“ANG tindi mo talaga, Alta. Na-break mo na ang Olympic record,” humahangang wika ng kasamahan niya si Herbert. Gaya niya ay player din ito ng Pilipinas sa athletics at nakasama niyang lumaban sa SEA Games. Nanalo din ito ng dalawang ginto. Hinila nito ang tirintas ng buhok niya. “Masakit pa ang ulo mo niyan. Paano pa kapag walang masakit sa iyo?"
"Nakatsamba lang ako,” aniya at uminom ng juice. Iyon lang ang pwede niyang inumin. Nasa isang eleganteng bar sila sa Malate para sa victory party ng Philippine Team. Nanguna ang Pilipinas sa katatapos lang na SEA Games sa Malaysia at malaki ang kontribusyon ng Athletics doon partikular na siya.
Kaya naman pinarangalan sila ng Pangulo ng Pilipinas sa Malacañan kanina at isang malaking party ang ibinigay sa kanila ng mga sponsors sa isang mamahaling bar. Bumabaha ng alak at pagkain kaya naman nagpapakasaya na sila. Hindi kasi araw-araw silang nabibigyan ng special treatment.
"Tsamba pa ba iyan? Kita mong nakaanim kang gold medals,” nakalabing wika ni Amphie na nanalo naman sa weightlifting. “Wala na ngang natira sa kalaban. Pinakain mo sila ng alikabok. Naku! May pag-asa na tayong manalo sa Olympics. Na-break mo na ang world record. Kahit daw ang ibang malalakas na bansa nakatutok na ang mata sa iyo.”
Isang malaking karangalan sa Pilipinas na pag-iinteresan siya ng mga taga-ibang bansa. Uso naman kasi ang piratahan ng mga magagaling na players lalo na’t walang sapat na suportang natatanggap ang mga miyembro ng national team mula sa gobyerno. Masyadong abala ang gobyerno sa ibang mga bagay para pagtuunan ang sports. Kaya nga nagtitiyaga sila sa kakarampot na allowance at kung anong facilities lang para sa training na pinagpupuwede nila para lang makapagdala ng karangalan sa bansa. Kapag nakakapag-uwi sila ng award ay saka lang naman sila napapansin ng gobyerno at ng mga Filipino fans.
“Wala akong planong kumabila ng bakod kung may iba mang offer,” deklara niya. “Baka mamaya dumugo pa ang ilong ko sa kae-English nila. Parang namang na-traidor ang Pilipinas kapag ginawa ko iyon.”
"Kung tumangkad-tangkad ka nga lang pwede ka na sa Miss Universe.” Ipinatong ng kaibigang si Homer ang kamay sa ulo niya. Sa athletics din ito at tatlong gintong medalya naman ang nakuha. “Medyo kinapos ka lang sa height."
She was 5’4”. Medyo kapos nga iyon para makasali sa Miss Universe o kung anumang beauty pageant subalit marami ang nagsasabing maganda siya. May mga offer sa kanya mula sa pagmomodelo hanggang pagpunta sa ibang bansa bilang entertainer. Kakaiba daw kasi ang kinis ng kutis niya. Parang laging nahihiya ang taghiyawat. Mahaba ang tuwid niyang buhok. Maitim ang mga mata niya, mahaba ang pilikmata at matangos ang ilong. Kahit nga itapat siya sa init ng araw ay hindi siya nangingitim. Problema lang talaga niya ang rashes sa balat niya kapag naiinitan sa araw kaya di siya pwede sa pageant at magmodelo.
Maraming pagkakataon siyang pinalagpas kung sa pagandahan lang naman ang pag-uusapan. Pakiramdam kasi niya ay wala siyang mapapala doon. Mas mapapahamak pa siya. Di tulad kung magiging atleta siya. May pagkakataon pa siyang makakuha ng scholarship at may karangalan pang dalhin ang pangalan ng Pilipinas. Malaking bagay na iyon sa isang mahirap na katulad niya at walang maipagmamalaki.
Sampung taong gulang pa lang nang matuklasan na mabilis siyang tumakbo at mataas tumalon. Marami siyang tinalong mga atleta elementary pa lang siya. Nang high school ay nakakuha siya ng scholarship at lagi siyang ipinapadala sa Palarong Pambansa.
Sa kasamaang palad ay hanggang second year college lang ang inabot niya. Bukod kasi sa sports at pag-aaral ay kailangan din niyang magtrabaho para sa Tiya Cora niya at sa mga anak nito. Kaya tumigil na lang siya sa pag-aaral. Kapag walang training ay nagtatrabaho siya sa café ng coach niya bilang cashier. Kahit paano ay may pera siyang naiuuwi sa bahay. Kung makakaipon ng pera ay gusto niyang bumalik sa pag-aaral. Gusto na kasi niyang bumukod sa tiyahin niya dahil mahirap ang buhay kasama ito.
Ulilang lubos na siya. Hindi niya alam kung sino ang ama niya. Walong taong gulang lang siya nang mamatay ang nanay niya dahil nabangga ang sinasakyan nitong jeep. Mula noon ay Tiya Cora na niya ang nag-alaga sa kanya. May dalawa pa itong mga anak na mas bata sa kanya. Naging maiinitin ang ulo nito dahil iniwan ito ng asawa nito at sumama sa ibang babae. Dati itong may sari-sari store at pwesto sa talipapa pero sa huli ay nalugi din. Kaya kung anu-ano na lang ang maibenta nito ng pahulugan.
Bata pa lang ay natuto na siyang maghanap-buhay at magsumikap. Ayaw kasi niyang maging pabigat sa tiyahin niya. Palagi na lang siyang nakakatikim ng masasamang salita dito. Hindi siya pwedeng magkasakit sa poder nito dahil lagi ay kailangan niyang magtrabaho. Kung siya ang tatanungin ay matagal na niyang gustong bumukod. Pero lagi niyang naiisip ang utang na loob niya dito. Di rin niya basta-basta mapabayaan ang mga pinsan niya na nag-aaral pa dahil alam niyang wala pang kakayahan ang tiyahin niya na buhayin ang mga ito. Sa ngayon ay siya lang ang inaasahan ng mga ito.
"Wala ka pa bang sasagutin sa mga manliligaw mo?" tanong ni Chenie na girlfriend ni Herbert. Malapit sila sa isa’t isa dahil high school pa lang ay magkasama na sila sa Palarong Pambansa. Malapit na itong ikasal at si Herbert na dating parang aso’t pusa kung mag-away. Siya ang tulay ng dalawa at masaya siya na happy ending ang kauuwian ng pambubuska niya sa mga ito noon.
Nilingon niya ang ilan sa atleta na mahilig magpalipad-hangin sa kanya na nasa kabilang table. "Pare-pareho lang kaming mahirap. Saka na kapag nakaipon. Gasino lang ba kinikita nating mga atleta? Pamilya muna bago ‘yang mga lalaki na iyan," sagot niya. Wala naman siyang mapapala kung uunahin niya ang puso niya. Makakapaghintay ang pag-ibig.
“Aray ko!” sabi ni Homer at sinapo ang dibdib. Isa si Homer sa itinuturing niyang malalapit na kaibigan niya. Noong una ay ayaw niya dito dahil hindi siya tinitigilang ligawan. Hindi na ito masyadong makulit na manligaw pero may pagkakataong nagpaparamdam ito. Mas gusto talaga niya na magkaibigan lang sila.
“Homer, siguro naman mas maraming babaeng manliligaw sa iyo ngayon. Babae pa mismo ang lumalapit sa iyo at nagyayayang sumayaw, di ba?” Ayaw naman niyang umasa pa ito sa kanya lalo na’t direkta naman niyang sinabi dito na hanggang magkaibigan lang sila.
“May magagawa ka ba kung ikaw ang itinitibok ng puso niya?” tukso ni Chenie.
Naramdaman niya ang matiim na tingin ni Homer sa kanya. Hindi niya alam kung bakit kapag tinitigan siya nito na parang gagawin nito ang lahat makuha lang siya ay kinikilabutan siya. Wala naman itong ipinapakitang masama sa kanya. He was always a gentleman. Pero may pagkakataon na parang may bumubulong sa kanya na mag-ingat dito.
“Ang corny, ha? Nasaan nga pala si Wanda?” pag-iiba niya ng usapan at luminga sa paligid. Nanalo si Wanda ng dalawang silver medal at isang bronze. Hindi man lang siya nito binati nang manalo siya kahit binati niya ito. Parang nainsulto pa nga ito at nag-walk out.
“Ano pa? Paikot-ikot na parang sa kanya ang party na ito. May nag-aalok daw sa kanya na maging model ng energy drink,” sabi ni Chenie. “Sige na. Siya na ang bida.”
“Naku! Mag-enjoy na lang tayo,” sabi ni Herbert. “Huwag na ninyong sirain ang mood ninyo kay Wanda.”
Maya maya pa ay sama-sama na silang nagsayaw sa dance floor. Hindi siya mahilig sa mga gimikan lalo na sa mamahaling lugar tulad niyon. Wala naman siyang pera gumimik. Problema pa nga niya minsan ang pangkain lalo na’t limitado lang naman ang allowance niya. Hindi iyon ang araw-araw na buhay niya. Kaya naman gusto niyang i-enjoy ang experience. Sa gabing iyon ay sila ang bida.
Napansin nilang naglingunan ang mga tao sa entrance ng bar kasunod ang bulung-bulungan. Isang guwapong lalaki ang pumasok ng club. Nakuha nito ang atensiyon niya. Matangkad kasi ito at matikas. Nakasuot ito ng business suit at pormal na pormal ang dating samantalang halos lahat ng taong nandoon ay gustong mag-relax at mag-enjoy.
Binati ng mga ito ang sports commissioner at kinamayan. “Sino iyon?” tanong niya kay Chenie at ngumuso sa direksiyon ng bagong dating.
Hindi naman kasi siya mahilig sa mga guwapo. Karamihan kasi sa mga guwapong nakilala niya ay puro mukha lang pero wala namang utak. Pero ang lalaking ito ang nakakuha ng interes niya. Hindi niya alam kung bakit lumukso ang puso niya lalo na nang mahagingan ng mata nito. There was intelligence in his eyes. Di pa ito nagsasalita ay parang matalino na ang dating nito. Bigla siyang pinangapusan ng hininga nang magtama ang paningin nila. Pakiramdam niya ay teenager siya na noon lang nagka-crush.
Nagtanong si Chenie sa secretary ng commissioner na nasa likod lang nito at sumasayaw. Nang makuha ang sagot ay bumulong ito sa kanya. "Si Kristian Cordero. Businessman at isa sa sponsors natin."
"Ang guwapo,” aniya at bumuntong-hininga. Hindi niya maiwasang sundan ito ng tingin. Di niya alam kung bakit bigla siyang nagka-interes dito. Marami namang ibang artista at modelo na guwapo din naman at tinitilian ng mga kababaihan. Pero may kakaiba sa lalaking ito na nakakamagneto sa kanya. Hindi niya alam kung anong meron dito.
Umirap si Chenie. "Kaso mukhang naunahan ka na ni Wanda. Mabilis talaga sa guwapo ang bruhang iyan. Nababakuran agad.”
“Mukhang kilala siya ni Wanda.”
“Oo naman. Mayaman kasi si Wanda. Ikaw maganda ka nga kaso poor. Hanggang titig na lang tayo sa katulad ng Kristian na iyan.”
Sa huli ay malungkot niyang iniwas ang tingin dito at nagpatuloy sa pagsayaw. Minsan na nga lang siya magkaka-crush, sinira pa ni Wanda ang ilusyon niya. Di sila papansinin ng mga katulad ni Kristian Cordero. Alam niya dapat kung saan siya lulugar at kung saan niya ilalagay ang mga ilusyon niya.
HINDI rin nagtagal si Alta sa dance floor. Nawalan na siya ng gana. Kahit anong sabi niya sa sarili na huwag tingnan si Kristian ay di niya maiwasang sundan ito ng tingin. Isang beses ay nahuli pa siya ng girlfriend nito na nakatingin dito. Dali-dali siyang lumingon kay Chenie at kunwari ay nakikipagkwentuhan dito habang nagsasayaw.
“Ingat ka kung saan pumupunta ang mga mata mo. Baka dukutin iyan ni Wanda,” paalala ni Chenie sa kanya nang sulyapan na naman niya si Kristian.
“Sinong Kristian?” tanong ni Homer.
“Yung bagong crush ni Alta,” nakangising sagot ni Chenie.
“Hindi naman nagkaka-crush ‘yang si Alta. One of the boys yata ‘yan,” sabi ni Amphie.
“Tigilan nga ninyo ako,” saway niya sa mga ito. Babae siya! May puso din siya na pwedeng magkagusto sa isang lalaki. Malas lang siya dahil minsan na nga lang siya magkakagusto ay mahirap pang abutin.
Siniko siya ni Chenie. “Nandiyan na ang Kristian mo.”
“Hindi ko naman siya Krist…” Nang lumingon siya ay isa-isa nang ipinakikilala ng Sports Commissioner ang mga players na nasa kabilang mesa kay Kristian at nakasunod naman si Wanda dito na parang ito ang hostess ng party. Pasimple siyang nagpunas ng pawis at naglagay ng cologne. Ayaw naman niyang magpahuli. Hindi siya kasing ganda at tangkad ni Wanda pero ayaw naman niyang magmukhang basahan sa harap ni Kristian.
“Seryoso ka ba talagang gusto mo ‘yung Kristian Cordero na iyon?” nakangising sabi ni Homer pero mukhang di ito masaya. “Di naman kami nagkakalayo ng kaguwapuhan pero ako di mo masyadong pinapansin.”
“Magkaiba kasi kayo ni Kristian Cordero.”
“Ano naman ang kaibahan namin ng Kristian na iyan?” tanong nito.
Kristian took her breath away at first sight. Di naman iyon nangyayari sa kanya sa ibang lalaki pero nakakapanginig talaga ng tuhod ang kaguwapuhan nito. Parang may magneto ito na nang-aakit sa kanya. Hindi niya alam kung bakit. Basta parang pumasok na ito sa sistema niya.
Hindi na nasagot pa ni Alta ang tanong ni Homer dahil palapit na si Kristian at ang Sports Commissioner na si Mr. Magtibay. "Here's our Superwoman. Alta Kintanar. Nakakuha siya -ng anim na gold medals sa Athletics event. Na-break din niya ang Olympics record kaya malaki ang chance natin sa Olympic gold medal.”
Natulala lang si Alta kay Kristian. Matangkad pa ito kaysa sa inaasahan niya. Sa malapitan pala ay mas guwapo ito. Nakakatulo-laway na kaguwapuhan. May kahabaan ang buhok nito na naka-brush up. Parang nakatitig siya sa isang leading man sa Mexican telenovela. Ang ganda ng mata nito at matangos ang ilong. Mukha rin itong mabango. Alam niyang uso sa mga lalaki ngayon ang medyo mahaba ang buhok. Naiirita siya dahil mas mukhang babae ang mga ito sa kanya minsan. Pero hindi si Kristian. Lalaking-lalaki ang dating nito. Nakadagdag pa sa charisma nito ang may kahabaang buhok.
"Congatulations, Alta,” anito at inabot ang kamay sa kanya. Mababa ang boses nito at parang hinahaplos ang balat niya. “You did great.”
Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakanganga dito. Kundi pa siya siniko ni Chenie ay hindi pan iya mapapansin ang kamay nitong nakalahad sa kanya. Nanginginig siyang kinamayan ito. “Thank you, Sir Kristian.”
Nang tumingala siya at nagsalubong ang mga mata nila ay biglang lumabas ang pangil sa guwapong mukha nito at lumapit ito sa kanya para kagatin siya.
Impit siyang tumili. Nabitawan niya ang hawak na baso at bumagsak sa sahig. “O! Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Homer.
“S-Sorry,” nangangatal niyang sabi at dali-daling umuklo para pulutin ang nabasag na baso. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nakita niya. Paanong biglang naging bampira si Kristian? Wala namang bampira sa mundo. Sa dinami-dami ng pwede niyang maramdaman o makita nang kamayan niya ang unang lalaking nakakuha ng interes niya ay iyon pa ang mangyayari sa kanya. Nakakahiya. Gumawa pa siya ng eksenda at nakabasag ng bago. Magkano kaya ang babayaran niya sa nabasag na basong iyon?
“Hayaan mo na iyan,” sabi ni Kristian. “Let the servers clean it up.”
Subalit napulot na niya ang piraso ng durog at nagulat siya nang magsalita si Kristian. Namali siya ng hawak at nahiwa siya sa kamay. “Aray!”
Pinigilan nito ang kamay niya at pumalatak. “See? Sabi ko na sa iyo huwag mo nang pulutin,” paninisi nito at muling nagsalubong ang mga mata nila. Hindi niya maialis ang tingin sa malalim na mga mata nito. Pakiramdam niya ay nahipnotismo siya.
Inilapit nito ang labi sa daliri niya at sinimsim ang sugat niya. Isa itong bampira at sisimsimin nito ang dugo sa sugat niya. Baka maubos ang dugo niya. Nang tangkain niyang tumutol ay kinabig siya nito at hinalikan. Hindi simpleng halik lang kundi halik na parang magdadala sa kanya sa ibang mundo.
Napapitlag siya nang may humawak sa balikat niya. “Malaki ba ang sugat mo?”
Si Homer iyon. Parang nagising din siya sa isang panaginip. Hindi sinimsim ni Kristian ang sugat niya at lalong hindi siya hinalikan nito. At lalo namang hindi ito isang bampira. lasing ba siya? Hindi naman siya uminom ng alak. Paano mangyayari iyon?
Hawak pa rin nito ang daliri niya. Kumuha ito ng panyo sa bulsa nito at binalot ang daliri niya. “Who has a first aid kit? Kailangang magamot ang sugat niya para hindi maimpeksiyon.”
“Maliit lang naman ang sugat niya, Kristian. Do you have to bother with that?” maarteng tanong ni Wanda na mukhang naiirita sa atensiyong nakukuha niya. “Hindi siya mamamatay sa sugat na nakuha niya.”
“O-Okay na ako, Sir,” nanginginig niyang sabi at nagpasama kay Chenie sa restroom.
Nang naglakad siya papunta sa restroom ay nakita niya ang pagtataka sa mga mata ni Kristian. Hindi naman siguro nito nababasa ang iniisip niya. Oras na malaman nito kung anong iniisip niya, tiyak na sasabihan nitong nag-iilusyon na siya o nababaliw.
Mananatili na lang niyang sekreto kung anuman ang nakita niya.