Floreza POV
"FLOREZA!"
Nilingon ko si Ate Stacey na tinatawag ako. Lumapit sya sa amin ni Buknoy at nakisilip din sa labas ng bakod. Wala na sila sister at ang mga bisita. Pumasok na sila sa loob.
"Ano ginagawa nyo dyan?" Tanong ni Ate Stacey.
"May dumating na mga bisita ate, mag aampon yata ulet." Sabi ko.
"Oo nga no. Mukhang mayaman, ah. Ang gaganda ng sasakyan."
"Oo nga ate, ang swerte ng aampunin nila." Sambit ko.
"Sana ako ang ampunin nila." Sabi naman ni Buknoy.
"Kapag ikaw ang inampon nila, ibabalik ka rin nila dito kapag nalamang matakaw ka. Baka kasi maghirap sila." Pang aasar ko kay Buknoy. Nagtawanan naman ang mga kasama naming bata.
"Nagsalita ang hindi matakaw. Eh mas matakaw ka pa nga kesa sa akin. Lagi kang nahuhuling matapos kumain dahil inuubos pa yung tira ng Ate Stacey mo." Balik pang aasar sa akin ni Buknoy at lalo namang lumakas ang tawanan ng mga kasama naming bata.
"Hahaha matakaw si Floreza."
"Kaya tumataba."
"At laging napapagalitan ni Sister Cynthia."
Napanguso na lang ako habang inaasar ako ng mga kapwa ko bata. Akala mo naman sila hindi matatakaw.
"Tumigil na kayo. Huwag nyo nang asarin ang kapatid ko. Kapag umiyak yan lagot kayo sa akin." Banta ni Ate Stacey kanila Buknoy.
"Sya nauna, eh." Nakangusong sabi ni Buknoy.
Hinila na ako sa kamay ni Ate Stacey palayo kanila Buknoy.
"Maligo ka na at amoy paksiw ka na." Ani Ate Stacey.
Inamoy ko naman ang sarili at napangiwi. Maasim na nga ako. Buti pa si Ate Stacey kahit hindi pa naliligo hindi maasim.
"Stacey." Tawag ni Sister Cynthia.
Lumapit kami ni Ate Stacey sa kanya.
"Bakit po sister?" Tanong ni Ate Stacey.
"Sumama ka sa akin. May gustong kumausap sayo sa office."
Nagtinginan kami ni Ate Stacey.
"Ako lang po sister?"
"Oo, ikaw lang."
"Sama po ako Sister Cynthia." Sabat ko.
"Hindi. Dito ka lang. Si Stacey lang ang kailangan doon. Halika ka na Stacey." Tumalikod na si Sister Cynthia.
Bumaling sa akin si Ate Stacey. "Siguradong sandali lang ako doon."
Ngumuso ako. "Baka aampunin ka ng mga bisita, ate."
"Sasama lang ako sa kanila kapag kasama ka. Sige na, mauna ka nang maligo." Tumalikod na si Ate Stacey at sumunod kay Sister Cynthia.
Naiwan naman akong kakamot kamot sa ulo at naglakad na papunta sa kwarto namin.
.
.
Third POV
Pagpasok ni Stacey sa opisina ni Mother Superior Esmeralda ay nakita nya ang dalawang lalaking bisita na nakaupo sa sofa. Ang isa ay may edad na at may suot na salamin. Ang isa naman ay matangkad na gwapong lalaki na mukhang masungit. Abala ito sa mga hawak na papel at mga pictures. Parang pamilyar ang lalaking ito sa kanya.
"Mother superior narito na po si Stacey." Untag ni Sister Cynthia sa superyora.
Nag angat naman ng tingin ang lahat ng tao sa loob ng opisina at tumingin sa kanya. Ang lalaking mukhang masungit ay tumayo at lumapit sa kanya. Titig na titig ito at naluluha pa. Ngumiti ito at bahagyang umiskwat.
"Stacey.. my niece. Oh god. Finally, nakita na rin kita."
Niyakap ng matangkad na lalaki si Stacey at umiyak pa ito. Nalilito namang tumingin si Stacey kay Sister Cynthia at superyora na mga nakangiti naman sa kanya. Hindi nya kilala ang lalaki pero parang pamilyar ito sa kanya.
Kumalas na sa yakap ang lalaki at tumitig ulit sa kanya. Hinawakan pa nito ang kanyang mukha at hinaplos ang kanyang buhok.
"Ang laki laki mo na. You're twelve years old now, right?"
"Opo. Sino po ba kayo?" Tanong ni Stacey sa lalaki.
Mahina naman itong tumawa. "Hindi mo na nga ako natatandaan dahil three years old ka pa lang nang mawalay sa amin at kunin ng mga hayop na yun."
Lalong nalito si Stacey sa sinasabi ng lalaki.
"I'm your Uncle Remus, baby. Kapatid ako ng daddy mo."
Kumunot ang noo ni Stacey. "Daddy? Sino pong daddy?"
"Ang Daddy Ramil mo. Pero wala na sya pati ang mommy dahil pinatay sila ng mga hayup na dumukot sayo."
"Hindi ko po alam ang sinasabi nyo, sir. May tatay at nanay po ako. Si Tatay Celso at Nanay Digna. Pero patay na rin po sila kasama ng Tiyo Ceasar ko dahil nahulog sa bangin ang jeep namin. Kami lang po nang kapatid ko ang nakaligtas."
Tumigas ang mukha ng lalaki at naging galit ang bukas ng mukha. Nakaramdam naman ng takot si Stacey.
"Mr. Gallardo, sa tingin ko ay kailangan muna nating makasiguro na sya nga ang inyong nawawalang pamangkin." Singit ng may edad na lalaki.
"Hindi mo ba nakikita Atty. Castro? Kamukhang kamukha sya ni Kuya Ramil. At ang sabi ni sister ay may balat sya sa likod sa bandang kaliwa na hugis bulaklak." Sabi pa ng lalaki na nagpakilalang uncle nya.
"Sya nga po, mister. May balat po sya sa likod na hugis bulaklak." Pag sang ayon ni Sister Cynthia.
Tumingin ang lalaki kay Stacey. "Can I see it?"
Tumingin si Stacey kay Sister Cynthia at sa superyora. Tumango naman ang mga ito sa kanya. Kaya tumalikod sya para ipakita sa lalaki ang kanyang balat sa likuran na laging sinasabi noon ni Floreza na libag daw.
Nilislis pataas ng lalaki ang kanyang damit sa likuran.
"You are really my niece." Binaba na nang lalaki ang damit nya at humarap sya dito. Titig na titig na naman ito sa kanya.
"But I suggest na mag undergo pa rin sya sa dna test Mr. Gallardo. Para one hundred percent tayong sigurado."
"I know I know Atty. Castro. Tawagan mo si Doctor Gonzaga at papuntahin dito sa orphanage ngayon din."
"Yes, Mr. Gallardo."
Ngumiti ang lalaki kay Stacey at hinaplos ang kanyang buhok. "Ang tagal kitang hinanap, baby. Halos mawalan na ako ng pag asa na makita ka. Pero hindi ako sumuko dahil nangako ako sa daddy mo. At ngayong nakita na kita, iuuwi na kita sa bahay."
"Iuuwi? Ibig nyo po bang sabihin ay aampunin nyo po ako?"
"No, I am your uncle. Sa akin ka hinabilan ng daddy mo. Iuuwi kita sa bahay ko at doon ka na titira. Ako na ang mag aalaga sayo."
"Isasama po natin si Floreza?"
Kumunot ang noo ng lalaki. "Who's Floreza?"
"Kapatid ko po."
"No, baby. Wala kang kapatid. Nag iisang anak ka lang ng daddy at mommy mo."
"Hindi po, may kapatid po ako. Di ba sister?" Bumaling si Stacey kay Sister Cynthia.
"Ah opo mister, may kapatid po si Stacey na mas bata sa kanya. Kasama din po nya dito sa orphanage."
Tumayo ang lalaki at humarap kay Sister Cynthia at Mother Superior Esmeralda. "Nag iisang anak lang ng kapatid ko at ng hipag ko si Stacey. Hindi na sila nagkaroong iba pang anak."
"Pero dalawa silang magkapatid na dinala dito ng mga otoridad isang taon na ang nakakaraan." Wika ng mother superior.
"Gaya nang pinaliwanag namin sa inyo ni attorney, dinukot ng mga rebelde ang pamangkin ko siyam na taon na ang nakakaraan. Nanghingi sila ng ransom. Binigay naman yun ng kapatid ko at nang hipag ko at sila ang nakipagkita sa mga rebelde. Pero sa kasamaang palad ay nasawi silang mag asawa at hindi nabawi ang pamangkin ko. Natangay pa nila ang malaking halaga. Kung sino man ang batang kasama nya ay hindi namin kilala."
"Kapatid ko po sya. Anak po sya ni Tatay Celso at Nanay Digna." Sabat ni Stacey.
Bumaling sa kanya ang lalaki. "Siguro ay anak ang batang yun ng mag asawang rebelde na kumupkop sa kanya at nakilala na rin nyang kapatid."
Nagtinginan si Sister Cynthia at Mother Superior Esmeralda.
.
.
Floreza POV
"TALAGA ate? Dumating ang uncle mo?" Namimilog ang matang tanong ko.
"Oo, sya yung bisitang mayaman na sakay ng magagarang sasakyan kanina. Umalis na sya, pero babalik sya. Kukunin nya ako."
"Kukunin ka nya? Aampunin ka nya?"
"Parang ganun na nga. Ang sabi nya sya na ang mag aalaga sa akin dahil uncle ko sya. Kapatid daw sya ng daddy ko."
Kumunot ang noo ko. "Daddy? Ibig sabihin ng daddy, tatay di ba? Ibig sabihin kapatid sya ni tatay?"
"Hindi. Ibang daddy ko daw, yung tunay kong daddy. Dinukot daw ako sa tunay kong daddy at mommy noong bata pa. Ngayong nakita na nya ako, kukunin na nya ako at iuuwi sa bahay nya."
Naguguluhan sya sinabi ni Ate Stacey pero mas nalulungkot sya. "Iiwan mo na ako dito? Ang sabi mo hindi mo ko iiwan." Nagtatampong sabi ko.
"Sinong may sabing iiwan kita? Syempre hindi kita iiwan. Isasama kita."
Namilog muli ang mata ko. "Talaga?"
"Oo, saka di ako papayag na hindi ka kasama. Kung nasaan ako, nandun ka."
"Pero baka hindi pumayag si uncle mo. Baka kagaya din sya ng mga dating gustong umampon sayo na ayaw sa akin." Nakangusong sabi ko.
"Kakausapin ko sya pagbalik nya. Mukha naman syang mabait eh. Kapag hindi sya pumayag, eh di hindi ako sasama sa kanya."
Ngumiti na ako. "Thank you, ate. Sana pumayag sya."
"Sana nga, para magkasama tayo."
Yumakap ako kay Ate Stacey. Malulungkot talaga ako kapag umalis sya dito sa orphanage na hindi ako kasama. Baka tumakas ako.
*****