Chapter 1: Horseradish

1774 Words
Jihan "Ma, break na kami ni Nicole. Wala na tayong mahihingian ng malunggay," sabi ko kay Mama pagkapasok ko ng kusina. Nadatnan ko si Mama na naghuhugas ng mga plato bago ako lingunin. "Magtigil ka nga sa imahinasyon mo na bata ka. May bagong lipat diyan sa tinirhan nina Aling Maria dati. Humingi ka malunggay do'n," pag-uutos niya sa akin na may kasama pang sigaw bago muling ibalik ang atensiyon sa kaniyang paghuhugas. "Araw-araw na lang tayong nag-uulam ng malunggay, Ma, ah?" Lumapit ako sa ref at saka kumuha ng bote para uminom ng tubig. "Huwag ka ngang magreklamo, Jihan. Wala ka namang naibibigay na pambili ng ulam dito. Wala ka ring pagseseryoso sa buhay mo. Sayang lang ang pagpapaaral sa 'yo ng Papa mo," sabi ni Mama na seryoso lang. Napatigil ako saglit pero kaagad din namang nakabawi. Kahit ilang beses ko nang narinig si Mama na pagsalitaan ako ng gano'n ay manhid pa rin ako. Dito ako masaya, eh. Bakit ba hindi na lang sila maging masaya para sa akin? Hindi ba masaya ang kabataan nila? "Tss. Masiyado ka namang seryoso, Ma. Sige ka. Mawawalan ka ng guwapong anak," pang-aasar ko sa kaniya pero hindi ito natinag at sinamaan pa ako ng tingin bago magsalita. "Humayo ka na nga! Balita ko maganda raw 'yong batang babae na lumipat do'n," sabi ni Mama na tinataboy na ako habang tinuturo pa ng kaniyang hintuturo ang pintuan ng kusina. Ngumisi na lamang ako ng nakakaloko bago sundin ang utos niya. Tanghaling tapat at naglalakad ako papunta sa dating bahay ni Aling Maria. Matagal na itong bakante at walang naninirahan simula nang mamayapa si Aling Maria. Pitong taong gulang palang yata ako, eh, wala nang nakatira dito. Nang makarating ako sa may gate nila ay sinilip ko kaagad ang loob. Mukhang wala naman na tao dahil wala naman itong pinagbago. Multo yata ang nakita ni Mama na lumipat dito. Inayos ko ang aking sarili at saka walang alinlangan na umakyat sa bakod at pumasok sa loob nito para kumuha ng malunggay sa malaking puno. Nagtampo na kasi si Nicole sa akin dahil marami raw akong nilalandi. Bakit siya? Hindi ba siya isa sa mga iyon? Pare-parehas lang naman ang mga babae na easy-to-get. Pipitas pa lang sana ako nang may marinig akong nagsalita mula sa likuran ko. "Hoy! Asungot na kung saan-saan sumusuot. Ano ang ginagawa mo sa loob ng bakuran namin?" Pagsita nito sa akin. Nilingon ko ito at bahagyang nagulat nang may makita akong maliit na babae sa harapan ko. Nakataas ang kaniyang mga kilay habang nakapamaywang pa. "Akala ko duwende," natatawa ko na sabi. Ito na naman ang pagiging bully ko. Kahit saan yata ako magpunta ay baon ko ito. "Ako duwende? Eh, ikaw ano'ng tawag sa 'yo? Magnanakaw?" Ganti naman niyang sabi sa akin. "Hindi ako magnanakaw, ano? Malay ko ba na may tao na rito. Akala ko kasi wala," sabi ko habang nakapamaywang at saka tinapatan ang mga titig niya. Bahagya itong lumayo sa akin at saka muli na namang nagsalita. "Ikaw na nga ang pumasok dito sa loob nang walang pahintulot tapos ikaw pa itong mayabang!" singhal niya habang nakatingala sa akin. "Kung iniisip mo na magso-sorry ako, nagkakamali ka. Balita ko nga may magandang babae raw dito na bagong lipat kaso mukhang duwende pala ang sinasabi nila," natatawa ko na pang-aasar sa babaeng hanggang dibdib ko lamang. Magsasalita pa sana siya habang nag-uusok ang kaniyang dalawang ilong at tainga ngunit may sumulpot na isang ginang sa kaniyang likuran. Hula ko ay kasing edad niya lang din si Mama. Nakangiti ito na lumapit sa akin at saka ako kinausap. "Naku, bagong lipat palang tayo, Angelie pero may kaibigan ka na kaagad," sabi ng ginang. Napangiti ako nang malaman ko ang pangalan ng babaeng maliit. Angelie. "Hindi ko po siya kaibigan, at never na maituturing. He is a bad guy. Isa siyang magnanakaw, Ma. Kaya don't be nice to him," mataray na sabi nitong bulilit na 'to habang nage-english pa. Ang liit-liit na parang langgam pero mukhang dinosaur kung magsungit. Akala ko ay pagagalitan ako ng ginang dahil sa ginawa ko pero hindi ko inaasahan na kukurutin niya nang mahina si Angelie sa tagiliran nito bago ito pagsalitaan. "Ikaw ang maging nice. Ang ganda pa naman ng pangalan mo pero demonyita ka," sabi ng Mama niya kaya hindi ko napigilan ang hindi matawa. "Mama!" Pikon na sabi ni Angelie sa kaniyang Ina at saka binigyan ako ng isang kahindik-hindik at kakila-kilabot na tingin. Asa namang matakot ako sa kaniya. Baka nga kapag inaya ko siyang mag bunong braso, eh, mabali ko pa ang maliit niyang kamay. "Hijo, huwag mo nang pansinin itong anak ko. Ilang malunggay ba ang kailangan mo? Kuha ka lang," nakangiti na sabi ng ginang. Lumapit ito sa akin at siya na mismo ang nagpitas para sa akin. "Oo nga po, eh. Ang sungit-sungit. Manghihingi lang ako ng malunggay pero ayaw pa mamigay. Mabuti pa po kayo. Bakit hindi po ba nagmana itong si Angelie sa inyo?" Pagkausap ko sa ginang habang kinukuha ang mga pinipitas niyang malunggay. "Hoy, lalaking mushroom. Hindi ka nanghingi kasi gusto mo manguha ng walang paalam. Saka huwag mo nga akong tawagin sa pangalan. We're not close," naka-crossed arms na sabi ni Angelie sa akin kasabay ng kaniyang pag-irap. "Okay, eh, 'di hindi, duwende," tugon ko sa kaniya. Narinig kong napatawa ang ginang bago ibigay sa akin ang huling malunggay na pinitas niya. "Kayo talaga na mga bata kayo. Sige na, hijo. Umuwi ka na sa inyo at baka malipasan pa kayo ng tanghalian," nakangiti na sabi ng ginang sa akin. Ngumiti rin ako sa kaniya bago sulyapan ang namumula na sa galit na si Angelie "Thank you rin po. Sa uulitin," nakangiti kong sabi. Umalis ako ro'n na may ngiti sa mga labi. May bago na naman kaming kapitbahay. Ibig sabihin, may bago na namang source ng malunggay. Nang makarating ako sa bahay ay kaagad akong dumiretso sa kusina para ibigay kay Mama ang malunggay. "Bakit ang tagal mo naman? At saka, wow! Ang lalaki ng dahon nito, ah? Mas maganda ang malunggay nila kaysa kina Nicole na ex-girlfriend mo kuno," sabi ni Mama habang hinahanda ang malunggay. "Kinausap ako ng ginang. Nagwapuhan sa akin, eh," sabi ko sa kaniya at tinulungan na siyang maghimay ng malunggay. "Gano'n ba? Sabagay 'yan lang naman ang mayroon ka. Sana nga at utak na lang, eh, jusko kang bata ka!" sabi ni Mama habang seryoso pa rin sa paghihimay. Natawa na lang ako nang bahagya at saka nagpasyang tulungan siyang magluto ng tinola. Nang matapos kaming magluto ay naghanda na kami sa lamesa para kumain. "Tawagin mo na ang Papa mo," sabi ni Mama na nagsasandok ng ulam. Wala akong imik na umakyat sa taas at saka kinatok si Papa sa kuwarto nila ni Mama. Day off niya ngayon kaya nagpapahinga lang siya sa kanilang kuwarto. Kumatok ako ng tatlong beses bago magsalita. "Pa, kakain na raw," sabi ko bago umalis at bumaba ng hagdan. Ilang sandali lang ay sumunod na rin siya at halatang bagong gising pa ito. "Malunggay na naman?" tanong ni Papa nang makita ang ulam na nakahain sa lamesa. "Huwag na kayong magreklamo. At kumain na lang. Aba'y masustansya kaya iyan," sabi ni Mama bago naupo sa upuan. Magsasandok na sana ako ng kanin pero pinitik ni Mama ang likod ng palad ko. "Mamaya ka na kumain. Mamigay ka ng ulam do'n sa bagong lipat, bilang pasasalamat sa malunggay," utos ni Mama sa akin. Napanguso na lang ako dahil kain na kain pa naman na ako tapos uutusan pa. Ano ba iyan! Tumayo ako at saka pumunta sa kusina para kuhain ang plato na nilagyan ng mangkok na puno ng ulam naming tinola. Sandali kong tiniis ang gutom at ang init ng panahon habang bitbit din ang mainit na ulam. Tagaktak ang pawis ko na sinisipa ang gate nila dahil may hawak ang dalawa kong kamay. "Ate! Ate! Ate!" Paulit-ulit na sigaw ko mula sa labas. Ilang sandali pa ay lumabas si Angelie na duwende at saka masama ang pagkakatitig sa akin. Nakita ko pa na ngumunguya ito at mukhang na-istorbo ko pa yata ang tanghalian niya. Masungit itong lumapit sa akin at saka binuksan ang gate. "Ano iyan?" Masungit na tanong niya. Imbis na sagutin siya ay inabot ko na lamang sa kaniya ang hawak ko bago magsalita. "Daming satsat. Gutom na ako, eh," sabi ko at saka mabilis na umalis sa tapat ng bahay nila. Narinig ko pa itong nag-thank you pero sarkastiko. Pagkabalik ko sa bahay ay nadatnan ko na silang kumakain na kaya nakisalo na rin ako sa kanila. "Kumain kayo ng mga gulay. Dahil iyan ang mga masustansyang pagkain. Huwag niyong sanayin kumain ng mga karne o frozen foods dahil nakakasama 'yan sa kalusugan," pangaral ni Mama sa aming dalawa ni Papa. Parehas kasi kami ni Papa na mahilig sa karne pero sinasanay kami ni Mama kumain palagi ng gulay. "Ikaw naman, Jihan. Masustansiya nga ang kinakain mo pero wala namang laman ang utak mo. Ilang buwan na lang at magpapasukan na ulit. Ano na ba ang plano mo sa buhay?" sabi ni Mama matapos niyang nguyain ang kinain. 'Yong feeling na tahimik lang naman ako sa sulok pero napapansin pa rin. "Ang mag-asawa," maikling tugon ko sa kaniya. Sapat lang para asarin ko na naman siya. "Ikaw talaga. Napakapilyo mo. Hindi madali ang pag-aasawa. Hindi ka makakahanap ng matinong babae kung ganiyan ka," sabi ni Mama sa akin. "Wala naman sa matino iyan. Kung may tatanggap at may magmamahal sa playboy mo na anak. Mayroon iyan," sabi naman ni Papa. Sa lahat talaga ng bagay ay siya ang kakampi ko at ang kalaban naman ni Mama pagdating sa pagdidisiplina sa akin. "Hay, ito na naman tayo. Like father like son. Sabagay, kung wala, eh, 'di wala," pagsuko na lamang ni Mama. Ganiyan palagi siya. Hindi siya katulad ng ibang Nanay na ipagpipilitan ang gusto nila. Siya basta masabi niya lang ang gusto niya ay okay na. Marinig niya lang ang opiniyon ng iba ay okay na rin basta ba hindi siya nakikipag-away. Pero kahit palagi kong kakampi si Papa. Palagi pa rin siyang may binibitiwan na salita. "Puwede mong gawin ang mga bagay na gusto mo. Dahil choice mo iyan. At nandito lang kami ng Mama mo para mag-advice sa 'yo. Alam mo naman ang tama at saka mali, anak. Balang araw ay maiintindihan mo rin ang Mama mo kapag nahanap mo na ang babaeng makakapagpabaliw sa 'yo nang husto," sabi ni Papa. Kailangan ko na ba talagang baguhin ang sarili ko? Bata pa naman ako, eh. Saka na siguro kapag nasa trenta na ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD