa kalooban ng pinakamamahal naming bunsong kapatid.
Si Erick na kahit gusto pang bumawi mula sa lahat ng mga pasakit na idinulot niya kay Angeline ay hindi na magawa pa.
Kaya ang tangi na lamang niyang ginawa ay pinursigi si ate na gawin ang paghihiganting plinano ni Angeline upang makabawi kuno sa lahat ng kalokohang ginawa niya sa bunso naming kapatid.
Umasa na lamang akong mapapabuti ang kahinatnan ng lahat ng kalokohang ito ni Angeline. Dahil kung makikita ko pang muli kay ate ang lungkot na nasilayan ko noon kay Angeline, baka hindi ko na rin kayanin pa.
Isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan matapos mabasa ang lahat ng impormasyong ipinasa sa’kin ni Benjie.
Naglahong parang bula ang lahat ng galit ko kay Angela at lalo ko lang siyang minahal dahil sa pagiging mabuting kapatid niya. Napakabuti ng kaniyang puso dahil isinakripisyo niya ang lahat ultimo sarili niyang kaligayahan.
“Hinding-hindi kita susukuan!” hiyaw ko sa isipan para sa babaeng minamahal ko.