Thank you “Aba, anong meron at napakatamis ng ngiti ng baby ko na ‘yan?” Bumungisngis ako at napasulyap sa magkapatid na Sy na nasa labas ng ice cream parlor na kinaroroonan namin ni Mama. Dito kami nagpapalipas ng oras habang inaantay si Papa na matapos sa trabaho niya sa factory na pinagtatrabahuhan niya pagkagaling ko sa school. “Anong nangyari sa tuhod mo?” nag-aalalang tanong sa akin ng Mama ko nang makita ang galos sa tuhod ko. Sinulyapan ko naman ang panyong ibinigay sa akin kanina ni Arvie na ipinahid niya pa sa sugat ko nang madapa ako sa labas. “Nadapa ako, Mama.” “Nadapa ka na eh ba’t ngingiti-ngiti–eh kaya naman pala nandiyan ang crush ng baby ko.” Namimilog ang mga mata na nilingon ko si Mama at tumingin pa sa katabi naming table sa kabang marinig nila ang sikreto ko.

